Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto sa Ilustrasyon Tungkol sa mga Talento

Matuto sa Ilustrasyon Tungkol sa mga Talento

“Sa isa ay nagbigay siya ng limang talento, sa isa naman ay dalawa, sa isa pa ay isa.”—MAT. 25:15.

1, 2. Bakit ibinigay ni Jesus ang talinghaga tungkol sa mga talento?

SA TALINGHAGA tungkol sa mga talento, malinaw na ipinakita ni Jesus na may pananagutang nakaatang sa kaniyang mga pinahirang tagasunod. Kailangan nating maunawaan ang kahulugan ng talinghagang ito, dahil apektado nito ang lahat ng tunay na Kristiyano, sa langit man o sa lupa ang gantimpala nila.

2 Ang talinghaga tungkol sa mga talento ay bahagi ng sagot ni Jesus sa tanong ng mga alagad niya tungkol sa “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3) Kaya ang talinghagang ito ay natutupad sa ating panahon at bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus at ng pamamahala niya bilang Hari.

3. Anong mga aral ang matututuhan sa mga ilustrasyon sa Mateo kabanata 24 at 25?

3 Ang talinghaga tungkol sa mga talento ay kabilang sa apat na magkakaugnay na ilustrasyon sa Mateo 24:45 hanggang 25:46. Ang tatlong ilustrasyon—tungkol sa tapat at maingat na alipin, 10 dalaga, at mga tupa at mga kambing—ay bahagi rin ng sagot ni Jesus tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto. Sa apat na ilustrasyon, idiniin ni Jesus ang mga katangiang dapat makita sa kaniyang mga tunay na tagasunod sa mga huling araw. Ang mga ilustrasyon tungkol sa alipin, mga dalaga, at mga talento ay para sa kaniyang mga pinahirang tagasunod. Sa ilustrasyon tungkol sa tapat na alipin, idiniin ni Jesus na kailangang maging tapat at maingat ang maliit na grupo ng mga pinahiran na pinagkatiwalaang magpakain sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan sa mga huling araw. Sa talinghaga naman tungkol sa mga dalaga, ipinakita ni Jesus na kailangan ng lahat ng kaniyang pinahirang tagasunod na maging handa at mapagbantay, dahil hindi nila alam ang araw at oras ng kaniyang pagdating. Sa talinghaga tungkol sa mga talento, ipinakita ni Jesus na kailangang maging masikap ang mga pinahiran sa pagganap sa kanilang mga pananagutan bilang Kristiyano. Ang huling ilustrasyon ni Jesus, ang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing, ay para sa mga may makalupang pag-asa. Idiniin niya na dapat silang maging tapat at lubusang sumuporta sa mga pinahirang kapatid ni Jesus sa lupa. * Talakayin natin ngayon ang ilustrasyon tungkol sa mga talento.

BINIGYAN NG PANGINOON ANG KANIYANG MGA ALIPIN NG KAYAMANAN

4, 5. Kanino lumalarawan ang tao, o ang panginoon? Ano ang katumbas ng isang talento?

4 Basahin ang Mateo 25:14-30. Matagal nang ipinaliliwanag sa ating mga publikasyon na ang tao, o ang panginoon, sa ilustrasyon ay si Jesus at na naglakbay siya sa ibang bayan nang umakyat siya sa langit noong 33 C.E. Sa isang katulad na talinghaga, isiniwalat ni Jesus na naglakbay siya “upang makakuha ng makaharing kapangyarihan para sa kaniyang sarili.” (Luc. 19:12) Pero hindi agad naging Hari si Jesus nang bumalik siya sa langit. * Sa halip, “umupo [siya] sa kanan ng Diyos, [at] mula noon ay naghihintay hanggang sa mailagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan para sa kaniyang mga paa.”—Heb. 10:12, 13.

5 Ang tao sa ilustrasyon ay may walong talento. Malaking kayamanan ito noong panahong iyon. * Bago maglakbay, ibinigay niya sa kaniyang mga alipin ang mga talento. Inaasahan niyang ipangangalakal nila iyon habang wala siya. Gaya ng taong ito, may napakahalagang bagay na taglay si Jesus bago siya umakyat sa langit. Ano iyon? May kaugnayan iyon sa kaniyang gawain noong nasa lupa siya.

6, 7. Saan tumutukoy ang mga talento?

6 Napakahalaga kay Jesus ng gawaing pangangaral at pagtuturo. (Basahin ang Lucas 4:43.) Sa pamamagitan nito, nilinang niya ang isang napakatabang bukid. Sa katunayan, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35-38) Ang nasa isip niya noon ay ang pagtitipon sa maraming iba pang tapat-puso na magiging alagad niya. Gaya ng isang mahusay na magsasaka, hindi pababayaan ni Jesus ang isang bukid na handa na sa pag-aani. Kaya matapos siyang buhaying muli at bago siya umakyat sa langit, iniutos niya sa kaniyang mga alagad: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad.” (Mat. 28:18-20) Sa gayon, ipinagkatiwala sa kanila ni Jesus ang isang kayamanan, ang ministeryong Kristiyano.—2 Cor. 4:7.

7 Batay rito, ano ang puwede nating maging konklusyon? Nang iutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad, ipinagkatiwala niya sa kanila “ang kaniyang mga pag-aari”—ang kaniyang mga talento. (Mat. 25:14) Kaya ang mga talento ay tumutukoy sa pananagutang mangaral at gumawa ng mga alagad.

8. Kahit magkakaiba ang dami ng talento na tinanggap ng bawat alipin, ano ang inaasahan ng panginoon?

8 Ipinakikita sa talinghaga na limang talento ang ibinigay ng panginoon sa isang alipin, dalawa naman sa isang alipin, at isa sa isa pang alipin. (Mat. 25:15) Kahit magkakaiba ang dami ng talento na tinanggap ng bawat alipin, inaasahan ng panginoon na magiging masikap sila sa paggamit ng mga ito, ibig sabihin, gagawin nila ang kanilang buong makakaya sa paglilingkod sa ministeryo. (Mat. 22:37; Col. 3:23) Noong Pentecostes 33 C.E., sinimulang ipangalakal ng mga tagasunod ni Kristo ang mga talento. Ang kanilang masikap na pangangaral at paggawa ng mga alagad ay malinaw na iniulat sa aklat ng Mga Gawa. *Gawa 6:7; 12:24; 19:20.

IPINANGANGALAKAL ANG MGA TALENTO SA PANAHON NG KAWAKASAN

9. (a) Ano ang ginawa ng dalawang tapat na alipin sa mga talento, at ano ang ipinahihiwatig nito? (b) Anong papel ang ginagampanan ng “ibang mga tupa”?

9 Sa panahon ng kawakasan, lalo na mula noong 1919, patuloy na ipinangangalakal ng tapat na mga pinahirang alipin ni Kristo sa lupa ang mga talento ng Panginoon. Gaya ng dalawang alipin, ginawa ng mga pinahiran ang kanilang buong makakaya sa gawaing pangangaral. Hindi na kailangang tukuyin kung sino ang tumanggap ng limang talento at kung sino ang tumanggap ng dalawa. Sa ilustrasyon, parehong dinoble ng dalawang alipin ang ibinigay sa kanila ng panginoon, kaya ibig sabihin, pareho silang nagsikap. Anong papel naman ang ginagampanan ng mga may makalupang pag-asa? Isang mahalagang papel! Ipinakikita ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing na pribilehiyo nilang tapat na suportahan ang mga pinahirang kapatid ni Jesus sa gawaing pangangaral at pagtuturo. Sa mga huling araw, ang dalawang grupong ito ay nagtutulungan bilang “isang kawan” sa masigasig na paggawa ng mga alagad.—Juan 10:16.

10. Ano ang isang kapansin-pansing bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus?

10 Makatuwirang umasa ang Panginoon sa magandang resulta. Gaya ng nabanggit na, talagang napalago ng kaniyang tapat na mga alagad noong unang siglo ang kaniyang mga pag-aari. Kumusta naman sa panahong ito ng kawakasan kung kailan natutupad ang talinghaga tungkol sa mga talento? Isinasagawa ng tapat at masisipag na lingkod ni Jesus ang pinakamalawak na pangangaral at paggawa ng mga alagad sa buong kasaysayan. Dahil sa mga pagsisikap nila, libo-libong bagong alagad taon-taon ang nadaragdag sa hanay ng mga tagapaghayag ng Kaharian. Kaya ang gawaing pangangaral at pagtuturo ay naging kapansin-pansing bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. Tiyak na tuwang-tuwa ang kanilang Panginoon!

Ipinagkatiwala ni Kristo sa kaniyang mga lingkod ang mahalagang pananagutan na mangaral (Tingnan ang parapo 10)

KAILAN DARATING ANG PANGINOON?

11. Bakit natin nasabi na makikipagsulit, o makikipagtuos, si Jesus sa panahon ng malaking kapighatian?

11 Si Jesus ay darating para makipagsulit sa kaniyang mga alipin sa pagtatapos ng malaking kapighatian. Bakit natin nasabi iyan? Sa kaniyang hula sa Mateo kabanata 24 at 25, paulit-ulit na binanggit ni Jesus ang kaniyang pagdating. Tungkol sa paghatol sa panahon ng malaking kapighatian, sinabi niya na “makikita [ng mga tao] ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap.” Hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod sa mga huling araw na maging mapagbantay, na sinasabi: “Hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon” at “sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mat. 24:30, 42, 44) Kaya nang sabihin ni Jesus na “ang panginoon ng mga aliping iyon ay dumating at nakipagtuos ng mga kuwenta,” maliwanag na tinutukoy niya ang panahon sa katapusan ng sistemang ito kung kailan darating siya para maglapat ng hatol. *Mat. 25:19.

12, 13. (a) Ano ang sinabi ng panginoon sa dalawang alipin, at bakit? (b) Kailan tatanggap ng pangwakas na pagtatatak ang mga pinahiran? (Tingnan ang kahong “ Hahatulan Bilang Karapat-dapat Kapag Namatay Na.”) (c) Ano ang gantimpala para sa mga hahatulan bilang tupa?

12 Ayon sa talinghaga, pagdating ng panginoon, makikita niyang tapat ang dalawang alipin—ang binigyan ng limang talento at ang binigyan ng dalawa—dahil nadoble nila ang kaniyang mga talento. Magkapareho ang sinabi niya sa dalawang alipin: “Mahusay, mabuti at tapat na alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay.” (Mat. 25:21, 23) Ano ang gagawin ng Panginoon, ang niluwalhating si Jesus, kapag dumating siya sa hinaharap?

13 Bago magsimula ang malaking kapighatian, ang inilalarawan ng dalawang alipin—ang masisipag na pinahirang alagad—ay tatanggap na ng pangwakas na pagtatatak. (Apoc. 7:1-3) Bago ang Armagedon, ibibigay ni Jesus sa kanila ang pangakong gantimpala sa langit. Ang may makalupang pag-asa naman na sumuporta sa mga kapatid ni Kristo sa gawaing pangangaral ay hahatulan bilang tupa. Gagantimpalaan sila ng buhay sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.—Mat. 25:34.

BALAKYOT AT MAKUPAD NA ALIPIN

14, 15. Ipinahihiwatig ba ni Jesus na marami sa mga pinahirang kapatid niya ang magiging balakyot at makupad? Ipaliwanag.

14 Sa talinghaga, ang talento ng isang alipin ay hindi niya ipinangalakal o inilagak sa mga bangkero. Sa halip, ibinaon niya ito sa lupa. Kaya sinabi ng panginoon na ang aliping iyon ay “balakyot at makupad.” Kinuha sa kaniya ng panginoon ang talento at ibinigay sa alipin na may 10 talento. Pagkatapos, ang balakyot na alipin ay itinapon “sa kadiliman sa labas.” At “doon mangyayari ang kaniyang pagtangis at ang pagngangalit ng kaniyang mga ngipin.”—Mat. 25:24-30; Luc. 19:22, 23.

15 Itinago ng isa sa tatlong alipin ng panginoon ang kaniyang talento, kaya ipinahihiwatig ba ni Jesus na sangkatlo ng kaniyang mga pinahirang tagasunod ang magiging balakyot at makupad? Hindi. Isaalang-alang ang konteksto. Sa ilustrasyon tungkol sa tapat at maingat na alipin, binanggit ni Jesus ang isang masamang alipin na nambugbog ng kaniyang mga kapuwa alipin. Hindi sinasabi ni Jesus na magkakaroon ng uring masamang alipin. Sa halip, binababalaan niya ang tapat na alipin na huwag maging gaya ng masamang alipin. Sa katulad na paraan, sa ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga, hindi ipinahihiwatig ni Jesus na kalahati sa kaniyang mga pinahirang tagasunod ang magiging gaya ng 5 mangmang na dalaga. Sa halip, binababalaan niya ang kaniyang espirituwal na mga kapatid sa maaaring mangyari kung hindi sila mananatiling mapagbantay at magiging handa. * Batay sa kontekstong ito, waring makatuwirang isipin na sa ilustrasyon tungkol sa mga talento, hindi sinasabi ni Jesus na marami sa kaniyang mga pinahirang kapatid sa mga huling araw ang magiging balakyot at makupad. Sa halip, binababalaan ni Jesus ang kaniyang mga pinahirang tagasunod na kailangan nilang manatiling masikap—‘ipangalakal’ ang kanilang talento—at iwasan ang saloobin at paggawi ng balakyot na alipin.—Mat. 25:16.

16. (a) Anong mga aral ang matututuhan natin sa talinghaga tungkol sa mga talento? (b) Paano nilinaw sa artikulong ito ang ating pagkaunawa sa talinghaga tungkol sa mga talento? (Tingnan ang kahong “ Pag-unawa sa Ilustrasyon Tungkol sa mga Talento.”)

16 Anong dalawang aral ang matututuhan natin sa talinghaga tungkol sa mga talento? Una, ipinagkatiwala ng Panginoon, si Kristo, sa kaniyang mga pinahirang alipin ang isang bagay na mahalaga sa kaniya—ang atas na mangaral at gumawa ng mga alagad. Ikalawa, inaasahan ni Kristo na lahat tayo ay magiging masikap sa gawaing pangangaral. Kung gagawin natin iyan, makatitiyak tayo na gagantimpalaan ng Panginoon ang ating pananampalataya, katapatan, at pagiging mapagbantay.—Mat. 25:21, 23, 34.

^ par. 3 Tinalakay sa Ang Bantayan, Hulyo 15, 2013, pahina 21-22, parapo 8-10, kung sino ang tapat at maingat na alipin. Ipinaliwanag naman ng sinundang artikulo sa isyung ito kung sino ang mga dalaga. Ang ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing ay ipinaliwanag sa Bantayan, Oktubre 15, 1995, pahina 23-28, at sa kasunod na artikulo sa isyung ito.

^ par. 5 Noong panahon ni Jesus, ang katumbas ng isang talento ay mga 6,000 denario. Isang denario lang bawat araw ang kita ng karaniwang manggagawa, kaya kailangan niyang magtrabaho nang mga 20 taon para kumita ng isang talento.

^ par. 8 Pagkamatay ng mga apostol, lumaganap ang apostasya sa loob ng maraming siglo. Sa panahong iyon, walang gaanong pagsisikap para tuparin ang utos na gumawa ng mga tunay na alagad ni Kristo. Pero magbabago ito sa panahon ng “pag-aani,” o sa mga huling araw. (Mat. 13:24-30, 36-43) Tingnan ang Bantayan, Hulyo 15, 2013, pahina 9-12.

^ par. 15 Tingnan ang parapo 13 ng artikulong “Patuloy Ka Bang Magbabantay?” sa isyung ito.