Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patibayin ang Inyong Pagsasama sa Pamamagitan ng Mabuting Pag-uusap

Patibayin ang Inyong Pagsasama sa Pamamagitan ng Mabuting Pag-uusap

“Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.”KAW. 25:11.

1. Paano nakatulong sa mga mag-asawa ang mabuting pag-uusap?

“MAS gusto kong gugulin ang panahon ko kasama ng misis ko kaysa kanino man,” ang sabi ng isang brother sa Canada. “Anumang kaligayahan sa buhay ay nadaragdagan at anumang kirot ay nababawasan kapag magkasama kami.” Isang asawang lalaki sa Australia ang sumulat: “Sa 11-taóng pagsasama namin, hindi lumipas ang isang araw na hindi kami nag-usap ng asawa ko. Hindi kami nag-aalinlangan o nababahala dahil alam naming matibay ang aming pagsasama. Madalas at makabuluhan kasi ang aming pag-uusap.” Isang sister sa Costa Rica ang nagsabi: “Dahil sa mabuting pag-uusap, hindi lang naging masaya ang aming pagsasama, naging mas malapít pa kami kay Jehova, naipagsanggalang sa mga tukso, nagkaisa bilang mag-asawa, at tumibay ang pag-ibig sa isa’t isa.”

2. Bakit nahihirapang magkaroon ng mabuting pag-uusap ang mga mag-asawa?

2 Maganda ba ang komunikasyon ninyong mag-asawa, o nahihirapan kayong magkaroon ng makabuluhang pag-uusap? Siyempre pa, hindi maiiwasan ang problema dahil pareho kayong di-sakdal at magkaiba ang inyong personalidad. (Roma 3:23) Baka magkaiba rin ang inyong kultura o ang pagpapalaki sa inyo kung kaya magkaiba ang inyong paraan ng pakikipag-usap. Kaya naman sinabi ng mga mananaliksik tungkol sa pag-aasawa na sina John M. Gottman at Nan Silver: “Kailangan ang lakas ng loob, determinasyon, at pakikibagay para maging panghabambuhay ang pagsasama.”

3. Ano ang nakatulong sa mga mag-asawa para mapatibay ang kanilang pagsasama?

3 Kailangan ang pagsisikap para magtagumpay ang pag-aasawa, pero sulit naman ito. Puwedeng maging tunay na maligaya ang mga mag-asawang nagmamahalan. (Ecles.  9:9) Kuning halimbawa sina Isaac at Rebeka. (Gen. 24:67) Matagal silang nagsama, pero kahit kailan hindi kumupas ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Ganiyan din ang maraming mag-asawa ngayon. Ang sekreto nila? Natutuhan nilang ipakipag-usap ang kanilang iniisip at nadarama sa tapat, pero mabait na paraan. Nagpapakita sila ng kaunawaan, pag-ibig, matinding paggalang, at kapakumbabaan. Talakayin natin kung paano makatutulong ang mga katangiang ito para maging bukás ang linya ng komunikasyon ng mag-asawa.

MAGPAKITA NG KAUNAWAAN

4, 5. Paano makatutulong sa mag-asawa ang kaunawaan? Magbigay ng mga halimbawa.

4 “Siya na nagpapakita ng kaunawaan sa isang bagay ay makasusumpong ng mabuti,” ang sabi ng Kawikaan 16:20. Talagang totoo iyan pagdating sa pag-aasawa at buhay pampamilya. (Basahin ang Kawikaan 24:3.) Nagmumula sa Salita ng Diyos ang kaunawaan at karunungan. Sinasabi ng Genesis 2:18 na ginawa ng Diyos ang babae bilang kapupunan ng lalaki. Ibig sabihin, nilalang ang lalaki at babae na magkaiba para kumpletuhin nila ang isa’t isa. Kaya naman, magkaiba ang kanilang paraan ng pakikipag-usap. Kadalasan, mas gustong pag-usapan ng mga babae ang tungkol sa kanilang damdamin, mga tao, at mga ugnayan. Ang maibigin at tapat na pakikipag-usap ay nagpapadama sa kanila na sila ay minamahal. Kabaligtaran naman nito ang mga lalaki, na mas gustong pag-usapan ang tungkol sa mga gawain, problema, at solusyon. At gusto nilang madama na sila ay iginagalang.

5 “Mas gustong lutasin agad ng asawa ko ang mga problema kaysa sa makinig sa akin,” ang sabi ng isang sister sa Britanya. “Nakakainis, kasi ang gusto ko lang naman talaga ay ‘tsaa at simpatiya.’” Sumulat ang isang asawang lalaki: “Noong bagong kasal kami ng misis ko, may tendensiya akong hanapan agad ng solusyon ang anumang problema niya. Pero di-nagtagal, nakita ko na gusto lang niyang may makinig sa kaniya.” (Kaw. 18:13; Sant. 1:19) Inaalam ng asawang lalaking may kaunawaan ang damdamin ng kaniyang kabiyak at pinakikitunguhan siya sa paraang madarama niya na minamahal siya. Tinitiyak din niya sa kaniyang asawa na mahalaga sa kaniya ang iniisip at nadarama nito. (1 Ped. 3:7) Samantala, sisikapin naman ng asawang babae na maunawaan ang pangmalas ng kaniyang mister. Kapag ginagawa ng mag-asawa ang inaasahan sa kanila ng Diyos, magiging maganda ang kanilang pagsasama at magkatuwang sila sa paggawa ng matatalinong pasiya.

6, 7. (a) Paano makatutulong sa mag-asawa ang simulain sa Eclesiastes 3:7 sa pagpapakita ng kaunawaan? (b) Paano makapagpapakita ng kaunawaan ang asawang babae sa pakikipag-usap sa kaniyang mister? Anong pagsisikap ang dapat gawin ng asawang lalaki?

6 Alam din ng mag-asawang may kaunawaan na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:1, 7) “Natutuhan ko na may mga panahong hindi muna dapat pag-usapan ang ilang isyu,” ang sabi ng isang sister na sampung taon nang kasal. “Kapag tambak ang trabaho o pananagutan ng asawa ko, nagpapalipas muna ako ng kaunting panahon bago ko ipakipag-usap ang ilang bagay. Dahil dito, mas maganda ang pag-uusap namin.” Kapag may kaunawaan at kagandahang-loob ang asawang babae, ang kaniyang mga salitang “binigkas sa tamang panahon” ay kaakit-akit at pinahahalagahan.Basahin ang Kawikaan 25:11.

Ang maliliit na bagay ay may malaking epekto sa pagsasama ng mag-asawa

7 Ang Kristiyanong asawang lalaki ay hindi lang basta nakikinig sa kaniyang misis. Sinisikap din niyang ipahayag ang kaniyang damdamin. Isang elder na 27 taon nang kasal ang nagsabi: “Pinagsisikapan kong sabihin sa asawa ko ang totoong niloloob ko.” Ganito naman ang sabi ng isang brother na 24 na taon nang kasal: “Kaya kong hindi ipakipag-usap ang mga problema dahil iniisip ko na kung mananahimik ako, lilipas din ang mga iyon. Pero natutuhan ko na hindi kahinaan na ipahayag ang aking damdamin. Kapag nahihirapan akong sabihin ang gusto ko, nananalangin ako  para sa tamang mga salita at sa tamang paraan ng pagsasabi sa mga iyon. Pagkatapos, humihinga ako nang malalim at saka magsasalita.” Makatutulong din kung pipili ang mag-asawa ng tamang panahon para mag-usap, marahil kapag dadalawa lang sila at tinatalakay ang pang-araw-araw na teksto o magkasamang binabasa ang Bibliya.

8. Anong karagdagang dahilan mayroon ang mga mag-asawang Kristiyano para gawing matagumpay ang kanilang pagsasama?

8 Mahalaga rin para sa mag-asawa ang pananalangin at pagnanais na baguhin ang kanilang paraan ng pakikipag-usap. Siyempre pa, mahirap baguhin ang mga nakasanayan na. Pero kung may pagmamahal sila kay Jehova, humihingi ng kaniyang espiritu, at itinuturing na sagrado ang kanilang pagsasama, mayroon silang karagdagang mga dahilan na wala sa ibang mag-asawa. Ganito ang isinulat ng isang asawang babae na 26 na taon nang kasal: “Sineseryoso namin ng mister ko ang pangmalas ni Jehova sa pag-aasawa, kaya hindi man lang sumagi sa isip namin na maghiwalay. Dahil dito, mas nagsisikap kaming lutasin ang mga problema sa pamamagitan ng pag-uusap.” Ang gayong pagkamatapat at makadiyos na debosyon ay nakalulugod sa Diyos at pinagpapala niya.Awit 127:1.

PATIBAYIN ANG INYONG PAG-IBIG

9, 10. Anong praktikal na mga bagay ang magagawa ng mag-asawa para mapatibay ang kanilang buklod ng pag-ibig?

9 Ang pag-ibig, “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa,” ang siyang pinakamahalagang katangian sa pag-aasawa. (Col. 3:14) Tumitibay ang tunay na pag-ibig habang magkasamang nararanasan ng mag-asawa ang hirap at ginhawa. Lalo silang nagiging malapít na magkaibigan at nasisiyahang makasama ang isa’t isa. Ang kanilang pag-aasawa ay pinatitibay, hindi ng paisa-isang gawa ng kagitingan, gaya ng ipinakikita sa pelikula o telebisyon, kundi ng maraming maliliit na bagay—isang yakap, mabait na komendasyon, pagiging maalalahanin, matamis na ngiti, o taimtim na pagsasabing “kumusta ang araw mo?” Ang maliliit na bagay na ito ay may malaking epekto sa pagsasama ng mag-asawa. Isang mag-asawa na 19 na taon nang kasal ang nagtatawagan o nagte-text araw-araw “para lang mangumusta,” ang sabi ng asawang lalaki.

10 Pag-ibig din ang nag-uudyok sa mag-asawa na kilalanin nang higit ang isa’t isa. (Fil. 2:4) Dahil dito, lalong tumitibay ang kanilang pag-ibig sa kabila ng kanilang mga kahinaan. Ang matagumpay na pag-aasawa ay lalong tumitibay sa paglipas ng panahon. Kung  may asawa ka, tanungin ang sarili: ‘Gaano ko kakilala ang asawa ko? Naiintindihan ko ba ang pangmalas at damdamin niya sa mga bagay-bagay? Gaano ko kadalas naiisip ang asawa ko, marahil ay inaalaala ang mga katangiang nagustuhan ko sa kaniya?’

IGALANG ANG ISA’T ISA

11. Bakit mahalaga ang paggalang para sa matagumpay na pag-aasawa? Magbigay ng halimbawa sa Bibliya.

11 Kahit ang pinakamaliligayang pagsasama ay hindi sakdal. Kung minsan, baka magkaiba ang pangmalas ng mag-asawa. Halimbawa, hindi laging nagkakasundo sina Abraham at Sara. (Gen. 21:9-11) Pero hindi ito nagpahina sa kanilang pagsasama. Bakit? Pinakitunguhan nila nang may dignidad at paggalang ang isa’t isa. Halimbawa, si Abraham ay nagsabi kay Sara ng “pakisuyo.” (Gen. 12:11, 13) Si Sara naman ay masunurin kay Abraham at itinuring itong kaniyang “panginoon.” (Gen. 18:12) Kapag ang mag-asawa ay walang paggalang sa isa’t isa, makikita ito sa kanilang paraan ng pakikipag-usap at tono ng boses. (Kaw. 12:18) Kung hindi nila aayusin ang problema, nanganganib ang kanilang pagsasama.Basahin ang Santiago 3:7-10, 17, 18.

12. Bakit lalong dapat magsikap ang mga bagong kasal na maging magalang sa pakikipag-usap sa isa’t isa?

12 Lalong dapat magsikap ang mga bagong kasal na maging mabait at magalang sa isa’t isa. Sa gayon, magiging madali para sa kanila ang tapatang pag-uusap. “Sa unang mga taon ng pagsasama, may saya pero kung minsan ay may lungkot din,” ang sabi ng isang asawang lalaki. Ipinaliwanag niya na sa umpisa, naiinis sila dahil hindi nila maunawaan ang damdamin, ugali, at pangangailangan ng isa’t isa. Pero naging maganda ang pagsasama nila dahil sinikap nilang maging makatuwiran at masayahin. Sinabi niya na mahalaga rin ang kapakumbabaan, pagpapasensiya, at pananalig kay Jehova. Napakagandang payo nga!

MAGPAKITA NG TUNAY NA KAPAKUMBABAAN

13. Bakit napakahalaga ng kapakumbabaan sa isang maligayang pagsasama?

13 Para makapag-usap ang mag-asawa sa mabait at mapayapang paraan, kailangang pareho silang “mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Ped. 3:8) “Kapakumbabaan ang pinakamadaling paraan ng paglutas sa di-pagkakaunawaan dahil ito ang mag-uudyok sa iyo na magsabi ng ‘sorry,’” ang paliwanag ng isang  brother na 11 taon nang kasal. Isang elder, na 20 taon nang may asawa, ang nagsabi: “Kung minsan, mas mahalagang sabihin ang ‘sorry’ kaysa sa ‘I love you.’” Ipinaliwanag pa niya kung paano nakatutulong ang panalangin para makapagpakita silang mag-asawa ng kapakumbabaan. Sinabi niya, “Kapag lumalapit kaming mag-asawa kay Jehova, naipaaalaala sa amin ang aming di-kasakdalan at ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Ito ang tumutulong sa akin na magkaroon ng tamang pangmalas sa mga bagay-bagay.”

Panatilihin ang mabuting pag-uusap ninyong mag-asawa

14. Paano nakaaapekto sa mag-asawa ang pride?

14 Sa kabaligtaran, napakahirap para sa mag-asawa na lutasin ang kanilang problema kung ma-pride sila. Ang taong ma-pride ay walang pagnanais at lakas ng loob na humingi ng tawad. Sa halip na sabihing “Sorry, patawarin mo ako,” ang taong ma-pride ay nagdadahilan. Hindi niya inaamin ang kaniyang kasalanan kundi sinisisi pa ang iba. Kapag nasaktan, hindi siya nakikipagpayapaan. Gumaganti siya ng masasakit na salita o nagsasawalang-kibo. (Ecles. 7:9) Talagang mapanganib ang pride. Dapat nating tandaan na “sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.”Sant. 4:6.

15. Ipaliwanag kung paano makatutulong sa mag-asawa ang simulain sa Efeso 4:26, 27 sa pagharap sa mga problema.

15 Siyempre pa, lilitaw at lilitaw ang pride. Kaya naman kailangan natin itong sugpuin agad. Sinabi ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.” (Efe. 4:26, 27) Ano ang puwedeng mangyari kung hindi susundin ng mag-asawa ang payo ng Salita ng Diyos? “Minsan, hindi namin naikapit ng mister ko ang Efeso 4:26, 27,” ang sabi ng isang sister. “Talagang hindi ako nakatulog nang gabing iyon!” Mas mabuti ngang pag-usapan agad ang mga bagay-bagay at makipag-ayos! Siyempre pa, baka kailangan ng mag-asawa ng kaunting panahon para lumamig ang kanilang ulo. Angkop ding manalangin na bigyan kayo ni Jehova ng tamang pag-iisip. Kasama rito ang kapakumbabaan, na tutulong sa inyo na magpokus sa problema, hindi sa inyong sarili, para huwag lumala ang sitwasyon.Basahin ang Colosas 3:12, 13.

16. Paano makatutulong sa mag-asawa ang kapakumbabaan pagdating sa kanilang katangian at abilidad?

16 Ang kapakumbabaan at kahinhinan ay tutulong sa mga may-asawa na pahalagahan ang katangian at abilidad ng kanilang kabiyak. Halimbawa, baka ang asawang babae ay may mga abilidad na nagagamit niya sa kapakanan ng kaniyang pamilya. Kung mapagpakumbaba ang asawang lalaki, hindi niya ito ituturing na hamon sa kaniyang pagkalalaki kundi pasisiglahin niya ang kaniyang misis na patuloy na gamitin ang mga kakayahan nito. Sa gayon, maipakikita niyang minamahal niya at pinahahalagahan ang kaniyang misis. (Kaw. 31:10, 28; Efe. 5:28, 29) Sa katulad na paraan, ang mapagpakumbaba at mahinhing asawang babae ay hindi magyayabang, ni mamaliitin man ang kaniyang mister. Dahil sila ay “isang laman,” pareho silang masasaktan kung paiiralin nila ang kanilang pride.Mat. 19:4, 5.

17. Ano ang tutulong sa mga mag-asawa na maging maligaya at magbigay-karangalan sa Diyos?

17 Tiyak na gusto mong ang inyong pagsasamang mag-asawa ay maging tulad ng kina Abraham at Sara o Isaac at Rebeka—maligaya, panghabambuhay, at nagpaparangal kay Jehova. Kung gayon, manghawakan sa pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa. Manalig sa kaniyang Salita para sa kaunawaan at karunungan. Patibayin ang tunay na pag-ibig—“ang liyab ni Jah”—sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa iyong asawa. (Sol. 8:6) Linangin ang kapakumbabaan. Igalang ang iyong kabiyak. Kung gagawin mo ang mga ito, ang inyong pag-aasawa ay magdudulot ng kaligayahan sa inyo at sa inyong Ama sa langit. (Kaw. 27:11) Oo, baka masabi mo rin ang sinabi ng isang brother na 27 taon nang kasal: “Hindi ko ma-imagine ang buhay ko kung wala ang misis ko. Araw-araw, lalong tumitibay ang aming pagsasama. Dahil ito sa pag-ibig namin kay Jehova at regular na pag-uusap.”