Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus

Tungkol sa mga Panalanging Pinakikinggan ng Diyos

Tungkol sa mga Panalanging Pinakikinggan ng Diyos

Laging humahanap si Jesus ng isang lugar kung saan maaari siyang mapag-isa upang manalangin, at iminumungkahi niyang gawin din ito ng kaniyang mga tagasunod. Sinasabi ng Bibliya: “Siya nga ay nasa isang dako at nananalangin, nang tumigil siya, isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi sa kaniya: ‘Panginoon, turuan mo kaming manalangin’ . . . Sinabi niya sa kanila: ‘Kailanma’t mananalangin kayo, sabihin ninyo, “Ama, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”’” (Lucas 5:16; 11:1, 2) Sa gayon, ipinakita ni Jesus na dapat lamang tayong manalangin sa kaniyang Ama, kay Jehova. Siya lamang ang ating Maylalang at ang “Dumirinig ng panalangin.”​—Awit 65:2.

Nakalulugod ba sa Diyos ang lahat ng panalangin?

Hindi nakalulugod sa Diyos ang paulit-ulit at sauladong mga panalangin. Sinabi ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit.” (Mateo 6:7) Dapat tayong makipag-usap sa ating Ama sa langit mula sa puso. Minsan, idiniin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ang mga panalangin ng isang taong makasalanan na taimtim na nagnanais magbago ay mas kalugud-lugod sa Diyos kaysa sa mga panalangin ng isang taong maingat na sumusunod sa relihiyosong mga tradisyon pero mapagmapuri naman. (Lucas 18:10-14) Kaya upang pakinggan ang ating mga panalangin, dapat na mapagpakumbaba nating gawin kung ano ang sinasabi sa atin ng Diyos. Maging si Jesus ay nagsabi: “Kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko . . . Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.” (Juan 8:28, 29) Sinabi ni Jesus sa panalangin: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.”​—Lucas 22:42.

Ano ang dapat nating ipanalangin?

Yamang siniraang-puri ang pangalan ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’” (Mateo 6:9, 10) Dapat nating ipanalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos sapagkat ito ang pamahalaang gagamitin ng Diyos upang isakatuparan ang kaniyang kalooban sa langit at sa lupa. Sinabi ni Jesus na maaari din nating hilingin sa panalangin ang ‘ating tinapay para sa araw na ito.’ Maaari din nating hilingin kay Jehova ang mga bagay na may kinalaman sa trabaho, tirahan, pananamit, kalusugan, at iba pang ikinababahala natin. Karagdagan pa, sinabi ni Jesus na dapat tayong manalangin para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.​—Lucas 11:3, 4.

Dapat ba nating ipanalangin ang iba?

Ipinanalangin ni Jesus ang iba. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Dinala sa kaniya ang mga bata, upang maipatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at makapaghandog siya ng panalangin.” (Mateo 19:13) Sinabi ni Jesus kay apostol Pedro: “Nagsumamo na ako para sa iyo na ang iyong pananampalataya ay huwag manghina.” (Lucas 22:32) Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang iba, kahit na ang mga nang-uusig at nang-iinsulto sa kanila.​—Mateo 5:44; Lucas 6:28.

Bakit tayo dapat magmatiyaga sa pananalangin?

Si Jesus ay naglaan ng panahon para manalangin, at pinatibay niya ang kaniyang mga tagasunod na “lagi silang manalangin at huwag manghimagod.” (Lucas 18:1) Inaanyayahan tayo ni Jehova na ipakita ang ating pagtitiwala sa kaniya sa pamamagitan ng laging pakikipag-usap sa kaniya tungkol sa mga bagay na ikinababahala natin. “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo,” ang sabi ni Jesus. Pero hindi ibig sabihin nito na atubili si Jehova na sagutin ang panalangin ng mga umiibig at gumagalang sa kaniya bilang Ama. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”​—Lucas 11:5-13.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 17 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *

[Talababa]

^ par. 12 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.