Isang Di-inaasahang Regalo Para sa Japan
SA ISANG espesyal na pagtitipon sa Nagoya, Japan, noong Abril 28, 2013, nasorpresa ang mga tagapakinig nang ipatalastas ni Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang paglalabas ng isang bagong publikasyon sa wikang Hapon na may pamagat na Ang Bibliya—Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo. Bilang tugon, ang mahigit 210,000 dumalo, kasama na rito ang mga sumubaybay sa pamamagitan ng webcast, ay nagpalakpakan nang matagal.
Ang 128-pahinang edisyong ito ng Ebanghelyo ni Mateo, na hinalaw mula sa Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Hapon, ay natatangi. Ipinaliwanag ni Brother Morris na dinisenyo ito “para matugunan ang pangangailangan ng mga Japanese.” Ano ang kapansin-pansin sa aklat na ito ng Bibliya? Bakit ito ginawa? At ano ang naging reaksiyon dito ng mga tao?
ANO ANG KAPANSIN-PANSIN SA AKLAT NA ITO?
Isang sorpresa para sa mga tagapakinig ang format ng Mateo. Ang mga Japanese character ay puwedeng isulat nang patayo o pahalang, at ang format ng ilang inimprentang babasahín—kasama na ang ating kamakailang mga publikasyon—ay pahalang. Pero ang format ng bagong publikasyong ito ay patayo, isang istilo na karaniwang ginagamit sa mga diyaryo at akdang pampanitikan sa Japan. Para sa maraming Japanese, mas madaling basahin ang ganitong istilo. Bukod diyan, ang heading ng bawat pahina ay inalis at ginawang subheading para mas maintindihan ng mga nagbabasa ang mga pangunahing punto.
Binasa agad ng mga kapatid sa Japan ang aklat na Mateo, at nakinabang sila sa bagong format nito. “Maraming beses ko nang nabasa ang Mateo sa Bibliya,” ang sabi ng mahigit 80-anyos na sister, “pero sa tulong ng patayong istilo at mga subheading, mas lalo kong naunawaan ang Sermon sa Bundok.” Isang kabataang sister naman ang sumulat: “Nabasa ko ang buong Mateo sa isang upuan lang. Sanay ako sa pahalang na istilo, pero mas gusto ng karamihan sa mga Japanese ang patayong istilo.”
DINISENYO PARA SA MGA JAPANESE
Bakit tamang-tama ang aklat na ito sa pangangailangan ng mga Japanese? Maraming Japanese ang hindi pamilyar sa Bibliya, pero interesado silang basahin ito. Kaya para sa maraming hindi pa nakakakita ng Bibliya, may pagkakataon na silang mabasa ang isang bahagi ng banal na aklat.
Bakit aklat ng Mateo ang napili? Kapag naririnig ng karamihan sa mga Japanese ang salitang “Bibliya,” naiisip nila si Jesu-Kristo. Kaya naman napili ang aklat ng Mateo dahil mababasa rito ang ulat may kinalaman sa talaangkanan at kapanganakan ni Jesus, sa kaniyang kilaláng Sermon sa Bundok, at sa kaniyang hula tungkol sa mga huling araw—mga paksang magugustuhan ng maraming Japanese.
Agad sinimulan ng mga mamamahayag sa Japan ang pag-aalok ng bagong aklat na ito sa bahay-bahay at sa mga pagdalaw-muli. Isang sister ang sumulat: “Mas marami na akong pagkakataon ngayon na
ibahagi ang Salita ng Diyos sa mga tao sa aming teritoryo. Sa katunayan nga, no’ng mismong hapon ng espesyal na pagtitipong ’yon, may nabigyan na agad ako ng aklat na Mateo.”ANO ANG NAGING REAKSIYON DITO NG MGA TAO?
Paano inihaharap ng mga mamamahayag sa mga tao ang bagong aklat na ito? Maraming Japanese ang pamilyar sa mga pananalitang gaya ng “makipot na pintuang-daan,” “mga perlas sa harap ng mga baboy,” at “huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw.” (Mat. 6:34; 7:6, 13) Nagugulat sila kapag nalaman nilang si Jesu-Kristo pala ang nagsabi ng mga pananalitang iyon. Kapag nababasa ang mga ito sa Mateo, sinasabi ng marami: “Noon pa man, gusto ko na talagang mabasa ang Bibliya, kahit minsan lang.”
Kapag dinadalaw-muli ng mga mamamahayag ang mga tumanggap ng Mateo, madalas sabihin ng mga ito na nabasa na nila ang ilang bahagi nito, o ang buong aklat pa nga. Sinabi ng isang mahigit 60-anyos na lalaki sa isang mamamahayag: “Maraming beses ko na ’tong nabasa at nakatulong ito sa ’kin. Pakisuyong turuan n’yo pa ako tungkol sa Bibliya.”
Itinatampok din ang Mateo sa pampublikong pagpapatotoo. Habang nakikibahagi sa gawaing ito, isang Saksi ang nagbigay ng e-mail address niya sa isang kabataang babae na kumuha ng Mateo. Pagkalipas lang ng isang oras, nag-e-mail ang babae sa sister, at sinabing nabasa na niya ang ilang bahagi ng aklat at na gusto pa niyang matuto. Pagkaraan ng isang linggo, nakapag-Bible study na siya, at di-nagtagal, nagsimula na siyang dumalo sa mga pulong.
Mahigit 1,600,000 kopya na ng Ang Bibliya—Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo ang naipadala sa mga kongregasyon sa Japan, at bawat buwan, libo-libong kopya nito ang naipamamahagi ng mga Saksi. Mababasa sa paunang salita ng edisyong ito ang damdamin ng mga tagapaglathala: “Lubos kaming umaasa na sa pagbabasa ng aklat na ito, lalo kang magiging interesado sa Bibliya.”