Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bago namin nalaman ang katotohanan sa Bibliya, sumailalim kaming mag-asawa sa in vitro fertilization sa kagustuhan naming magkaanak. Hindi lahat ng aming pertilisadong itlog (embryo) ay nagamit; ang ilan ay inimbak sa freezer. Dapat pa bang iimbak ang mga ito, o maaari nang itapon?
Isa lang ito sa maraming mabibigat na isyu sa moral na napapaharap sa mga mag-asawang nagpasiyang sumailalim sa in vitro fertilization (IVF). Bawat mag-asawa ay may pananagutang gumawa ng pasiya na magpaparangal kay Jehova. Maaaring makatulong ang ilang impormasyon tungkol sa assisted reproductive technology na ito.
Noong 1978, isang babae sa Inglatera ang kauna-unahang nagdalang-tao ng tinatawag na test-tube baby. Bago nito, hindi siya mabuntis dahil barado ang kaniyang mga Fallopian tube, kung kaya hindi makadaloy ang sperm patungo sa kaniyang (mga) selulang itlog. Kumuha sa kaniya ang mga doktor ng isang magulang na selulang itlog, inilagay ito sa isang glass dish, at pinertilisa ito sa pamamagitan ng sperm ng kaniyang asawa. Pagkatapos, ang nabuong embryo ay hinayaang madebelop sa tulong ng mga sustansiya at saka inilagay sa kaniyang bahay-bata, kung saan ito kumapit. Di-nagtagal, nagsilang siya ng babaing sanggol. Ang prosesong ito, pati na ang iba’t ibang pamamaraang katulad nito, ay tinatawag na in vitro (in glass) fertilization, o IVF.
Nagkakaiba-iba ang pamamaraan ng IVF sa bawat bansa, pero karaniwan na, ganito ang mga hakbang na kasangkot: Ang asawang babae ay binibigyan ng matatapang na fertility drug sa loob ng ilang linggo para makagawa ng maraming itlog ang kaniyang mga obaryo. Ang asawang lalaki ay maaaring hingan ng sperm sa pamamagitan ng masturbasyon. Ang mga selulang itlog at ang sperm ay pinagsasama sa laboratoryo. Maaaring mapertilisa ang mahigit sa isang itlog at magsisimulang mahati-hati ang mga ito, na magiging mga embryo. Pagkaraan ng isang araw o higit pa, ang mga embryo na ito ay maingat na susuriin para makita kung alin ang may depekto at alin ang mukhang malulusog at mas malamang na kumapit at mabuo. Pagsapit ng mga ikatlong araw, karaniwan nang inililipat sa bahay-bata ng asawang babae hindi lang ang isa kundi dalawa o tatlo sa pinakamagagandang embryo para mas malaki ang tsansang magdalang-tao siya. Kapag kumapit ang isa o higit pa sa mga ito, magbubuntis siya, at sa kalaunan ay manganganak.
a O baka naging komplikado ang sitwasyon dahil namatay o nag-asawang-muli ang isa sa kanila o pareho sila. Oo, maraming dapat isaalang-alang, at bilang resulta, ang ilang mag-asawa ay maraming taon nang nagbabayad para sa pag-iimbak ng kanilang mga embryo.
Pero kumusta naman ang mga embryo na hindi inilipat sa bahay-bata, pati na ang mga mukhang di-malusog o may depekto pa nga? Kung pababayaan, ang mga ekstrang embryo na ito ay mamamatay. Kaya bago mangyari iyan, ang mga ito ay maaaring i-freeze sa liquid nitrogen. Bakit? Ang ilan sa reserbang embryo na ito ay magagamit, sa mas mababang halaga, sakaling hindi magtagumpay ang unang ginawang IVF. Pero nagbabangon ito ng ilang usapin sa moral. Tulad ng mag-asawang nagtanong, marami ang nahihirapang magpasiya kung ano ang gagawin sa kanilang mga frozen na embryo. Baka ayaw na nilang magkaanak. Dahil sa edad o pinansiyal na kalagayan ng mga magulang, posibleng hindi na praktikal na mag-anak pa. Maaaring takót sila sa peligrong dulot ng pagbubuntis ng mahigit sa isang sanggol.Noong 2008, isang chief embryologist ang nagsabi sa The New York Times na marami sa mga pasyente ang hindi makapagpasiya kung ano ang gagawin sa mga ekstrang embryo nila. Sinabi ng artikulo: “Di-bababa sa 400,000 embryo ang nakaimbak sa mga clinic sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at marami pa ang nadaragdag araw-araw . . . Ang mga embryo ay maaaring manatiling buháy sa loob ng isang dekada o mahigit pa kung tama ang pagkaka-freeze dito, pero hindi lahat ay nabubuhay kapag inilabas na sa freezer.” (Amin ang italiko.) Ang huling nabanggit ay dapat pag-isipan ng mga Kristiyano. Bakit?
Maaaring isaalang-alang ng mga mag-asawang Kristiyano na napapaharap sa mga usapin tungkol sa IVF ang mga problemang kasangkot sa isa pang sitwasyong medikal. Ang isang Kristiyano ay baka kailangang magpasiya kung ano ang gagawin sa isang kapamilya na may taning na ang buhay at umaasa na lang sa artificial life support, gaya ng ventilator, para patuloy na makahinga. Ang mga tunay na Kristiyano ay tutol sa pagpapabaya sa pasyente. Kasuwato ng Exodo 20:13 at Awit 36:9, mataas ang pagpapahalaga nila sa buhay. Ganito ang sabi ng Awake! ng Mayo 8, 1974: “Dahil sa paggalang nila sa pangmalas ng Diyos sa kabanalan ng buhay, paggalang sa kanilang budhi, at bilang pagsunod sa mga batas ng pamahalaan, ang mga nagnanais mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya ay hinding-hindi babaling sa positive euthanasia,” kung saan sinasadyang wakasan ang buhay ng pasyente. Pero sa ilang sitwasyon, life-support technology na lang ang bumubuhay sa isang pasyente. Ang mga miyembro ng pamilya ay dapat magpasiya kung itutuloy o ihihinto nila ang artificial life support na iyon.
Totoo na naiiba ang sitwasyon nila sa mag-asawang gumamit ng IVF at ngayon ay may nakaimbak na mga embryo. Pero ang isang opsyon ay ang alisin ang mga embryo mula sa nitrogen freezer. Sa labas ng artipisyal na kapaligiran ng freezer, ang mga embryo ay mamamatay. Kailangang magpasiya ang mag-asawa kung pahihintulutan nila ito.—Gal. 6:7.
Maaaring ipasiya ng isang mag-asawa na magbayad para sa pag-iimbak ng kanilang mga frozen na embryo o para magamit ang mga ito kung gusto pa nilang magkaanak sa pamamagitan ng IVF sa hinaharap. Pero baka magpasiya ang ibang mag-asawa na ihinto na ang pag-iimbak sa kanilang mga frozen na embryo, anupat itinuturing na nabubuhay lang ang mga ito sa pamamagitan ng artipisyal na pamamaraan. Ang mga Kristiyanong napapaharap sa ganitong pagpapasiya ay may pananagutan sa Diyos na gamitin ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya. Dapat nilang maging tunguhin na magkaroon ng malinis na budhi, at kasabay nito ay huwag ipagwalang-bahala ang budhi ng iba.—1 Tim. 1:19.
Ang mga Kristiyanong napapaharap sa ganitong pagpapasiya ay may pananagutan sa Diyos na gamitin ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya
Natuklasan ng isang eksperto sa reproductive endocrinology na karamihan sa mga mag-asawa ay “nalilito pero nakadarama ng pananagutang magpasiya kung ano ang gagawin sa kanilang mga [frozen na] embryo.” Ganito ang konklusyon niya: “Para sa maraming mag-asawa, parang walang magandang desisyon.”
Maliwanag, dapat pag-aralan ng mga tunay na Kristiyanong nagbabalak sumailalim sa IVF ang seryosong implikasyon ng teknolohiyang ito. Nagpapayo ang Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”—Kaw. 22:3.
Isang lalaki’t babaing nagsasama nang di-kasal ang nag-aaral ng Bibliya at gustong magpabautismo. Pero hindi sila makapagpakasal dahil ang lalaki ay ilegal na naninirahan sa bansa. Hindi pinahihintulutan ng pamahalaan na makasal ang mga ilegal na dayuhan. Maaari ba silang lumagda ng Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan at saka magpabautismo?
Parang iyan ang solusyon sa kanilang problema, pero hindi ito maka-Kasulatan. Para maintindihan kung bakit, talakayin muna natin kung ano ang Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan at kung kailan ito maaaring gamitin.
Ang dokumentong ito ay isang kasulatang nilagdaan sa harap ng mga saksi ng lalaki’t babaing hindi makapagpakasal sa kadahilanang tatalakayin natin. Kapag lumagda sila sa dokumentong ito, sumusumpa sila sa harap ng Diyos at ng mga tao na magiging tapat sila sa isa’t isa at magpapakasal kung posible na ito. Kaya sa paningin ng kongregasyon, sila ay mag-asawa na parang legal na ikinasal.
Kailan ginagamit ang Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan? Si Jehova ang nagtatag ng kaayusan ng pag-aasawa at mataas ang pagpapahalaga niya rito. Sinabi ng kaniyang Anak: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:5, 6; Gen. 2:22-24) Idinagdag pa ni Jesus: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid [seksuwal na imoralidad], at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mat. 19:9) Samakatuwid, tanging ang “pakikiapid,” o sa ibang pananalita, seksuwal na imoralidad, ang maka-Kasulatang saligan na maaaring pumutol sa ugnayan ng mag-asawa. Halimbawa, kung ang asawang lalaki ay nakipagtalik sa hindi niya asawa, ang kaniyang pinagkasalahang kabiyak ay maaaring magpasiya kung makikipagdiborsiyo sa kaniya o hindi. Kapag nakipagdiborsiyo ito sa kaniya, malaya na itong mag-asawa ng iba.
Pero sa ilang lupain, lalo na noong nagdaang mga panahon, hindi kinikilala ng pangunahing relihiyon ang malinaw na pamantayang ito ng Bibliya. Sa halip, itinuturo nila na hindi puwedeng magdiborsiyo ang mag-asawa sa anumang kadahilanan. Kaya naman, sa mga lugar kung saan napakalakas ng impluwensiya ng simbahan, ang batas ng pamahalaan ay walang probisyon para sa diborsiyo, kahit sa lehitimong saligan na binanggit ni Jesus. Sa ibang bansa naman, may diborsiyo, pero napakatagal, napakasalimuot, at napakahirap ng proseso ng pagkuha nito. Baka abutin nang maraming taon bago makakuha ng diborsiyo. Para bang ‘hinahadlangan’ ng simbahan o ng pamahalaan ang bagay na tinatanggap ng Diyos.—Gawa 11:17.
Halimbawa, ipagpalagay na isang lalaki’t babae ang nakatira sa bansa kung saan walang diborsiyo o napakahirap kumuha nito, anupat aabutin nang maraming taon bago mapagtibay. Kung ginawa na nila ang lahat ng makatuwirang pagsisikap para tapusin ang dating pagpapakasal at kuwalipikado silang mag-asawa sa paningin ng Diyos, maaari silang lumagda ng Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan. Ang probisyong iyan ay isang maawaing kaayusan ng kongregasyong Kristiyano sa gayong mga bansa. Pero hindi ito probisyon na magagamit sa karamihan ng mga bansa kung saan posible naman ang diborsiyo, kahit pa magastos o masalimuot ang proseso ng pagkuha nito.
Palibhasa’y di-nauunawaan ang layunin ng Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan, itinanong ng ilang nakatira sa mga lugar na may diborsiyo kung maaari silang lumagda ng dokumentong ito para hindi na sila mapaharap sa anumang problema o abala.
Sa kasong nabanggit sa tanong, ang lalaki’t babae na nagsasama ay gusto nang magpakasal. Dahil hindi naman sila kasal sa iba, pareho silang malayang mag-asawa ayon sa Kasulatan. Pero ang lalaki ay ilegal na naninirahan sa bansa, at hindi pinahihintulutan ng pamahalaan ang pagpapakasal ng mga ilegal na dayuhan. (Sa maraming bansa, pinapayagan ng mga awtoridad ang kasal kahit ang isa o dalawang partido ay parehong ilegal na naninirahan.) Sa kasong pinag-uusapan, mayroon namang probisyon para sa diborsiyo sa bansang tinitirhan nila. Kaya naman, hindi opsyon ang paglagda sa Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan. Pansinin na hindi naman kailangang kumuha ng diborsiyo ang sinuman sa kanila. Pareho silang malayang makapag-asawa. Pero paano sila makapagpapakasal kung ilegal ang katayuan ng lalaki sa bansang iyon? Maaari silang pumunta sa ibang bansa kung saan hindi makahahadlang ang kaniyang katayuan. O baka naman maaari silang makasal sa bansang tinitirhan nila ngayon kung ang lalaki ay gagawa ng mga hakbang para maging legal ang paninirahan niya roon.
Oo, maiaayon ng dalawang ito ang kanilang pamumuhay sa mga pamantayan ng Diyos at sa batas ni Cesar. (Mar. 12:17; Roma 13:1) Sana’y gawin nila ito. Pagkatapos, maaari silang maging kuwalipikado sa bautismo.—Heb. 13:4.
a Paano kung ang nabuong fetus ay tila abnormal, o kaya naman ay mahigit sa isang embryo ang kumapit? Ang sinasadyang pagkitil sa embryo ay katumbas ng aborsiyon. Sa IVF, karaniwan ang pagbubuntis ng mahigit sa isa (kambal, triplet, o higit pa rito), na may kasamang dagdag na peligro, gaya ng panganganak nang kulang sa buwan at pagdurugo. Ang babaing nasa ganitong kalagayan ay baka payuhang sumailalim sa “selective reduction,” anupat pahihintulutan niyang patayin ang isa o higit pa sa mga fetus. Ito ay aborsiyon, na katumbas ng pagpaslang.—Ex. 21:22, 23; Awit 139:16.