Ano ang Layunin ng Buhay?
Ano ang Layunin ng Buhay?
BAKIT KAILANGANG MALAMAN ANG SAGOT? Napakasaklap para sa isang tao na madamang walang kabuluhan at walang layunin ang buhay. Sa kabilang dako, ang taong may tiyak na layunin sa buhay ay matatag pa rin sa kabila ng mga problema. Si Viktor E. Frankl, isang neurologo at nakaligtas sa Holocaust, ay sumulat: “Para sa akin, wala nang iba pang makatutulong sa isang tao na malampasan kahit ang pinakamabigat na problema sa buhay kundi ang kabatiran na may layunin ang buhay.”
Pero maraming nagkakasalungatang opinyon tungkol dito. Para sa marami, nasa tao na ang pagpapasiya kung ano ang layunin ng buhay. Pero itinuturo ng ilang naniniwala sa ebolusyon na wala naman talagang kabuluhan ang buhay.
Subalit ang totoo, ang pinakamakatuwirang paraan upang malaman ang layunin ng buhay ay ang alamin ito mula sa Tagapagbigay-Buhay, ang Diyos na Jehova. Pag-isipan kung ano ang sinasabi ng kaniyang Salita tungkol dito.
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay may tiyak na layunin para sa lalaki at babae nang lalangin niya sila. Ibinigay ni Jehova ang sumusunod na utos sa ating unang mga magulang.
Genesis 1:28. “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.”
Nilayon ng Diyos na palawakin nina Adan at Eva at ng kanilang mga anak ang paraiso sa buong lupa. Hindi niya nilayon na tumanda at mamatay ang tao; ni ginusto man niyang sirain ng tao ang kapaligiran. Pero dahil sa di-matalinong pasiya ng ating unang mga magulang, nagmana tayo ng kasalanan at kamatayan. (Genesis 3:2-6; Roma 5:12) Gayunman, hindi nagbago ang layunin ni Jehova. Sa malapit na hinaharap, ang buong lupa ay magiging paraiso.—Isaias 55:10, 11.
Nilalang tayo ni Jehova na may lakas at talino para tuparin ang kaniyang layunin. Hindi niya tayo nilalang upang mabuhay nang hiwalay sa kaniya. Pansinin kung ano ang sinasabi ng sumusunod na mga talata sa Bibliya tungkol sa layunin ng Diyos para sa atin.
Eclesiastes 12:13. “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”
Mikas 6:8. “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”
Mateo 22:37-39. “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’”
Kung Paano Nagdudulot ng Tunay na Kapayapaan ng Isip ang Sagot ng Bibliya
Para umandar nang maayos ang anumang makina, kailangan itong gamitin ayon sa pagkakadisenyo ng maygawa nito. Sa katulad na paraan, upang hindi tayo mapahamak—sa pisikal, mental, espirituwal, o emosyonal na paraan man—kailangan nating mamuhay ayon sa layunin ng ating Maylikha. Pansinin kung paanong ang
ating kabatiran sa layunin ng Diyos ay magbibigay sa atin ng kapayapaan ng isip sa sumusunod na mga pitak ng buhay.Kapag nagpapasiya kung ano ang uunahin, marami sa ngayon ang gumugugol ng kanilang buhay sa pagpapayaman. Pero, “yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa,” ang babala ng Bibliya.—1 Timoteo 6:9, 10.
Sa kabilang dako, nalaman ng mga natutong umibig sa Diyos sa halip na sa pera, ang susi sa pagkakontento. (1 Timoteo 6:7, 8) Alam nila na mahalagang maging masipag at na obligado silang maglaan para sa kanilang sariling pisikal na pangangailangan. (Efeso 4:28) Pero isinasaisip din nila ang babala ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.”—Mateo 6:24.
Kaya sa halip na unahin ang sekular na trabaho o pagpapayaman, inuuna ng mga umiibig sa Diyos ang paggawa ng kaniyang kalooban. Alam nila na kung nakasentro sa paggawa ng kalooban ng Diyos ang kanilang buhay, pangangalagaan sila ng Diyos na Jehova. Sa katunayan, binabalikat ni Jehova ang pananagutang ito.—Mateo 6:25-33.
Kapag nakikitungo sa mga tao, inuuna ng marami ang kanilang sarili. Halos wala na ngayong kapayapaan sa daigdig, pangunahin na, dahil maraming tao ang nagiging “maibigin sa kanilang sarili, . . . walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:2, 3) Kapag binigo sila ng isang tao o sinalungat ang kanilang opinyon, nagpapadala sila sa “galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” (Efeso 4:31) Sa halip na umakay sa kapayapaan ng isip, “pumupukaw ng pagtatalo” ang gayong kawalan ng pagpipigil sa sarili.—Kawikaan 15:18.
Sa kabaligtaran, ang mga sumusunod sa utos ng Diyos na ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili ay “mabait . . . sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.” (Efeso 4:32; Colosas 3:13) Kahit hindi maganda ang pagtrato sa kanila ng iba, sinisikap pa rin nilang tularan si Jesus, na nang nilalait ay “hindi . . . nanlait bilang ganti.” (1 Pedro 2:23) Gaya ni Jesus, nauunawaan nila na nagdudulot ng tunay na kasiyahan ang paglilingkod sa iba, kahit sa mga taong posibleng hindi magpahalaga. (Mateo 20:25-28; Juan 13:14, 15; Gawa 20:35) Nagbibigay ang Diyos na Jehova ng kaniyang banal na espiritu sa mga nagsisikap tumulad sa kaniyang Anak, at sa pamamagitan ng espiritung ito ay nakadarama sila ng tunay na kapayapaan.—Galacia 5:22.
Pero paano makaaapekto sa iyong kapayapaan ng isip ang pananaw mo sa kinabukasan?
[Blurb sa pahina 6]
Kailangan ng tao ang tiyak na layunin sa buhay
[Larawan sa pahina 7]
Itinuturo sa atin ni Jesus kung paano magkakaroon ng kapayapaan ng isip