MULA SA AMING ARCHIVE
Suminag ang Liwanag sa Lupain ng Sumisikat na Araw
NOONG Setyembre 6, 1926, isang Japanese na pilgrim (naglalakbay na tagapangasiwa) sa Estados Unidos ang bumalik sa Japan bilang isang misyonero. Naghihintay sa kaniya roon ang kaisa-isang subscriber ng The Watch Tower, na nakabuo ng isang Bible study group sa Kobe. Noong Enero 2, 1927, idinaos sa lunsod na iyon ang unang asamblea ng mga Estudyante ng Bibliya sa Japan. Dinaluhan ito ng 36 katao, at 8 ang nabautismuhan. Magandang pasimula iyon, pero paano kaya maipaaabot ng maliit na grupong ito ang liwanag ng katotohanan ng Bibliya sa 60 milyon katao sa Japan?
Noong Mayo 1927, sinimulan ng mapamaraang mga Estudyante ng Bibliya ang isang kampanya ng pampublikong pagpapatotoo para ipag-anyaya ang isang serye ng mga pahayag sa Bibliya. Para sa unang pahayag, na gaganapin sa Osaka, ang mga kapatid ay naglagay ng mga karatula at malalaking billboard sa buong lunsod at nagpadala ng 3,000 imbitasyon sa mga prominenteng tao. Namahagi sila ng 150,000 handbill at inianunsiyo ang pahayag sa pangunahing mga diyaryo sa Osaka at sa 400,000 tiket ng tren. Nang araw ng pahayag, 100,000 handbill ang ikinalat ng dalawang eroplano sa buong lunsod. Napuno ang Osaka Asahi Hall ng mga 2,300 katao na dumalo para makinig sa pahayag na “The Kingdom of God Is at Hand.” Mga isang libo pa ang hindi na nakapasok sa bulwagan. Pagkatapos ng pahayag, mahigit 600 sa mga dumalo ang nanatili para sa isang tanong-sagot na sesyon. Sa sumunod na mga buwan, nagkaroon ng mga pampublikong pahayag sa Kyoto at sa iba pang mga lunsod sa kanlurang Japan.
Noong Oktubre 1927, isinaayos ng mga Estudyante ng Bibliya na magkaroon ng mga pahayag sa Tokyo. Muli, nagpadala sila ng mga imbitasyon sa mga prominenteng tao—kasama na ang prime minister, mga miyembro ng parlamento, at mga lider ng relihiyon at militar. Gumamit sila ng mga poster, anunsiyo sa diyaryo, at 710,000 handbill. Sa kabuuan, 4,800 ang dumalo sa tatlong pahayag sa kabisera ng Japan.
MASISIGASIG NA COLPORTEUR
Malaki ang nagawa ng mga colporteur (payunir) sa pagdadala ng mensahe ng Kaharian sa bahay-bahay. Nakubrehan ni Sister Matsue Ishii, isa sa mga unang colporteur sa Japan, at ng kaniyang asawang si Jizo ang 75 porsiyento ng bansa, mula sa Sapporo sa malayong hilaga hanggang sa Sendai, Tokyo, Yokohama, Nagoya, Osaka, Kyoto, Okayama, at Tokushima. Si Sister Ishii at ang isang nakatatandang sister, si Sakiko Tanaka, ay nagsuot ng pormal na kimono sa pagdalaw sa matataas na opisyal. Isa sa mga opisyal ang humiling ng 300 set ng mga aklat na The Harp of God at Deliverance para sa aklatan ng mga bilangguan.
Sina Katsuo at Hagino Miura ay tumanggap ng mga aklat mula kay Sister Ishii, at agad nilang nakita ang katotohanan. Nabautismuhan sila noong 1931 at naging mga colporteur. Tinanggap naman nina
Haruichi at Tane Yamada, at ng marami sa kanilang mga kamag-anak, ang mensahe ng Kaharian bago 1930. Naging mga colporteur ang mag-asawang Yamada, at ang anak naman nilang babae, si Yukiko, ay naglingkod sa Bethel sa Tokyo.MGA “JEHU”—MALALAKI AT MALILIIT
Noong panahong iyon, napakamahal ng mga sasakyan at pangit ang mga kalsada. Kaya si Kazumi Minoura at ang iba pang kabataang colporteur ay gumamit ng mga house car na walang makina. Binansagan nilang Jehu ang mga ito ayon sa pangalan ng isang tagapagpatakbo ng karo na naging hari ng Israel. (2 Hari 10:15, 16) Ang bawat isa sa tatlong Great Jehu ay may haba na 2.2 metro, lapad na 1.9 metro, at taas na 1.9 metro, at kasya rito ang anim na payunir. Bukod diyan, 11 Baby Jehu, na hinihila ng bisikleta at nakapagsasakay ng dalawang tao, ang ginawa sa sangay ng Japan. Si Kiichi Iwasaki, na tumulong sa paggawa ng mga Jehu, ay nagsabi: “Bawat isa sa mga Jehu ay may tolda at isang baterya ng kotse na mapagkukunan ng kuryente para sa mga ilaw.” Pinasikat ng mga colporteur ang liwanag ng katotohanan sa buong Japan, gamit ang mga Jehu na itinutulak at hinihila nila sa pagtahak sa mga bundok at libis mula sa Hokkaido sa hilaga hanggang sa Kyushu sa timog.
Sinabi ng colporteur na si Ikumatsu Ota: “Pagdating namin sa isang bayan, ipinaparada namin ang aming Jehu sa tabi ng ilog o sa isang bukid. Dadalawin muna namin ang mga prominenteng tao roon, gaya ng mayor, at pagkatapos ay magbabahay-bahay kami para ialok ang aming literatura. Matapos gawin ang teritoryo, lilipat na kami sa susunod na bayan.”
Iyon ay ‘araw ng maliliit na pasimula’ nang ang grupo ng 36 na Estudyante ng Bibliya sa Kobe ay magdaos ng kanilang unang asamblea. (Zac. 4:10) Pagkaraan lang ng limang taon—noong 1932—may nag-ulat nang 103 colporteur at mamamahayag sa Japan at nakapamahagi sila ng mahigit 14,000 aklat. Sa ngayon, mayroon nang organisadong pampublikong pagpapatotoo sa malalaking lunsod sa Japan, at halos 220,000 mamamahayag ang nagpapasikat ng kanilang liwanag sa Lupain ng Sumisikat na Araw.—Mula sa aming archive sa Japan.