Si Noe at ang Baha—Isang Tunay na Pangyayari, Hindi Kathang-Isip
Si Noe at ang Baha—Isang Tunay na Pangyayari, Hindi Kathang-Isip
GUSTO mo bang mabuhay sa isang magandang daigdig—sa isang daigdig kung saan nabubuhay nang mapayapa at magkakasama ang mga tao? sa isang daigdig na walang digmaan, krimen, at paniniil? Kung oo, mapasisigla ka ng isang ulat sa kasaysayan na marahil ay alam na alam mo. Ito ay ang ulat hinggil kay Noe, isang napakabuting tao na nagtayo ng arka. Sa pamamagitan ng arkang ito, siya at ang kaniyang pamilya ay nakaligtas sa isang pangglobong baha na lumipol sa masasama.
Iilang kuwento lamang ang pamilyar sa napakaraming tao, gaya ng kuwento tungkol sa Baha. Ang ulat hinggil sa nangyari kay Noe ay masusumpungan sa aklat ng Bibliya na Genesis, sa kabanata 6 hanggang 9. May mababasa ring nakakahawig na mga kuwento sa Koran at sa alamat ng iba’t ibang lahi sa buong lupa. Talaga bang nangyari ang Baha, o isa lamang itong kuwento na kapupulutan ng aral upang mapasigla ang mga tao na gawin ang tama? Matagal nang pinagtatalunan ng mga teologo at mga siyentipiko ang tanong na ito. Pero ito ang malinaw na tinitiyak sa atin ng Bibliya, ang Salita ng Diyos—ang ulat hinggil kay Noe at sa Baha ay tunay na pangyayari, hindi kathang-isip. Isaalang-alang ang sumusunod:
Sinasabi sa atin ng ulat sa Genesis ang eksaktong taon, buwan, at araw nang maganap ang Delubyo, kung kailan at kung saan sumadsad ang arka, at kung kailan humupa ang baha. Eksakto ring binabanggit sa ulat ang mga detalye hinggil sa arka—ang disenyo, sukat, at materyales na ginamit sa pagtatayo nito. Sa kabaligtaran, karaniwan nang malabo ang mga paglalarawang mababasa sa mga alamat.
Dalawang talaangkanang binabanggit sa Bibliya ang nagpapatotoo na isang tunay na persona si Noe. (1 Cronica 1:4; Lucas 3:36) Sina Ezra at Lucas, na bumuo ng mga talaangkanang ito, ay maiingat na mananaliksik. Itinala ni Lucas na si Jesu-Kristo ay mula sa talaangkanan ni Noe.
Binanggit nina propeta Isaias at Ezekiel at ng mga Kristiyanong apostol na sina Pablo at Pedro ang tungkol kay Noe o sa Baha.—Isaias 54:9; Ezekiel 14:14, 20; Hebreo 11:7; 1 Pedro 3:19, 20; 2 Pedro 2:5.
Tinukoy ni Jesu-Kristo ang Baha, sa pagsasabi: “Kung paanong naganap noong mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng tao: sila ay kumakain, sila ay umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa, ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na iyon nang pumasok si Noe sa arka, at dumating ang baha at pinuksa silang lahat.” (Lucas 17:26, 27) Kung hindi talaga nangyari ang Delubyo, mawawalan ng saysay ang sinabi ni Jesus hinggil sa “mga araw ng Anak ng tao.”
Inihula ni apostol Pedro na magkakaroon ng “mga manunuya” na hindi makikinig sa sinasabi ng Bibliya. Sumulat si Pedro: “Ayon sa kanilang naisin, ang bagay na ito ay nakalalampas sa kanilang pansin, na . . . ang sanlibutan [noong panahon ni Noe] ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.” Dapat bang makalampas sa ating pansin ang “bagay na ito”? Tiyak na hindi! Nagpatuloy si Pedro: “Ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 3:3-7.
Minsan pa, lilipulin ng Diyos ang masasama, at minsan pa, may mga makaliligtas. Kung tutularan natin ang halimbawa ni Noe, maaari tayong mapabilang sa mga matuwid na ililigtas tungo sa isang magandang daigdig.