Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kabataang Sinagip Mula sa Kawalang-Pag-asa

Isang Kabataang Sinagip Mula sa Kawalang-Pag-asa

Isang Kabataang Sinagip Mula sa Kawalang-Pag-asa

Ayon sa Salaysay ni Eusebio Morcillo

Noong Setyembre 1993, pumunta ako sa isang bilangguang napakahigpit ng seguridad. Babautismuhan ang isa sa mga bilanggo, ang aking nakababatang kapatid na si Mariví. Magalang na nagmasid ang ilang bilanggo at mga opisyal doon nang bigkasin ko ang pahayag sa bautismo at ilubog sa tubig si Mariví. Bago ko ipaliwanag kung bakit kami naroroon, ikukuwento ko muna ang aming buhay noong bata pa kami.

IPINANGANAK ako sa Espanya noong Mayo 5, 1954. Panganay ako sa walong magkakapatid, at si Mariví naman ang pangatlo. Pinalaki kami ng aming lola bilang mga debotong Katoliko. Pakiramdam ko ay malapít ako sa Diyos noong nasa piling ako ni Lola. Pero ibang-iba naman pagdating sa bahay. Palaging binubugbog ni Itay si Inay, pati na kaming magkakapatid. Kakambal na namin ang takot, at nasasaktan akong makita na nagdurusa si Inay.

Lalo pa akong nasiraan ng loob pagdating sa paaralan. Iniuuntog ng isang guro, na isang pari, ang aming ulo sa dingding kapag nagkakamali kami ng sagot. Minomolestiya naman ng isa pang pari ang mga mag-áarál habang tinutulungan niya sila sa kanilang takdang-aralin. Karagdagan pa, nalilito ako at natatakot sa turo ng Katoliko tungkol sa maapoy na impiyerno. Kaya naman, nanamlay ang aking debosyon sa Diyos.

Nalugmok sa Walang-Saysay na Buhay

Dahil wala akong alam sa mga pamantayan ng Diyos, naging laman ako ng mga disco, kung saan nakasama ko ang mga taong imoral at marahas. Madalas na magkagulo roon, at nagliliparan ang mga kutsilyo, kadena, baso, at mga upuan. Bagaman hindi ako sumasali sa kanilang gulo, minsan ay natamaan nila ako at nawalan ng malay.

Nang maglaon, nagsawa ako sa ganoong lugar at humanap ng mas tahimik na mga disco. Pero marami rin ang nagdodroga roon. Gumamit ako ng droga para masiyahan at magkaroon ng kapayapaan ng isip, pero halusinasyon at kabalisahan lamang ang idinulot nito sa akin.

Kahit na hindi ko gusto ang gayong buhay, hinikayat ko pa rin ang nakababata kong kapatid na si José Luis at ang malapít kong kaibigang si Miguel na sumama sa akin. Gaya ng ibang mga kabataan sa Espanya nang panahong iyon, nalugmok kami sa imoral at maruming pamumuhay. Halos lahat ay gagawin ko para lamang magkaroon ng pambili ng droga. Wala na akong respeto sa sarili.

Sumaklolo si Jehova

Noong panahong iyon, madalas kong ipakipag-usap sa aking mga kaibigan ang aking pananaw hinggil sa pag-iral ng Diyos at kung ano ang layunin ng buhay. Sinikap kong makilala ang Diyos, at naghanap ako ng taong makatutulong sa akin. Napansin kong ibang-iba sa lahat si Francisco, isa sa aking mga katrabaho. Mukha siyang maligaya, matapat, at mabait, kaya ipinasiya kong sabihin sa kaniya ang aking hangaring makilala ang Diyos. Si Francisco ay isang Saksi ni Jehova, at binigyan niya ako ng isyu ng Ang Bantayan na may artikulong tumatalakay sa droga.

Pagkatapos kong basahin ang artikulo, nanalangin ako sa Diyos para humingi ng tulong: “Diyos ko, alam ko pong umiiral kayo, at gusto ko pong makilala kayo at gawin ang inyong kalooban. Tulungan n’yo po ako!” Pinatibay ako ni Francisco at ng iba pang mga Saksi gamit ang Bibliya. Binigyan din nila ako ng salig-Bibliyang mga publikasyon para mabasa ko. Napagtanto kong sila ang sagot sa aking mga panalangin. Di-nagtagal, ikinuwento ko kay José Luis at sa aking mga kaibigan ang mga natututuhan ko.

Isang araw, habang pauwi kami ng aking mga kaibigan galing sa isang rock concert, lumayo ako nang kaunti at pinagmasdan sila. Napag-isip-isip kong napakasama na pala ng epekto ng droga sa aming paggawi. Nang sandaling iyon, ipinasiya kong talikuran ang gayong buhay at maging isang Saksi ni Jehova.

Humiling ako ng Bibliya kay Francisco, at binigyan naman niya ako kasama ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. * Nang mabasa ko ang pangako ng Diyos na papahirin niya ang bawat luha at aalisin maging ang kamatayan, kumbinsido akong nasumpungan ko na ang katotohanang makapagpapalaya sa sangkatauhan. (Juan 8:32; Apocalipsis 21:4) Nang maglaon, dumalo ako sa pulong ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang Kingdom Hall. Humanga ako nang husto sa kanilang kabaitan at pagiging palakaibigan.

Sabik akong ibahagi sa iba ang naging karanasan ko sa Kingdom Hall, kaya agad kong ikinuwento iyon kay José Luis at sa mga kaibigan ko. Pagkalipas ng ilang araw, dumalo kaming lahat sa pulong. Isang dalagita na nakaupo sa unahan namin ang napalingon sa amin. Halatang gulát na gulát siya nang makita niya ang grupong ito ng mga hippie na mahahaba ang buhok, kaya hindi na niya kami nilingon pang muli. Pero nang sumunod na linggo, tiyak na nasorpresa siya nang makita niya kami sa Kingdom Hall na nakasuot na ng amerikana.

Di-nagtagal, dumalo rin kami ni Miguel sa pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Sa kauna-unahang pagkakataon, nasaksihan namin ang tunay na kapatiran ng mga taong iba’t iba ang edad. Hindi rin namin sukat akalain na idaraos ang asamblea sa mismong lugar kung saan kami nanood kamakailan ng rock concert. Pero sa pagkakataong ito, gumaan ang aming pakiramdam dahil sa kapaligiran at sa narinig naming musika.

Lahat kaming magkakaibigan ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Pagkalipas ng mga walong buwan, nabautismuhan kami ni Miguel noong Hulyo 26, 1974. Pareho kaming 20 taóng gulang. Nabautismuhan din ang apat sa aming mga kaibigan makalipas ang ilang buwan. Naudyukan ako ng mga natutuhan ko sa Bibliya na tulungan ang aking matiising ina sa kaniyang mga gawaing-bahay at ibahagi sa kaniya ang aking bagong pananampalataya. Naging malapít kami ni Inay sa isa’t isa. Gumugol din ako ng maraming oras para tulungan ang nakababata kong mga kapatid.

Sa kalaunan, si Inay at ang lahat ng aking mga kapatid, maliban sa isa, ay nag-aral ng Bibliya at nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova. Noong 1977, nagpakasal kami ni Soledad. Siya ang dalagita na nagulat nang makita kami noong unang pagdalo namin sa Kingdom Hall. Pagkaraan lamang ng ilang buwan, pareho kaming nagpayunir, gaya ng tawag ng mga Saksi ni Jehova sa buong-panahong mga mángangarál ng mabuting balita.

Nagbagong-Buhay ang Isang Minamahal

Naging biktima ng pangmomolestiya ang nakababata kong kapatid na si Mariví, at matindi ang naging epekto sa kaniya ng mapait niyang karanasan. Nang maging tin-edyer siya, namuhay siya nang imoral​—nasangkot siya sa droga, pagnanakaw, at prostitusyon. Sa edad na 23, nakulong siya at patuloy na napariwara.

Nang panahong iyon, naglilingkod ako bilang tagapangasiwa ng sirkito, isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Noong 1989, naatasan kami ni Soledad na maglingkod sa lugar kung saan nakabilanggo si Mariví. Hindi pa natatagalan noon, kinuha ng mga awtoridad ang anak na lalaki ni Mariví; gumuho ang kaniyang daigdig, at ayaw na niyang mabuhay pa. Isang araw, dinalaw ko siya at inalok na mag-aral ng Bibliya, at pumayag naman siya. Pagkalipas ng isang buwan, tinigilan na niya ang pagdodroga at paninigarilyo. Tuwang-tuwa akong makita na binigyan siya ni Jehova ng lakas para magbagong-buhay.​—Hebreo 4:12.

Di-nagtagal, ibinabahagi na ni Mariví ang kaniyang mga natututuhan sa Bibliya sa kaniyang mga kapuwa bilanggo at sa mga opisyal ng bilangguan. Bagaman palipat-lipat siya ng bilangguan, nagpatuloy siya sa pangangaral. Sa isang bilangguan, nangaral pa nga siya sa bawat selda. Sa paglipas ng mga taon, nakapagdaos si Mariví ng mga pag-aaral sa Bibliya sa maraming preso sa iba’t ibang bilangguan.

Isang araw, sinabi sa akin ni Mariví na gusto na niyang ialay ang kaniyang buhay kay Jehova at magpabautismo. Pero hindi siya pinayagan na pansamantalang makalabas sa bilangguan, ni pinahintulutan man ang sinuman na pumasok sa loob para bautismuhan siya. Nagtiis siya nang apat pang taon sa masamang kapaligiran ng bilangguang iyon. Paano nanatiling matibay ang kaniyang pananampalataya? Sa mismong oras na nagpupulong ang lokal na kongregasyon, pinag-aaralan din niya sa loob ng kaniyang selda ang materyal na kanilang tinatalakay. Bukod diyan, regular siyang nag-aaral ng Bibliya at nananalangin.

Nang maglaon, inilipat si Mariví sa isang bilangguang napakahigpit ng seguridad pero may swimming pool. Dahil dito, naisip niyang maaari na siyang mabautismuhan. At sa wakas ay pinayagan nga si Mariví. Kaya naroroon ako para iharap ang pahayag sa bautismo. Kasama niya ako sa pinakamahalagang sandali ng kaniyang buhay.

Dahil sa dating pamumuhay ni Mariví, nagkaroon siya ng AIDS. Pero noong Marso 1994, pinalaya siya nang mas maaga bunga ng kaniyang mabuting paggawi. Tumira siya sa bahay kasama ni Inay at naging masigasig na Kristiyano hanggang sa mamatay siya pagkalipas ng dalawang taon.

Pagwawaksi sa Negatibong mga Damdamin

Hindi rin ako ganap na nakaligtas sa epekto ng dati kong pamumuhay. Ang pagmamalupit ng aking ama at ang buhay ko noong tin-edyer ako ay nag-iwan ng pilat sa aking pagkatao. Nang magkaedad ako, lagi akong binabagabag ng aking budhi, at napakababa ng tingin ko sa aking sarili. May panahong lumung-lumo ako. Pero malaking tulong sa akin ang Salita ng Diyos para mapagtagumpayan ko ang nakasisiphayong mga damdaming ito. Sa loob ng maraming taon, ang paulit-ulit na pagbubulay-bulay sa mga tekstong gaya ng Isaias 1:18 at Awit 103:8-13 ang tumulong sa akin na maibsan ang pagkabagabag ng aking budhi.

Nakatulong din sa akin ang panalangin para maiwaksi ang pagkadama ng kawalang-halaga. Palaging umaagos ang luha sa aking mga mata habang nananalangin ako kay Jehova. Magkagayunman, napalakas ako ng mga salita sa 1 Juan 3:19, 20: “Sa ganito natin malalaman na tayo ay nagmumula sa katotohanan, at mabibigyang-katiyakan natin ang ating mga puso sa harap niya saanman tayo hinahatulan ng ating mga puso, sapagkat ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.”

Ang taimtim na paglapit ko sa Diyos nang may “pusong wasak at durog” ay nakatulong sa akin na matantong hindi naman pala ako ganoon kasamâ. Tinitiyak ng Bibliya sa lahat ng humahanap kay Jehova na hindi Niya hinahamak ang mga taong taimtim na nagsisisi sa dati nilang paggawi at gumagawa na ng kaniyang kalooban.​—Awit 51:17.

Kapag nag-aalinlangan ako sa aking sarili, pinupuno ko ang aking isipan ng mga bagay na positibo at nakapagpapatibay ng pananampalataya, gaya ng binabanggit sa Filipos 4:8. Sinaulo ko ang Awit 23 at ang Sermon sa Bundok. Kapag nagkakaroon ako ng negatibong mga kaisipan, binibigkas ko ang mga tekstong iyon. Nakatutulong ito sa akin, lalo na kapag hindi ako makatulog sa gabi.

Malaking tulong din sa akin ang mga pampatibay-loob ng aking asawa at ng iba pang may-gulang na mga Kristiyano. Noong una, nadama kong hindi ako karapat-dapat sa mga papuri nila, pero tinulungan ako ng Bibliya na maunawaang “pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:7) At siyempre pa, unti-unti kong natutuhang mapagpakumbabang tanggapin ang aking mga kahinaan at limitasyon.

Sa kabilang panig, nakatulong ang pakikipagpunyagi ko sa negatibong mga kaisipan upang ako ay maging isang madamaying naglalakbay na tagapangasiwa. Halos 30 taon na kaming naglilingkod ng aking asawa bilang buong-panahong mga ministro ng mabuting balita. Ang kagalakan sa paglilingkod sa iba ay nakatulong sa akin na maisaisantabi ang negatibong mga damdamin at mga alaala ng aking pangit na karanasan.

Ngayon, kapag ginugunita ko at binubulay-bulay ang mga pagpapala ni Jehova sa akin, nauudyukan akong ulitin ang sinabi ng salmista: “Pagpalain mo si Jehova, . . . siyang nagpapatawad ng lahat ng iyong kamalian, siyang nagpapagaling ng lahat ng iyong karamdaman, siyang bumabawi ng iyong buhay mula sa hukay mismo, siyang nagpuputong sa iyo ng maibiging-kabaitan at kaawaan.”​—Awit 103:1-4.

[Talababa]

^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Blurb sa pahina 30]

Lagi akong binabagabag ng aking budhi, at napakababa ng tingin ko sa aking sarili. Pero malaking tulong sa akin ang Salita ng Diyos para mapagtagumpayan ko ang nakasisiphayong mga damdaming ito

[Mga larawan sa pahina 27]

Tinularan nina José Luis at Miguel ang aking masama at mabuting halimbawa

[Larawan sa pahina 28, 29]

Pamilyang Morcillo noong 1973

[Larawan sa pahina 29]

Si Mariví noong nakabilanggo siya

[Larawan sa pahina 30]

Kasama ang aking asawang si Soledad