Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Gaano kalaki ang binubong dagat sa templo ni Solomon?
Ayon sa ulat ng 1 Hari 7:26, “dalawang libong takal na bat ang mailalaman” ng dagat, samantalang sinasabi naman ng katulad na ulat sa 2 Cronica 4:5 na “tatlong libong takal na bat ang mailalaman nito.” Dahil dito, sinasabi ng ilan na ang pagkakaiba ay resulta ng isang pagkakamali ng tagakopya sa ulat ng Mga Cronica.
Gayunman, hindi magkasalungat ang dalawang tekstong ito. Ang orihinal na tekstong Hebreo sa 2 Cronica 4:5 ay maaaring unawain na tumutukoy sa aktuwal na kapasidad ng sisidlan kung pupunuin iyon, samantalang ang 1 Hari 7:26 naman ay tumutukoy sa dami ng tubig na karaniwang inilalagay sa sisidlang iyon. Sa ibang salita, hindi kailanman pinupuno ang sisidlan hanggang sa pinakalabi nito. Lumilitaw na hanggang dalawang katlo lamang ng aktuwal na kapasidad nito ang karaniwang inilalagay na tubig.
Bakit isang barya lamang ang ibinayad nina Jesus at Pedro para sa buwis sa templo?
Noong panahon ni Jesus, ang lahat ng lalaking Judio na mahigit 20 taóng gulang ay hinihilingang magbayad taun-taon ng dalawang drakma, o isang didrachma, bilang buwis sa templo. Katumbas ito ng mga dalawang araw na sahod. Nang bumangon ang tanong tungkol sa pagbabayad ng buwis na ito, inutusan ni Jesus si Pedro: “Pumunta ka sa dagat, maghagis ka ng kawil, at kunin mo ang unang isda na lilitaw at, kapag ibinuka mo ang bibig nito, makasusumpong ka ng isang baryang estater. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila para sa akin at sa iyo.”—Mateo 17:24-27.
Naniniwala ang maraming iskolar na ang nabanggit na baryang estater ay, sa katunayan, isang tetradrachma. Nagkakahalaga ang baryang ito ng apat na drakma, o katumbas ng binabayarang buwis sa templo para sa dalawang tao. Di-hamak na mas madalas gamitin ang tetradrachma at mas madaling makakuha nito kaysa sa didrachma. Kaya naman, ganito ang komento ng The New Bible Dictionary: “Lumilitaw na madalas na para sa dalawa ang ibinabayad ng mga Judio bilang buwis sa Templo.”
Bukod diyan, sinumang gustong magbayad ng buwis para sa isang tao lamang ay pinagbabayad ng karagdagang halaga para sa pagpapapalit ng pera. Umaabot ito nang hanggang 8 porsiyento. Gayunman, kung para sa dalawa ang babayaran, hindi na kailangang magbayad ng karagdagang halaga. Kaya pinatutunayan kahit ng maliit na detalyeng ito na magkasuwato ang ulat ni Mateo at ang kaugalian noong panahon ni Jesus.
[Larawan sa pahina 15]
Pinalaking kuha ng isang tetradrachma