Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Isinasaalang-alang Niya ang Ating mga Limitasyon

Isinasaalang-alang Niya ang Ating mga Limitasyon

Levitico 5:2-11

“TALAGANG nagsisikap ako, pero parang kulang pa rin.” Iyan ang sinabi ng isang babae tungkol sa kaniyang pagsisikap na palugdan ang Diyos. Tinatanggap ba ng Diyos na Jehova kung ano ang buong makakaya ng kaniyang mga mananamba? Isinasaalang-alang ba niya ang kanilang mga kakayahan at kalagayan? Upang masagot ang mga tanong na iyan, isaalang-alang natin ang sinasabi sa Kautusang Mosaiko hinggil sa ilang mga handog, gaya ng mababasa sa Levitico 5:2-11.

Sa ilalim ng Kautusan, hinihiling ng Diyos ang iba’t ibang hain, o handog, para sa pagbabayad-sala. Sa mga situwasyong binanggit sa tekstong ito, ang indibiduwal ay nagkasala nang hindi sinasadya. (Talata 2-4) Kapag nalaman niya ito, kailangan niyang ipagtapat ang kaniyang kasalanan at maghahandog siya ukol sa kasalanan​—“isang babaing kordero o isang babaing anak ng kambing.” (Talata 5, 6) Paano kung mahirap siya at wala siyang maihahandog na kordero o kambing? Hinihiling ba ng Kautusan na mangutang siya ng hayop? Kailangan ba niyang magtrabaho hanggang makabili siya ng isa, anupat maaantala ang kaniyang pagbabayad-sala?

Ganito ang sinasabi ng Kautusan na nagpapakita ng maibiging konsiderasyon ni Jehova: “Ngunit kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat para sa isang tupa, kung gayon ay dadalhin niya kay Jehova bilang kaniyang handog ukol sa pagkakasala dahil sa kasalanan na nagawa niya ang dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati.” (Talata 7) Kaya kung napakahirap ng isang Israelita, malulugod ang Diyos na tanggapin kung ano ang kaya niyang ibigay.

Paano kung hindi pa rin kaya ng isang tao kahit ang dalawang ibon? “Kung gayon ay dadalhin niya bilang kaniyang handog dahil sa kasalanan na nagawa niya ang ikasampu ng isang epa [walo o siyam na tasa] ng mainam na harina bilang handog ukol sa kasalanan,” ang sabi ng Kautusan. (Talata 11) Para sa napakahirap, nagbigay si Jehova ng eksepsiyon at pinapayagan ang paghahandog ng walang dugo. * Sa Israel, hindi dahilan ang pagiging mahirap para hindi makapaghandog ng pambayad-sala o makipagpayapaan sa Diyos.

Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa kautusan hinggil sa mga handog ukol sa pagkakasala? Siya ay isang mahabagin at maunawaing Diyos na isinasaalang-alang ang mga limitasyon ng kaniyang mga mananamba. (Awit 103:14) Gusto niyang maging malapít tayo sa kaniya at magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniya kahit na mahirap ang ating kalagayan, gaya ng pagtanda, mahinang kalusugan, obligasyon sa pamilya o sa iba pa. Maaaliw tayong malaman na nalulugod ang Diyos na Jehova kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya.

[Talababa]

^ par. 4 Ang halaga ng pagbabayad-sala ng hayop na inihahandog ay nasa dugo nito, na itinuturing ng Diyos na sagrado. (Levitico 17:11) Nangangahulugan ba ito na walang halaga ang mga handog na harina ng mahihirap? Hindi. Tiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang kusang-loob na mga handog ng mga mapagpakumbaba. Isa pa, ang mga kasalanan ng buong bayan​—pati ng mahihirap​—ay napagtatakpan ng dugo ng mga hayop na inihahandog sa Diyos sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala.​—Levitico 16:29, 30.