Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Nilalagnat” ang Lupa—Malulunasan Pa Kaya Ito?

“Nilalagnat” ang Lupa—Malulunasan Pa Kaya Ito?

“Nilalagnat” ang Lupa—Malulunasan Pa Kaya Ito?

KITANG-KITA ang mga sintomas​—tumataas ang temperatura ng lupa. Isang halimbawa nito ang Newtok, isang nayon sa Alaska na nasa timog ng Arctic Circle. Ang dating nagyeyelong suson ng lupa kung saan matatagpuan ang nayon ng Newtok ay natutunaw na. “Ayoko nang tumira [doon],” ang hinaing ng residenteng si Frank. “Napakaputik.” Ipinakikita ng mga pag-aaral na maaaring mawala ang nayong ito sa loob lamang ng sampung taon.

Ang “pag-init ng klima ay di-maikakaila,” ang sabi ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC). Pinatutunayan ito ng tumataas na temperatura ng globo. Ang tinatawag ng mga siyentipiko na pagbabago sa klima ay nagdulot ng matitinding pagbabago sa lagay ng panahon, gaya ng tagtuyot, malakas na pag-ulan, matinding init, at mga bagyo sa buong daigdig. Ano na ang mangyayari sa ating planeta? Malulunasan pa kaya ito?

Pagsusuri sa Lagay ng Lupa

Gaya ng isang pasyente sa ospital, ang kalagayan ng lupa ay sinusubaybayang mabuti ng mga siyentipikong eksperto sa klima. Nirerekord ng mga satelayt ang pagkatunaw ng mga glacier. Sinusubaybayan ng mga weather station kung gaano karami ang bumuhos na ulan. Sinusukat naman ng mga boya ang temperatura sa malalalim na karagatan, at ng mga sasakyang panghimpapawid ang antas ng mga gas sa atmospera. Ang iba’t ibang impormasyong ito hinggil sa klima ay ipinapasok sa mga supercomputer. Sa pamamagitan nito nakagagawa ng mga prediksiyon para malaman kung ano ang mangyayari sa susunod na mga dekada, o mga siglo pa nga.

Ano ang resulta ng pagsusuri? Naniniwala ang ilan na punung-puno ng mga greenhouse gas ang atmospera. Noong 2006 lamang, sinabi ng magasing Time na “umabot sa 32 bilyong tonelada” ang carbon dioxide sa daigdig. Gaya ng mga salamin sa isang greenhouse, hinaharang ng mga gas na iyon ang init kaya hindi ito makalabas sa atmospera. Dahil dito, lalong umiinit ang lupa. Ano ang kahihinatnan nito? Ayon sa IPCC, kung magpapatuloy ito, magkakaroon ng “maraming pagbabago sa klima ng globo,” at malamang na magiging mas matindi pa kaysa sa nararanasan ngayon. Marami ngayon ang sumasang-ayon na malulunasan ito kung babawasan ang nalilikhang carbon dioxide sa daigdig. Pero kahit hindi na madagdagan pa ang mga ito, ipinakikita ng mga prediksiyon sa computer na malamang na “magpapatuloy ang pag-init [ng lupa] at [ang resulta nitong] pagtaas ng tubig sa dagat sa loob ng maraming siglo.”

Ano ang Lunas?

Masalimuot ang pag-aaral ng klima. “Halimbawa, ano ang mangyayari sa mga ulap habang umiinit ang Lupa? Magiging mas madalas ba ang matataas na ulap na sumisipsip ng init at nagiging dahilan ng lalong pag-init kaysa sa makakapal na ulap na humaharang sa sikat ng araw?” ang tanong ng Earth Observatory, isang publikasyon sa Internet. Ang sagot? “Sa ngayon, hindi pa masagot ng mga siyentipiko ang mga tanong na ito.”

Sa kabilang banda, tinitiyak ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ang “Maygawa ng langit at lupa,” pati na “ang kaulapan sa itaas.” (Genesis 14:19; Kawikaan 8:28) Sa isang tula, inilarawan niya ang kaniyang sarili na siyang naglagay ng “karunungan sa mga suson ng ulap.” Oo, alam na alam ni Jehova ang hindi maunawaan ng mga siyentipiko.​—Job 38:36.

Pansinin naman ang sinabi ng Diyos hinggil sa atmospera ng lupa, na iniulat sa Bibliya mga 2,700 taon na ang nakalilipas: “Ang bumubuhos na ulan . . . ay lumalagpak mula sa langit at hindi bumabalik sa dakong iyon, malibang diligin muna nito ang lupa.” (Isaias 55:10) Maliwanag ang paglalarawang iyan sa siklo ng tubig! Ang singaw sa mga ulap ay namumuo at bumabagsak bilang ulan, na ‘dumidilig sa lupa.’ Dahil naman sa init ng araw, ang halumigmig ay nagiging singaw at “bumabalik sa dakong iyon,” o sa atmospera, para muling simulan ang siklo. Ang kahanga-hangang mga detalye hinggil sa klima ng lupa ay isiniwalat na ng Salita ni Jehova maraming siglo bago pa ito naiulat ng sekular na mga akda. Hindi ba nito lalong napatitibay ang pagtitiwala mo sa Maylalang at sa mga magagawa niya? Kaya kung tungkol sa kahihinatnan ng mga problema ngayon sa klima, hindi ba’t makatuwiran lamang na umasa tayo sa “Maylalang ng hangin,” sa ‘ama ng ulan,’ at sa isa na nakaaalam sa mga detalye ng pag-iral ng planetang ito?​—Amos 4:13; Job 38:28.

Nilalang ang Lupa Para sa Isang Layunin

Magkakaiba man ang opinyon hinggil sa magiging kinabukasan ng ating planeta, isang bagay ang tiyak: Walang katulad ang lupa. Hindi gaya ng ibang planeta, napakaraming iba’t ibang nabubuhay na nilalang ang naninirahan dito. Paano ito naging posible? Nagbigay ng ilang dahilan ang mga siyentipiko. Partikular na, sagana sa tubig ang lupa; tamang-tama ang distansiya nito sa araw; at tamang-tama ang kombinasyon ng mga gas sa atmospera nito, pati na ang saganang oksiheno.

Baka magulat ka kapag nalaman mo na sa aklat ng Bibliya na Genesis, binanggit mismo ang mga ito sa ulat ng paglalang. Halimbawa, sa Genesis 1:10, binanggit na pinagsama-sama ng Diyos ‘ang tubig na tinawag niyang Dagat’​—na maliwanag na tumutukoy sa saganang tubig. Sa Genesis 1:3, mababasa natin: “Ang Diyos ay nagpasimulang magsabi: ‘Magkaroon ng liwanag.’” Hindi masyadong malayo sa araw ang ating planeta kaya nananatiling likido ang karamihan sa tubig nito, pero hindi rin ito masyadong malapit sa araw kaya naman hindi nagiging singaw ang lahat ng tubig nito.

Sinasabi ng Genesis 1:6 na ginawa ng Diyos ang “kalawakan,” o atmospera. Pagkatapos, binanggit sa talata 11 at 12 na pinasibol ng Diyos ang mga damo, halaman, at mga puno. Lahat ng ito ay katibayan na may oksiheno, kaya nang maglaon, naging posible na mabuhay ang mga tao at mga hayop sa pamamagitan ng paghinga.

Ano, kung gayon, ang matututuhan natin sa lahat ng ito? Nang lalangin ng Diyos ang lupa​—na sagana sa tubig, may tamang distansiya mula sa araw, at may tamang kombinasyon ng mga gas​—tiyak na mayroon siyang layunin. Sinasabi sa atin ng Bibliya: ‘Hindi nilalang ng Diyos ang lupa na walang kabuluhan, inanyuan niya ito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) “Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova,” ang sabi ng Awit 115:16, “ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.” Oo, nilalang ang lupa upang maging tahanan ng tao.

Ayon sa Kasulatan, nilalang ng Diyos ang unang mag-asawa at inilagay sila sa hardin ng Eden, na isang magandang paraiso, para “sakahin at ingatan” ito. (Genesis 2:15) Sinabi rin sa kanila ng Diyos: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:28) Isip-isipin na lamang ang magandang kinabukasang naghihintay sa kanila! Gagawin nilang Paraiso ang buong globo at maninirahan dito magpakailanman. Isa ngang kahanga-hangang kinabukasan!

Nakalulungkot, sa halip na sumunod, pinili ng mag-asawa na maghimagsik sa Diyos, na hanggang sa ngayon ay ginagawa pa rin ng karamihan ng tao. (Genesis 3:1-6) Ano ang resulta? Sa halip na pagandahin at alagaan ang lupa, ‘ipinapahamak’ ng mga tao ang lupa sa paraang di-sukat akalaing magagawa nila. (Apocalipsis 11:18) Pero nakaaaliw malaman na hindi pa rin nagbabago ang layunin ng Diyos para sa lupa. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) At ipinangako mismo ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Paano ito mangyayari?

Isang Magandang Kinabukasan ang Naghihintay

“Ang pagbabago sa klima ay isang pangglobong problema,” ang sabi ng isang dating presidente ng Estados Unidos. Kung gayon, hindi ka ba sasang-ayon na kailangan din ng isang pangglobong solusyon? Binanggit ni Jesu-Kristo ang solusyong iyon​—ang Kaharian ng Diyos. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:9, 10) Ayon sa hula ng Bibliya, ang makalangit na Kahariang ito ay isang pangglobong gobyerno, at malapit na nitong ‘durugin at wakasan ang lahat ng mga kaharian,’ o kasalukuyang mga gobyerno. (Daniel 2:44) Karagdagan pa, kikilos ito upang “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Maliwanag, pagbabayarin at pupuksain ang mga sumisira sa lupa at umaabuso sa mga yaman nito.

Pero ano ang mangyayari sa ating nasisira nang planeta? Kapansin-pansin na noong nasa lupa si Jesus, ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan sa likas na mga elemento, gaya ng hangin at dagat. Pinatahimik niya ang isang malakas na bagyo sa ilang salita lamang. (Marcos 4:35-41) Kapag namahala na si Jesus sa langit bilang “Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari,” lubusan na niyang magagamit ang kaniyang kapangyarihan para kontrolin ang lupa at ang mga elemento nito. (Apocalipsis 17:14) Sa katunayan, inilarawan ni Jesus ang kaniyang pamamahala bilang ang “muling-paglalang.” (Mateo 19:28) Sa ibang salin, ginamit ang terminong “pagpapanibago ng lahat ng bagay.” (New International Version) Muling lalalangin wika nga, o babaguhin ni Jesus ang kalagayan ng lupa at gagawin niya itong katulad ng kalagayang umiiral noon sa hardin ng Eden. Ibabalik ang Paraiso. (Lucas 23:43) Lulunasan ng Kaharian ng Diyos ang “lagnat” ng lupa.

Ngayon pa lamang, makikinabang ka na sa pamamahala ng Kaharian. Paano? Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Dahil dito, milyun-milyon ang tumutugon sa mabuting balita, at nabago ang kanilang buhay. Naihinto ng mga tao ang nakamamatay na mga bisyo. Naging maligaya ang buhay pampamilya. Napalitan ng pag-ibig ang pagkakapootan dahil sa lahi. Sa katunayan, naisasakatuparan ng Kaharian ng Diyos ang hindi kayang gawin ng gobyerno ng tao. Pinagkaisa nito ang halos pitong milyon katao mula sa 235 lupain sa isang tunay na internasyonal na kapatiran! Oo, bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos, inihahanda na sila upang mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso sa planetang ito.

May magandang kinabukasan ang lupa. Sana maging maganda rin ang kinabukasan mo!

[Larawan sa pahina 27]

Inilarawan na ng Bibliya ang siklo ng tubig sa lupa maraming siglo bago pa ito naiulat ng sekular na mga akda

[Larawan sa pahina 28]

“Sinaway [ni Jesus] ang hangin at sinabi sa dagat: ‘Tigil! Tumahimik ka!’ At tumigil ang hangin, at nagkaroon ng lubos na katahimikan”

[Larawan sa pahina 29]

Kapag isinauli na ang Paraiso, malulunasan na ang “lagnat” ng lupa

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Godo-Foto