Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Salamat at May Ulan!

Salamat at May Ulan!

Salamat at May Ulan!

ULAN! Paano na tayo kung wala ito? Oo, ang malalakas o madalas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng mapaminsalang mga baha. Isa pa, hindi laging nasisiyahan sa ulan ang mga tao na nakatira sa mga lugar na malamig at madalas na umulan. (Ezra 10:9) Pero kumusta naman ang milyun-milyong nagtitiis sa mga lugar na mainit at tagtuyot sa halos buong taon? Kapag sa wakas ay umulan, ang sarap ng pakiramdam!

Ganiyan ang kalagayan sa mga lupaing binabanggit sa Bibliya, gaya ng gitnang bahagi ng Asia Minor kung saan naglingkod bilang misyonero si apostol Pablo. Habang naroroon si Pablo, sinabi niya sa sinaunang mga taga-Licaonia: ‘Hindi pinabayaan ng Diyos na wala siyang patotoo sapagkat gumawa siya ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.’ (Gawa 14:17) Pansinin na unang binanggit ni Pablo ang ulan, dahil kung wala ito, walang anumang sisibol at wala ring “mabubungang kapanahunan.”

Napakaraming binabanggit ang Bibliya hinggil sa ulan. Ang Hebreo at Griegong salita para sa ulan ay lumilitaw sa Bibliya nang mahigit isandaang ulit. Gusto mo bang matuto nang higit tungkol sa kamangha-manghang kaloob na ito​—ang ulan? Gusto mo rin bang mapatibay ang iyong pananampalataya sa pagiging tumpak ng Bibliya ayon sa siyensiya?

Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Ulan

Itinawag-pansin sa atin ni Jesu-Kristo ang isang napakahalagang paglalaan, na kung wala ito ay walang ulan. Sinabi ni Jesus: ‘Pinasisikat ng inyong Ama ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.’ (Mateo 5:45) Napansin mo ba na unang binanggit ni Jesus ang araw bago ang ulan? Angkop ito dahil bukod sa nakapagbibigay ng enerhiya ang araw para tumubo ang mga halaman, may mahalagang papel din ito sa siklo ng tubig sa lupa. Oo, ang init ng araw ang dahilan kung bakit humigit-kumulang 400,000 kilometro kubiko ng tubig-dagat ang nagiging singaw taun-taon. Dahil nilalang ng Diyos na Jehova ang araw, tama lamang na tawagin siyang isa na nagpapailanlang ng tubig para gumawa ng ulan.

Ganito inilarawan ng Bibliya ang siklo ng tubig: “Pinaiilanlang [ng Diyos] ang mga patak ng tubig; ang mga iyon ay nasasala bilang ulan para sa kaniyang manipis na ulap, anupat ang mga ulap ay pumapatak, ang mga iyon ay tumutulo nang sagana sa sangkatauhan.” (Job 36:26-28) Sa libu-libong taóng lumipas mula nang isulat ang pananalitang iyan na kaayon ng siyensiya, napakatagal nang pinag-aaralan ng tao ang siklo ng tubig. “Hanggang sa ngayon, hindi pa rin tiyak kung paano nabubuo ang mga patak ng ulan,” ang sabi ng Water Science and Engineering, isang aklat-aralin na muling inimprenta noong 2003.

Ito ang alam ng mga siyentipiko: Mula sa pagkaliliit na mga butil, nabubuo ang maliliit na patak sa mga ulap at nagiging mga patak ng ulan. Milyun-milyong maliliit na patak ng tubig ang kailangan para maging isang patak ng ulan. Isa itong masalimuot na proseso na umaabot ng ilang oras. Ganito ang sinabi ng isang aklat-aralin sa siyensiya na Hydrology in Practice: “May ilang teoriya kung paanong ang maliliit na patak na nasa ulap ay nagiging mga patak ng ulan, at patuloy na pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang mga teoriyang iyon.”

Ang Diyos na lumikha ng proseso may kaugnayan sa pag-ulan ay maaaring magtanong sa lingkod niyang si Job: “May ama ba ang ulan, o sino ang nagsilang sa mga patak ng hamog? Sino ang naglagay ng karunungan sa mga suson ng ulap? . . . Sino ang may-kawastuang makabibilang ng mga ulap nang may karunungan, o ang mga pantubig na banga sa langit​—sino ang makapagtatagilid ng mga iyon?” (Job 38:28, 36, 37) Tunay ngang umaakay ang mga tanong na ito para magpakumbaba tayo! Makalipas ang mga 3,500 taon, hindi pa rin alam ng mga siyentipiko ang sagot sa mahihirap na tanong na ito.

Ano ang Direksiyon ng Siklo ng Tubig?

Itinuro ng mga pilosopong Griego na ang pinagmulan ng tubig sa ilog ay hindi ulan kundi tubig-dagat na umaagos sa ilalim ng lupa hanggang sa taluktok ng mga bundok at nagiging tubig-tabang. Inaangkin ng isang komentaryo sa Bibliya na iyan din ang paniniwala ni Solomon. Pansinin ang kinasihang mga salita ni Solomon: “Ang lahat ng agusang-taglamig ay humuhugos sa dagat, gayunma’y hindi napupuno ang dagat. Sa dakong hinuhugusan ng mga agusang-taglamig, doon bumabalik ang mga iyon upang humugos.” (Eclesiastes 1:7) Ibig bang sabihin ni Solomon na ang tubig-dagat ay dumadaloy sa ilalim ng lupa sa kabundukan na pinanggagalingan naman ng mga tubig sa ilog? Upang masagot ang tanong na iyan, tingnan natin kung ano ang paniniwala ng mga kababayan ni Solomon hinggil sa siklo ng tubig. Naimpluwensiyahan kaya sila ng maling paniniwala?

Wala pang isandaang taon mula nang panahon ni Solomon, ipinakita ng propeta ng Diyos na si Elias ang nalalaman niya hinggil sa kung saang direksiyon nagmumula ang ulan. Noong panahon niya, nagkaroon ng matinding tagtuyot sa loob ng mahigit tatlong taon sa kanilang lupain. (Santiago 5:17) Ang Diyos na Jehova ang nagbigay ng sakunang ito sa kaniyang bayan dahil ipinagpalit nila Siya kay Baal, ang diyos ng ulan ng mga Canaanita. Pero tinulungan ni Elias ang mga Israelita na magsisi, kaya handa na siya ngayon na manalangin para magkaroon ng ulan. Habang nananalangin, hiniling ni Elias sa kaniyang tagapaglingkod na tumingin “sa direksiyon ng dagat.” Nang sabihin sa kaniya na may “isang maliit na ulap na tulad ng palad ng isang tao na umaahon mula sa dagat,” alam ni Elias na sinagot ang panalangin niya. Di-nagtagal, “ang langit ay nagdilim dahil sa mga ulap at hangin at isang malakas na ulan ang nagsimulang dumating.” (1 Hari 18:43-45) Kaya ipinakikita nito na alam ni Elias ang tungkol sa siklo ng tubig. Alam niya na ang mga ulap ay mamumuo sa ibabaw ng dagat at dadalhin ng hangin pasilangan patungong Lupang Pangako. Hanggang sa ngayon, sa ganitong paraan nagkakaroon ng ulan.

Mga isandaang taon matapos sagutin ang panalangin ni Elias para magkaroon ng ulan, idiniin ng isang hamak na magsasaka na nagngangalang Amos ang mahalagang detalye hinggil sa pinagmumulan ng siklo ng tubig. Ginamit ng Diyos si Amos para humula laban sa mga Israelita dahil sa kanilang paniniil sa mahihirap at pagsamba sa huwad na mga diyos. Upang hindi sila puksain ng Diyos, hinimok sila ni Amos na ‘hanapin si Jehova, at patuloy na mabuhay.’ Pagkatapos, ipinaliwanag ni Amos na si Jehova lamang ang dapat sambahin dahil siya ang Maylalang, “ang Isa na tumatawag sa tubig ng dagat, upang maibuhos niya iyon sa ibabaw ng lupa.” (Amos 5:6, 8) Nang maglaon, inulit ni Amos ang kamangha-manghang katotohanang iyan hinggil sa siklo ng tubig at sa direksiyon nito. (Amos 9:6) Kaya ipinakita ni Amos na ang mga karagatan ang pangunahing pinagmumulan ng ulan.

Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa siyensiya ni Edmond Halley noong 1687. Pero matagal pa bago tinanggap ng iba ang ebidensiya ni Halley. “Nagpatuloy hanggang sa unang bahagi ng ika-18 siglo ang ideya na may sistema sa Lupa kung saan ang tubig-dagat ay napupunta sa mga taluktok ng mga bundok at mula roo’y dumadaloy pababa,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica Online. Sa ngayon, ang karamihan ng tao ay nakaaalam ng direksiyon ng siklo ng tubig. Ipinaliwanag din ng reperensiyang iyon na karamihan sa tubig na bumabagsak sa Lupa ay nagmumula sa mga karagatan at muling bumabalik sa karagatan. Kaya maliwanag na ang sinabi ni Solomon hinggil sa siklo ng ulan, na nakaulat sa Eclesiastes 1:7, ay tumutukoy rin sa prosesong iyon na nagsasangkot sa mga ulap at ulan.

Ano Ngayon ang Dapat Mong Gawin?

Dahil tumpak na nailarawan ng iba’t ibang manunulat ng Bibliya ang siklo ng tubig, isa ito sa maraming kahanga-hangang katibayan na ang Bibliya ay kinasihan ng Maylalang, ang Diyos na Jehova. (2 Timoteo 3:16) Oo, ang maling paggamit ng tao sa lupa ang malamang na dahilan kaya abnormal ang lagay ng panahon, na nagbubunga ng matitinding pagbaha sa ilang lugar at tagtuyot naman sa iba. Pero malaon nang ipinangako ng Maylalang ng siklo ng tubig, ang Diyos na Jehova, na kikilos siya “upang ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.”​—Apocalipsis 11:18.

Samantala, paano mo maipakikita ang iyong pagpapahalaga sa mga kaloob ng Diyos, gaya ng ulan? Magagawa mo iyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at pagsasagawa ng iyong mga natututuhan. Kung gayon, magkakaroon ka ng pag-asa na makaligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos kung saan matatamasa mo ang lahat ng kaloob ng Diyos magpakailanman. Tunay ngang “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo” ay nanggagaling sa Pinagmulan ng ulan, ang Diyos na Jehova.​—Santiago 1:17.

[Dayagram/Larawan sa pahina 1617]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KONDENSASYON

PRESIPITASYON

PAGSINGAW NG TUBIG MULA SA HALAMAN

EBAPORASYON

AGOS NG TUBIG

TUBIG SA ILALIM NG LUPA

[Mga larawan sa pahina 16]

Habang nananalangin si Elias, nakatingin ang kaniyang tagapaglingkod “sa direksiyon ng dagat”