“Turuan Mo Akong Gawin ang Iyong Kalooban”
“Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.”—AWIT 143:10.
1, 2. Paano tayo makikinabang kung isasaalang-alang natin ang kalooban ng Diyos? Ano ang matututuhan natin kay Haring David hinggil dito?
NAKAGAMIT ka na ba ng isang mapa o computerized mapping program sa iyong paglalakbay? Maipakikita nito ang hitsura ng isang lokasyon mula sa ere, at makatutulong iyan para malaman mo ang pinakamagandang ruta na daraanan mo. Ganiyan din naman kung tungkol sa paggawa ng mahahalagang desisyon. Kapag tinitingnan natin ang mga bagay-bagay ayon sa mataas na pangmalas ng Maylalang, ‘makalalakad tayo sa daang’ sinasang-ayunan ni Jehova.—Isa. 30:21.
2 Si Haring David ng sinaunang Israel ay namumukod-tanging halimbawa ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos sa halos buong buhay niya. Repasuhin natin ang ilang pangyayari sa buhay ni David at tingnan kung ano ang matututuhan natin sa paggawi ng isang tao na ang puso ay naging sakdal sa Diyos na Jehova.—1 Hari 11:4.
LUBHANG PINAHALAGAHAN NI DAVID ANG PANGALAN NI JEHOVA
3, 4. (a) Ano ang nag-udyok kay David na harapin si Goliat? (b) Ano ang pangmalas ni David sa pangalan ng Diyos?
3 Isaalang-alang ang pangyayari nang harapin ni David si Goliat, ang tagapagtanggol ng mga Filisteo. Ano ang nag-udyok sa kabataang si David na hamunin ang isang nasasandatahang higante na mga siyam at kalahating piye ang taas? (1 Sam. 17:4) Lakas ng loob? Pananampalataya sa Diyos? Parehong mahalaga ang mga katangiang ito. Pero paggalang kay Jehova at sa Kaniyang dakilang pangalan ang pangunahing nag-udyok kay David na labanan ang higanteng iyon. Galít na itinanong ni David: “Sino ang di-tuling Filisteong ito upang tuyain niya ang mga hukbo ng Diyos na buháy?”—1 Sam. 17:26.
4 Sa pagsagupa kay Goliat, sinabi ng kabataang si David: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya.” (1 Sam. 17:45) Dahil sa pananalig niya sa tunay na Diyos, napabagsak ni David ang tagapagtanggol ng mga Filisteo sa pamamagitan lang ng isang batong panghilagpos. Hindi lang sa pagkakataong iyon kundi sa buong buhay niya, nagtiwala si David kay Jehova at lubha niyang pinahalagahan ang pangalan ng Diyos. Hinimok pa nga ni David ang kaniyang mga kapuwa Israelita na ‘ipaghambog ang banal na pangalan ni Jehova.’—Basahin ang 1 Cronica 16:8-10.
5. Anong sitwasyong katulad ng panunuya ni Goliat ang maaaring maranasan mo?
5 Ipinagmamalaki mo ba na si Jehova ang Diyos mo? (Jer. 9:24) Ano ang reaksiyon mo kapag nilalait si Jehova ng mga kapitbahay, katrabaho, kaklase, o kamag-anak mo at pinagtatawanan nila ang kaniyang mga Saksi? Nagsasalita ka ba para ipagtanggol ang pangalan ni Jehova kapag dinudusta ito, anupat nagtitiwalang tutulungan ka niya? Totoo na may “panahon ng pagtahimik,” pero hindi natin dapat ikahiya na tayo ay mga Saksi ni Jehova at tagasunod ni Jesus. (Ecles. 3:1, 7; Mar. 8:38) Bagaman kailangan tayong maging mataktika at magalang sa mga taong walang pakundangan kay Jehova o sa kaniyang mensahe, huwag nating tularan ang mga Israelita na “nasindak at lubhang natakot” nang marinig nila ang panunuya ni Goliat. (1 Sam. 17:11) Sa halip, lakas-loob tayong kumilos para pabanalin ang pangalan ng Diyos na Jehova. Nais nating tulungan ang mga tao na makilala kung anong uri ng Diyos si Jehova. Kaya naman ginagamit natin ang kaniyang nasusulat na Salita para tulungan ang iba na makita ang kahalagahan ng paglapit sa Diyos.—Sant. 4:8.
6. Ano ang tunguhin ni David sa pagsagupa kay Goliat? Ano ang dapat maging pangunahin sa ating buhay?
6 May matututuhan pa tayo sa pagsagupa ni David kay Goliat. Nang tumakbo si David patungo sa labanan, itinanong niya: “Ano ang gagawin sa lalaking makapagpapabagsak sa Filisteong iyon na naroroon at makapag-aalis nga ng kadustaan sa Israel?” Bilang sagot, inulit ng bayan ang nasabi na nila: “Ang lalaking makapagpapabagsak [kay Goliat] ay payayamanin ng hari ng malaking kayamanan, at ang sarili niyang anak na babae ay ibibigay niya sa kaniya.” (1 Sam. 17:25-27) Pero hindi materyal na gantimpala ang pangunahin kay David. Mas matayog ang tunguhin niya. Gusto niyang luwalhatiin ang tunay na Diyos. (Basahin ang 1 Samuel 17:46, 47.) Kumusta naman tayo? Interesado lang ba tayo sa ating pangalan, o reputasyon? Pangunahin ba sa ating buhay ang pagkakamal ng kayamanan at pagiging prominente sa sanlibutan? Tiyak na gusto nating tularan si David, na umawit: “O dakilain ninyong kasama ko si Jehova, at itanyag nating sama-sama ang kaniyang pangalan.” (Awit 34:3) Kung gayon, magtiwala tayo sa Diyos at unahin ang pagpapabanal sa kaniyang pangalan.—Mat. 6:9.
7. Paano natin malilinang ang matibay na pananampalatayang kailangan kapag nakakausap natin ang mga taong ayaw makinig sa ating mensahe?
7 Sa pakikipaglaban kay Goliat, kailangang lubos na magtiwala si David kay Jehova. Matibay ang pananampalataya ng kabataang si David. Napatibay niya ito sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos sa kaniyang gawain bilang pastol. (1 Sam. 17:34-37) Kailangan din natin ng matibay na pananampalataya para makapagbata sa ministeryo, lalo na kapag nakakausap natin ang mga taong ayaw makinig sa ating mensahe. Malilinang natin ang gayong pananampalataya kung mananalig tayo sa Diyos sa ating pang-araw-araw na gawain. Halimbawa, kapag nasa pampublikong transportasyon, maaari tayong magpatotoo sa mga kapuwa pasahero. At tiyak na hindi tayo mangingiming kausapin ang mga tao sa lansangan habang nagbabahay-bahay.—Gawa 20:20, 21.
NAGHINTAY SI DAVID KAY JEHOVA
8, 9. Sa pakikitungo kay Haring Saul, paano ipinakita ni David na isinaisip niya ang kalooban ni Jehova?
8 Makikita rin ang tiwala ni David kay Jehova sa pakikitungo niya kay Saul—ang unang hari ng Israel. Dahil sa paninibugho, tatlong beses na pinagtangkaang tuhugin ni Saul si David sa dingding sa pamamagitan ng sibat, pero laging nakakailag si David at hindi gumaganti. Sa wakas, tumakas siya kay Saul. (1 Sam. 18:7-11; 19:10) Kumuha si Saul ng 3,000 piling lalaki mula sa buong Israel at hinanap si David sa ilang. (1 Sam. 24:2) Nang maglaon, pumasok si Saul sa isang yungib. Hindi niya alam na naroroon si David at ang mga tauhan nito. Pagkakataon na sana ito ni David para patayin ang haring nagbabanta sa kaniyang buhay. Tutal, kalooban naman ng Diyos na siya ang pumalit kay Saul bilang hari ng Israel. (1 Sam. 16:1, 13) At kung nakinig si David sa payo ng kaniyang mga tauhan, napatay na sana ang hari. Pero sinabi ni David: “Malayong mangyari, sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na gawin ko ang bagay na ito sa aking panginoon, na pinahiran ni Jehova.” (Basahin ang 1 Samuel 24:4-7.) Si Saul pa rin ang haring pinahiran ng Diyos. Ayaw agawin ni David ang pagkahari yamang hindi pa naman ito inaalis ni Jehova kay Saul. Pinutol lang ni David ang laylayan ng walang-manggas na damit ni Saul, na nagpapakitang wala siyang balak na saktan ito.—1 Sam. 24:11.
9 Muling nagpamalas ng paggalang si David sa pinahiran ng Diyos nang huli niyang makita ang hari. Dumating sina David at Abisai sa kampo ni Saul at nadatnan itong natutulog. Sinabi ni Abisai na isinuko na ng Diyos ang kaaway na ito sa kamay ni David at nagprisinta siyang tuhugin si Saul sa lupa sa pamamagitan ng sibat. Pero hindi pumayag si David. (1 Sam. 26:8-11) Dahil patuloy na hinanap ni David ang patnubay ng Diyos, determinado siyang kumilos ayon sa kalooban ni Jehova, sa kabila ng panunulsol ni Abisai.
10. Anong pagsubok ang maaaring maranasan natin, at ano ang tutulong sa atin na makapanindigang matatag?
10 Baka mapaharap din tayo sa pagsubok kapag ginigipit tayo ng ating mga kasama na sundin ang inaakala nilang tama sa halip na gawin ang kalooban ni Jehova. Tulad ni Abisai, baka sulsulan pa nga tayo ng iba na kumilos nang hindi isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos sa isang partikular na bagay. Para makapanindigang matatag, kailangang isaisip natin ang pangmalas ni Jehova at maging determinadong sumunod sa kaniya.
11. Ano ang natutuhan mo kay David hinggil sa pag-una sa kalooban ng Diyos?
11 Nanalangin si David sa Diyos na Jehova: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban.” (Basahin ang Awit 143:5, 8, 10.) Sa halip na manalig sa sarili niya o magpadala sa panunulsol ng iba, sabik si David na magpaturo sa Diyos. Sinabi niya: “Binubulay-bulay ko ang lahat ng iyong mga gawa; kusang-loob kong itinutuon ang aking pansin sa gawa ng iyong mga kamay.” Mauunawaan din natin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa Kasulatan at pagbubulay-bulay sa mga ulat ng pakikitungo ni Jehova sa sangkatauhan.
PINAHALAGAHAN NI DAVID ANG MGA SIMULAIN SA LIKOD NG KAUTUSAN
12, 13. Bakit ibinuhos ni David sa lupa ang tubig na dinala sa kaniya ng tatlong tauhan niya?
12 Dapat din nating tularan ang pagpapahalaga ni David sa mga simulain ng Kautusan at ang pagnanais niyang mamuhay ayon dito. Pag-usapan natin ang nangyari nang maghangad si David na ‘makainom ng tubig mula sa imbakang-tubig ng Betlehem.’ Tatlo sa mga tauhan niya ang sapilitang pumasok sa lunsod—na noon ay okupado ng mga Filisteo—at kumuha ng tubig. Pero “hindi pumayag [si David] na inumin iyon, kundi ibinuhos niya iyon para kay Jehova.” Bakit? Ipinaliwanag ni David: “Malayong mangyari sa ganang akin, kung tungkol sa aking Diyos, na gawin ito! Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito na nagsapanganib ng kanilang mga kaluluwa? Sapagkat nanganib ang kanilang mga kaluluwa nang kunin nila iyon.”—1 Cro. 11:15-19.
13 Alam ni David na ayon sa Kautusan, ang dugo ay dapat ibuhos para kay Jehova at hindi dapat kainin. Nauunawaan din niya kung bakit dapat itong gawin. Alam ni David na “ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo.” Pero tubig ito, hindi dugo. Bakit hindi niya ito ininom? Naunawaan niya ang simulain sa kahilingan ng Kautusan. Para kay David, ang tubig na iyon ay kasinghalaga ng dugo ng tatlong tauhan niya. Kaya naman hindi niya maatim na inumin iyon. Sa halip, ipinasiya niyang ibuhos iyon sa lupa.—Lev. 17:11; Deut. 12:23, 24.
14. Paano nagkaroon si David ng pangmalas na katulad ng kay Jehova?
14 Itinuon ni David ang kaniyang pansin sa kautusan ng Diyos. Umawit siya: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” (Awit 40:8) Pinag-aralan ni David ang kautusan ng Diyos at binulay-bulay iyon. Nagtiwala siya na mapapabuti siya kung susundin niya ang mga utos ni Jehova. Kaya nalulugod si David na sundin, hindi lang ang nasusulat na mga detalye ng Kautusang Mosaiko, kundi pati ang mga simulaing nasa likuran nito. Kapag nag-aaral tayo ng Bibliya, katalinuhan din na bulay-bulayin ang ating nababasa at ingatan ito sa ating puso para matiyak natin kung ano ang nakalulugod kay Jehova sa bawat pagkakataon.
15. Sa anong paraan hindi iginalang ni Solomon ang Kautusan ng Diyos?
15 Ang anak ni David na si Solomon ay lubhang pinagpala ng Diyos na Jehova. Pero nang maglaon, hindi iginalang ni Solomon ang Kautusan ng Diyos. Sinuway niya ang utos ni Jehova para sa mga hari ng Israel na ‘huwag magparami ng mga asawa.’ (Deut. 17:17) Sa katunayan, nagkaroon si Solomon ng maraming asawang banyaga. Sa kaniyang pagtanda, “ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos.” Anuman ang naging katuwiran niya, “si Solomon ay nagsimulang gumawa ng masama sa paningin ni Jehova, at hindi siya sumunod kay Jehova nang lubusan tulad ni David na kaniyang ama.” (1 Hari 11:1-6) Napakahalaga nga na sundin natin ang mga batas at simulain sa Salita ng Diyos! Halimbawa, mahalaga ito kapag ang isa ay nagbabalak mag-asawa.
16. Paano natin maikakapit ang utos ni Jehova na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon”?
16 Kapag may mga di-sumasampalataya na nagpapakita sa iyo ng romantikong interes, paano ka tutugon? Tutularan mo ba ang pangmalas ni David, o ang pangmalas ni Solomon? Ang mga tunay na mananamba ay inuutusang mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) Kung ang isang Kristiyano ay naghahanap ng mapapangasawa, dapat na ito ay isang kapananampalataya. At kung nauunawaan natin ang diwa ng kahilingang ito ng Kasulatan, hindi lang tayo tatangging mag-asawa ng di-kapananampalataya. Tatanggihan din natin ang anumang ipinakikitang interes ng gayong indibiduwal.
17. Ano ang tutulong sa atin na huwag masilo ng pornograpya?
17 Ang pagtulad sa halimbawa ni David sa paghanap ng patnubay ng Diyos ay tutulong sa atin na labanan ang tuksong tumingin sa pornograpya. Pakisuyong basahin ang sumusunod na mga teksto, pag-isipan ang mga simulaing nakapaloob sa mga ito, at sikaping unawain kung ano ang pangmalas ni Jehova sa pornograpya. (Basahin ang Awit 119:37; Mateo 5:28, 29; Colosas 3:5.) Ang pagbubulay-bulay sa kaniyang mataas na pamantayan ay tutulong sa atin na huwag masilo ng pornograpya.
ISAISIP ANG PANGMALAS NG DIYOS SA LAHAT NG PANAHON
18, 19. (a) Bagaman hindi sakdal si David, paano niya patuloy na nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos? (b) Ano ang determinado kang gawin?
18 Bagaman huwaran si David sa maraming paraan, nakagawa siya ng malulubhang kasalanan. (2 Sam. 11:2-4, 14, 15, 22-27; 1 Cro. 21:1, 7) Pero taimtim siyang nagsisi. Lumakad siya sa harap ng Diyos “taglay ang katapatan ng puso.” (1 Hari 9:4) Bakit natin masasabi iyan? Dahil sinikap ni David na kumilos ayon sa kalooban ni Jehova.
19 Kahit hindi tayo sakdal, puwede tayong patuloy na sang-ayunan ni Jehova. Kung gayon, masikap nating pag-aralan ang Salita ng Diyos, bulay-bulayin ang natututuhan natin, at lakas-loob na kumilos ayon dito. Para bang nananalangin tayo kay Jehova gaya ng salmista, na mapagpakumbabang humiling: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban.”