Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Sinang-ayunan ng Diyos si Noe—Bakit Tayo Dapat Maging Interesado Rito?

Kung Bakit Sinang-ayunan ng Diyos si Noe—Bakit Tayo Dapat Maging Interesado Rito?

Kung Bakit Sinang-ayunan ng Diyos si Noe​—Bakit Tayo Dapat Maging Interesado Rito?

KARANIWAN nang natatandaan natin kung kailan tayo nakarinig ng mahalagang balita. Natatandaan natin ang mga detalye​—hindi lamang kung nasaan tayo at kung ano ang ginagawa natin noon kundi pati na rin ang naging reaksiyon natin. Walang kaduda-dudang hindi malilimutan ni Noe ang araw noong makatanggap siya ng balita mula sa Diyos na Jehova, ang Soberano ng uniberso. At ano kayang napakahalagang balita iyon? Sinabi ni Jehova na ipinasiya niyang lipulin ang “lahat ng laman.” Inutusan niya si Noe na magtayo ng napakalaking arka para makaligtas siya, ang kaniyang pamilya, at ang lahat ng uri ng hayop.​—Genesis 6:9-21.

Paano tumugon si Noe? Nagsaya ba siya nang marinig niya ang balita, o nagreklamo siya? Paano kaya niya ibinalita ito sa kaniyang asawa at pamilya? Walang sinasabi ang Bibliya tungkol dito. Pero binabanggit nito kung ano ang sumunod na nangyari: “Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.”​—Genesis 6:22.

Tiyak na mahalagang punto iyan, sapagkat ipinakikita ng mga pananalitang ito ang isang dahilan kung bakit sinang-ayunan ng Diyos si Noe; handang gawin ni Noe ang hinihiling sa kaniya ng Diyos. (Genesis 6:8) Ano pa kaya ang dahilan kung bakit sinang-ayunan ng Diyos si Noe? Mahalagang malaman natin ang sagot dito dahil dapat nating matularan si Noe para makaligtas tayo kapag muling nilinis ng Diyos ang lupa mula sa masasama. Subalit isaalang-alang muna natin kung ano ang kalagayan ng buhay ni Noe noong bago maganap ang Baha.

Bumaba sa Lupa ang mga Demonyo

Nabuhay si Noe noong pasimula ng kasaysayan ng tao. Isinilang siya mga isang libong taon pagkatapos lalangin ang unang tao. Ang mga tao noon ay hindi parang mga taong-kuweba​—mabalahibo, mahihina ang ulo, hukot, at may hawak na mga pambambo​—gaya ng naiisip ng marami. May mga pinanday na kagamitan na noon na gawa sa bakal at tanso, at malamang na ginamit ni Noe ang mga ito sa pagtatayo ng arka. May mga instrumento na rin sa musika. Nag-aasawa ang mga tao, nagpapamilya, nagsasaka, at nag-aalaga ng mga hayop. Bumibili sila at nagbebenta ng mga bagay-bagay. Sa mga aspektong ito, ang buhay noon ay kagaya ng sa ngayon.​—Genesis 4:20-22; Lucas 17:26-28.

Pero may mga bagay na lubhang naiiba kung ihahambing sa ngayon. Halimbawa, mas mahaba ang buhay ng mga tao noon. Karaniwan na, nabubuhay sila nang mahigit 800 taon. Nabuhay si Noe nang 950 taon; si Adan, 930 taon; at si Matusalem, ang lolo ni Noe, 969 na taon. *​—Genesis 5:5, 27; 9:29.

Ang isa pang pagkakaiba ay ang inilarawan sa Genesis 6:1, 2, na nagsasabi: “At nangyari, nang magpasimulang dumami ang mga tao sa ibabaw ng lupa at maipanganak sa kanila ang mga anak na babae, nang magkagayon ay napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.” Ang ‘mga anak na ito ng tunay na Diyos’ ay mga anghel mula sa langit na nagkatawang-tao at nanirahan sa lupa kasama ng mga tao. Hindi sila isinugo ng Diyos; ni nagpunta man sila sa lupa para sa kapakanan ng mga tao. Sa halip, ‘iniwan nila ang kanilang sariling wastong tahanang dako’ sa langit upang makipagtalik sa magagandang babae sa lupa. Ang mga anghel na ito ay naging mga demonyo.​—Judas 6.

Ang mga demonyong anghel na ito ay rebelyoso, imoral, at may kapangyarihan at talinong nakahihigit sa tao. Nagkaroon sila ng napakasamang impluwensiya sa lupa. Malamang na kinontrol at sinupil nila ang lipunan ng tao. Hindi sila gumagawa nang palihim, na parang isang lider ng sindikato na nagkukubli ng kaniyang pagkakakilanlan at kasamaan. Sa halip, lantaran ang kanilang paghihimagsik laban sa kaayusan ng Diyos.

Ang anghelikong mga anak ng Diyos na ito ay nakipagtalik sa mga babae, at ang mga babae namang ito ay nagkaanak. Subalit ang mga anak nila ay nagkaroon ng pambihirang lakas. Nakilala sila sa Hebreong termino na “Nefilim.” Ganito ang sinasabi sa ulat: “Ang mga Nefilim ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at pagkatapos din niyaon, nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao at ang mga ito ay manganak ng mga lalaki sa kanila, sila ang mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog.” (Genesis 6:4) Talagang nakakatakot ang mga Nefilim. Ang salitang “Nefilim” ay nangangahulugang “Mga Tagapagbuwal.” Mga mamamatay-tao sila at malamang na ang mga inilalarawan sa mga sinaunang alamat ay ang ginawa nilang karahasan.

Ang Pamimighati ng Matuwid

Ayon sa Bibliya, talamak ang katiwalian ng salinlahing iyon. Ganito ang mababasa natin: “Ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon. . . . Ang lupa ay napuno ng karahasan. . . . Sinira ng lahat ng laman ang kanilang lakad sa lupa.”​—Genesis 6:5, 11, 12.

Ito ang daigdig na kinabubuhayan noon ni Noe. Di-tulad ng mga taong nasa palibot niya, “si Noe ay isang lalaking matuwid” na “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:9) Hindi madali para sa isang matuwid na tao na mabuhay sa isang di-matuwid na lipunan. Tiyak na napighati si Noe dahil sa sinasabi at ginagawa ng mga tao! Malamang na nadama rin niya ang nadama ni Lot, isa pang matuwid na tao na nabuhay pagkatapos ng Baha. Si Lot, na nanirahan sa gitna ng masasamang tao sa Sodoma, ay “lubhang nabagabag sa pagpapakasasa sa mahalay na paggawi ng mga taong sumasalansang sa batas,” at “sa kaniyang nakita at narinig habang naninirahan sa gitna nila sa araw-araw, ay napahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang tampalasan.” (2 Pedro 2:7, 8) Kaya malamang na gayundin ang naramdaman ni Noe.

Ikaw ba ay nababahala sa nakagigitlang mga pangyayaring nababalitaan mo o sa di-makadiyos na paggawi ng mga tao sa paligid mo? Kung oo, tiyak na nauunawaan mo si Noe. Isip-isipin na lamang kung gaano kahirap para sa kaniya na mabuhay sa isang masamang daigdig sa loob ng 600 taon, yamang iyan ang edad niya nang maganap ang Baha. Tiyak na gustung-gusto na niyang mawala ang kasamaan!​—Genesis 7:6.

May Lakas ng Loob si Noe na Maging Iba

Si Noe ay “walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon.” (Genesis 6:9) Pansinin na sinasabi ng Bibliya na siya ay walang pagkukulang sa gitna, hindi ayon sa pananaw, ng kaniyang mga kapanahon. Sa ibang salita, wala siyang pagkukulang sa paningin ng Diyos, pero sa mata ng mga tao noong bago maganap ang Baha, kakatwa si Noe. Makatitiyak tayo na hindi siya sumang-ayon sa palagay ng karamihan, ni nakibahagi man siya sa masamang libangan at sosyal na mga gawain noong panahong iyon. Isip-isipin na lamang kung ano ang tingin sa kaniya ng mga tao nang sinimulan niyang itayo ang arka! Malamang na pinagtawanan at kinutya nila siya. Hindi nila sineryoso ang kaniyang sinabi.

Bukod diyan, may pinanghahawakang mga relihiyosong paniniwala si Noe, at hindi niya sinarili ang mga ito. Sinasabi ng Bibliya na siya ay “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Walang-alinlangang inaasahan ni Noe na sasalansangin siya. Ang kaniyang lolo sa tuhod, si Enoc, ay isang taong matuwid na humula hinggil sa paghatol ng Diyos laban sa masasama. Maliwanag na inusig si Enoc dahil dito, bagaman hindi pinahintulutan ng Diyos na mapatay siya ng mga sumasalansang sa kaniya. (Genesis 5:18, 21-24; Hebreo 11:5; 12:1; Judas 14, 15) Yamang nariyan si Satanas, ang mga demonyo, ang mga Nefilim, at ang maraming tao na walang pakialam o kaya naman ay salansang sa kaniya, kinailangan ni Noe ng lakas ng loob at ng pananampalataya sa kakayahan ni Jehova na ingatan siya.

Ang mga naglilingkod sa Diyos ay palaging sinasalansang ng mga hindi naglilingkod sa Kaniya. Maging si Jesu-Kristo ay kinapootan, at pati na rin ang mga tagasunod niya. (Mateo 10:22; Juan 15:18) May lakas ng loob si Noe na maglingkod sa Diyos, bagaman hindi ito nagugustuhan ng karamihan. Nauunawaan niya na di-hamak na mas mahalagang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos kaysa sa pagsang-ayon ng mga sumasalansang sa Kaniya. At dahil dito, sinang-ayunan ng Diyos si Noe.

Nagbigay-Pansin si Noe

Gaya ng nalaman natin, lakas-loob na nangaral si Noe sa iba. Paano sila tumugon sa mensaheng ipinaabot niya sa kanila? Sinasabi ng Bibliya na bago dumating ang Baha, ang mga tao ay “kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Hindi sila nakinig sa babala.​—Mateo 24:38, 39.

Sinabi ni Jesus na gayundin ang magaganap sa ating panahon. Sa loob ng mahigit isang daang taon na, binababalaan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao na kikilos si Jehova laban sa masasama upang matupad ang kaniyang pangakong magtatag ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran. Bagaman milyun-milyong tao ang positibong tumutugon sa babala, bilyun-bilyong tao naman ang hindi nagbibigay-pansin. “Ayon sa kanilang naisin,” winawalang-bahala nila ang katotohanan at kahalagahan ng Baha.​—2 Pedro 3:5, 13.

Pero nagbigay-pansin si Noe. Naniwala siya sa sinabi sa kaniya ng Diyos na Jehova. Ang pagsunod niya ang nagligtas sa kaniya. Sumulat si apostol Pablo: “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan.”​—Hebreo 11:7.

Isang Halimbawang Dapat Tularan

Napakalaki ng arkang itinayo ni Noe​—halos kasinghaba ng limang basketball court at kasintaas ng isang gusaling may tatlong palapag. Mas mahaba ito nang mahigit 30 metro sa Wyoming, ang pinakamalaking barkong gawa sa kahoy. Sabihin pa, hindi naman barko ang arka; kailangan lamang itong lumutang. Gayunpaman, kailangan ng mahusay na kasanayan para maitayo ito. At kailangan itong balutan ng alkitran sa loob at labas. Marahil ay mahigit 50 taon ang ginugol sa pagtatayo ng arka.​—Genesis 6:14-16.

Subalit hindi lamang iyan ang ginawa ni Noe. Kinailangan niyang mag-imbak ng pagkain na tatagal nang isang taon para sa kaniyang pamilya at sa mga hayop. Bago dumating ang Baha, kinailangan niyang tipunin at dalhin ang mga hayop sa loob ng arka. “Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya.” Tiyak na napawi ang kaniyang pagod nang handa na ang lahat at nang isara na ni Jehova ang pinto ng arka!​—Genesis 6:19-21; 7:5, 16.

Dumating ang Delubyo. Umulan nang 40 araw at 40 gabi. Sa isang buong taon, kinailangang manatili ang lahat sa loob ng arka hanggang sa humupa ang tubig. (Genesis 7:11, 12; 8:13-16) Namatay ang lahat ng masasamang tao. Si Noe lamang at ang kaniyang pamilya ang nakaligtas sa nilinis na lupa.

Sinasabi ng Bibliya na ang pangglobong Baha noong panahon ni Noe ay nagsisilbing “parisan . . . tungkol sa mga bagay na darating.” Sa anong paraan? Ganito ang mababasa natin: “Ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” Subalit tulad noong panahon ni Noe, may mga makaliligtas. Makatitiyak ka na “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”​—2 Pedro 2:5, 6, 9; 3:7.

Si Noe ay isang taong may makadiyos na debosyon, isang matuwid na tao sa gitna ng isang masamang salinlahi. Lubusan niyang sinunod ang Diyos. Siya ay may lakas ng loob na gawin ang tama bagaman alam niyang sa paggawa nito, hahamakin siya at kapopootan ng mga hindi nagnanais na maglingkod sa Diyos. Kung tutularan natin ang mga katangiang ito ni Noe, makakamit din natin ang pagsang-ayon ng Diyos at magkakaroon tayo ng pag-asang makaligtas sa bagong sanlibutan na malapit nang dumating.​—Awit 37:9, 10.

[Talababa]

^ Tingnan ang artikulong “Ganoon ba Talaga Kahaba ang Buhay Nila?” sa Hulyo 2007 isyu ng Gumising! pahina 30.

[Blurb sa pahina 5]

Malamang na ang inilalarawan sa mga sinaunang alamat ay ang ginawang karahasan ng mga Nefilim

[Larawan sa pahina 7]

Kung tutularan natin ang pananampalataya ni Noe, maaari din nating makamit ang pagsang-ayon ng Diyos

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Alinari/Art Resource, NY