Nasumpungan Ko ang Katotohanan sa mga Hinahanapan Ko ng Mali
Nasumpungan Ko ang Katotohanan sa mga Hinahanapan Ko ng Mali
Ayon sa salaysay ni R. Stuart Marshall
“Hindi tayo nakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng isang paring Jesuita. “Ginagamit nila ang Bibliya.” Nagulat ako sa sagot niya. Humingi kasi ako ng tulong sa kaniya para ipakita sa aking asawa ang mga mali sa turo ng mga Saksi ni Jehova. Nagpasiya akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi para ako na mismo ang magpakita nito sa aking asawa.
NOONG panahong iyon, sa edad na 43, sinubukan kong pabulaanan ang turo ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng aking kaalaman sa lohika at teolohiya. Nag-aral ako ng elementarya hanggang kolehiyo sa mga paaralang Katoliko. Bagaman nagkaroon ako ng digri sa bachelor of arts sa ekonomiks noong 1969 at kumuha ng mga asignaturang pilosopiya at teolohiya sa aking pag-aaral, hindi naging bahagi ng aking edukasyong Katoliko ang pag-aaral ng Bibliya.
Pagkatapos ng kolehiyo, nagpakasal kami ni Patricia McGinn na isa ring Katoliko. Pareho kaming nagpatuloy sa pag-aaral at nagkaroon ng doctorate degree sa Stanford University. Ipinanganak ang aming anak na si Stuart noong 1977, at nang maglaon ay lumipat kami sa Sacramento, California, E.U.A. Sa sumunod na 23 taon, nagtrabaho ako sa Legislative Analyst’s Office (LAO) ng estado ng California. Tagasuri ako ng mga badyet para sa edukasyon ng estado. Nagtatrabaho akong mabuti at masaya sa aking buhay. Gustung-gusto ko ang pagiging ama sa aking anak. Sinusuportahan naming mag-asawa ang isa’t isa sa lahat ng bagay.
Ang Sagot na Nagkakahalaga ng 25 Cent
Noong dalawang taóng gulang ang aking anak, kumuha ng Bibliya si Patricia sa mga Saksi ni Jehova at nakipag-aral siya ng Bibliya sa kanila. Nabautismuhan siya pagkalipas ng tatlong taon. Sa palagay ko, makitid ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa mga kapistahan at pagsasalin ng dugo, pero aminado akong nakakakumbinsi ang pangangatuwiran nila sa ilang bagay. Hindi ko inaasahan na isang araw ay maibubulalas ko ang aking opinyon hinggil sa mga Saksi. Nangyari ito noong 1987, nang magsalita ako tungkol sa aking rekomendasyon sa batasan ng estado sa isang espesyal na miting ng mga mambabatas na responsable sa edukasyon sa aming estado.
Gusto ng University of California na humingi ng pondo para makuha ang pinag-aagawan ng mga estado na proyekto ng gobyerno na nagkakahalaga ng anim na bilyong dolyar. Ang proyektong ito ay ang pagtatayo ng isang napakalaking siyentipikong kagamitan. Inirekomenda kong huwag itong pondohan yamang pagdating ng panahon, wala naman itong maidudulot na mabuting resulta sa ekonomiya ng estado. Para salungatin ang aking rekomendasyon, iniharap ng unibersidad sa mga mambabatas ang dalawang taong ginawaran ng Nobel Prize sa larangan ng pisika. Ipinaliwanag nila kung ano ang maitutulong ng proyektong ito sa mga siyentipiko. Sinabi ng isa sa kanila na maaari nitong masagot ang mga tanong tungkol sa pinagmulan
ng uniberso. Sinabi naman ng isa pa na maaaring makatulong ito para malaman kung paano nagsimula ang buhay sa ating planeta.Ibinaling ng tsirman ng komite ang kaniyang pansin sa akin.
“Sa palagay mo ba ay napakalaking halaga ng anim na bilyong dolyar para masagot ang mga tanong na ito?” ang sabi niya.
“Sang-ayon po ako na mahahalagang tanong iyan,” ang sagot ko. “Gayunman, nagpupunta ang mga Saksi ni Jehova sa aming bahay tuwing Sabado ng umaga at nag-aalok ng isang magasin kapalit ng 25-cent na donasyon na sasagot din sa mga tanong na iyan. At baka ang kanilang sagot na nagkakahalaga lamang ng 25 cent ay mas makatuwiran pa kaysa sa maibibigay ng proyektong ito na nagkakahalaga ng anim na bilyong dolyar.”
Nagtawanan ang lahat ng nasa silid pati na ang dalawang ginawaran ng Nobel Prize. Bagaman inaprubahan ng mga mambabatas ang proyekto, wala namang kumontra sa sinabi ko.
Nang maglaon, nakita kong kailangang harapin ko ang nangyayari sa aming pamilya. Pagkalipas ng anim na taóng pakikipag-usap kay Patricia tungkol sa Bibliya at sa mga Saksi ni Jehova, sinabi niya na gusto niyang maglaan ng mas maraming oras sa ministeryo. Nadismaya ako rito dahil nangangahulugan ito na babawasan niya ang kaniyang panahon ng pagtatrabaho sa unibersidad. Hindi ko lubos maisip kung bakit ang isang makatuwirang tao ay magkakaroon ng ganitong klase ng tunguhin, at waring wala akong anumang bagay na masasabi o magagawa para mabago ang kaniyang isip.
Sinubukan kong humingi ng tulong sa isang eksperto, sa isang taong mas maraming alam sa Bibliya kaysa sa akin, na inaakala kong makatutulong kay Patricia na makita ang pagkakasalungatan sa turo ng mga Saksi ni Jehova at ng Bibliya. Tiyak na mapatunayan ko lamang na mali ang kahit isa sa kanilang mga turo, magiging kaduda-duda na ang lahat ng kanilang turo. Iyan lamang ang kailangan ko para makumbinsi ang matalino kong asawa. Kinausap ko ang paring Jesuita sa dati naming pinagsisimbahan ni Patricia. Nagtapos ang aming pag-uusap gaya ng binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Nang tumanggi ang pari na kausapin ang aking asawa, ipinasiya ko na ako na mismo ang humanap ng mali sa turo ng mga Saksi ni Jehova at ipakita ito kay Patricia, bagaman alam ko na medyo matatagalan ako bago ko ito magawa.
Paghahanap ng Mali
Humanga talaga ako sa mga hula sa Bibliya habang nakikipag-aral ako sa mga Saksi. Nabasa ko sa aklat ni propeta Isaias ang mga detalye ng pagbagsak ng Babilonya na isinulat mga 200 taon bago ito mismo mangyari. Aktuwal na binanggit ang pangalan ni Ciro bilang manlulupig at ang gagawing paglihis sa Ilog Eufrates para mapabagsak ang Babilonya. (Isaias 44:27–45:4) Bago pa ako nakipag-aral sa mga Saksi, napag-aralan ko na ang pagbagsak ng Babilonya sa isang klase tungkol sa mga taktika ng militar. Natutuhan ko rin sa pag-aaral ng Bibliya ang detalye tungkol sa kaharian ng isang makapangyarihang hari ng Gresya na inihula ni propeta Daniel nang mahigit 200 taon ang kaagahan. Pagkamatay ng hari, nahati ito sa apat na mahihinang kaharian. (Daniel 8:21, 22) Natatandaan ko sa aking pag-aaral ng sinaunang kasaysayan, natalakay namin ang bagay na iyan tungkol kay Alejandrong Dakila. Sa pamamagitan ng aking personal na pagsasaliksik sa iba’t ibang reperensiya, napatunayan ko sa sarili ko na ang mga aklat na ito ng Bibliya ay talagang isinulat bago mangyari ang kanilang mga inihula.
Habang tumatagal ang pakikipag-aral ko sa mga Saksi, lalo naman akong nagiging kumbinsido na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, isang bagay na hindi nagawa ng teolohiyang Katoliko. Ano ang dapat kong gawin sa kaalamang natututuhan ko? Ipinasiya kong ialay ang aking sarili kay Jehova at maging isa sa mga Saksi niya. (Isaias 43:10) Nabautismuhan ako noong 1991, dalawang taon lamang pagkatapos ng pakikipag-usap kong iyon sa pari. Nabautismuhan naman ang aming anak nang sumunod na taon.
Yamang nabago ang aming pananaw sa buhay, nabago rin ang aming mga tunguhin. Ang isa sa mga una kong inasikaso pagkatapos ng aking bautismo ay ang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago para pagkalipas ng limang taon, makapagretiro na sa pagtuturo sa unibersidad ang aking asawa sa edad na 50. Gusto niyang maging ministrong payunir, na noong panahong iyon ay kailangang gumugol ng 1,000 oras bawat taon, o mga 83 oras bawat buwan, para tulungan ang iba na matutuhan ang katotohanan sa Bibliya. Noong 1994, binawasan niya ang oras ng kaniyang pagtatrabaho para siya ay makapagpayunir. Ang una kong naging mga tunguhin ay sumulong sa ministeryo, sumuporta sa kongregasyon sa abot ng aking makakaya, at tumulong sa accounting sa proyektong pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa aming lugar.
Paminsan-minsan, naipapakipag-usap ko ang tungkol sa Bibliya sa aking mga katrabaho. Nalaman kong isa palang di-aktibong Saksi ang bagong budget analyst ng LAO. Humina ang kaniyang pananampalataya dahil nagkaroon siya ng pagdududa sa Bibliya. Isang kagalakan sa akin na matulungan siyang patibaying muli ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Bumalik siya sa lugar na kaniyang kinalakhan at nagpayunir.
Noong 1995, dumalo ako sa isang espesyal na miting ng mga mambabatas na bumubuo sa mga komite ng edukasyon tungkol sa proyekto na pinondohan ng gobyerno. Tinanong ng tsirman ng komite ang kinatawan ng pamahalaan kung ano ang nangyari sa proyekto may kaugnayan sa paggawa ng isang napakalaking siyentipikong kagamitan. Sumagot ang kinatawan na ibinigay ang proyekto sa estado ng Texas pero hindi ito kailanman natapos sa tatlong dahilan. Una, ang tinatayang gastusin ay naging siyam na bilyon mula sa dating anim na bilyong dolyar. Pangalawa, gusto ng pamahalaan na gamitin ang pondo sa ibang bagay partikular na sa digmaan sa Iraq noong 1991. Pangatlo, natuklasan nilang maaari din nilang malaman ang mga sagot sa mga tanong na ito sa buhay mula sa mga Saksi ni Jehova sa halagang 25 cent! Lumilitaw na ang aking sinabi ay naging bukambibig ng maraming tao at ngayo’y inulit na naman sa isang miting ng mga komite.
Habang tumatawa ang lahat, napatingin ang ilang miyembro ng komite sa akin. Nagsalita ako para sabihin sa lahat ng naroroon ang isang pagbabago, “Maaari nang malaman ang mga sagot nang libre basta siguraduhin lamang ninyo na babasahin ninyo ang literatura.”
Isang Kasiya-siya at Makabuluhang Buhay
Nang magretiro ang aking asawa, inisip namin kung ano ang aking gagawin sa susunod na limang taon. Nagtanung-tanong ako sa ibang mga ahensiya kung puwede akong magtrabaho sa kanila nang part-time dahil gusto ko na ngayong maglaan ng higit na panahon para turuan ang iba ng katotohanan sa Bibliya. Sa di-inaasahan, inalok ako ng LAO na magtrabaho sa kanila nang mas kaunting oras. Kaya noong 1998, ako ay naging ministrong payunir din.
Isang umaga habang ako at ang aking asawa ay naghahanda para sa ministeryo, nakatanggap ako ng tawag mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos na nasa Brooklyn, New York. May kaugnayan ito sa isang surbey sa mga may pantanging kakayahan na nagnanais magboluntaryo at tinanong niya kung interesado akong tumulong sa isang proyekto sa Brooklyn. Agad akong sumagot ng oo. Dahil dito, nagtrabaho kaming mag-asawa sa loob ng 18 buwan sa punong
tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Nang dakong huli, nagretiro ako nang maaga sa aking trabaho sa estado ng California para matapos ang proyekto sa Brooklyn. Pagkatapos nito, nagboluntaryo kami sa pagtatayo ng Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Fairfield, California. Ipinagbili namin ang aming bahay sa Sacramento at lumipat sa isang maliit na apartment sa Palo Alto. Ang aking pagreretiro ay nagbigay-daan sa mas marami pang pagpapala. Mula noon, nakatulong kami sa mga proyekto ng mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nigeria, Timog Aprika, Canada, Britanya, at Alemanya.Tulad ng mga Saksi na tumulong sa amin, kami ring mag-asawa sa ngayon ay nagagalak na tumulong sa iba na matuto ng katotohanan sa Bibliya. Naniniwala ako na ang edukasyon mula kay Jehova ang pinakakapaki-pakinabang sa lahat ng aking tinamong mataas na edukasyon. Di-hamak na nakahihigit ito sa iba pang programa ng edukasyon sa sanlibutang ito tungkol sa iba’t ibang paksa na itinuturo sa detalyadong paraan. Sinasanay ni Jehova ang kaniyang mga Saksi para maituro ang katotohanan sa Bibliya sa paraang tumatagos sa puso’t isip. Iyan ang gumaganyak sa akin para patuloy na matuto hinggil sa Bibliya. Kaming mag-asawa ay nagpapasalamat sa buhay namin ngayon at sa pribilehiyong magamit namin ang aming edukasyon para maglingkod sa Soberano ng uniberso, ang Diyos na Jehova.
[Blurb sa pahina 27]
Humanga talaga ako sa mga hula sa Bibliya habang nakikipag-aral ako sa mga Saksi
[Larawan sa pahina 27]
Kasama si Patricia sa araw ng aming kasal
[Larawan sa pahina 29]
Nasisiyahan kaming tumulong sa iba na matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya