Ano Bang Uri ng Diyos ang Ating Makalangit na Ama?
Ano Bang Uri ng Diyos ang Ating Makalangit na Ama?
SAULADO ng marami ang Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon, ang modelong panalanging itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad. (Mateo 6:9-13) Sa tuwing mananalangin sila nito, tinatawag nila ang Diyos bilang “Ama namin.” Pero ilan kaya ang makapagsasabing kilalang-kilala nila siya?
Ikaw? Kilalang-kilala mo ba ang Diyos? Malapít ka ba sa kaniya, nakikipag-usap sa kaniya, at nasasabi sa kaniya kung masaya ka o malungkot? Paano ba talaga masasabing kilala natin siya?
“Jehova ang Kaniyang Pangalan”
Maaaring kilala lamang ng isang bata ang kaniyang tatay sa tawag na Daddy. Pero habang lumalaki siya, nalalaman na niya ang pangalan at reputasyon ng kaniyang tatay at malamang na ipinagmamalaki niya ito. Kumusta naman ang tungkol sa ating makalangit na Tagapagbigay-Buhay? Alam mo ba ang kaniyang personal na pangalan at ang kahulugan nito?
Bagaman inuulit-ulit ng marami ang mga salitang “Sambahin nawa ang pangalan mo” kapag sinasambit nila ang Panalangin ng Panginoon, baka hindi naman sila makasagot kapag tinanong sila kung ano ang pangalang iyon. (Magandang Balita Biblia) Ang mabituing kalangitan, matataas na bundok, makukulay na bahurang punung-puno ng buhay—ang mga ito’y katibayan na talagang may Diyos. Pero hindi sinasabi ng mga ito ang kaniyang pangalan. Para malaman ang pangalang iyan, kailangan nating buklatin ang Bibliya. Tuwiran nitong sinasabi: “Jehova ang kaniyang pangalan.”—Exodo 15:3.
Gusto ng Diyos na makilala siya sa kaniyang pangalang Jehova. Bakit? Dahil sa pangalang ito pa lamang, makikilala na natin kung sino siya talaga. Ang pangalang iyan ay literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Sa ibang pananalita, ginagampanan niya ang anumang papel na kailangang gampanan para matupad ang kaniyang layunin. Ganito iyon: Para pangalagaan ang kaniyang pamilya, ang isang tatay ay nagiging tagapaglaan, tagapayo, tagahatol, tagaareglo, tagapagsanggalang, at tagapagturo, depende sa pangangailangan at kalagayan
ng kaniyang pamilya. Sa katulad na paraan, tinitiyak sa atin ng pangalang Jehova na kayang-kayang isagawa ng Diyos ang kalooban niya alang-alang sa lahat ng naglilingkod sa kaniya, anuman ang mangyari.Isa-isahin natin ang iba’t ibang papel na ginagampanan ng ating maibiging Diyos ayon sa kahulugan ng kaniyang pangalan. Tutulungan ka nitong pahalagahan kung anong uri ng Diyos si Jehova, at malaman kung ano ang dapat mong gawin para mápalapít sa kaniya.
“Ang Diyos ng Pag-ibig at ng Kapayapaan”
Tinawag ni apostol Pablo ang ating Maylikha na “ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan.” (2 Corinto 13:11) Bakit? Sinabi noon ni Jesu-Kristo: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Dahil mahal na mahal niya ang mga tao, ibinigay ng Diyos ang kaniyang sinisintang Anak bilang pantubos, anupat naging posible para sa mga sumasampalataya sa kaniya na mabuhay magpakailanman nang walang kirot at pagdurusang dulot ng kasalanan. Kaya naman sinabi pa ni Pablo: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Hindi ba’t nauudyukan tayo nito na ibigin ang Diyos at maging malapít sa kaniya?
Ipinakikita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig hindi lamang sa mga tao sa pangkalahatan kundi gayundin sa tapat na mga tao bilang indibiduwal. Sa mga Israelita noon na naging masuwayin, sinabi ni Moises: “Kay Jehova ba kayo patuloy na gumagawa ng ganito, O bayan na hangal at hindi marunong? Hindi ba siya ang iyong Ama na lumikha sa iyo, siya na lumalang sa iyo at nagtatag sa iyo?” (Deuteronomio 32:6) Nakikita mo ba ang kahalagahan nito? Bilang isang mapagmahal na Ama, pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang bayan, kahit na marami silang pagkukulang. At inilalaan niya ang lahat ng talagang kailangan nila—materyal, emosyonal, at espirituwal.
Tayong lahat ay nakararanas ng saya at lungkot sa buhay at kung minsan ay nababagabag, at nanlulumo pa nga. Kailangan natin ng tulong para magkaroon ng tamang saloobin sa ating situwasyon at mga problema. Sino kaya ang makatutulong sa atin? Makikita natin sa kaniyang Salita, ang Bibliya, na si Jehova ay isang mapagmahal na Tagapayo at Tagapag-alaga. Ipinaliliwanag ng Sagradong Aklat na ito kung bakit labis-labis tayong nagdurusa at kung paano natin ito mapagtatagumpayan. Kung paanong ibinabangon ng isang mapagmahal na tatay ang kaniyang anak kapag ito’y nadadapa at nasasaktan, ibinabangon din tayo ni Jehova, wika nga, kapag nagkakaroon tayo ng problema. Ginagawa niya ito dahil mahal na mahal niya tayo. Oo, hindi maikli ang kamay ni Jehova para sa mga sumasampalataya sa kaniya.—Isaias 59:1.
Ipinakikita rin ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagiging Isa na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Paano? Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Kung taimtim kang mananalangin sa Diyos at susunod sa patnubay na inilalaan niya sa kaniyang Salita, matatamasa mo rin “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”
“Diyos ng Kaalaman”
Ang Diyos na Jehova ay inilalarawan sa Bibliya bilang Isa na “sakdal sa kaalaman.” Dahil siya ay “Diyos ng kaalaman,” nauunawaan niya higit kaninuman ang likas na mga katangian at pangangailangan ng tao. (Job 36:4; 1 Samuel 2:3) Ipinaalam niya sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Moises na “hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deuteronomio 8:3; Mateo 4:4) Nangangahulugan ito na para maging tunay na maligaya ang ating buhay, higit pa sa materyal na mga bagay ang kailangan natin.
Ang ating Maylalang ay naglalaan sa atin ng mahahalagang patnubay at payo sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Kapag pinag-aaralan natin ang Bibliya at ikinakapit sa ating buhay ang payo nito, nakikinabang tayo sa “bawat pananalita sa bibig ni Jehova.” Halimbawa, ganito ang sinabi ng Kristiyanong si Zuzanna tungkol sa kanilang mag-asawa: “Ang pagsasama naming mag-asawa ay pinatibay ng magkasamang pagbabasa ng Bibliya, pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at pagsasabi sa iba ng aming mga natututuhan. Dahil sa mga tagubilin ng Diyos, nagkaisa kami sa aming mga tunguhin at naging mas matibay ang aming pagsasama.”
Gusto mo bang makinabang sa mga payo at patnubay na inilalaan ng Diyos? Kung regular mong pag-aaralan ang Bibliya at ikakapit ang mga payo nito, mapapabilang ka sa mga tatanggap ng maraming pagpapala mula sa kaniya.—Hebreo 12:9.
Ang “Diyos ng Kaligtasan”
Ang daigdig ngayon ay puno ng alitan. Walang nakaaalam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Kung naninirahan ka sa isang bansang sinasalanta ng digmaan, malamang na pinapangarap mo ang kapayapaan. Sa maraming iba pang lugar sa daigdig, ang mga tao ay nabubuhay sa takot dahil sa krimen at karahasan, mabuway na ekonomiya, at terorismo. Sino kaya ang makapagliligtas sa atin sa lahat ng ito? Lalung-lalo nang kailangan ngayon ng mga tao ng magsasanggalang at magliligtas sa kanila.
“Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 18:10) Kung alam natin ang pangalan ng Diyos at pinagtitiwalaan ito, maiisip natin ang kaniyang mga nagawa at gagawin pa para iligtas ang mga sumasampalataya sa kaniya. Talagang napatunayan na ng Diyos na Jehova na kaya niyang iligtas ang kaniyang bayan. Halimbawa, iniligtas niya ang Israel sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga karong pandigma at puwersang militar ni Paraon. Si Jehova nga ang Diyos ng katapatan, ang Diyos na nakaaalaala sa mga namimighati at gustung-gusto niyang kumilos alang-alang sa kanila.—Exodo 15:1-4.
Ang ating walang-hanggang kinabukasan ay nakasalalay rin sa pananampalataya sa Diyos na Jehova bilang ang Tagapagligtas. Ipinakita ni Haring David ng sinaunang Israel, na napaharap sa mahihirap na kalagayan, ang uring ito ng pananampalataya nang sumulat siya tungkol kay Jehova: “Ikaw ang aking Diyos ng kaligtasan.” (Awit 25:5) May-pagtitiwalang sinabi ni apostol Pedro: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”—2 Pedro 2:9.
Ganito ang pangako ng Diyos sa taong nagtitiwala sa kaniya: “Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan.” (Awit 91:14) Nararanasan din ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang katotohanan ng pangakong iyan. Si Henryk na taga-Poland ay 70 taon nang tapat na naglilingkod kay Jehova, sa kabila ng pagsalansang at pag-uusig. Noong 16 anyos pa lamang si Henryk, ibinilanggo ang kaniyang tatay sa kampong piitan sa Auschwitz. Nang maglaon, ipinasok naman ng mga Nazi si Henryk at ang kaniyang kapatid na lalaki sa isang repormatoryo para sa mga kabataan. Pagkaraan ay inilipat siya sa isang kampong piitan. Tungkol sa mga nangyari noon, naaalaala ni Henryk: “Sa lahat ng mahihirap na kalagayang pinagdaanan ko, hindi ako kailanman pinabayaan ni Jehova. Ilang ulit akong napalagay sa bingit ng kamatayan, pero palagi niya akong tinutulungang manatiling tapat.” Oo, tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na magkaroon ng pananampalataya at lakas para makapagbata.
Malapit nang gampanan ng Diyos ang kaniyang papel bilang Tagapagligtas sa lahat ng sumasampalataya at nagtitiwala sa kaniya. Sinabi niya: “Ako ay si Jehova, at bukod pa sa akin ay walang tagapagligtas.” (Isaias 43:11) Sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” lilipulin niya ang mga balakyot at ililigtas naman ang mga matuwid. (Apocalipsis 16:14, 16; Kawikaan 2:21, 22) Tinitiyak sa atin ni Jehova: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Maging “mga Anak ng Diyos”
Noong panahon ni propeta Malakias, sinasabi ng mga Israelita na si Jehova ang kanilang Ama. Pero pagdating sa pagpaparangal at pagpapakita ng debosyon sa kaniya, maruming tinapay at mga hayop na bulag at pilay ang inihahandog nila sa kaniya bilang mga hain. Kaya naman tinanong sila ni Jehova: “Kung ako ay ama, nasaan ang karangalang ukol sa akin?”—Malakias 1:6.
Huwag mo sanang gawin ang pagkakamaling ginawa ng di-tapat na mga Israelita. Sa halip, hinihimok ka naming matuto tungkol sa Diyos na Jehova at maging malapít sa kaniya. “Lumapit kayo sa Diyos,” ang paghimok ng alagad na si Santiago, “at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Bilang Ama, may inaasahan sa atin si Jehova. Kung sinisikap mong parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa kaniyang mga pamantayan sa bawat pitak ng iyong buhay, hinding-hindi niya lilimutin ang iyong pagsisikap. Tutulungan ka pa nga niyang lumakad sa matuwid na landas patungo sa ipinangakong bagong sanlibutan, kung saan “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Sa panahong iyon, ang lahat ng masunuring tao ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.
[Blurb sa pahina 5]
Gusto ng Diyos na makilala natin siya sa kaniyang pangalang Jehova, na literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon”
[Blurb sa pahina 6]
“Sa lahat ng mahihirap na kalagayang pinagdaanan ko, hindi ako kailanman pinabayaan ni Jehova.”—HENRYK
[Blurb sa pahina 7]
“Ang pagsasama naming mag-asawa ay pinatibay ng magkasamang pagbabasa ng Bibliya, pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at pagsasabi sa iba ng aming natututuhan.”—ZUZANNA