Karapatan ng mga Biktima ng Karahasan—Ipinagtanggol
Karapatan ng mga Biktima ng Karahasan—Ipinagtanggol
NOONG Mayo 3, 2007, nagbaba ang European Court of Human Rights sa Strasbourg, Pransiya, ng nagkakaisang desisyon pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Republika ng Georgia. Sinabi ng hukumang ito na pinagmalupitan ang mga Saksi roon at pinagkaitan sila ng karapatan sa malayang pagsamba. Kinondena rin ng hukuman ang dating pamahalaan ng Georgia dahil wala itong ginawang legal na aksiyon laban sa mga gumawa ng krimen. Bakit kaya gayon ang naging desisyon?
Noong Oktubre 17, 1999, mapayapang nagtitipon para sa pagsamba ang mga 120 miyembro ng Kongregasyon ng Gldani ng mga Saksi ni Jehova sa Tbilisi, ang kabisera ng Georgia. Walang anu-ano, sumugod sa kanilang pinagpupulungan ang malaking pangkat ng mga mang-uumog na pinangungunahan ni Vasili Mkalavishvili, isang pinatalsik na paring Ortodokso. Hinambalos ng mga mang-uumog ang mga nagpupulong gamit ang mga batuta at krus na bakal. Marami ang nasugatan at ang ilan ay malubhang nasaktan. Permanente namang napinsala ang mata ng isang babae dahil sa tinamo niyang mga palo. Di-kukulangin sa 16 na katao ang kinailangang isugod sa ospital. Nang humingi ng tulong sa pulisya ang ilang Saksi, hinarap sila ng hepe na nagsabing mas masahol pa sana ang aabutin nila sa kaniya! Kinunan ng video ng isa sa mga mang-uumog ang pagsalakay, at nang maglaon ay ipinalabas ito sa mga istasyon ng telebisyon na napapanood sa buong bansa, anupat kitang-kita sa video kung sino ang mga sumalakay. *
Nagsampa ng pormal na reklamo sa kinauukulan ang mga Saksing naging biktima ng krimen, pero walang ginawang aksiyon sa mga sumalakay. Ang pulis na inatasang mag-imbestiga sa nangyari ay nagsabing miyembro siya ng simbahang Ortodokso kaya tiyak na may kikilingan siya. Dahil walang ginawang aksiyon ang pulisya at pamahalaan, lalong lumakas ang loob ng mga relihiyosong panatiko na magsagawa ng mahigit isang daan pang gayong pagsalakay.
Kaya noong Hunyo 29, 2001, naghain ng petisyon ang mga Saksi ni Jehova sa European Court of Human Rights. * Ibinaba ng hukuman ang huling hatol nito noong Mayo 3, 2007, kung saan detalyado nitong inilarawan ang pagsalakay at kinondena ang hindi pag-aksiyon ng mga opisyal ng pamahalaan ng Georgia. Sinabi ng hukuman: “Tungkulin ng mga awtoridad . . . na umaksiyon agad para alamin kung totoo ang impormasyon” tungkol sa pagsalakay. Sinabi pa nito: “Dahil hindi inaksiyunan ng mga awtoridad ang gayong mga pagkilos, mawawalan ng tiwala ang publiko sa hustisya at sa pagpapatupad ng Estado sa batas.”
Ganito ang sinabi ng hukuman sa pagtatapos ng hatol nito: “Ang pagsalakay laban sa mga aplikante noong ika-17 ng Oktubre 1999 ang kauna-unahang malawakang pagsalakay laban sa mga Saksi ni Jehova, at dahil sa kapabayaan ng mga awtoridad, lumaganap ang karahasan may kinalaman sa relihiyon sa buong Georgia na isinagawa ng grupo ring iyon ng mga mang-uumog.”
Dahil sa mga pangyayaring ito, ipinagtanggol ang karapatan ng mga biktima ng marahas na pagsalakay at ipinag-utos ng hukuman na magbayad ang pamahalaan ng Georgia sa mga miyembro ng Kongregasyon ng Gldani para sa mga pinsalang nagawa at sa mga gastos sa abogado. Masaya ang mga Saksi ni Jehova sa Georgia dahil halos humupa na ang karahasan at kalupitan, pero nagagalak din sila dahil pinagtibay ng desisyon ng hukuman ang kanilang karapatang magpulong nang mapayapa para sa pagsamba. Dahil dito, malaki ang pasasalamat nila sa kanilang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, na nadama nilang pumapatnubay at nagbibigay sa kanila ng proteksiyon sa lahat ng pagsubok na ito.—Awit 23:4.
[Mga talababa]
^ Para sa detalye, tingnan ang Gumising! Enero 22, 2002, pahina 18-24, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ Ang European Court of Human Rights ay isang ahensiya ng Council of Europe at nagpapasiya sa mga inirereklamong paglabag sa European Convention for the Protection of Human Rights and Fundamental Freedoms. Noong Mayo 20, 1999, sumang-ayon ang Georgia sa pinagkasunduan sa kombensiyon, kaya obligado silang sundin ang mga nakasaad sa kasunduang iyon.