Tanong ng mga Mambabasa
Bakit Hindi Gumagamit ang mga Saksi ni Jehova ng Krus sa Kanilang Pagsamba?
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang kamatayan ni Jesu-Kristo ay naglaan ng pantubos kung kaya nagkaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan ang mga nananampalataya sa kaniya. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Pero hindi sila naniniwalang namatay si Jesus sa krus, gaya ng kadalasang nakikita sa mga larawan. Naniniwala silang namatay si Jesus sa isang tuwid na tulos, o poste.
Dalawang libong taon bago pa man ang panahon ni Kristo, ginagamit na ang krus sa Mesopotamia. Makikita rin ang krus maging sa nililok na mga bato sa Scandinavia mga 3,000 taon bago umiral si Jesus sa lupa. Ginamit ng mga di-Kristiyanong iyon ang krus “bilang agimat . . . na nagsisilbing proteksiyon at nagdadala ng suwerte,” ang isinulat ng Danes na istoryador at eksperto sa mga sagisag na si Sven Tito Achen sa kaniyang aklat na Symbols Around Us. Hindi nga kataka-takang sabihin ng New Catholic Encyclopedia: “Ang krus ay masusumpungan kapuwa sa mga kultura bago ang panahong Kristiyano at sa mga kulturang di-Kristiyano, kung saan kadalasan itong iniuugnay sa mga bagay sa kalawakan.” Kung gayon, bakit kaya naging pinakasagradong sagisag ng simbahan ang krus?
Nagbigay ng di-matututulang katotohanan ang kilaláng Britanong iskolar na si W. E. Vine: “Noong kalagitnaan ng ika-3 siglo A.D. . . . tinanggap ng simbahan ang mga pagano . . . at pinayagan silang panatilihin ang karamihan sa kanilang paganong mga tanda at sagisag. Kaya ang [letrang] Tau o T, . . . na bahagyang nakababa ang pahalang na bahagi, ay tinanggap [ng simbahan].”—Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words.
Idinagdag pa ni Vine na ang orihinal na Griego para sa salitang “krus” ay tumutukoy sa “tulos . . . na naiiba sa dalawang piraso ng kahoy na pinagkrus na karaniwang nakikita sa simbahan.” Ganito rin ang sinabi ng Companion Bible ng Oxford University: “Ang ebidensiya ay . . . [nagpapakitang] namatay ang Panginoon sa isang tuwid na tulos, at hindi sa dalawang piraso ng kahoy na pinagkrus sa anumang anggulo.” Maliwanag na hindi kaayon ng sinasabi Bibliya ang itinuturo ng simbahan.
Ganito pa ang sinabi ng istoryador na si Achen: “Sa loob ng dalawang siglo mula nang mamatay si Jesus, malayong mangyari na gumamit ang mga Kristiyano ng sagisag ng krus.” Idinagdag pa niya na para sa mga Kristiyano noong unang siglo, ang krus ay “pangunahin nang nangangahulugan ng kamatayan at kasamaan, gaya ng turing ng sumunod na mga henerasyon sa gilotina o silya elektrika.”
Ngunit anuman ang ginamit para pahirapan at patayin si Jesus, hindi dapat pag-ukulan ng debosyon o gamitin sa pagsamba ng mga Kristiyano ang anumang sagisag o larawan nito. “Tumakas kayo mula sa idolatriya,” ang iniuutos ng Bibliya. (1 Corinto 10:14) Si Jesus mismo ang nagbigay ng totoong pagkakakilanlan ng kaniyang mga tunay na tagasunod. Sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
Tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang mga Kristiyano noong unang siglo. Sa lahat ng pitak ng kanilang pagsamba, sinisikap nilang sumunod sa Bibliya sa halip na sa tradisyon. (Roma 3:4; Colosas 2:8) Iyan ang dahilan kung bakit hindi sila gumagamit ng krus sa kanilang pagsamba.
[Larawan sa pahina 22]
Nililok na larawan ng isang paganong hari ng asirya na may suot na krus, 800 B.C.E.
[Credit Line]
Photograph taken by courtesy of the British Museum