Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Elder—‘Mga Kamanggagawa Ukol sa Ating Kagalakan’

Mga Elder—‘Mga Kamanggagawa Ukol sa Ating Kagalakan’

“Mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan.”—2 COR. 1:24.

1. Anong balita tungkol sa mga Kristiyano sa Corinto ang nagpasaya kay Pablo?

TAÓNG 55 C.E. noon. Si apostol Pablo ay nasa daungang lunsod ng Troas, pero hindi mawala-wala sa isip niya ang Corinto. Nalulungkot siya dahil nabalitaan niyang nagtatalu-talo ang mga kapatid doon. Kaya gaya ng ama na nagmamalasakit sa kaniyang mga anak, lumiham siya para ituwid sila. (1 Cor. 1:11; 4:15) Isinugo rin niya roon ang kamanggagawa niyang si Tito at isinaayos na magkita sila sa Troas para maibalita nito sa kaniya ang kalagayan ng mga kapatid. Pero hindi nakabalik si Tito, kaya naglayag si Pablo patungong Macedonia. Tuwang-tuwa siyang makita roon si Tito. Sinabi ni Tito na sinunod ng mga kapatid sa Corinto ang payo ni Pablo at na sabik na sabik ang mga ito na makita siya. Nang marinig ni Pablo ang magandang balitang ito, “lalo pa [siyang] nagsaya.”—2 Cor. 2:12, 13; 7:5-9.

2. (a) Ano ang isinulat ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa pananampalataya at kagalakan? (b) Anong mga tanong ang isasaalang-alang natin?

2 Di-nagtagal pagkatapos nito, sumulat si Pablo ng ikalawang liham sa mga taga-Corinto. Sinabi niya sa kanila: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan, sapagkat dahil sa inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.” (2 Cor. 1:24) Ano ang ibig sabihin ni Pablo? Ano ang matututuhan dito ng mga elder sa ngayon?

ANG ATING PANANAMPALATAYA AT KAGALAKAN

3. (a) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang isulat niya: “Dahil sa inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo”? (b) Paano tinutularan ng mga elder sa ngayon ang halimbawa ni Pablo?

3 Binanggit ni Pablo ang dalawang mahalagang katangiang kailangang linangin ng mga Kristiyano—pananampalataya at kagalakan. Tungkol sa pananampalataya,  isinulat niya: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, . . . sapagkat dahil sa inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.” Kinilala ni Pablo na ang mga kapatid sa Corinto ay nananatiling matatag, hindi dahil sa kaniya o sa sinumang tao, kundi dahil sa kanilang sariling pananampalataya sa Diyos. Alam niya na talagang mahal nila ang Diyos at gusto nilang gawin ang tama. Kaya hindi niya kailangang kontrolin ang kanilang pananampalataya, ni may balak man siyang gawin iyon. (2 Cor. 2:3) Sa ngayon, tinutularan ng mga elder ang halimbawa ni Pablo. Nagtitiwala silang may pananampalataya sa Diyos ang mga kapatid at na dalisay ang motibo nila sa paglilingkod sa kaniya. (2 Tes. 3:4) Kaya sa halip na magpanukala ng istriktong mga tuntunin, sinusunod ng mga elder ang mga simulain ng Bibliya at ang mga tagubilin ng organisasyon ni Jehova. At tama naman, yamang ang mga elder ay hindi mga panginoon sa pananampalataya ng kanilang mga kapatid.—1 Ped. 5:2, 3.

4. (a) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang isulat niya: “Mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan”? (b) Paano tinutularan ng mga elder sa ngayon ang saloobin ni Pablo?

4 Sinabi rin ni Pablo: “Mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan.” Sa pananalitang “mga kamanggagawa,” tinutukoy niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang malalapít na kasama. Paano natin nalaman? Sa liham ding iyon, ipinaalaala ni Pablo sa mga taga-Corinto ang dalawa sa mga kasama niyang ito nang isulat niya: “[Si Jesus ay] ipinangaral sa inyo sa pamamagitan namin, samakatuwid nga, sa pamamagitan ko at nina Silvano at Timoteo.” (2 Cor. 1:19) Karagdagan pa, sa tuwing ginagamit ni Pablo ang terminong “mga kamanggagawa” sa kaniyang mga liham, lagi itong tumutukoy sa malalapít niyang kasama na gaya nina Apolos, Aquila, Prisca, Timoteo, Tito, at iba pa. (Roma 16:3, 21; 1 Cor. 3:6-9; 2 Cor. 8:23) Kaya nang sabihin ni Pablo na “mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan,” tinitiyak niya sa mga taga-Corinto na gusto niya at ng kaniyang mga kasama na itaguyod ang kagalakan sa kongregasyon sa abot ng kanilang makakaya. Ganiyan din ang hangarin ng mga elder sa ngayon. Gusto nilang gawin ang kanilang makakaya para tulungan ang mga kapatid na “maglingkod . . . kay Jehova na may pagsasaya.”—Awit 100:2; Fil. 1:25.

5. Ano ang itinanong sa ilang kapatid? Ano ang dapat mong gawin habang tinatalakay natin ang mga sagot nila?

5 Kamakailan, isang grupo ng masisigasig na kapatid mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang tinanong, “Ano ang sinabi o ginawa ng isang elder na nakadagdag sa kagalakan mo?” Habang tinatalakay natin ang mga sagot nila, pag-isipan mo rin kung ano ang magiging sagot mo. Talakayin din natin kung ano ang magagawa ng bawat isa sa atin para makadagdag sa kagalakan ng kongregasyon. *

“BATIIN NINYO SI PERSIS NA ATING MINAMAHAL”

6, 7. (a) Ano ang isang paraan para matularan ng mga elder sina Jesus, Pablo, at ang iba pang lingkod ng Diyos? (b) Bakit natutuwa ang mga kapatid kapag natatandaan natin ang kanilang pangalan?

6 Sinasabi ng maraming kapatid na nadaragdagan ang kanilang kagalakan kapag nagpapakita sa kanila ng personal na interes ang mga elder. Magagawa ito ng mga elder sa pamamagitan ng pagtulad kina David, Elihu, at Jesus. (Basahin ang 2 Samuel 9:6; Job 33:1; Lucas 19:5.) Ipinakita nila na nagmamalasakit sila sa iba sa pamamagitan ng paggamit sa pangalan ng mga ito. Alam din ni Pablo na mahalagang tandaan at gamitin ang pangalan ng kaniyang mga kapananampalataya. Sa pagtatapos ng isa sa kaniyang mga liham, binanggit niya ang pangalan ng mahigit  sa 25 kapatid. Kabilang dito ang kapatid na babaing si Persis. Sinabi ni Pablo: “Batiin ninyo si Persis na ating minamahal.”—Roma 16:3-15.

7 May mga elder na hindi matandain sa pangalan. Pero kapag nagsisikap sila, parang sinasabi nila sa mga kapatid, ‘Mahalaga kayo sa amin.’ (Ex. 33:17) Natutuwa rin ang mga kapatid kapag tinatawag sila ng mga elder sa pangalan para magkomento sa Pag-aaral sa Bantayan at sa iba pang pulong.—Ihambing ang Juan 10:3.

“GUMAWA SIYA NG MARAMING PAGPAPAGAL SA PANGINOON”

8. Sa anong mahalagang paraan tinularan ni Pablo si Jehova at si Jesus?

8 Ipinakita rin ni Pablo na nagmamalasakit siya sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng taimtim na komendasyon. Isa pa itong paraan para madagdagan ang kagalakan ng ating mga kapananampalataya. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, isinulat niya: “Mayroon akong malaking paghahambog may kinalaman sa inyo.” (2 Cor. 7:4) Tiyak na naantig ang puso ng mga kapatid sa Corinto sa taimtim na komendasyong ito. Pinuri din ni Pablo ang ibang kongregasyon sa kanilang mabubuting gawa. (Roma 1:8; Fil. 1:3-5; 1 Tes. 1:8) Sa katunayan, matapos niyang banggitin si Persis sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Roma, idinagdag ni Pablo: “Gumawa siya ng maraming pagpapagal sa Panginoon.” (Roma 16:12) Siguradong tumaba ang puso ng tapat na kapatid na ito! Tinularan ni Pablo ang halimbawa ni Jehova at ni Jesus sa pagbibigay ng komendasyon.—Basahin ang Marcos 1:9-11; Juan 1:47; Apoc. 2:2, 13, 19.

9. Bakit nakadaragdag sa kagalakan ng kongregasyon ang pagbibigay at pagtanggap ng komendasyon?

9 Alam din ng mga elder sa ngayon na napakahalagang sabihin sa mga kapatid na pinahahalagahan sila. (Kaw. 3:27; 15:23) Sa paggawa nito, parang sinasabi ng elder sa kapatid: ‘Napansin ko ang ginawa mo. Mahalaga ka sa akin.’ Kailangang marinig ng mga kapatid ang ganitong pampatibay. Sinabi ng isang sister na mahigit 50 anyos: “Sa trabaho, madalang akong makatanggap ng komendasyon. Walang malasakit ang mga tao doon at napakalakas ng kompetisyon. Kaya kapag pinapurihan ako ng isang elder sa isang bagay na nagawa ko para sa kongregasyon, ang sarap-sarap ng pakiramdam ko! Talagang sumisigla ako. Damang-dama ko ang pagmamahal ng aking makalangit na Ama.” Ganiyan din ang nadama ng isang brother na nagsosolong magulang at nagpapalaki ng dalawang anak. Kamakailan, isang elder ang nagbigay sa kaniya ng taimtim na komendasyon. Paano ito nakaapekto sa kaniya? Sinabi niya: “Talagang napalakas ako sa sinabi ng elder!” Oo, kapag ang mga elder ay nagbibigay ng komendasyon sa mga kapananampalataya, sumisigla ang mga kapatid at nadaragdagan ang kanilang kagalakan. Ito naman ang magbibigay sa kanila ng lakas para patuloy na lumakad sa daan ng buhay ‘at hindi mapagod.’—Isa. 40:31.

“MAGPASTOL SA KONGREGASYON NG DIYOS”

10, 11. (a) Paano matutularan ng mga elder si Nehemias? (b) Ano ang makatutulong sa isang elder na magbahagi ng espirituwal na kaloob kapag nagpapastol?

10 Ano pa ang isang mahalagang paraan para maipakita ng mga elder ang personal na interes sa mga kapatid at makadagdag sa kagalakan ng kongregasyon? Ito ay ang pagkukusang magbigay ng pampatibay-loob sa mga nangangailangan nito. (Basahin ang Gawa 20:28.) Sa ganitong paraan, tinutularan nila ang mga pastol ng bayan ng Diyos noong una. Halimbawa, pansinin ang ginawa ng tapat na tagapangasiwang si Nehemias nang makita niyang nanghihina sa espirituwal ang ilan sa kaniyang mga kapatid na Judio. Sinasabi ng ulat na kaagad siyang tumindig at pinatibay  sila. (Neh. 4:14) Ganiyan din ang gustong gawin ng mga elder sa ngayon. Sila ay ‘tumitindig,’ o nagkukusa, na tumulong para patibayin ang pananampalataya ng mga kapatid. Dinadalaw nila ang mga ito sa kanilang tahanan kung posible. Sa gayong pagpapastol, tunguhin nilang ‘magbahagi ng ilang espirituwal na kaloob’ sa mga kapatid. (Roma 1:11) Paano ito magagawa ng mga elder?

11 Bago magpastol, kailangang pag-isipan ng elder ang sitwasyon ng kapatid na dadalawin niya. Anong mga problema ang kinakaharap ng kapatid na iyon? Ano ang makapagpapatibay sa kaniya? Anong teksto o karanasan sa Bibliya ang kapit sa kaniyang sitwasyon? Ang ganitong paghahanda ay tutulong para maging makabuluhan ang pakikipag-usap ng elder, sa halip na makipagkuwentuhan lang. Sa panahon ng pagdalaw, binibigyan niya ng pagkakataon ang mga kapatid na ipahayag ang kanilang damdamin habang nakikinig siyang mabuti. (Sant. 1:19) Sinabi ng isang sister: “Nakakagaan ng loob kapag taimtim na nakikinig ang elder.”—Luc. 8:18.

Ang paghahanda ay tutulong sa isang elder na ‘magbahagi ng espirituwal na kaloob’ kapag nagpapastol

12. Sinu-sino sa kongregasyon ang nangangailangan ng pampatibay-loob, at bakit?

12 Sino ang nangangailangan ng pagpapastol? Pinayuhan ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa elder na “bigyang-pansin . . . ang buong kawan.” Oo, lahat ng miyembro ng kongregasyon ay nangangailangan ng pampatibay-loob, pati na ang mga mamamahayag at payunir na maraming taon nang tapat na naglilingkod. Bakit kailangan nila ang pag-alalay ng espirituwal na mga pastol? Dahil kahit matibay ang pananampalataya nila sa Diyos, kung minsan ay nahihirapan din silang batahing mag-isa ang mga problema sa balakyot na sanlibutang ito. Kailangan nila ng tulong, gaya ng makikita natin sa isang pangyayari sa buhay ni Haring David.

“SUMAKLOLO SI ABISAI”

13. (a) Anong sitwasyon ni David ang sinamantala ni Isbi-benob? (b) Paano nagawang saklolohan ni Abisai si David?

13 Di-nagtagal matapos mahirang bilang hari ang kabataang si David, nakipaglaban siya kay Goliat, isa sa mga Repaim na lahi  ng mga higante. Nagpakita si David ng lakas ng loob at pinatay ito. (1 Sam. 17:4, 48-51; 1 Cro. 20:5, 8) Maraming taon pagkatapos nito, sa pakikipagdigma sa mga Filisteo, muling nakipaglaban si David sa isang higante. Isbi-benob ang pangalan niya, at isa rin siya sa mga Repaim. (2 Sam. 21:16) Pero sa pagkakataong ito, nalagay sa bingit ng kamatayan si David. Bakit? Hindi dahil nawalan siya ng lakas ng loob, kundi naubusan siya ng pisikal na lakas. Sinasabi ng ulat: “Napagod si David.” Nang mapansin ni Isbi-benob ang panghihina ni David, “nag-isip [siyang] pabagsakin si David.” Pero nang sandaling uulusin na ng higante si David, “kaagad na sumaklolo [sa kaniya] si Abisai na anak ni Zeruias at pinabagsak ang Filisteo at pinatay ito.” (2 Sam. 21:15-17) Muntik nang mapatay si David! Tiyak na napakalaki ng pasasalamat ni David kay Abisai na nagbantay at agad na tumulong nang manganib ang buhay niya! Ano ang matututuhan natin dito?

14. (a) Paano natin madaraig ang tulad-Goliat na mga pagsubok? (b) Paano matutulungan ng mga elder ang iba na mapanumbalik ang kanilang kagalakan at lakas? Magbigay ng halimbawa.

14 Sa buong daigdig, isinasagawa nating mga Saksi ni Jehova ang ating ministeryo sa kabila ng pagsalansang ni Satanas at ng kaniyang mga kampon. Ang ilan sa atin ay napaharap sa gahiganteng mga pagsubok, pero dahil lubos tayong nagtiwala kay Jehova, dinaig natin ang tulad-Goliat na mga pagsubok na ito. Pero kung minsan, napapagod at nasisiraan din tayo ng loob dahil sa walang-tigil na pakikipaglaban sa sanlibutan ni Satanas. Sa ganitong mga pagkakataon, mahina tayo at nanganganib ‘mapabagsak’ ng mga problemang karaniwan nang kaya nating batahin. Dito natin kailangan ang pag-alalay ng isang elder para mapanumbalik ang ating kagalakan at lakas. Marami na ang tumanggap ng ganiyang tulong. Sinabi ng isang payunir na mahigit nang 60 anyos: “May pagkakataon noon na hindi maganda ang pakiramdam ko, at nanghihimagod ako sa ministeryo. Napansin ng isang elder na matamlay ako kaya nilapitan niya ako. Pinatibay niya ako sa pamamagitan ng isang ulat sa Bibliya. Ikinapit ko ang mga mungkahi niya, at nakinabang ako.” Idinagdag pa niya: “Talagang mapagmalasakit ang elder na iyon. Tinulungan niya ako nang mapansin niyang nanghihina ako!” Oo, nakaaantig malaman na may mga elder na maibiging nagbabantay sa atin. Gaya ni Abisai, nakahanda silang “sumaklolo” sa atin.

‘ALAM NINYO ANG PAG-IBIG NA TAGLAY KO PARA SA INYO’

15, 16. (a) Bakit mahal na mahal si Pablo ng kaniyang mga kapananampalataya? (b) Bakit mahal natin ang ating maibiging mga elder?

15 Hindi biro ang gawain ng isang pastol. Kung minsan, ang mga elder ay napupuyat dahil sa pag-aalala at pananalangin para sa kawan ng Diyos o dahil sa pagbibigay ng espirituwal na tulong sa mga kapananampalataya. (2 Cor. 11:27, 28) Pero masayang ginagampanan ng mga elder ang kanilang pananagutan, gaya ng ginawa ni Pablo. Sumulat siya sa mga taga-Corinto: “Buong lugod akong gugugol at lubusang magpapagugol para sa inyong mga kaluluwa.” (2 Cor. 12:15) Dahil sa pag-ibig niya sa kaniyang mga kapatid, lubusan niyang ginugol, o ginamit, ang kaniyang buong lakas, para patibayin sila. (Basahin ang 2 Corinto 2:4; Fil. 2:17; 1 Tes. 2:8) Di-kataka-takang mahal na mahal ng mga kapatid si Pablo!—Gawa 20:31-38.

16 Mahal na mahal din natin ang ating mga elder at nagpapasalamat tayo kay Jehova na ginagamit niya sila para pangalagaan tayo. Nakadaragdag sila sa ating kagalakan dahil sa personal na interes na ipinakikita nila. Napatitibay rin tayo kapag nagpapastol sila. Higit sa lahat, nagpapasalamat tayo na handa silang sumaklolo kapag nadarama nating nadaraig tayo ng mga problema. Oo, ang mga elder na ito ay ‘mga kamanggagawa ukol sa ating kagalakan.’

^ par. 5 Tinanong din ang mga kapatid na iyon, “Anong katangian ng elder ang pinakagusto mo?” Napakarami sa kanila ang sumagot, “Pagiging madaling lapitan.” Tatalakayin sa isa pang isyu ng magasing ito ang mahalagang katangiang iyan.