Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MULA SA AMING ARCHIVE

“Dinala Kayo ni Jehova sa France Para Malaman Ninyo ang Katotohanan”

“Dinala Kayo ni Jehova sa France Para Malaman Ninyo ang Katotohanan”

NOONG bata pa si Antoine Skalecki, isang maliit na kabayo ang lagi niyang kasama. Tinatahak nila ang madidilim na tunnel sa isang minahan na 500 metro ang lalim mula sa ibabaw ng lupa, habang may kargadang karbon. Nadisgrasya ang ama ni Antoine nang minsang gumuho ang isang minahan. Kaya napilitan ang pamilya ni Antoine na pagtrabahuhin siya sa minahan nang siyam na oras bawat araw. Minsan, muntik na ring mamatay si Antoine nang gumuho ang isang bahagi ng minahan.

Mga kasangkapan ng mga minerong Polish, at ang minahan sa Dechy, malapit sa Sin-le-Noble, kung saan nagtrabaho si Antoine Skalecki

Isa si Antoine sa maraming bata na ipinanganak ng mga magulang na Polish sa France noong dekada ng 1920 at 1930. Bakit maraming Polish ang lumipat sa France? Nang lumaya ang Poland pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, naging matinding problema nila ang paglobo ng populasyon. Sa France naman, mahigit isang milyong lalaki ang namatay sa digmaan at kailangang-kailangan nila ng mga minero ng karbon. Kaya isang kasunduan hinggil sa paglipat ng bansa ang pinirmahan ng gobyerno ng France at ng Poland noong Setyembre 1919. Pagsapit ng 1931, ang populasyon ng Polish sa France ay umabot na nang 507,800. Maraming Polish ang nanirahan sa mga rehiyon ng minahan sa hilaga.

Sa paglipat ng mga Polish, dala nila ang kanilang naiibang kultura, kasama na ang pagiging relihiyoso. Natatandaan pa ni Antoine, na 90 anyos na ngayon: “Kapag nakikipag-usap ang lolo kong si Joseph tungkol sa Banal na Kasulatan, makikita ang matinding paggalang niya rito na itinanim mismo ng kaniyang ama.” Tuwing Linggo, gaya ng nakagawian nila sa Poland, ang mga pamilyang Polish sa minahan ay nagsisimba suot ang kanilang pinakamagagandang damit. Hinahamak naman sila ng ibang taga-France na hindi relihiyoso.

Sa Nord-Pas-de-Calais unang nakilala ng maraming residenteng Polish ang mga Estudyante ng Bibliya, na masigasig nang nangangaral sa rehiyong iyon mula pa noong 1904. Pagsapit ng 1915, ang The Watch Tower ay sinimulang imprentahin buwan-buwan sa wikang Polish, at nagkaroon naman ng The Golden Age (ngayon ay Awake!) sa wikang iyon noong 1925. Tinanggap ng maraming pamilya ang makakasulatang nilalaman ng mga magasing ito at ng aklat na The Harp of God sa Polish.

Nakilala ng pamilya ni Antoine ang mga Estudyante ng Bibliya mula sa tiyuhin niya, na unang nakadalo sa pulong noong 1924. Noong taon ding iyon, sa Bruay-en-Artois, nagdaos ng kanilang unang asamblea sa wikang Polish ang mga Estudyante ng Bibliya. Wala pang isang buwan pagkatapos nito sa bayan ding iyon, isang kinatawan ng pandaigdig na punong-tanggapan, si Joseph F. Rutherford, ang nagdaos ng isang pulong pangmadla na dinaluhan ng 2,000 katao. Nakita ni Brother Rutherford na karamihan ng dumalo ay Polish, kaya sinabi niya: “Dinala kayo ni Jehova sa France para malaman ninyo ang katotohanan. Ngayon, dapat ninyong tulungan pati na ng inyong mga anak ang mga taga-France! Marami pa ang kailangang pangaralan, at maglalaan si Jehova ng mga mamamahayag para sa gawaing ito.”

Ganiyan nga ang ginawa ng Diyos na Jehova! Puspusang nangaral ang mga Kristiyanong Polish gaya ng pagtatrabaho nila sa minahan! Bumalik pa nga ang ilan sa Poland para ibahagi ang mahahalagang katotohanan na natutuhan nila. Kabilang sina Teofil Piaskowski, Szczepan Kosiak, at Jan Zabuda sa mga umalis sa France para ipangaral ang mabuting balita sa malaking bahagi ng Poland.

Pero marami ang nanatili sa France at patuloy na nangaral nang masigasig kasama ng mga kapatid nilang French. Noong 1926, sa isang asamblea sa Sin-le-Noble, 1,000 ang dumalo sa sesyon sa Polish, at 300 naman sa French. Iniulat ng 1929 Yearbook: “Sa taóng ito, sinagisagan ng 332 kapatid na Polish ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo.” Bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, 32 sa 84 na kongregasyon sa France ay Polish.

Mga kapatid na Polish sa France na papunta sa kombensiyon. Ang karatula ay nagsasabing “Mga Saksi ni Jehova”

Noong 1947, tinanggap ng maraming Saksi ni Jehova ang imbitasyon ng gobyerno ng Poland na bumalik sa bansang iyon. Kahit noong nakaalis na sila, ang bunga ng mga pagsisikap nila at ng mga kapananampalataya nilang French ay makikita sa 10 porsiyentong pagsulong sa mamamahayag ng Kaharian noong taóng iyon. Nasundan ito ng 20, 23, at 40 porsiyentong pagsulong mula 1948 hanggang 1950! Para matulungan ang bagong mga mamamahayag, ang sangay sa France ay nag-atas ng mga tagapangasiwa ng sirkito noong 1948 sa unang pagkakataon. Sa limang napili, apat ay Polish, at isa rito si Antoine Skalecki.

Taglay pa rin ng maraming Saksi ni Jehova sa France ang apelyidong Polish ng kanilang mga ninuno, na masikap na nagtrabaho sa mga minahan at gumawa sa ministeryo. Ngayon, marami pa rin sa mga lumilipat sa France ang natututo ng katotohanan. Bumabalik man sa kani-kanilang bansa ang mga mamamahayag o nananatili sa bagong bansa nila, masigasig nilang tinutularan ang mga tagapaghayag ng Kaharian gaya ng ginawa ng mga kapatid na Polish noon.—Mula sa aming archive sa France.