Kilala Mo ba ang Iyong Makalangit na Ama?
Kilala Mo ba ang Iyong Makalangit na Ama?
KILALANG-KILALA mo ba ang iyong tatay? Kung lumaki ka sa isang mapagmahal na pamilya, parang hindi na ito kailangang itanong. ‘Siyempre kilalang-kilala ko siya!’ baka isagot mo. Oo, marami ang nagsasabing kilala nila ang kanilang tatay—alam nila kung ano ang kaniyang gusto at di-gusto, kung ano ang gagawin niya sa ilang situwasyon, at kung paano niya pinangangalagaan ang kaniyang pamilya.
Pero baka may mga pagkakataong nagugulat kang makita na may iba pa palang katangian ang iyong tatay. Halimbawa, baka kilala ng isang anak ang kaniyang tatay bilang isang taong tahimik at mahinahon. Pero nang malagay sa panganib ang kaniyang pamilya, nakita niyang matatag din pala ito at determinadong ipagtanggol ang kaniyang pamilya.
Kumusta naman sa ating Maylalang? Tungkol sa kaniya, sinasabi sa atin: “Sa pamamagitan niya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:28) Utang natin sa Diyos ang ating buhay, kaya naman masasabi nating siya ang Ama ng lahat ng nabubuhay na nilalang. (Isaias 64:8) Marahil, ganiyan din ang iyong saloobin tungkol sa Diyos, at tama naman iyan. Pero marami pa tayong dapat matutuhan at matuklasan tungkol sa kaniya na magiging kapaki-pakinabang at kasiya-siya para sa atin.
Ang antas ng pagmamahal at paggalang mo sa iyong tatay ay depende sa lalim ng pagkakilala mo sa kaniya. Sa katulad na paraan, habang nakikilala mo ang Diyos, mas napapalapít ka sa kaniya. Matutulungan ka ng Diyos sa mga pagsubok at di-inaasahang mga problema sa buhay kung kikilalanin mo siyang mabuti at gagawin ang kaniyang kalooban.
Anong uri ng persona ang Diyos? Ano ang dapat na maging epekto ng kaniyang mga katangian sa iyong saloobin sa kaniya? Mayroon ba siyang inaasahan sa iyo kapag nakilala mo siya? Sasagutin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 3]
Ang iyong damdamin para sa iba ay depende sa pagkakilala mo sa kanila