Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit 30 pirasong pilak ang inialok kay Hudas upang ipagkanulo si Jesus?
Nang makipagkita si Hudas Iscariote sa mga punong saserdote para alamin kung magkano ang ibibigay nila sa kaniya upang ipagkanulo si Jesus, inalok nila siya ng “tatlumpung pirasong pilak.” (Mateo 26:14, 15) Ang halagang ito ay waring nagpapakita kung gaano katindi ang galit nila kay Jesus at kung gaano kababa ang tingin nila sa kaniya.
Ang mga baryang ito ay maaaring mga siklong pilak, ang salaping ginagamit ng mga Judio noon. Ano ang mabibili sa 30 siklo? Sinasabi ng Kautusang Mosaiko na ito ang halaga ng isang alipin. Makabibili ka rin ng isang lote ng lupa sa halagang 30 siklo.—Exodo 21:32; Mateo 27:6, 7.
Nang singilin ni propeta Zacarias mula sa di-tapat na mga Israelita ang kaniyang kabayaran bilang pastol ng bayan ng Diyos, “tatlumpung pirasong pilak” ang tinimbang nila na pambayad sa kaniya. Ito ay sinasadyang paghamak sa propeta ng Diyos, na nagpapahiwatig na alipin lamang ang turing nila sa kaniya. Kaya inutusan ni Jehova si Zacarias: “Ihagis mo iyon sa ingatang-yaman—ang maringal na halaga na inihalaga sa akin sa kanilang pangmalas.” (Zacarias 11:12, 13) Ang pagsunod ni Zacarias sa utos na ito ay nagpapaalaala sa atin ng gagawin ni Hudas sa halagang nakuha niya sa pagkakanulo sa Isa na itinalaga ni Jehova bilang pastol ng Israel.—Mateo 27:5.
Ano ang “kasulatan ng diborsiyo” na binabanggit sa Bibliya?
Sinasabi ng Kautusang Mosaiko: “Kung kukunin ng isang lalaki ang isang babae . . . bilang asawa, mangyayari nga na kung hindi ito makasumpong ng lingap sa kaniyang paningin sapagkat nakasumpong siya sa kaniya ng isang bagay na marumi, susulat nga siya ng isang kasulatan ng diborsiyo para rito at ilalagay niya iyon sa kamay nito at paaalisin niya ito sa kaniyang bahay.” (Deuteronomio 24:1) Ano ang layunin ng dokumentong ito? Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang nilalaman ng kasulatang ito, pero tiyak na magsisilbing proteksiyon ito sa karapatan at kapakanan ng diniborsiyong asawa.
Noong 1951-1952, may ilang sinaunang bagay na nasumpungan sa mga kuweba sa gawing hilaga ng Wadi Murabbaat, isang tuyong ilog sa disyerto ng Judea. Kabilang sa maraming manuskritong nasumpungan doon ang isang kasulatan ng diborsiyo na isinulat sa wikang Aramaiko at may petsang 71 o 72 C.E. Binabanggit nito ang nangyari noong unang araw ng buwan ng Marheshvan, sa ikaanim na taon ng paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma. Diniborsiyo ni Jose, anak ni Naqsan, na nakatira sa Masada, si Miriam, anak na babae ni Jonatan mula sa Hanablata. Kaya malaya na si Miriam na mag-asawang muli sa kaninumang Judio na gusto niya. Isinauli ni Jose ang dote ni Miriam at binayaran nang apat na ulit ang halaga ng anumang pag-aari ni Miriam na napinsala. Ang kasulatan ay nilagdaan mismo ni Jose at ng tatlong saksi—sina Eliezer, anak ni Malka; Jose, anak ni Malka; at Eleazar, anak ni Hanana.
[Larawan sa pahina 25]
Mga kuweba sa Wadi Murabbaat
[Larawan sa pahina 25]
Kasulatan ng diborsiyo na may petsang 71/72 C.E.
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Mga kuweba: Todd Bolen/Bible Places.com; kasulatan: Clara Amit, Courtesy of the Israel Antiquities Authority