Panahon Na Para Pumili
Panahon Na Para Pumili
“Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.”—Genesis 1:27.
INILALARAWAN ng pamilyar na mga salitang iyon sa mga unang pahina ng Bibliya ang isa sa pinakadakilang bagay na ‘ginawa ng Diyos na maganda sa kapanahunan nito’—ang paglalang sa unang sakdal na mga tao, sina Adan at Eva. (Eclesiastes 3:11) Bilang kanilang Maylalang, sinabi ng Diyos na Jehova sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 1:28.
Sa mga salitang ito ng Diyos sa unang mag-asawa, ipinaalam niya sa kanila ang kaniyang layunin. Sila ay magpapakarami at pangangalagaan nila ang lupa. Gagawin nilang paraiso ang buong lupa na magiging tahanan nila at ng kanilang mga anak. Hindi itinakda ng Diyos kung kailan sila mamamatay. Sa halip, nangako ang Diyos ng isang bagay na kamangha-mangha. Kung pipiliin nila ang tama at mananatili silang kaisa ng Diyos, maaari silang mabuhay sa sakdal na kapayapaan at kaligayahan magpakailanman.
Job 14:1) Bakit nagkaganito?
Nakalulungkot, mali ang pinili nila. Dahil dito, ang lahat ng tao ay tumatanda at namamatay. Sa katunayan, inamin ng patriyarkang si Job: “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.” (“Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala,” ang paliwanag ng Bibliya. (Roma 5:12) Sabihin pa, ang “isang tao” na iyon ay si Adan, na piniling sumuway sa simple at maliwanag na utos ng Diyos. (Genesis 2:17) Dahil sa kaniyang pinili, naiwala ni Adan ang pagkakataon niyang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Naiwala rin niya para sa kaniyang mga anak ang isang napakahalagang pamana at naipasa sa kanila ang hatol na kasalanan at kamatayan. Parang wala nang pag-asang maibalik pa ang naiwala niya—o gayon nga ba?
Isang Panahon ng Pagbabago
Pagkalipas ng libu-libong taon, ang salmista ay kinasihang sumulat: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Bilang katiyakan na matutupad ang ipinangako ng Diyos sa Eden, maganda ang pagkakalarawan ng Salita ng Diyos hinggil sa malapit na niyang gawin: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Pagkatapos ay sinabi mismo ng Diyos: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:4, 5.
Yamang may itinakdang panahon para sa lahat ng bagay, ang tanong na bumabangon ay, Kailan mangyayari ang panahong iyon ng pagbabago, upang matupad ang kamangha-manghang mga pangako ng Diyos? Sinisikap ng mga tagapaglathala ng magasing ito, ang mga Saksi ni Jehova, na ipaalam sa mga tao na nabubuhay na tayo sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw” at na malapit na ang panahon para kumilos ang Diyos upang ‘gawing bago ang lahat ng bagay.’ (2 Timoteo 3:1) Pinasisigla ka naming suriin ang Bibliya at pag-aralan ang kamangha-manghang pag-asa na maaaring mapasaiyo. Hinihimok ka rin namin na tanggapin ang paanyayang ito: “Hanapin ninyo si Jehova samantalang siya ay masusumpungan. Tumawag kayo sa kaniya samantalang siya ay malapit.” (Isaias 55:6) Ang iyong pag-asang mabuhay magpakailanman ay nakasalalay hindi sa tadhana kundi sa iyo mismong mga kamay!
[Blurb sa pahina 8]
“Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay”