Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Ano ang katumbas na halaga ng dalawang baryang iniabuloy ng babaing balo?
Noong unang siglo C.E., ang taunang buwis sa templo na ibinabayad ng mga Judio ay “dalawang drakma,” katumbas ng mga dalawang araw na sahod. (Mateo 17:24) Sa kabilang dako, sinabi ni Jesus na ang dalawang maya ay ipinagbibili “sa isang barya na maliit ang halaga,” katumbas ng sahod para sa humigit-kumulang 45 minutong pagtatrabaho. Sa katunayan, doblehin lamang ang halagang ito, o humigit-kumulang 90 minutong pagtatrabaho, makabibili ka na noon ng limang maya.—Mateo 10:29; Lucas 12:6.
Mas mababa pa sa halagang iyan ang iniabuloy sa templo ng dukhang babaing balo na nakita ni Jesus. Ang dalawang baryang iyon, o dalawang lepton, ang pinakamaliit na baryang tanso sa Israel nang panahong iyon. Katumbas lamang iyon ng 1⁄64 ng sahod sa isang araw, o mas mababa pa sa 12 minutong pagtatrabaho, kung ibabatay sa karaniwang 12 oras na pagtatrabaho sa isang araw.
Sinabi ni Jesu-Kristo na mas malaki ang iniabuloy ng babaing balo kaysa sa lahat ng iba pang nag-abuloy “mula sa kanilang labis.” Bakit? Binanggit ng ulat na mayroon siyang “dalawang maliit na barya,” kaya puwede naman sanang isa lamang ang iabuloy niya at itabi ang isa para sa kaniyang sarili. Pero ibinigay niya ang “lahat ng taglay niya, ang kaniyang buong ikabubuhay.”—Marcos 12:41-44; Lucas 21:2-4.
Kailan nakilala si Saul bilang Pablo?
Si apostol Pablo ay isinilang na isang Hebreo na may Romanong pagkamamamayan. (Gawa 22:27, 28; Filipos 3:5) Kaya malamang na mayroon na siyang Hebreong pangalang Saul at Romanong pangalang Pablo mula pa sa pagkabata. Gaya ni Pablo, ang ilan sa mga kamag-anak niya ay may pangalang Romano at ang ilan ay may pangalang Griego. (Roma 16:7, 21) Isa pa, karaniwan na sa mga Judio nang panahong iyon, lalo na sa mga naninirahan sa labas ng Israel, na magkaroon ng dalawang pangalan.—Gawa 12:12; 13:1.
Waring ang apostol na ito ay mas kilala sa kaniyang Hebreong pangalang Saul sa loob ng mahigit isang dekada matapos siyang maging Kristiyano. (Gawa 13:1, 2) Pero sa kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, mga 47/48 C.E., malamang na pinili niyang gamitin ang kaniyang Romanong pangalang Pablo. Yamang inatasan siyang ihayag ang mabuting balita sa mga di-Judio, maaaring nadama niyang mas angkop na gamitin ang kaniyang pangalang Romano. (Gawa 9:15; 13:9; Galacia 2:7, 8) Posible ring ginamit niya ang kaniyang pangalang Pablo dahil ang bigkas sa wikang Griego ng kaniyang Hebreong pangalang Saul ay kahawig sa bigkas ng isang salitang Griego na hindi maganda ang kahulugan. Anuman ang dahilan ni Pablo sa pagbabago ng kaniyang pangalan, ipinakita niya na handa siyang ‘maging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas niya ang ilan.’—1 Corinto 9:22.
[Larawan sa pahina 12]
Isang lepton, aktuwal na laki