Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TALAMBUHAY

Buong-Panahong Paglilingkod—Kung Saan Ako Inakay Nito

Buong-Panahong Paglilingkod—Kung Saan Ako Inakay Nito

Kapag binabalikan ko ang 65 taon ng aking buong-panahong paglilingkod, talagang masasabi kong punô ng masasayang araw ang buhay ko. Naranasan ko rin namang malungkot at masiraan ng loob. (Awit 34:12; 94:19) Pero sa kabuuan, naging kasiya-siya at makabuluhan ang buhay ko!

NOONG Setyembre 7, 1950, naging miyembro ako ng pamilyang Bethel sa Brooklyn. Nang panahong iyon, binubuo ito ng 355 brother at sister na iba’t iba ang nasyonalidad at edad 19 hanggang 80. Marami sa kanila ay mga pinahirang Kristiyano.

KUNG PAANO AKO NAGSIMULANG MAGLINGKOD KAY JEHOVA

Noong mabautismuhan ako sa edad na 10

Si Inay ang nagturo sa akin na maglingkod sa ating “maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:11) Bata pa lang ako nang magsimula siyang maglingkod kay Jehova. Noong Hulyo 1, 1939, sa edad na sampu, nabautismuhan ako sa isang zone assembly (tinatawag ngayong circuit assembly) sa Columbus, Nebraska, E.U.A. Mga isang daan kami noon na nagtipon-tipon sa isang nirentahang pasilidad para makinig sa rekording ng pahayag ni Joseph Rutherford na “Fascism or Freedom.” Sa kalagitnaan ng pahayag, pinasok kami ng isang grupo ng mang-uumog. Pinatigil nila ang aming pulong at itinaboy kami palabas ng bayan. Kaya pumunta kami sa bukid ng isang brother na di-kalayuan sa bayan para pakinggan ang natitirang bahagi ng programa. Hindi ka na siguro magtataka kung bakit hindi ko makalimutan ang petsa ng bautismo ko!

Sinikap ni Inay na palakihin ako sa katotohanan. Mabuting tao at mabait na ama naman si Itay, pero wala siyang gaanong interes sa relihiyon o sa espirituwal na kapakanan ko. Si Inay at ang iba pang mga Saksi sa Omaha Congregation ang nagpatibay sa akin.

ISANG MAHALAGANG DESISYON

Malapit na akong magtapos noon sa high school, at kailangan ko nang magdesisyon kung ano ang gagawin ko sa buhay ko. Tuwing tag-araw at bakasyon sa eskuwela, naglilingkod ako bilang vacation pioneer (tinatawag ngayong auxiliary pioneer) kasama ng mga kaedaran ko.

Dalawang binatang brother na katatapos lang mag-aral sa ikapitong klase ng Gilead—sina John Chimiklis at Ted Jaracz—ang inatasan sa gawaing paglalakbay sa aming lugar. Nagulat ako nang malaman kong lampas 20 anyos lang sila. Noon ay 18 anyos ako at magtatapos na sa high school. Tandang-tanda ko pa nang tanungin ako ni Brother Chimiklis kung ano ang gagawin  ko sa buhay ko. Pagkatapos kong sumagot, sinabi niya: “Tama, pumasok ka agad sa buong-panahong paglilingkod. Hindi mo alam kung saan ka puwedeng akayin nito.” Tumatak sa isipan ko ang payong ito, pati na ang halimbawa ng mga brother na iyon. Kaya nang makatapos ako ng high school, nagsimula akong magpayunir noong 1948.

KUNG PAANO AKO NAKAPAGLINGKOD SA BETHEL

Noong Hulyo 1950, nagpunta kami ng mga magulang ko sa internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium sa New York City. Dumalo ako sa miting para sa mga interesadong maglingkod sa Bethel. Nagpasa ako ng isang sulat na nagsasabing gusto kong maglingkod doon.

Payag naman si Itay na magpayunir ako at manatili sa poder nila, pero gusto niyang tumulong ako sa mga gastusin sa bahay. Isang araw noong pasimula ng Agosto, bago umalis para maghanap ng trabaho, dumaan muna ako sa mailbox namin. Nakita ko roon ang isang sulat para sa akin mula sa Brooklyn. Pirmado ito ni Nathan H. Knorr, na nagsabi: “Natanggap namin ang aplikasyon mo para sa paglilingkod sa Bethel. Sinasabi rito na payag kang manatili sa Bethel hangga’t ipinahihintulot ng Panginoon. Kaya pakisuyong magreport ka sa Bethel sa 124 Columbia Heights, Brooklyn, New York, sa Setyembre 7, 1950.”

Pag-uwi ni Itay mula sa trabaho nang araw na iyon, sinabi kong may trabaho na ako. Sinabi niya, “Mabuti naman, saan?” Sumagot ako, “Sa Brooklyn Bethel, at $10.00 kada buwan ang matatanggap ko.” Nagulat siya, pero sinabi niyang kung iyon ang gusto ko, dapat ay pagbutihin ko. Di-nagtagal, sa kombensiyon sa Yankee Stadium noong 1953, nabautismuhan siya!

Ako at ang partner ko sa pagpapayunir, si Alfred Nussrallah

Tuwang-tuwa ako dahil ang partner ko sa pagpapayunir na si Alfred Nussrallah ay kasabay kong natawag sa Bethel, at magkasama kaming nagbiyahe papunta roon. Nang maglaon, nag-asawa siya at nag-aral sila ng misis niyang si Joan sa Gilead. Naging misyonero sila sa Lebanon, at pagkatapos ay bumalik sa Estados Unidos para sa gawaing paglalakbay.

MGA ATAS SA BETHEL

Sa Bindery ang unang atas ko sa Bethel; tagatahi ako ng mga aklat. Ang unang ginawa ko ay ang aklat na What Has Religion Done for Mankind? Pagkalipas ng mga walong buwan, inilipat ako sa Service Department sa ilalim ng pangangasiwa ni Brother Thomas J. Sullivan. Isang kagalakang makatrabaho siya at matuto mula sa espirituwal na karunungan at kaunawaang natamo niya sa loob ng maraming taon sa organisasyon.

Pagkatapos ng halos tatlong taon sa Service Department, sinabi sa akin ni Max Larson, tagapangasiwa ng factory, na gusto akong makausap ni Brother Knorr. Akala ko may nagawa akong mali. Nakahinga ako nang maluwag nang itanong lang ni Brother Knorr kung may plano akong lumabas ng Bethel. Nangangailangan kasi siya ng pansamantalang magtatrabaho sa opisina niya at gusto niyang subukan kung kaya ko iyon. Sinabi kong wala akong balak na umalis sa Bethel. Sa sumunod na 20 taon, naging pribilehiyo kong magtrabaho sa opisina niya.

Malimit kong sabihin na hindi ko mababayaran ang mga natutuhan ko mula sa pagtatrabaho kasama nina Brother Sullivan at Brother Knorr, at ng iba pa sa Bethel, gaya nina Milton Henschel, Klaus Jensen, Max Larson, Hugo Riemer, at Grant Suiter. *

 Ang mga brother na nakatrabaho ko ay napakaorganisado sa mga ginagawa nila para sa organisasyon. Puspusang magtrabaho si Brother Knorr para sa lubusang ikasusulong ng gawaing pang-Kaharian. Para sa mga nagtatrabaho sa opisina niya, madali siyang kausap. Kahit iba ang opinyon namin sa isang bagay, nasasabi namin iyon sa kaniya at pinakikinggan pa rin niya kami.

Minsan, kinausap ako ni Brother Knorr tungkol sa pangangailangang asikasuhin kahit ang maliliit na bagay. Para ipakita ito, ikinuwento niya sa akin na noong siya ang tagapangasiwa ng factory, tinatawagan siya ni Brother Rutherford para sabihin: “Brother Knorr, kapag pupunta ka na rito galing sa factory para sa tanghalian, dalhan mo ako ng mga pambura. Ilagay mo sa mesa ko.” Sinabi ni Brother Knorr na agad siyang pumupunta sa kinaroroonan ng mga suplay, kumukuha ng mga pambura, at inilalagay ang mga iyon sa kaniyang bulsa. Sa tanghali, dinadala niya ang mga iyon sa opisina ni Brother Rutherford. Maliit na bagay lang iyon pero nakakatulong kay Brother Rutherford. Pagkatapos, sinabi sa akin ni Brother Knorr: “Gusto ko, laging may natasahang mga lapis sa mesa ko. Kaya pakihanda mo iyon tuwing umaga.” Sa loob ng maraming taon, siniguro kong natatasahan ang mga lapis niya.

Madalas sabihin ni Brother Knorr na kailangan naming makinig na mabuti kapag may ipinagagawa sa amin. Minsan, detalyado niyang sinabi sa akin kung paano gagawin ang isang bagay, pero hindi ako nakinig na mabuti. Napahiya tuloy siya dahil sa akin. Nalungkot ako nang husto, kaya sinulatan ko siya at sinabing sising-sisi ako sa ginawa ko at sa tingin ko mas mabuting ilipat na lang ako ng trabaho. Nang umaga ring iyon, pumunta sa mesa ko si Brother Knorr. “Robert,” ang sabi niya, “nabasa ko ang sulat mo. Nagkamali ka. Nag-usap na tayo tungkol doon, at tiyak kong magiging mas maingat ka na sa susunod. Kalimutan na natin ‘yon. Balik na tayo sa trabaho.” Talagang napahalagahan ko ang kabaitan niya.

PAGNANAIS NA MAG-ASAWA

Makalipas ang walong-taóng paglilingkod sa Bethel, wala na akong ibang plano kundi patuloy na maglingkod doon. Pero nagbago iyon. Noong panahon ng internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium at sa Polo Grounds noong 1958, nakita ko si Lorraine Brookes, isang payunir na nakilala ko sa Montreal, Canada, noong 1955. Humanga ako sa pananaw niya sa buong-panahong paglilingkod at sa pagiging handa niyang maglingkod saanman siya ipadala ng organisasyon ni Jehova. Tunguhin noon ni Lorraine na mag-aral sa Gilead. Sa edad na 22, natanggap siya sa ika-27 klase nito, noong 1956. Nang magtapos siya, ipinadala siya sa Brazil bilang misyonera. Nagsimula kaming maging malapít sa isa’t isa noong 1958, at tinanggap niya ang alok kong magpakasal. Pinlano naming magpakasal sa susunod na taon at umaasa kaming maging mga misyonero.

 Nang banggitin ko kay Brother Knorr ang mga plano ko, sinabi niyang maghintay pa kami ng tatlong taon bago magpakasal at pagkatapos ay maglingkod sa Bethel sa Brooklyn. Noong panahong iyon, para manatili sa Bethel ang mga nag-aasawa, dapat na ang isa sa kanila ay nakasampung taon na o higit pa sa Bethel at ang isa naman ay nakatatlong taon na. Kaya pumayag si Lorraine na maglingkod nang dalawang taon sa Bethel sa Brazil at isang taon naman sa Brooklyn bago kami magpakasal.

Sa unang dalawang taon, nagsusulatan lang kami. Magastos kasing tumawag sa telepono, at walang e-mail noon! Nang ikasal kami noong Setyembre 16, 1961, isang pribilehiyong si Brother Knorr ang nagbigay ng pahayag. Totoo, parang napakatagal ng ilang taóng paghihintay naming iyon. Pero ngayon, kapag binabalikan namin ang mahigit 50 taon ng aming maligayang pagsasama, masasabi naming sulit ang aming paghihintay!

Noong ikasal kami. Mula sa kaliwa: Nathan H. Knorr, Patricia Brookes (kapatid ni Lorraine), Lorraine at ako, Curtis Johnson, Faye at Roy Wallen (mga magulang ko)

MGA PRIBILEHIYO SA PAGLILINGKOD

Noong 1964, nagkapribilehiyo akong bumisita sa iba’t ibang bansa bilang tagapangasiwa ng sona. Nang panahong iyon, hindi naisasama ng mga brother ang kanilang asawa kapag dumadalaw. Nagbago ito noong 1977. Nang taóng iyon, sinamahan namin ni Lorraine sina Grant at Edith Suiter sa pagdalaw sa mga tanggapang pansangay sa Germany, Austria, Greece, Cyprus, Turkey, at Israel. Lahat-lahat, mga 70 bansa ang nadalaw ko.

Noong 1980, nang dumalaw kami sa Brazil, nakapunta kami sa Belém, isang lunsod sa ekwador kung saan naging misyonera si Lorraine. Dumalaw rin kami sa mga kapatid sa Manaus. Noong magpahayag ako sa isang istadyum, may nakita kaming grupo na hindi sumusunod sa kaugalian ng mga taga-Brazil, kung saan ang mga babae ay humahalik sa pisngi ng isa’t isa at ang mga brother ay nagkakamayan. Bakit?

Mga kapatid natin sila mula sa kolonya ng mga may ketong sa kagubatan ng Amazon. Para hindi makahawa, iniiwasan nilang mapadikit sa ibang mga dumalo. Naantig nila ang aming puso, at hinding-hindi namin malilimutan ang saya sa kanilang mga mukha! Totoong-totoo ang sinabi ni Jehova: “Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.”Isa. 65:14.

KASIYA-SIYA AT MAKABULUHANG BUHAY

Madalas naming balik-balikan ni Lorraine ang mahigit anim na dekadang paglilingkod namin kay Jehova. Masayang-masaya kami sa mga pagpapalang natamo namin dahil nagpaakay kami kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Hindi na ako nakakadalaw sa iba’t ibang bansa gaya noon, pero araw-araw pa rin akong nakakapagtrabaho bilang katulong ng Lupong Tagapamahala, sa Coordinators’ Committee at sa Service Committee. Talagang pinahahalagahan ko ang pribilehiyong makasuporta kahit kaunti sa ating pambuong-daigdig na kapatiran sa ganitong paraan. Namamangha kami sa dami ng mga kabataang kapatid na pumapasok sa buong-panahong paglilingkod at may saloobing gaya ng kay Isaias, na nagsabi: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Pinatutunayan ng mga kapatid na ito na totoo ang sinabi sa akin noon ng tagapangasiwa ng sirkito: “Pumasok ka agad sa buong-panahong paglilingkod. Hindi mo alam kung saan ka puwedeng akayin nito.”

^ par. 20 Para sa talambuhay ng ilan sa mga nabanggit na brother, tingnan ang mga isyung ito ng The Watchtower: Thomas J. Sullivan (Agosto 15, 1965); Klaus Jensen (Oktubre 15, 1969); Hugo Riemer (Setyembre 15, 1964); Grant Suiter (Setyembre 1, 1983); at ng Ang Bantayan: Max Larson (Setyembre 1, 1989).