Sisibol Pa Ba ang Pinutol na Puno?
KUNG ikukumpara sa maringal na sedro ng Lebanon, ang punong olibo ay parang hindi gaanong maganda dahil sa nakapilipít ang katawan nito. Pero kaya nitong mabuhay kahit sa mahihirap na kalagayan. May mga punong olibo pa nga na tinatayang 1,000 taon na. Dahil tumatagos nang malalim sa lupa at gumagapang ang mga ugat nito, tumutubo ito uli kahit putól na ang pinakakatawan. Hangga’t buháy ang mga ugat nito, muli itong sisibol.
Kumbinsido ang patriyarkang si Job na kahit mamatay siya, mabubuhay siyang muli. (Job 14:13-15) Ginamit niyang halimbawa ang isang puno—marahil punong olibo—para ipakitang nagtitiwala siya sa kakayahan ng Diyos na buhayin siyang muli. “May pag-asa maging para sa isang punungkahoy,” ang sabi ni Job. “Kung ito ay puputulin, sisibol pa itong muli.” Kapag umulan matapos ang matinding tagtuyot, puwedeng mabuhay uli ang tuyong tuod ng olibo at magsibol ng mga “sanga na tulad ng bagong tanim.”—Job 14:7-9.
Kung paanong nananabik ang isang nagtanim ng punong olibo na makitang muling sumibol ang kaniyang putól na punong olibo, nananabik din ang Diyos na Jehova na buhaying muli ang namatay niyang mga lingkod, pati na ang iba pa. (Mat. 22:31, 32; Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Isip-isipin kung gaano kasayang salubungin ang mga patay na binuhay-muli!