Matapat na Suportahan ang mga Kapatid ni Kristo
“Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking mga kapatid, ginawa ninyo iyon sa akin.”—MAT. 25:40.
1, 2. (a) Anong mga ilustrasyon ang inilahad ni Jesus sa kaniyang malalapít na kaibigan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang dapat nating malaman sa ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing?
KAUSAP noon ni Jesus ang kaniyang malalapít na kaibigan na sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Katatapos lang niyang ilahad sa kanila ang mga ilustrasyon tungkol sa tapat at maingat na alipin, 10 dalaga, at mga talento. Tinapos ni Jesus ang pag-uusap sa pamamagitan ng isa pang ilustrasyon. Inilarawan niya ang panahon kung kailan “ang Anak ng tao” ay hahatol sa “lahat ng mga bansa.” Tiyak na interesadong-interesado ang kaniyang mga alagad sa ilustrasyong iyon! May binanggit si Jesus na dalawang grupo, ang mga tupa at ang mga kambing. At itinampok niya ang ikatlo at mahalagang grupo, ang “mga kapatid” ng “hari.”—Basahin ang Mateo 25:31-46.
2 Matagal nang interesado sa ilustrasyong ito ang mga lingkod ni Jehova, at tama lang naman dahil ang itinuturo dito ni Jesus ay ang kahihinatnan ng mga tao. Sinabi niya kung bakit ang ilan ay tatanggap ng buhay na walang hanggan at ang iba ay lilipulin magpakailanman. Nakadepende ang ating buhay sa pagkaunawa sa mga katotohanang sinabi ni Jesus at sa pagkilos ayon dito. Kaya
naman dapat nating itanong: Paano unti-unting nilinaw ni Jehova ang ating pagkaunawa sa ilustrasyong ito? Bakit masasabing idiniriin ng ilustrasyong ito ang kahalagahan ng pangangaral? Sino ang inatasang mangaral? At bakit ngayon na ang panahon para maging matapat sa “hari” at sa tinatawag niyang “aking mga kapatid”?PAANO NILINAW ANG ATING PAGKAUNAWA?
3, 4. (a) Anong mahahalagang bagay ang dapat nating malaman para maunawaan natin ang ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing? (b) Noong 1881, paano ipinaliwanag ng Zion’s Watch Tower ang ilustrasyong ito?
3 Para maunawaan nang tumpak ang ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing, dapat nating malaman ang tatlong mahahalagang bagay: ang pagkakakilanlan ng mga nabanggit sa ilustrasyon, ang panahon ng paghatol, at ang basehan kung ang isa ay ituturing na tupa o kambing.
4 Noong 1881, ipinaliwanag ng Zion’s Watch Tower na ang “Anak ng tao,” na tinatawag ding “hari,” ay si Jesus. Sa pagkaunawa ng mga Estudyante ng Bibliya noon, ang pananalitang “aking mga kapatid” ay tumutukoy sa mga mamamahalang kasama ni Kristo pati na sa lahat ng tao sa lupa kapag naging sakdal na sila. Inaakala nila na ang pagbubukod-bukod sa mga tupa at mga kambing ay magaganap sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Naniniwala rin sila na ang mga taong ituturing na tupa ay ang mga sumusunod sa kautusan ng Diyos tungkol sa pag-ibig.
5. Pagkaraan ng 1920, paano naging mas malinaw ang pagkaunawa natin sa ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing?
5 Pagkaraan ng 1920, tinulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na magkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa ilustrasyong ito. Sa The Watch Tower, isyu ng Oktubre 15, 1923, muling binanggit na ang “Anak ng tao” ay si Jesus. Pero nilinaw nito batay sa Kasulatan ang pagkakakilanlan ng mga kapatid ni Kristo at ng mga tupa—ang mga kapatid ni Kristo ay ang mga mamamahalang kasama niya sa langit, at ang mga tupa naman ay ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo. Kailan ang panahon ng pagbubukod-bukod sa mga tupa at mga kambing? Sinabi ng artikulo na ang mga kapatid ni Kristo ay kasama na niyang namamahala sa langit sa Milenyong Paghahari, kaya hindi na sila matutulungan o maipagwawalang-bahala ng mga may pag-asang mabuhay sa lupa. Kaya ang pagbubukod-bukod sa mga tupa at mga kambing ay magaganap bago magsimula ang Milenyong Paghahari. Ipinaliwanag din ng artikulo na ang basehan para ituring ang isa bilang tupa ay ang pagkilala niya kay Jesus bilang Panginoon at ang pagtitiwala niya na ang Kaharian ang magdudulot ng mabubuting kalagayan sa lupa.
6. Noong 1995, paano higit na nilinaw ang ating pagkaunawa?
6 Bilang resulta ng pagbabagong ito, inakala ng mga lingkod ni Jehova na ang mga tao ay hinahatulan bilang tupa o kambing sa buong yugto ng katapusan ng sistema ng mga bagay, depende sa pagtugon nila sa mensahe ng Kaharian. Pero noong 1995, nilinaw ang pagkaunawa natin dito. Sa dalawang artikulo ng Ang Bantayan, isyu ng Oktubre 15, 1995, ipinakita ang pagkakatulad ng sinabi ni Jesus sa Mateo 24:29-31 (basahin) at sa Mateo 25:31, 32. (Basahin.) * Ang konklusyon? Binanggit ng unang artikulo: “Ang paghatol sa mga tupa at mga kambing ay sa hinaharap pa.” Pero kailan? “Magaganap iyon pagkatapos na sumiklab ang ‘kapighatian’ na binanggit sa Mateo 24:29, 30 at ang Anak ng tao ay ‘dumating sa kaniyang kaluwalhatian.’ . . . Kung magkagayon, habang nasa kawakasan na nito ang buong balakyot na sistema, si Jesus ay hahatol, magpapataw at maglalapat ng kahatulan.”
7. Ano ang malinaw na nating nauunawaan ngayon?
7 Sa ngayon, malinaw na nating nauunawaan ang ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing. Alam na natin ang pagkakakilanlan ng mga binanggit sa ilustrasyon. Si Jesus ang “Anak ng tao,” ang Hari. Ang mga tinatawag niyang “aking mga kapatid” ay ang mga pinahirang lalaki at babae na mamamahalang kasama ni Kristo sa langit. (Roma 8:16, 17) “Ang mga tupa” at “ang mga kambing” ay tumutukoy naman sa mga tao sa lahat ng bansa. Hindi sila pinahiran ng banal na espiritu. Kailan ang panahon ng paghatol? Magaganap ang paghatol sa pagtatapos ng malaking kapighatian na napakalapit na. At ano ang basehan para ituring ang isa bilang tupa o kambing? Nakadepende ito sa pakikitungo niya sa mga pinahirang kapatid ni Kristo na narito pa sa lupa. Ngayong papatapos na ang sistemang ito, laking pasasalamat natin kay Jehova na unti-unti niyang nilinaw ang ilustrasyong ito at ang mga kaugnay na ilustrasyon sa Mateo kabanata 24 at 25!
PAANO IDINIIN NG ILUSTRASYON ANG PANGANGARAL?
8, 9. Bakit sinabi ni Jesus na “matuwid” ang mga tupa?
8 Sa ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing, hindi tuwirang binanggit ni Jesus ang pangangaral. Kung gayon, bakit natin masasabi na idiniriin nito ang kahalagahan ng pangangaral?
9 Una, pansinin na nagtuturo si Jesus gamit ang isang ilustrasyon. Maliwanag na hindi pagbubukod-bukod sa literal na mga tupa at mga kambing ang tinutukoy niya. Hindi rin niya sinasabi na para maituring ang isa bilang tupa, kailangan nitong literal na pakainin, damtan, alagaan, o bisitahin sa bilangguan ang isa sa mga kapatid niya. Sa halip, inilalarawan niya ang pakikitungo ng makasagisag na mga tupa sa kaniyang mga kapatid. Sinabi niyang “matuwid” ang mga tupa dahil kinikilala nila na may natitira pang mga kapatid si Kristo sa lupa, at matapat na sinusuportahan ng mga tupa ang mga pinahiran sa mapanganib na mga huling araw na ito.—Mat. 10:40-42; 25:40, 46; 2 Tim. 3:1-5.
10. Paano maipakikita ng mga tupa ang kabaitan sa mga kapatid ni Kristo?
10 Ikalawa, pag-isipan ang konteksto ng mga sinabi ni Jesus. Tinatalakay niya noon ang tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay. (Mat. 24:3) Binanggit ni Jesus ang isang kapansin-pansing bahagi ng tanda—ang mabuting balita ng Kaharian ay “ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:14) At bago niya sinabi ang tungkol sa mga tupa at mga kambing, inilahad niya ang ilustrasyon tungkol sa mga talento. Gaya ng tinalakay sa sinundang artikulo, ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito para idiin sa kaniyang mga pinahirang alagad, ang “mga kapatid” niya, na dapat silang maging masigasig sa pangangaral. Pero sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus, ang maliit na grupo ng mga pinahiran na narito pa sa lupa ay mapapaharap sa malaking hamon—ang pangangaral sa “lahat ng mga bansa” bago dumating ang wakas. Ipinakikita ng ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing na may tutulong sa mga pinahiran. Kaya ang isa sa mga pangunahing paraan na maipakikita ng mga tupa ang kabaitan sa mga kapatid ni Kristo ay ang pagsuporta sa kanila sa pangangaral. Pero ano ang nasasangkot sa gayong pagtulong? Materyal at emosyonal na suporta lang ba, o higit pa ang kailangan?
SINO ANG MANGANGARAL?
11. Anong tanong ang bumabangon, at bakit?
11 Sa ngayon, karamihan sa walong milyong alagad ni Jesus ay hindi pinahiran ng espiritu. Hindi sila tumanggap ng mga talento na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga pinahirang alipin. (Mat. 25:14-18) Kaya ang tanong, ‘Inatasan din bang mangaral ang mga hindi pinahiran ng banal na espiritu?’ Oo. Pansinin ang ilan sa mga dahilan kung bakit.
12. Ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni Jesus sa Mateo 28:19, 20?
12 Inutusan ni Jesus ang lahat ng kaniyang mga alagad na mangaral. Matapos buhaying muli, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad, na itinuturo sa kanila na tuparin ang “lahat ng mga bagay” na iniutos niya. Kasama rito ang atas na mangaral. (Basahin ang Mateo 28:19, 20.) Kaya ang lahat ng alagad ni Kristo ay dapat mangaral, ang pag-asa man nila ay mamahala sa langit o mabuhay sa lupa.—Gawa 10:42.
13. Ano ang ipinahihiwatig ng pangitaing nakita ni Juan, at bakit?
13 Ipinahihiwatig sa aklat ng Apocalipsis na makikibahagi sa pangangaral kapuwa ang mga pinahiran at ang iba pa. Binigyan ni Jesus si apostol Juan ng pangitain kung saan ang “kasintahang babae,” ang 144,000 pinahiran na mamamahalang kasama ni Kristo sa langit, ay nag-aanyaya sa mga tao na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 14:1, 3; 22:17) Ang makasagisag na tubig na iyon ay kumakatawan sa mga paglalaan ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan salig sa haing pantubos ni Kristo. (Mat. 20:28; Juan 3:16; 1 Juan 4:9, 10) Ang pantubos ay napakahalagang bahagi ng mensaheng ipinangangaral natin, at ang mga pinahiran ang nangunguna sa pagtulong sa mga tao na maunawaan ito at makinabang mula rito. (1 Cor. 1:23) Pero sa pangitain, may nakita rin si Juan na hindi kabilang sa uring kasintahang babae. Sila rin ay inutusang magsabi, “Halika!” Sumunod sila at inanyayahan ang iba na kumuha ng tubig ng buhay. Ang ikalawang grupong ito ay may pag-asang mabuhay sa lupa. Kaya ipinakikita ng pangitaing ito na ang lahat ng tumatanggap ng paanyayang “halika” ay may pananagutang mangaral sa iba.
14. Ano ang kasama sa pagsunod sa “kautusan ng Kristo”?
14 Ang lahat ng nasa ilalim ng “kautusan ng Kristo” ay dapat na mangaral. (Gal. 6:2) Iisa lang ang pamantayan ni Jehova. Halimbawa, sinabi niya sa mga Israelita: “Magkakaroon ng iisang kautusan para sa katutubo at para sa naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan sa gitna ninyo.” (Ex. 12:49; Lev. 24:22) Hindi obligado ang mga Kristiyano na sumunod sa Kautusang Mosaiko. Pero lahat tayo, pinahiran man o hindi, ay nasa ilalim ng “kautusan ng Kristo.” Kasama sa kautusang ito ang lahat ng itinuro ni Jesus. Ang pinakamahalaga sa mga ito ay ang magpakita ng pag-ibig. (Juan 13:35; Sant. 2:8) At ang isang pangunahing paraan para maipakita ang pag-ibig sa Diyos, kay Kristo, at sa kapuwa ay ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Juan 15:10; Gawa 1:8.
15. Bakit masasabing para sa lahat ng tagasunod ni Jesus ang utos na mangaral?
15 May mga pagkakataong ang sinabi ni Jesus sa isang maliit na grupo ay para din sa mas malaking grupo. Halimbawa, nakipagtipan si Jesus para sa isang Kaharian sa 11 alagad lang, pero ang tipang iyon ay para sa lahat ng 144,000. (Luc. 22:29, 30; Apoc. 5:10; 7:4-8) Sa katulad na paraan, matapos buhaying muli si Jesus, isang maliit na grupo lang ng mga alagad ang inutusan niyang mangaral. (Gawa 10:40-42; 1 Cor. 15:6) Pero alam ng lahat ng kaniyang tapat na alagad noong unang siglo na para din sa kanila ang utos na iyon, kahit hindi nila personal na narinig si Jesus. (Gawa 8:4; 1 Ped. 1:8) Sa ngayon, hindi rin personal na nakipag-usap si Jesus sa isa man sa walong milyong aktibong tagapaghayag ng Kaharian. Pero alam nila na dapat silang manampalataya kay Kristo at dapat nilang ipakita ang pananampalatayang ito sa pamamagitan ng pangangaral.—Sant. 2:18.
NGAYON NA ANG PANAHON PARA MAGING MATAPAT
16-18. Paano natin matapat na susuportahan ang mga kapatid ni Kristo? Bakit ngayon na ang panahon para gawin iyon?
16 Nakikipagdigma si Satanas sa mga pinahirang kapatid ni Kristo na narito pa sa lupa, at patitindihin pa niya ang pagsalakay bago maubos ang “maikling yugto ng panahon” na natitira sa kaniya. (Apoc. 12:9, 12, 17) Bagaman kailangang magbata ng matinding pagsubok, ang mga pinahiran ay nangunguna sa pinakamalawak na kampanya ng pangangaral kailanman. Maliwanag na kasama nila si Jesus at pinapatnubayan niya ang kanilang mga pagsisikap.—Mat. 28:20.
17 Itinuturing ng dumaraming potensiyal na tupa na isang pribilehiyo ang sumuporta sa mga kapatid ni Kristo hindi lang sa pangangaral kundi sa iba pang mga paraan. Halimbawa, nagbibigay sila ng donasyon at tumutulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad ng sangay. Matapat din silang sumusunod sa mga inatasan ng “tapat at maingat na alipin” para manguna.—Mat. 24:45-47; Heb. 13:17.
18 Malapit nang pakawalan ng mga anghel ang mapamuksang hangin ng malaking kapighatian. Mangyayari ito pagkatapos ng pangwakas na pagtatatak sa lahat ng kapatid ni Kristo na narito pa sa lupa. (Apoc. 7:1-3) Bago sumiklab ang Armagedon, ang mga pinahiran ay titipunin tungo sa langit. (Mat. 13:41-43) Kaya kung gusto nating ituring tayo ni Jesus bilang tupa, ngayon na ang panahon para matapat na suportahan ang mga kapatid ni Kristo.
^ par. 6 Para sa detalyadong pagtalakay sa ilustrasyong ito, tingnan ang mga artikulong “Ano ang Magiging Katayuan Ninyo sa Harap ng Luklukan ng Paghatol?” at “Ano ang Kinabukasan sa mga Tupa at mga Kambing?” sa Ang Bantayan, isyu ng Oktubre 15, 1995.