Karunungan ng Diyos—Makikita sa Kalikasan
Karunungan ng Diyos—Makikita sa Kalikasan
“Siya ang Isa na nagtuturo sa atin nang higit kaysa sa mga hayop sa lupa, at ginagawa niya tayong mas marunong kaysa sa mga lumilipad na nilalang sa langit.”—JOB 35:11.
ANG mga ibon ay may kahanga-hangang kakayahan. Kinaiinggitan ng mga tagadisenyo ng eroplano ang paraan ng kanilang paglipad. Ang ilang uri ng ibon ay nakalilipad nang libu-libong kilometro sa dagat kahit wala itong mga palatandaan at nakararating sila sa kanilang destinasyon.
Ang isa pang namumukod-tanging kakayahan ng mga ibon—na higit pang nagsisiwalat sa karunungan ng Maylikha—ay ang kakayahan nilang mag-usap sa pamamagitan ng pagsiyap at paghuni. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Pag-uusap ng mga Ibon
Ang ilang uri ng ibon ay nakikipag-usap na bago pa man mapisa. Halimbawa, ang inahing pugo ay nangingitlog nang di-kukulangin sa walong itlog, isa sa bawat araw. Kung pare-pareho ang bilis ng paglaki ng sisiw sa loob ng itlog, isa-isang mapipisa ang mga ito sa loob ng walong araw. Mahihirapan ang inahin na alagaan ang malilikot na sisiw na isang linggo nang napisa habang may nililimliman pa itong isang itlog. Kaya ang nangyayari, sabay-sabay na napipisa ang lahat ng walong sisiw sa loob ng anim na oras. Paano nangyayari iyon? Ayon sa mga mananaliksik, ang isang pangunahing dahilan ay ang pag-uusap ng mga sisiw bago pa man sila mapisa at, sa paanuman, napagkakasunduan nilang mapisa sila nang halos sabay-sabay.
Kapag malaki na ang mga ibon, ang mga lalaki ang karaniwang humuhuni. Ginagawa nila ito lalo na kung panahon ng pagpaparami para manligaw o markahan ang kanilang teritoryo. Ang bawat isa sa libu-libong uri ng ibon ay masasabing may sariling wika at tumutulong ito para makapili ang mga babae ng kapareha na kauri nila.
Ang mga ibon ay karaniwan nang humuhuni kung madaling-araw at dapit-hapon, at tamang-tama naman ito. Hindi masyadong mahangin at walang gaanong ingay sa mga panahong iyon. Natuklasan ng mga mananaliksik na hanggang 20 ulit na mas naririnig ang huni ng mga ibon sa umaga at gabi kaysa sa tanghaling-tapat.
Bagaman mga lalaki ang karaniwan nang humuhuni, ang mga lalaki at babae ay parehong may iba’t ibang uri ng siyap, o maiikling huni, na may kani-kaniyang kahulugan. Halimbawa, ang mga chaffinch ay may siyam na iba’t ibang uri ng siyap. Iba ang pagsiyap nila para magbabala kung mula sa himpapawid ang panganib—gaya ng umaali-aligid na ibong maninila—at iba naman kung mula sa lupa ang panganib.
Isang Nakahihigit na Regalo
Talagang kahanga-hanga ang likas na karunungan ng mga ibon. Pero pagdating sa kakayahang makipag-usap, di-hamak na mas kahanga-hanga ang mga tao. Ginawa ng Diyos ang mga tao na “mas marunong kaysa sa mga lumilipad na nilalang sa langit,” ang sabi sa Job 35:11. Natatangi ang kakayahan ng tao na magpahayag ng mahihirap na ideya at pangangatuwiran sa pamamagitan ng pagsasalita o pagsenyas.
Di-tulad ng ibang nilalang, waring likas sa mga sanggol na matuto ng masalimuot na mga wika. Ganito ang sabi ng magasing American Scientist na mababasa sa Internet: “Natututo ng wika ang mga bata kahit hindi sila tuwirang kinakausap ng kanilang mga magulang; nakaiimbento pa nga ang mga batang bingi ng sarili nilang senyas kahit hindi sila tinuturuan nito sa bahay.”
Ang kakayahang sabihin ang laman ng ating isip at damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita o pagsenyas ay talagang isang kamangha-manghang regalo mula sa Diyos. Pero ang mas dakilang regalo na ibinigay sa tao ay ang kakayahang makipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Sa katunayan, inaanyayahan tayo ng Diyos na Jehova na makipag-usap sa kaniya. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” ang sabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, “kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Filipos 4:6.
Kapag kailangan nating gumawa ng mabibigat na pasiya, nais ni Jehova na kumuha tayo ng karunungan mula sa napakaraming impormasyong ipinasulat niya sa Bibliya. Tutulungan din niya tayong malaman kung paano ikakapit ang payong makikita natin doon. “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan,” ang sabi ng manunulat ng Bibliya na si Santiago, “patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.”—Santiago 1:5.
Ano ang Nadarama Mo?
Ano ang iyong nadarama kapag naririnig mo ang magandang huni ng ibon o ang unang mga salitang binibigkas ng isang bata? Nakikita mo ba ang karunungan ng Diyos sa mga bagay na ginawa niya?
Pagkatapos magbulay-bulay sa paraan ng pagkalalang sa kaniya, nasabi ng salmistang si David sa Diyos: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” (Awit 139:14) Habang sinusuri at pinahahalagahan mo ang karunungan ng Diyos na makikita sa paglalang, tiyak na lalakas ang iyong pananampalataya sa kaniyang kakayahang maglaan sa iyo ng matalinong payo.
[Blurb sa pahina 5]
Ang kakayahang makipag-usap ay isang regalo mula sa Diyos
[Picture Credit Line sa pahina 4]
© Dayton Wild/Visuals Unlimited