Kung Paano Magiging Ganap na Maligaya ang Isang Ina
Kung Paano Magiging Ganap na Maligaya ang Isang Ina
SA BUONG daigdig sa ngayon, karamihan sa mga kababaihan ay may sekular na trabaho. Sa industriyalisadong mga bansa, halos magkasindami na ang lalaki at babaing namamasukan para kumita. Sa papaunlad na mga bansa naman, maraming oras ang ginugugol ng mga babae sa pagtatrabaho nang mabigat sa bukid para makatulong sa gastusin ng pamilya.
Maraming kababaihan ang nahahati sa dalawang tungkuling dapat nilang gampanan—ang pagtatrabaho para kumita at ang pag-aasikaso sa kanilang pamilya at bahay. Ang mga babaing ito ay hindi lamang gumagastos para sa pagkain, damit, at tirahan, kundi sila rin ang nagluluto, naglalaba, at naglilinis ng bahay.
Bukod diyan, nagsisikap din ang mga Kristiyanong ina na turuang maging malapít sa Diyos ang kanilang mga anak. “Sa totoo lang, napakahirap pagsabayin ang trabaho at pamilya, lalo na kung may maliliit kang anak,” inamin ni Cristina, may dalawang maliliit na anak na babae. “Hindi madaling ibigay sa mga anak ang lahat ng atensiyong kailangan nila.”
Bakit nga ba napipilitang magtrabaho ang mga ina? Anong mga problema ang napapaharap sa kanila? At kailangan nga bang magtrabaho ang isang ina para maging ganap na maligaya?
Kung Bakit Nagtatrabaho ang mga Ina
Para sa maraming ina, kailangan talaga na magkaroon sila ng full-time na trabaho. Ang ilan ay walang asawang tutulong sa mga gastusin ng pamilya. Natuklasan naman ng ibang mga mag-asawa na kakapusin sila kung isa lamang sa kanila ang magtatrabaho.
Totoo, hindi lahat ng ina ay nagtatrabaho para makatustos sa mga pangangailangan. Marami rin ang nagtatrabaho para ipakitang sila’y may silbi. Nagtatrabaho ang ilan para magkaroon ng sariling pera o masunod ang kanilang luho. Marami ang mahuhusay sa kanilang trabaho at gustung-gusto nilang gawin ito.
Posible ring dahilan ang panggigipit ng kasamahan kung kaya napipilitang magtrabaho ang ilang ina. Bagaman aminado ang marami na napakahirap ng kalagayan ng mga namamasukang ina dahil sa tensiyon at pagod, ang mga inang hindi nagtatrabaho ay madalas pa ring hindi maunawaan—kinakantiyawan
pa nga. “Mahirap ipaliwanag sa iba na ikaw ay ‘nasa bahay lamang,’” inamin ng isang babae. “Mahahalata sa kanilang sinasabi o ekspresyon ng mukha na inaaksaya mo lamang ang iyong buhay,” ang sabi niya. Si Rebeca, may isang dalawang-taóng-gulang na anak na babae, ay nagsabi: “Bagaman nauunawaan sa aming lugar na dapat alagaan ng mga ina ang kanilang mga anak, nakikita kong mababa pa rin sa paanuman ang tingin nila sa mga inang hindi namamasukan.”Kathang-Isip at ang Aktuwal na Nangyayari
Sa ilang lugar sa daigdig, ipinakikita ng media na ang “huwarang babae” ay yaong matagumpay sa kaniyang napiling propesyon—mataas ang suweldo, magarang manamit, at malaki ang tiwala sa sarili. Pag-uwi niya ng bahay, nalulutas pa rin niya ang mga problema ng kaniyang mga anak, naitutuwid ang mga pagkakamali ng kaniyang asawa, at nahaharap ang anumang problema sa bahay. Mangyari pa, iilang babae lamang ang makasusunod sa ganitong ilusyon.
Ang totoo, nakakasawa ang maraming sekular na trabaho ng mga babae at mababa lamang ang kanilang suweldo. Bigung-bigo ang mga inang namamasukan dahil hindi nila magamit nang husto sa kanilang trabaho ang likas nilang kakayahan. Sinabi ng aklat na Social Psychology: “Sa kabila ng pagsisikap na maging magkapantay, ang mga lalaki pa rin ang humahawak ng mas maganda at mas mataas na posisyon sa trabaho. Kung gayon, talagang mahihirapan ang mga babae kapag ibinatay sa kanilang trabaho ang tagumpay nila.” Ganito ang sabi ng pahayagang El País sa Espanya: “Sa kaso ng mga kababaihan, tinatayang tatlong ulit na mas malamang na makadama sila ng tensiyon kaysa sa mga kalalakihan, dahil karamihan sa kanila ay doble ang trabaho—namamasukan na, nag-aasikaso pa sa bahay.”
Kung Paano Makatutulong ang Asawang Lalaki
Mangyari pa, ang pagpapasiya kung dapat o hindi dapat magtrabaho ang isang Kristiyanong ina ay personal na desisyon. Pero sa mag-asawa, kailangan muna nilang pag-usapan at pagtimbang-timbangin ang mga bagay-bagay bago sila magpasiya.—Kawikaan 14:15.
Paano kung magpasiya ang mag-asawa na kailangan talaga nilang kumuha ng full-time na trabaho para matustusan ang kanilang mga pangangailangan? Kung gayon, kailangang pag-isipan ng isang matalinong asawang lalaki ang payo ng Bibliya: “Mga lalaki . . . maging maunawain kayo sa inyu-inyong asawa. Pakitunguhan ninyo sila nang may paggalang pagkat sila’y mahihinang di-tulad ninyo at sila’y tagapagmana ring kasama ninyo sa masaganang buhay na kaloob ng Dios.” (1 Pedro 3:7, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Nagpapakita ng paggalang ang asawang lalaki sa kaniyang kabiyak kung lagi niyang iniisip ang pisikal at emosyonal na mga limitasyon ng kaniyang asawa. Hangga’t maaari, tinutulungan niya ang kaniyang asawa sa mga gawaing bahay. Gaya ni Jesus, handa ang asawang lalaki na gumawa ng simpleng mga trabaho sa bahay at hindi niya iniisip na nababawasan ang kaniyang dignidad sa paggawa nito. (Juan 13:12-15) Sa halip, itinuturing niyang isang magandang pagkakataon ang mga gawaing ito para ipakita ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang masipag na asawa. Pahahalagahan ng asawang babae ang gayong tulong.—Efeso 5:25, 28, 29.
Walang-alinlangang napakahalaga ng pagtutulungan sa gawaing-bahay kung kailangang parehong magtrabaho ang mag-asawa. Idiniin ang katotohanang iyan ng isang ulat sa ABC, isang pahayagan sa Espanya. Sa pagkokomento sa isang pag-aaral na isinagawa ng Institute of Family Matters, sinasabi ng ulat na ito na ang mataas na bilang ng diborsiyo sa Espanya ay hindi lamang dahil sa “pagkawala ng espirituwal at moral na mga pamantayan” kundi dahil din sa kombinasyon ng dalawang bagay—“ang pagtatrabaho ng mga babae at ang hindi pagtulong ng mga lalaki sa gawaing bahay.”
Ang Napakahalagang Papel ng Kristiyanong Ina
Bagaman sa mga ama pangunahing ipinabalikat ni Jehova ang pananagutang sanayin ang kanilang mga anak, alam ng Kristiyanong mga ina na mayroon ding napakahalagang papel na ipinagkatiwala sa kanila—lalo na habang sanggol Kawikaan 1:8; Efeso 6:4) Ang mga ina at mga ama ang kinakausap ni Jehova nang tagubilinan ang mga Israelita na ikintal sa mga anak nila ang kaniyang Kautusan. Alam niyang ito’y mangangailangan ng panahon at tiyaga, lalo na habang lumalaki ang anak. Dahil dito, sinabi ng Diyos sa mga magulang na dapat nilang sanayin ang kanilang mga anak kapag nasa bahay, nasa daan, kapag bumabangon at kapag nakahiga.—Deuteronomio 6:4-7.
pa ang anak nila. (Idiniin ng Salita ng Diyos ang mahalaga at marangal na papel ng mga ina nang iutos nito sa mga bata: “Huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 6:20) Mangyari pa, kokonsulta muna ang asawang babae sa kaniyang asawa bago siya magsabi ng anumang kautusan sa mga bata. Pero ipinakikita sa talatang ito na may karapatan ang mga ina na gumawa ng mga kautusan. At kapag isinapuso ng mga bata ang itinuturo ng isang Kristiyanong ina tungkol sa Diyos at sa kagandahang-asal, tatanggap sila ng maraming pagpapala. (Kawikaan 6:21, 22) Ipinaliwanag ni Teresa, may dalawang anak na batang lalaki, kung bakit hindi siya namasukan. Sinabi niya: “Ang pinakaimportanteng trabaho ko ay ang mapalaking naglilingkod sa Diyos ang aking mga anak. Gusto kong magawa ang trabahong ito sa abot ng aking makakaya.”
Mga Inang Nakatulong Nang Malaki
Tiyak na nakinabang si Haring Lemuel ng Israel sa tapat na pagsisikap ng kaniyang ina. “Ang mabigat na mensahe” na ibinigay ng kaniyang ina sa kaniya “bilang pagtutuwid” ay naging bahagi pa nga ng kinasihang Salita ng Diyos. (Kawikaan 31:1; 2 Timoteo 3:16) Ang paglalarawang ito ng ina tungkol sa may-kakayahang asawa ay nakatutulong pa rin sa mga anak na lalaki upang maging matalino sa pagpili ng mapapangasawa. At ang kaniyang mga babala tungkol sa imoralidad at paglalasing ay kapit pa rin ngayon gaya noong una itong isulat.—Kawikaan 31:3-5, 10-31.
Noong unang siglo, pinuri ni apostol Pablo ang magandang ginawa ng inang si Eunice sa pagtuturo sa kaniyang anak na si Timoteo. Dahil ang sinasamba ng kaniyang di-sumasampalatayang asawa ay malamang na mga diyos ng mga Griego, kinailangang hikayatin ni Eunice si Timoteo na sampalatayanan ang “banal na mga kasulatan.” Kailan sinimulan ni Eunice na turuan si Timoteo sa Kasulatan? Sinasabi sa kinasihang ulat na ginawa niya ito “mula sa pagkasanggol”—sa ibang salita, noong sanggol pa si Timoteo. (2 Timoteo 1:5; 3:14, 15) Ang kaniyang pananampalataya at halimbawa, at ang kaniyang mga itinuro, ang maliwanag na naghanda kay Timoteo para sa paglilingkod bilang misyonero.—Filipos 2:19-22.
Binabanggit din sa Bibliya ang tungkol sa mga inang dahil sa kanilang pagkamapagpatuloy sa tapat na mga lingkod ng Diyos ay nakilala ng kanilang mga anak ang mga taong dapat tularan. Halimbawa, palaging inaanyayahan ng isang Sunamita si propeta Eliseo sa kanilang bahay. Nang maglaon, binuhay-muli ni Eliseo ang anak na lalaki ng Sunamita. (2 Hari 4:8-10, 32-37) Tingnan din ang halimbawa ni Maria, ang ina ng manunulat ng Bibliya na si Marcos. Lumilitaw na inialok niya ang kaniyang bahay sa Jerusalem para gawing pulungan ng sinaunang mga alagad. (Gawa 12:12) Tiyak na nakinabang si Marcos sa pagsama-sama sa mga apostol at iba pang Kristiyanong nagiging bisita nila.
Maliwanag na malaki ang pagpapahalaga ni Jehova sa mga pagsisikap ng tapat na mga babaing nagtuturo sa kanilang mga anak ng Kaniyang mga simulain. Mahal niya ang mga babaing ito dahil sa kanilang katapatan at pagsisikap na malipos ng espiritu ng Diyos ang kanilang tahanan.—2 Samuel 22:26; Kawikaan 14:1.
Pinakamagandang Desisyon
Gaya ng ipinakikita ng nabanggit na mga halimbawa sa Kasulatan, nagdudulot ng pambihirang pagpapala ang mahusay na pangangalaga sa pisikal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan ng pamilya. Pero hindi ito madaling gawin. Ang trabaho ng isang ina sa loob ng tahanan ay mas mahirap pa kaysa sa pinakamataas na posisyon sa isang kompanya.
Totoo, kung naipasiya ng isang ina na bawasan ang kaniyang sekular na trabaho pagkatapos tanungin ang kaniyang asawa, posibleng makarinig siya ng mga kantiyaw mula sa mga hindi nakauunawa sa kaniyang desisyon at baka kailanganin
din ng pamilya na gawing simple na lamang ang kanilang buhay. Pero sulit na sulit naman ang magiging kapalit ng pagsasakripisyong ito. Si Paqui ay may tatlong anak at kailangang kumuha ng part-time na trabaho. Ang sabi niya: “Gusto kong nasa bahay na ako pag-uwi ng mga bata mula sa paaralan para may makausap sila.” Paano nakikinabang ang kaniyang mga anak? “Tinutulungan ko sila sa kanilang mga takdang-aralin, at kapag may problema, nahaharap ko agad ang mga ito,” ang sabi niya. “Dahil palagi kaming magkakasama araw-araw, madali kaming nakapag-uusap. Mahalagang-mahalaga sa akin ang panahong ito sa piling ng aking mga anak kaya tinanggihan ko ang iniaalok sa akin na full-time na trabaho.”Natuklasan ng maraming Kristiyanong ina na kapag part-time lamang ang kanilang trabaho, nakikinabang ang buong pamilya. “Nang tumigil ako sa aking sekular na trabaho, napansin kong gumanda ang takbo ng aming pamilya,” ang paliwanag ni Cristina na binanggit sa simula. “May panahon na akong makipag-usap sa aking mga anak at natutulungan ko agad ang aking asawa. Nakadama ako ng kasiyahan sa pagtuturo sa aking mga anak, habang nakikita ko silang natututo at sumusulong.” May isang pangyayari na hinding-hindi malilimot ni Cristina. Sinabi niyang hindi niya nakita kung paano natutong lumakad ang kaniyang panganay dahil pinaalagaan niya ito sa iba. “Pero sa aking ikalawang anak,” ang sabi niya, “ako mismo ang nagturo sa kaniyang lumakad dito sa bahay. Nang una niyang ihakbang ang kaniyang mga paa, sa mga bisig ko mismo siya bumagsak. Napakasaya ko nang mga sandaling iyon!”
Isa pa, hindi naman talaga malaki ang nawawala kung part-time lamang ang trabaho ng isang ina. “Ang malaking bahagi ng aking suweldo ay napupunta rin sa gastusin sa pagpapaalaga at transportasyon,” ang paliwanag ni Cristina. “Nang pag-aralan naming mabuti ang aming situwasyon, nakita naming halos wala rin palang naitutulong ang aking sekular na trabaho.”
Matapos pag-aralan ang kanilang situwasyon, nagpasiya ang ilang mag-asawa na mas mahalaga ang buong-panahong pag-aasikaso ng ina sa pamilya kaysa sa pera. “Tuwang-tuwa ako nang ang asawa ko na ang nag-aasikaso sa aking dalawang maliliit na anak,” ang sabi ng asawa ni Cristina na si Paul. “Mas tensiyonado kaming mag-asawa noong pareho kaming namamasukan.” Ano naman ang naging epekto ng desisyong ito sa kanilang mga anak? “Hindi lamang sila naging panatag,” ang sabi ni Paul, “naprotektahan din sila nang husto mula sa masasamang impluwensiya habang sila’y lumalaki.” Bakit kaya napakaimportante sa kanila na makapiling lagi ang kanilang mga anak na babae hangga’t maaari? Sumagot si Paul: “Alam ko na kung hindi kami ang huhubog sa puso ng aming mga anak, ibang tao ang gagawa nito.”
Maliwanag na dapat pag-aralang mabuti ng bawat mag-asawa ang kanilang kalagayan, at hindi dapat kuwestiyunin ang desisyon ng iba. (Roma 14:4; 1 Tesalonica 4:11) Gayunman, mahalaga rin namang isaalang-alang ang maraming pakinabang na makukuha ng pamilya kapag ang ina ay hindi kumuha ng full-time na trabaho. Bilang buod ng nadama ni Teresa, na nabanggit sa simula, sinabi niya: “Wala nang iba pang makapagdudulot ng ganap na kaligayahan kundi ang paggugol ng maraming panahon hangga’t maaari sa pag-aasikaso at pagtuturo sa iyong mga anak.”—Awit 127:3.
[Larawan sa pahina 31]
May bahagi rin ang mga Kristiyanong ina sa napakahalagang gawaing ito ng pagsasanay sa kanilang mga anak