Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Ano ang nag-udyok sa isang babae na dating ismagler ng mga diamante at nagnanakaw sa kaniyang amo na maging tapat na manggagawa? Paano nagkaroon ng layunin sa buhay ang isang babae na dalawang beses nang nagtangkang magpakamatay? Ano ang nakatulong sa isang nag-aabuso sa alak at droga na magkaroon ng lakas upang iwan ang kaniyang nakapipinsalang pagkasugapa? Isaalang-alang kung ano ang kanilang sinabi.
MAIKLING TALAMBUHAY
PANGALAN: MARGARET DEBRUYN
EDAD: 45
BANSA: BOTSWANA
DATING ISMAGLER AT MAGNANAKAW
ANG AKING NAKARAAN: Ang tatay ko ay dating taga-Alemanya ngunit naging mamamayan ng Timog-Kanlurang Aprika (Namibia ngayon). Ang nanay ko naman ay taga-Botswana, mula sa tribo ng Mangologa. Ipinanganak ako sa Gobabis, Namibia.
Noong dekada ng 1970, kontrolado ng pamahalaan ng Timog Aprika ang Namibia at mahigpit na ipinatutupad ang apartheid o ang batas na hindi maaaring pagsamahin ang mga puti sa itim sa lahat ng bayan at nayon. Dahil magkaiba ang lahi ng aking mga magulang, hinimok silang maghiwalay. Kaya ang nanay ko ay bumalik sa Ghansi, Botswana, kasama kaming magkakapatid.
Noong 1979, lumipat ako sa Lobatse, Botswana, at nanirahang kasama ng mga magulang na umampon sa akin habang tinatapos ko ang aking pag-aaral. Nang maglaon, nakapagtrabaho ako bilang klerk sa isang talyer ng kotse. Lumaki akong naniniwala na hindi naglalaan ang Diyos ng mga pangangailangan ng tao, kaya dapat mong gawin ang anumang kailangan mong gawin—tama man ito o mali—upang paglaanan ang iyong sarili at ang iyong pamilya.
Yamang may magandang posisyon ako sa trabaho, sinamantala ko ito para nakawan ng mga piyesa ang aking amo. Kapag may dumaraang tren sa bayan sa gabi, kami ng mga kasama ko ay sumasakay rito at nagnanakaw ng anumang makita namin. Nasangkot din ako sa pagpupuslit ng mga diamante, ginto, at tanso. Nagsimula akong mag-abuso sa droga, naging napakarahas ko, at marami akong naging boyfriend.
Pagkatapos, noong 1993, nahuli akong nagnanakaw kaya nasesante ako. Iniwan ako ng aking “mga kaibigan” kasi natatakot sila na baka mahuli rin sila. Napakasakit sa akin nang iwan nila ako, kaya mula noon ay hindi na ako nagtiwala kaninuman.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong 1994, nakilala ko sina Tim at Virginia,
dalawang Saksi ni Jehova na mga misyonero. Kinausap nila ako sa aking bagong pinagtatrabahuhan. Tinulungan nila akong matuto tungkol sa Bibliya sa panahon ng aking tanghalian. Nang maglaon, nang sa tingin ko’y mapagkakatiwalaan ko sila, pinapunta ko sila sa aking bahay upang turuan ako sa Bibliya.Di-nagtagal, natanto ko na kung nais kong palugdan ang Diyos, kailangan kong baguhin ang istilo ng aking pamumuhay. Halimbawa, natutuhan ko mula sa 1 Corinto 6:9, 10 na “hindi ang mga mapakiapid, . . . ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Isa-isa ko nang inihinto ang aking bisyo. Hindi na ako nagnakaw. Hindi na ako nakisama sa mga kababata kong mga gangster. Pagkatapos, sa tulong ni Jehova, hiniwalayan ko na ang aking mga boyfriend.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Dahil nagsikap ako nang husto, natutuhan kong kontrolin ang aking galit at huwag bulyawan ang aking mga anak kapag nagkakamali sila. (Efeso 4:31) Sinisikap kong ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa mapayapang paraan. Maganda ang naging resulta nito, at naging mas malapít kami sa isa’t isa bilang pamilya.
Natuto ring magtiwala sa akin ang dati kong mga kaibigan, at maging ang mga kapitbahay ko. Naging tapat at mapagkakatiwalaang empleado na ako na maaaring humawak ng mga suplay at pera nang buong katapatan. Kaya nasusuportahan ko ang aking sarili habang ginugugol ko ang marami sa aking panahon upang tulungan ang iba na matuto tungkol sa Bibliya. Taos-puso akong sumasang-ayon sa pananalita sa Kawikaan 10:22: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”
MAIKLING TALAMBUHAY
PANGALAN: GLORIA ELIZARRARÁS DE CHOPERENA
EDAD: 37
BANSA: MEXICO
DATING NAGTANGKANG MAGPAKAMATAY
ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa isang maunlad na lugar ng Naucalpan, Estado ng Mexico. Mula sa pagkabata, napakarebelde ko at mahilig akong magpunta sa mga parti. Nagsimula akong manigarilyo sa edad na 12, uminom ng alak sa edad na 14, at magdroga sa edad na 16. Pagkalipas ng ilang taon, nagsarili na ako. Karamihan sa mga kaibigan ko ay mula sa magulong pamilya, pisikal o berbal na inabuso. Parang walang kapag-a-pag-asa ang buhay ko anupat dalawang beses akong nagtangkang magpakamatay.
Nang ako’y 19 anyos, nagsimula akong magtrabaho bilang isang modelo. Dahil sa trabaho kong ito, nakasama ko ang mga pulitiko, artista, at mang-aawit. Nang maglaon, nag-asawa ako at nagkaanak, pero ako ang gumagawa ng lahat ng desisyon sa aking pamilya. Patuloy rin ako sa paninigarilyo at pag-inom ng alak, at halos lagi akong nasa sosyal na mga pagtitipon. Madalas akong magmura, at mahilig akong magkuwento ng malalaswang biro. Madali ring mag-init ang ulo ko.
Karamihan ng mga taong pinipili kong makasama ay katulad ko rin ang istilo ng pamumuhay. Para sa kanila, waring nasa akin na ang lahat ng bagay. Pero malungkot at walang layunin ang buhay ko.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong 1998. Tinuruan ako
ng Bibliya na ang buhay ay may layunin. Natutuhan ko na layunin ng Diyos na Jehova na isauli ang lupa sa Paraisong kalagayan, na bubuhayin niyang muli ang mga patay, at na maaari akong mabuhay sa ilalim ng gayong mga kalagayan sa hinaharap.Natutuhan ko rin na ang paraan upang ipakitang iniibig ko ang Diyos ay ang sundin siya. (1 Juan 5:3) Mahirap ito sa simula, kasi nasanay ako na laging ako ang nasusunod. Pero nang maglaon, kinilala ko na hindi ko kayang patnubayan ang aking buhay sa ganang sarili ko. (Jeremias 10:23) Nanalangin ako kay Jehova na patnubayan niya ako. Hiniling ko na tulungan niya akong iayon ang aking buhay sa kaniyang mga pamantayan at turuan ang aking mga anak na huwag tularan ang buhay ko noon.
Hirap na hirap akong gawin ang kinakailangang mga pagbabago, ngunit ikinapit ko ang payo sa Efeso 4:22-24: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi . . . at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” Para sa akin, ang pagbibihis ng bagong personalidad ay nangangahulugan ng paghinto sa maruruming bisyo gaya ng paninigarilyo, at kailangan kong matuto ng bagong bokabularyo, isa na walang mahahalay na pananalita. Halos inabot ako ng tatlong taon para gawin ang kinakailangang mga pagbabagong ito upang mabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.
Karagdagan pa, sineryoso ko ang aking pananagutan bilang asawang babae at ina. Ikinapit ko ang payo sa 1 Pedro 3:1, 2: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.”
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Labis akong nagpapasalamat kay Jehova dahil alam ko na ngayon na may layunin ang buhay. Nadarama kong mas mabuting tao ako ngayon at napapalaki ko ang aking mga anak sa mas mabuting paraan. Paminsan-minsan, binabagabag ako ng aking budhi dahil sa mga ginawa ko noon, pero alam ni Jehova ang laman ng aking puso. (1 Juan 3:19, 20) Walang alinlangan, ang pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya ay nagsanggalang sa akin sa panganib at nagdulot sa akin ng panloob na kapayapaan.
MAIKLING TALAMBUHAY
PANGALAN: JAILSON CORREA DE OLIVEIRA
EDAD: 33
BANSA: BRAZIL
DATING NAG-AABUSO SA ALAK AT DROGA
ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa Baģe, isang lunsod sa Brazil na malapit sa hanggahan ng Brazil at Uruguay, at may populasyon na mga 100,000. Agrikultura at bakahan ang pangunahing industriya. Lumaki ako sa mahirap na lugar kung saan ang mga gang ay naghahasik ng karahasan, at karaniwan na sa mga kabataan ang pag-abuso sa alak at droga.
Nang huminto ako sa pag-aaral, nagsimula akong uminom ng alak, humitit ng marijuana, at makinig ng musikang heavy-metal. Hindi ako naniniwala sa Diyos. Iniisip kong hindi umiiral ang Diyos dahil sa lahat ng pagdurusa at kaguluhan sa daigdig.
Gitarista ako at manunulat ng awit at madalas na ang inspirasyon ko sa pagsulat ay ang aklat ng
Bibliya na Apocalipsis. Hindi matagumpay ang aking banda gaya ng inaasahan ko, kaya nagsimula akong gumamit ng mas matatapang na droga. Wala akong pakialam kung mamatay ako dahil sa sobrang dosis ng droga. Ganiyan namatay ang maraming mang-aawit na inidolo ko.Para makabili ako ng droga, nangungutang ako sa aking lola na nagpalaki sa akin. Nagsisinungaling ako kapag tinatanong niya kung saan ko ginagamit ang pera. Mas masama pa, nasangkot ako sa espiritismo. Naintriga ako sa black magic (madyik na may kaugnayan sa masasamang espiritu), kasi iniisip kong tutulong ito sa akin na sumulat ng mas magagandang musika.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Pagkatapos kong mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, nagbago ang aking saloobin at disposisyon. Unti-unti akong nagkaroon ng pagnanais na mabuhay at maging maligaya. Dahil sa aking bagong saloobin, nagpasiya akong ipagupit ang aking mahabang buhok. Pinahaba ko ito kasi nagrerebelde ako at hindi kontento sa buhay ko. Saka ko natanto na kung gusto kong maging kalugud-lugod sa Diyos, kailangan kong ihinto ang pag-abuso sa alak, droga, at paninigarilyo. Nakita ko rin ang pangangailangang baguhin ang uri ng musikang pinakikinggan ko.
Nang una akong dumalo sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova, napansin ko ang isang teksto sa Bibliya na nasa isa sa mga dingding nito. Mula ito sa Kawikaan 3:5, 6, na ang sabi: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Pinag-isipan ko ang tekstong iyon sa Bibliya at tiniyak nito sa akin na kung hahayaan kong tulungan ako ni Jehova na baguhin ang buhay ko, magagawa ko ito.
Gayunman, napakahirap para sa akin ang ihinto ang pagkasugapa ko sa alak at droga at baguhin ang istilo ng buhay na nakasanayan ko na. Para kong pinuputol ang sarili kong kamay. (Mateo 18:8, 9) Hindi ko magagawa nang unti-unti ang mga pagbabagong ito. Alam kong hindi ito uubra sa akin. Kaya inihinto ko nang minsanan ang lahat ng pagkasugapang ito. Iniwasan ko rin ang lahat ng tao at lugar na maaaring humila sa akin na balikan ang dati kong masamang istilo ng pamumuhay.
Natutuhan kong masiyahan sa mga nagagawa ko araw-araw, at hindi ko na pinag-iisipan ang mga bagay na nakasisira ng loob. Sinikap kong maging malinis sa pisikal, moral, at espirituwal upang magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova. Nanalangin ako at tinulungan ako ni Jehova na huwag nang lumingon pa sa dati kong paraan ng pamumuhay kundi tumanaw sa unahan. Kung minsan, bumabalik ako sa dati kong gawi. Pero iginigiit ko pa rin sa aking guro na mag-aral kami ng Bibliya, kahit na kung minsan ay medyo langó pa ako dahil sa sobrang alak.
Para sa akin, makatuwiran ang katotohanang natutuhan ko tungkol sa Diyos mula sa Bibliya—na nagmamalasakit siya sa atin bilang mga indibiduwal, na pupuksain niya ang huwad na relihiyon, at na sinusuportahan niya ngayon ang gawaing pangangaral sa buong daigdig. (Mateo 7:21-23; 24:14; 1 Pedro 5:6, 7) Malinaw sa akin ang mga katotohanang ito. Sa wakas, nagpasiya akong ialay ang buhay ko sa Diyos. Nais ko siyang pasalamatan sa lahat ng ginawa niya para sa akin.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nadarama ko ngayon na may layunin at may kabuluhan ang aking buhay. (Eclesiastes 12:13) At sa halip na laging umasa sa aking pamilya, may naibibigay na ako sa kanila. Ibinahagi ko ang magagandang bagay na natutuhan ko mula sa Bibliya sa aking lola, at inialay na niya ngayon ang kaniyang buhay kay Jehova. Gayundin ang ginawa ng iba pang miyembro ng aking pamilya at ng isa sa mga miyembro ng aking dating banda.
May asawa na ako ngayon, at ginugugol naming mag-asawa ang karamihan ng aming panahon upang tulungan ang iba pa na matuto tungkol sa Bibliya. Nadarama kong sagana akong pinagpala sapagkat natutuhan kong ‘magtiwala kay Jehova nang aking buong puso.’
[Blurb sa pahina 29]
“Unti-unti akong nagkaroon ng pagnanais na mabuhay at maging maligaya”