Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakatulong ang Aking Pananampalataya Para Maharap Ko ang mga Trahedya

Nakatulong ang Aking Pananampalataya Para Maharap Ko ang mga Trahedya

Nakatulong ang Aking Pananampalataya Para Maharap Ko ang mga Trahedya

Ayon sa salaysay ni Soledad Castillo

Maraming beses sa buhay ko na muntik na akong madaig ng kalungkutan​—pero hindi ito nangyari. Noong 34 anyos ako, namatay ang mahal kong asawa. Makalipas ang anim na taon, namatay naman si Itay. Walong buwan pagkatapos nito, nalaman ko namang maysakit ang kaisa-isa kong anak at wala na itong lunas.

ANG pangalan ko ay Soledad, na nangangahulugang “Kalungkutan.” Bagaman parang kakatwa, hindi ko kailanman nadamang nag-iisa ako. Kapag nakararanas ako ng mga trahedya, naniniwala akong nariyan lang ang Diyos na Jehova, ‘hawak-hawak ang kamay ko at tinutulungan ako para hindi ako matakot.’ (Isaias 41:13) Hayaan ninyong ikuwento ko kung paano ko napagtagumpayan ang mga trahedyang iyon sa aking buhay at kung paano ako lalong napalapít kay Jehova dahil dito.

Isang Maligayang Buhay na Walang Gaanong Problema

Ipinanganak ako sa Barcelona, Espanya noong Mayo 3, 1961. Ako ang nag-iisang anak nina José at Soledad. Noong siyam na taóng gulang ako, nalaman ng nanay ko ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. May mga tanong siya hinggil sa relihiyon pero hindi siya nasiyahan sa sagot ng kanilang simbahan. Isang araw, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming tahanan at sinagot nila mula sa Kasulatan ang kaniyang mga tanong. Malugod niyang tinanggap ang isang pag-aaral sa Bibliya.

Sa maikling panahon lamang, naging bautisadong Saksi ni Jehova si Inay. Makalipas ang ilang taon, nabautismuhan naman si Itay. Di-nagtagal, napansin ni Eliana, ang nagturo ng Bibliya kay Inay, na interesadung-interesado ako sa Salita ng Diyos. Bagaman bata pa ako, iminungkahi ni Eliana na mag-aral na ako ng Bibliya. Salamat sa tulong niya at ni Inay, nabautismuhan ako sa edad na 13.

Noong tin-edyer ako, madalas akong manalangin kay Jehova​—lalo na kapag kailangan kong magpasiya. Ang totoo, kakaunti lang ang naging problema ko noong nagdadalaga ako. Marami akong kaibigan sa loob ng kongregasyon at malapít ako sa aking mga magulang. Noong 1982, nagpakasal ako kay Felipe, isang Saksi na may espirituwal na mga tunguhing gaya ng sa akin.

Pagtuturo sa Aming Anak na Ibigin si Jehova

Makalipas ang limang taon, isinilang ko ang isang magandang batang lalaki na pinangalanan naming Saúl. Tuwang-tuwa kami ni Felipe na magkaroon ng anak. Umaasa kami na si Saúl ay magiging isang malusog na bata na may pag-ibig sa Diyos. Madalas naming gamitin ni Felipe ang aming panahon kay Saúl, sinasabi namin sa kaniya ang tungkol kay Jehova, kumakain kaming magkakasama, dinadala namin siya sa parke, at nakikipaglaro kami sa kaniya. Gustung-gusto ni Saúl na sumama kay Felipe para ibahagi sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya, at sinanay naman siya ni Felipe na makibahagi sa ministeryo sa murang edad, na tinuturuan siyang tumimbre sa pinto at mag-alok ng mga tract sa mga tao.

Pinahalagahan ni Saúl ang aming pag-ibig at pagsasanay. Sa edad na anim, regular na siyang nangangaral kasama namin. Gustung-gusto niyang makinig sa mga kuwento sa Bibliya, at lagi niyang inaabangan ang aming pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Nang pumasok na siya sa paaralan, siya na ang nagpapasiya sa mga simpleng bagay salig sa mga natututuhan niya sa Bibliya.

Pero noong pitong taon si Saúl, lubhang nagbago ang buhay namin. Nagkaroon si Felipe ng impeksiyon sa baga na dulot ng virus. Sa loob ng 11 buwan, pinaglabanan niya ang sakit, hindi siya nakapagtrabaho at madalas na nakaratay sa higaan. Sa edad na 36, namatay ang aking asawa.

Umiiyak pa rin ako sa tuwing maaalaala ko ang mahirap na taóng iyon. Nakita kong unti-unting bumabagsak ang katawan ng asawa ko dahil sa virus, pero wala akong magawa. Sa kabila ng lahat ng ito, sinikap ko pa ring patibayin si Felipe, bagaman sa loob ko, naglaho nang parang bula ang mga pangarap ko. Binabasa ko sa kaniya ang mga artikulong salig sa Bibliya, at napapatibay kami ng mga ito kapag hindi kami makadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nang mamatay siya, labis akong nangulila.

Gayunman, pinalakas ako ni Jehova. Lagi kong hinihiling ang kaniyang espiritu. Pinasalamatan ko Siya sa masasayang taon na magkasama kami ni Felipe at sa pag-asang makita siya kapag binuhay na siyang muli. Hiniling ko rin sa Diyos na maging maligaya ako kahit alaala na lang noong magkasama pa kami ang naiwan sa akin at na bigyan niya ako ng karunungan para mapalaki ko ang aming anak na isang tunay na Kristiyano. Kahit na ang sakit-sakit sa loob, nakadama ako ng kaaliwan.

Malaking suporta ang ibinigay ng aking mga magulang pati na ng kongregasyon. Pero ako pa rin ang kailangang magturo kay Saúl tungkol sa Bibliya at kung paano niya paglilingkuran si Jehova. Inalok ako ng dati kong amo ng isang magandang trabaho sa opisina, pero mas pinili ko ang gawaing paglilinis para mas maraming oras kong makasama si Saúl pagkatapos ng kaniyang klase.

Isang kasulatan ang nagdiin sa akin ng kahalagahan ng espirituwal na pagsasanay kay Saúl: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” (Kawikaan 22:6) Ang tekstong ito ang nagbigay sa akin ng pag-asa na kung gagawin ko ang aking buong makakaya para ituro kay Saúl ang kaisipan ni Jehova, pagpapalain Niya ang pagsisikap ko. Oo, maliit lamang ang kinikita ko, pero mas kailangan kong makasama ang anak ko, at mas mahalaga ito kaysa sa anumang makukuha kong materyal na bagay.

Nang 14 anyos na si Saúl, namatay si Itay. Labis na nanlumo si Saúl, sapagkat muling bumalik sa alaala niya ang sakit na naranasan niya nang mamatay ang kaniyang ama. Si Itay ay may masidhing pag-ibig kay Jehova at naging huwaran namin siya. Pagkamatay ni Itay, sinabi ni Saúl na siya na lamang ang natitirang “lalaki” sa pamilya kaya siya ngayon ang mag-aalaga sa kaniyang ina at lola.

Pakikipaglaban sa Lukemya

Walong buwan pagkamatay ni Itay, sinabi ng aming doktor na dalhin ko si Saúl sa ospital, yamang labis siyang nahahapo. Pagkatapos ng sunud-sunod na pagsusuri, sinabi sa akin ng doktor na may lukemya si Saúl. a

Sa loob ng dalawa at kalahating taon, labas-masok si Saúl sa ospital habang pinaglalabanan niya ang kanser at tinitiis ang chemotherapy na isinasagawa ng mga doktor para labanan ang kanser. Sa unang anim na buwan ng gamutan, ang sakit ay pansamantalang nasugpo. Subalit makalipas lamang ang 18 buwan, bumalik ulit ang kanser kaya sumailalim na naman si Saúl sa maikling panahon ng chemotherapy na lalong nagpahina sa kaniyang katawan. Nasugpong muli ang kanser pero hindi ito nagtagal, at hindi na kaya ni Saúl na dumaan pa sa ikatlong serye ng chemotherapy. Inialay na ni Saúl ang kaniyang buhay sa Diyos at gusto na niyang magpabautismo bilang isang Saksi ni Jehova, pero namatay siya pagkatapos na pagkatapos niyang maging 17 anyos.

Kadalasan nang inirerekomenda ng mga doktor ang pagsasalin ng dugo bilang pangontra sa agresibong epekto ng chemotherapy sa katawan. Sabihin pa, hindi magagamot ng pagsasalin ng dugo ang sakit. Nang unang masuri ng mga doktor ang lukemya, ipinaliwanag namin ni Saúl na hindi kami magpapasalin ng dugo yamang nais naming sundin ang utos ni Jehova na “umiwas . . . sa dugo.” (Gawa 15:19, 20) Sa ilang pagkakataon kapag wala ako, kinailangang kumbinsihin ni Saúl ang mga doktor na sarili niyang pasiya iyon. (Tingnan ang kahon sa pahina 31.)

Nang dakong huli, napagpasiyahan ng mga doktor na si Saúl ay isang maygulang na menor-de-edad at batid niya kung gaano kalala ang kaniyang sakit. Bagaman lagi pa rin kaming ginigipit na baguhin ang aming pasiya, iginalang nila ang paninindigan namin at ginamot si Saúl nang hindi gumagamit ng dugo. Tuwang-tuwa ako kay Saúl habang pinakikinggan ko kung paano niya ipaliwanag sa mga doktor ang kaniyang paninindigan hinggil sa dugo. Tunay na nagkaroon siya ng malapít na kaugnayan kay Jehova.

Noong tag-araw nang una naming malaman ang sakit ni Saúl, inilabas sa aming pandistritong kombensiyon sa Barcelona ang aklat na pinamagatang Maging Malapít kay Jehova. Napakahalaga ng aklat na ito anupat para itong isang angkla na tumulong sa amin noon na maging matatag habang dinaranas namin ang walang-katiyakan at nakapanghihinang kalagayang iyon. Habang nasa ospital kami, binabasa naming magkasama ang ilang bahagi ng aklat. Sa panahon ng mahihirap na kalagayan na binatá namin nang bandang huli, madalas naming binabalik-balikan ang mga nabasa namin. Dito namin lalong napahalagahan ang mga salita sa Isaias 41:13 na binanggit sa paunang salita ng aklat na iyon na nagsasabi: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’”

Naantig ang Puso ng Iba sa Pananampalataya ni Saúl

Lubhang nakaantig sa mga doktor at nars ng Vall d’Hebrón Hospital ang pagiging maygulang at positibo ni Saúl. Napamahal siya sa lahat ng nag-alaga sa kaniya. Mula noon, pumapayag na ang punong espesyalista sa dugo na gamutin ang ibang batang Saksing may lukemya at iginagalang ang kanilang paninindigan. Naalaala ng doktor ang paninindigan ni Saúl hinggil sa kaniyang paniniwala, ang lakas-loob nitong pagharap sa kamatayan, at ang kaniyang positibong pananaw sa buhay. Sinabi ng mga nars kay Saúl na siya ang pinakamabait na pasyente sa silid ng ospital na iyon. Sinabi nila na hindi siya kailanman nagreklamo ni naiwala man niya ang pagiging mapagpatawa​—kahit malapit na siyang mamatay.

Isang sikologo ang nagsabi sa akin na maraming kabataang may nakamamatay na sakit sa ganitong edad ay nagiging rebelyoso sa mga doktor at sa kanilang mga magulang dahil sa hirap at sama ng loob. Pero napansin niya na iba si Saúl. Humanga siya kay Saúl sa pagiging kalmado at positibo nito. Nagbigay ito sa amin ni Saúl ng pagkakataong makapagpatotoo sa kaniya tungkol sa aming pananampalataya.

Naalaala ko rin kung paano nakatulong sa isang Saksi sa aming kongregasyon ang matatag na pagharap ni Saúl sa kaniyang sakit. Sa loob ng anim na taon, nakaranas ang Saksing ito ng depresyon at ang mga gamot ay hindi nakapagpabuti sa kaniyang kalagayan. Sa ilang pagkakataon, binabantayan niya sa gabi si Saúl sa ospital. Sinabi niya sa akin na humanga siya sa saloobin ni Saúl kahit may lukemya ito. Napansin niya na kahit hapung-hapo ito, sinisikap pa rin ni Saúl na patibayin ang lahat ng dumadalaw sa kaniya. “Ang halimbawa ni Saúl ay nagpatibay sa akin na labanan ang depresyon ko,” ang sabi ng Saksing ito.

Tatlong taon na ang lumipas mula nang mamatay si Saúl. Masakit pa rin ito sa akin. Alam kong hindi ako malakas, pero binibigyan ako ng Diyos ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Natutuhan kong kahit mahirap at masaklap ang mga karanasan, maaari pa rin itong magkaroon ng positibong epekto. Ang pagkamatay ng aking asawa, tatay, at anak ay nakatulong sa akin na maging higit na mapagmalasakit at maunawain sa ibang nagdurusa. Pinakamahalaga, lalo akong napalapít kay Jehova. Kaya kong harapin nang walang takot ang kinabukasan dahil patuloy pa rin akong tinutulungan ng aking makalangit na Ama. Hawak-hawak pa rin niya ang kamay ko.

[Talababa]

a Si Saúl ay may lymphoblastic leukemia, isang matinding uri ng kanser sa dugo na sumisira sa mga puting selula ng dugo.

[Kahon/Larawan sa pahina 31]

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

Maaaring narinig mo nang hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Saksi ni Jehova. Napag-isip-isip mo na ba kung bakit?

Madalas na hindi nauunawaan ang maka-Kasulatang paninindigang ito. Kung minsan, inaakala ng mga tao na tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng paraan ng paggamot o na hindi mahalaga sa kanila ang buhay. Hindi iyan totoo. Hinahanap ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamabuting paraan ng paggamot para sa kanila at sa kanilang pamilya. Pero pinipili nila ang paraan ng paggamot na hindi gumagamit ng dugo. Bakit?

Naninindigan sila batay sa saligang utos na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan. Pagkatapos na pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe, pinayagan ng Diyos si Noe at ang kaniyang pamilya na kumain ng karne ng mga hayop. Pero may ipinagbawal ang Diyos: Hindi nila dapat kainin ang dugo. (Genesis 9:3, 4) Ang lahat ng tao anuman ang lahi ay nagmula kay Noe kaya kapit ang utos na ito sa buong sangkatauhan. Hindi ito nawalan ng bisa. Makalipas ang mahigit walong siglo, muling pinagtibay ng Diyos ang utos na iyon sa bansang Israel. Ipinaliwanag sa kanila na ang dugo ay sagrado at kumakatawan sa kaluluwa o sa mismong buhay. (Levitico 17:14) Pagkaraan ng mahigit 1,500 taon, nagbigay ng utos ang Kristiyanong mga apostol sa lahat ng Kristiyano na “patuloy na umiwas . . . sa dugo.”​—Gawa 15:29.

Para sa mga Saksi ni Jehova, ang pagpapasalin ng dugo ay salungat sa utos na umiwas sa dugo. Kaya ipinapasiya nilang tanggapin lamang ang paraan ng paggamot na hindi gumagamit ng dugo. Dahil sa maka-Kasulatang paninindigang iyan, madalas pa ngang nagkakaroon ng mas mataas na kalidad sa paggamot. Walang-alinlangang iyan din ang dahilan kung bakit maraming tao, bagaman hindi mga Saksi ni Jehova, ang pumipili sa paraan ng paggamot na hindi gumagamit ng dugo.

[Larawan sa pahina 29]

Kasama ang aking asawang si Felipe at ang aming anak na si Saúl

[Larawan sa pahina 29]

Ang aking mga magulang, sina José at Soledad

[Larawan sa pahina 30]

Si Saúl, isang buwan bago siya mamatay