Liham Mula sa Dominican Republic
“Ngayon Lang May Nagmahal sa Akin Nang Ganito”
NANG linggong ito, nagbigay si Niurka sa aming kongregasyon ng isang presentasyon hinggil sa isang paksa sa Bibliya sa kauna-unahang pagkakataon. Inihanda niya ito sa pamamagitan ng pagsusulat sa Braille ng kaniyang sasabihin, at saka niya ito isinaulo. Kasama niya ako sa presentasyon. Ako ang gumanap bilang isang taong interesado na mag-aral ng Bibliya. Naririnig niya ako sa pamamagitan ng isang mikropono na nakakonekta sa kaniyang headphone. Nang matapos ang aming presentasyon, napakalakas ng palakpakan ng mga tagapakinig anupat narinig mismo ito ni Niurka. Kitang-kita sa ngiti niya ang labis na kasiyahan. At masayang-masaya rin ako. Talaga ngang sulit ang paglilingkod bilang misyonero!
Natatandaan ko pa nang una kong makilala si Niurka dalawang taon na ang nakararaan. Matapos kaming magbiyahe nang kalahating oras sa maalikabok na kalsada sa probinsiya, nakita ko siyang nakaupo sa beranda ng kaniyang simpleng bahay—yari sa kahoy, mga hollow block, at kinakalawang na bubong na yero. Maririnig at maaamoy ang mga kambing, kuneho, at aso sa paligid. Nakayukyok si Niurka, malungkot at nanlulumo. Tatlumpu’t apat na taóng gulang pa lamang siya, pero mukha siyang mas matanda sa edad niya.
Tinapik ko siya sa balikat, at itiningin niya sa amin ang kaniyang mga matang 11 taon na palang hindi nakakakita. Inilapit ko ang aking bibig sa kaniyang tainga at ipinakilala ko ang aking sarili at ang aking kasama. Di-nagtagal, nalaman namin na biktima si Niurka ng Marfan syndrome, isang namamanang sakit na labis na nagpapahirap sa kaniya. May malubhang diyabetis din si Niurka, kaya kailangang patuloy na subaybayan ang pabagu-bagong antas ng asukal sa kaniyang dugo.
Nang ipahawak ko sa kaniya ang Bibliya, nakilala niya kung ano ito at sinabing wiling-wili siyang magbasa nito noong hindi pa siya nabubulag. Gayunman, paano ko kaya matuturuan ng nakagiginhawang katotohanan sa Salita ng Diyos ang malungkot, mahina, at kaawa-awang taong ito? Yamang alam naman niya ang alpabeto, pinahawak ko siya ng mga plastik na letra. Di-nagtagal, natukoy niya kung anong mga letra ito. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagkapa sa aking mga kamay habang isinesenyas ko ang mga letra sa American Sign Language, natutuhan niya ang katumbas na senyas ng bawat letra. Paunti-unti, natutuhan din niya ang iba pang mga senyas. Dahil bago pa lamang akong nag-aaral ng wikang pasenyas, kailangan kong maghanda nang maraming oras bago kami mag-aral. Pero dahil pareho kaming determinado ni Niurka, mabilis kaming natuto ng wikang pasenyas.
Malaking tulong sa pagsulong ni Niurka ang pagkakaroon niya ng simpleng hearing aid na bigay
ng isang organisasyong nagkakawanggawa. Mahigit sampung taon na siyang hindi nakakakita at halos hindi nakaririnig kaya naging mapag-isa siya. Pero sa tulong ni Jehova, nabuhayan siya ng loob at nagkaroon ng pag-asa. Natuto siya tungkol sa Bibliya at nadama niyang may nagmamahal sa kaniya. Di-nagtagal, gamit ang kaniyang tungkod, pinupuntahan na ni Niurka ang kaniyang mga kapitbahay para ibahagi ang katotohanan sa Bibliya.Nagdaraos si Niurka ng pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang tiyahin at dalawang pinsan. Naghahanda siyang mabuti at patiunang isinasaulo ang bawat aralin. Ang kaniyang inaaralan ang bumabasa ng parapo, at siya naman ang bumabasa ng tanong mula sa aklat niyang Braille. Para malaman ni Niurka ang sagot ng kaniyang inaaralan, sinasabi ito sa kaniya ng kaniyang kasama malapit sa tainga niya o kaya nama’y isinesenyas ito ng kaniyang kasama habang kinakapa ni Niurka ang kamay nito.
Tinutulungan at pinasisigla ng buong kongregasyon si Niurka. Ilan sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano ang naghahatid sa kaniya sa mga pulong at asamblea. Sinasamahan naman siya ng iba sa pangangaral. Kamakailan ay sinabi ni Niurka: “Ngayon lang may nagmahal sa akin nang ganito.” Nais na niyang magpabautismo sa susunod naming pandistritong kombensiyon.
Habang papaliko kami sa daang papunta sa bahay ni Niurka, nakita namin siyang nakaupo sa may beranda na nakatingala at nakangiti. Tinanong ko siya kung bakit siya nakangiti. Sinabi niya: “Iniisip kong paraiso na ang lupa, at naroroon ako.”
[Larawan sa pahina 25]
Si Niurka kasama ang ilang miyembro ng aming kongregasyon sa harap ng Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 25]
Ibinabahagi ni Niurka sa iba ang kaniyang natutuhan