Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Tumingin sa “mga Bagay na Nasa Likuran”

Huwag Tumingin sa “mga Bagay na Nasa Likuran”

“Walang taong naglagay ng kaniyang kamay sa araro at tumitingin sa mga bagay na nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”​—LUC. 9:62.

1. Ano ang ibinabala ni Jesus, at anong tanong ang bumabangon?

“ALALAHANIN ninyo ang asawa ni Lot.” (Luc. 17:32) Higit kailanman, napakahalaga ng babalang ito na ibinigay ni Jesu-Kristo halos 2,000 taon na ang nakararaan. Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Alam ng mga Judiong kausap niya kung ano ang nangyari sa asawa ni Lot. Habang tumatakas ang kanilang pamilya mula sa Sodoma, sumuway siya kay Jehova at lumingon, kaya siya’y naging haliging asin.​—Basahin ang Genesis 19:17, 26.

2. Bakit kaya lumingon ang asawa ni Lot? Ano ang naging kapalit ng kaniyang pagsuway?

2 Pero bakit kaya lumingon ang asawa ni Lot? Baka gusto lang niyang malaman kung ano ang nangyayari. O maaaring hindi siya makapaniwalang winawasak ang lunsod, o posibleng nanghina ang kaniyang pananampalataya. O baka naman nanghihinayang siya sa mga bagay na naiwan niya sa Sodoma. (Luc. 17:31) Anuman ang dahilan, buhay niya ang naging kapalit ng kaniyang pagsuway. Isip-isipin iyan! Namatay siya nang mismong araw na puksain ang napakasamang mga tao sa Sodoma at Gomorra. Kaya naman sinabi ni Jesus: “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot”!

3. Paano idiniin ni Jesus na hindi tayo dapat lumingon sa makasagisag na paraan?

3 Napakahalaga rin na huwag tayong lumingon ngayon sa makasagisag na paraan. Idiniin ni Jesus ang puntong ito sa isang lalaking nagtanong kung maaari ba siyang magpaalam muna sa kaniyang pamilya bago maging alagad. Sinabi ni Jesus: “Walang taong naglagay ng kaniyang kamay sa araro at tumitingin sa mga bagay na nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” (Luc. 9:62) Masyado bang istrikto o di-makatuwiran si Jesus sa sagot niya? Hindi. Alam niyang nagdadahilan lang ang lalaki para matakasan ang pananagutan ng pagiging alagad. Sinabi ni Jesus na ang taong umiiwas sa kaniyang mga obligasyon sa Diyos ay tumitingin sa “mga bagay na nasa likuran.” Baka ang isang tao ay sumulyap sa likuran habang nag-aararo o tuluyan niyang bitiwan ang araro para lumingon. Alinman dito ang gawin niya, makagagambala ito sa trabaho niya at hindi niya ito magagawa nang tama.

4. Saan natin dapat ipokus ang ating mga mata?

4 Sa halip na lumingon sa nakaraan, dapat nating ipokus ang ating mga mata sa hinaharap. Ganiyan ang sinasabi ng Kawikaan 4:25: “Kung tungkol sa iyong mga mata, dapat itong tumingin nang deretso sa unahan, oo, ang iyong nagniningning na mga mata ay dapat tumitig sa mismong harap mo.”

5. Bakit hindi tayo dapat tumingin sa mga bagay na nasa likuran?

5 Mayroon tayong mabuting dahilan para huwag tumingin sa mga bagay na nasa likuran. Ano iyon? Nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1) Hindi lang dalawang napakasamang lunsod ang malapit nang puksain ng Diyos, kundi ang buong sistema ng mga bagay ng sanlibutan. Ano ang makatutulong sa atin para hindi natin sapitin ang nangyari sa asawa ni Lot? Kailangan nating malaman kung ano ang ilan sa mga bagay na baka matukso tayong lingunin. (2 Cor. 2:11) Talakayin natin ang ilan sa mga ito at kung paano natin maiiwasang magpokus ng pansin sa mga ito.

ANG MASASAYANG ARAW NA NAGDAAN

6. Bakit tayo dapat mag-ingat sa maling pangmalas tungkol sa mga araw na nagdaan?

6 Ang isang panganib ay ang maling pangmalas na mas masaya ang mga araw na nagdaan. Halimbawa, baka iniisip natin na hindi masyadong mabigat ang mga problema natin noon at di-hamak na mas masaya tayo noon, kahit hindi naman talaga ganoon ang sitwasyon. Kung ganiyan ang pangmalas natin, baka hanap-hanapin natin ang masasayang araw na nagdaan. Pero nagbabala ang Bibliya: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit nga ba ang mga araw noong una ay mas mabuti kaysa sa mga ito?’ sapagkat hindi dahil sa karunungan kung kaya ka nagtanong tungkol dito.” (Ecles. 7:10) Bakit napakapanganib ng ganitong pangmalas?

7-9. (a) Ano ang nangyari sa mga Israelita sa Ehipto? (b) Ano ang mga dahilan ng mga Israelita para magsaya? (c) Ano ang inireklamo ng mga Israelita?

7 Isaalang-alang ang nangyari sa mga Israelita noong panahon ni Moises. Sa umpisa, panauhin ang turing sa mga Israelita sa lupain ng Ehipto. Pero nang mamatay si Jose, ang mga Ehipsiyo ay “nagtalaga [sa mga Israelita] ng mga pinuno sa puwersahang pagtatrabaho sa layuning siilin sila sa pagdadala nila ng pasanin.” (Ex. 1:11) Nang maglaon, iniutos pa nga ni Paraon sa mga Ehipsiyo na patayin ang mga lalaking sanggol ng mga Israelita para mapigil ang pagdami ng mga ito. (Ex. 1:15, 16, 22) Kaya naman sinabi ni Jehova kay Moises: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.”​—Ex. 3:7.

8 Maiisip-isip mo ba kung gaano kasaya ang mga Israelita nang makalaya sila sa bansang umalipin sa kanila? Nasaksihan nila ang kamangha-manghang kapangyarihan ni Jehova nang pasapitin niya ang Sampung Salot sa hambog na si Paraon at sa mga Ehipsiyo. (Basahin ang Exodo 6:1, 6, 7.) Sa katunayan, hindi lang basta pinalaya ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita. Pinagmadali nila ang mga ito at binigyan sila ng napakaraming ginto at pilak, anupat masasabing “sinamsaman [ng bayan ng Diyos] ang mga Ehipsiyo.” (Ex. 12:33-36) Lalo pang nagsaya ang mga Israelita nang makita nila ang pagpuksa kay Paraon at sa hukbong militar nito sa Dagat na Pula. (Ex. 14:30, 31) Dapat sana’y napatibay ang kanilang pananampalataya nang masaksihan nila ang mga pangyayaring iyon!

9 Pero ang nakapagtataka, hindi pa nagtatagal mula nang iligtas sila sa makahimalang paraan, nagsimula na silang magreklamo. Bakit? Dahil sa pagkain! Hindi sila nasiyahan sa paglalaan ni Jehova, kaya dumaing sila: “Naaalaala pa namin ang isda na kinakain namin noon sa Ehipto nang walang bayad, ang mga pipino at ang mga pakwan at ang mga puero at ang mga sibuyas at ang bawang! Ngunit ngayon ay natutuyo ang aming kaluluwa. Walang anumang nakikita ang aming mga mata kundi ang manna.” (Bil. 11:5, 6) Oo, naging pilipit ang kanilang pangmalas​—sobrang pilipit anupat gusto pa nga nilang bumalik sa lupain kung saan sila inalipin! (Bil. 14:2-4) Ang mga Israelita ay tumingin sa mga bagay na nasa likuran at naiwala nila ang pagsang-ayon ni Jehova.​—Bil. 11:10.

10. Ano ang matututuhan natin sa nangyari sa mga Israelita?

10 Ano ang matututuhan natin dito? Kapag napapaharap tayo sa mga problema, huwag nating ipako ang ating isip sa nakaraan sa pag-aakalang mas mabuti ang mga kalagayan noon​—marahil bago pa natin nalaman ang katotohanan. Hindi naman maling bulay-bulayin ang mga natutuhan natin sa ating nakaraang mga karanasan o isip-isipin ang masasayang alaala natin. Pero kailangan tayong maging balanse at makatotohanan sa pangmalas natin tungkol sa nakaraan. Kung hindi, lalo tayong di-masisiyahan sa ating buhay ngayon at baka matukso tayong bumalik sa dati nating paraan ng pamumuhay.​—Basahin ang 2 Pedro 2:20-22.

MGA SAKRIPISYONG GINAWA NATIN

11. Ano ang nadarama ng ilan hinggil sa mga sakripisyong ginawa nila noon?

11 Nakalulungkot sabihin na pinanghihinayangan ng iba ang mga sakripisyong ginawa nila noon at itinuturing ang mga iyon bilang nasayang na mga oportunidad. Marahil ay may pagkakataon ka sana na makakuha ng mataas na edukasyon, maging sikat, o yumaman. Pero tinalikuran mo ang mga ito. Marami sa mga kapatid natin ang dating kumikita nang malaki sa larangan ng negosyo, pelikula at musika, edukasyon, o sports, pero iniwan nila ang mga ito. Maraming taon na ang lumipas, pero hindi pa rin dumarating ang wakas. Iniisip-isip mo ba kung ano kaya ang nangyari kung hindi mo pinalampas ang mga oportunidad na iyon?

12. Ano ang turing ni Pablo sa mga bagay na tinalikuran niya?

12 Malaki ang isinakripisyo ni apostol Pablo para maging tagasunod ni Kristo. (Fil. 3:4-6) Ano ang turing niya sa mga bagay na tinalikuran niya? Ganito ang sabi niya: “Anumang bagay na mga pakinabang para sa akin, ang mga ito ay itinuring kong kawalan dahil sa Kristo.” Bakit? Sinabi pa niya: “Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon, upang matamo ko si Kristo.” * (Fil. 3:7, 8) Kapag nagtapon ng basura ang isang tao, hindi na niya ito panghihinayangan. Sa katulad na paraan, hindi pinanghinayangan ni Pablo ang tinalikuran niyang mga oportunidad sa sanlibutan. Wala nang halaga sa kaniya ang mga ito.

13, 14. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Pablo?

13 Paano kung mapansin natin na nagsisimula tayong manghinayang sa mga oportunidad na pinalampas natin? Tularan natin ang halimbawa ni Pablo. Paano? Pag-isipan ang mahahalagang bagay na taglay mo ngayon. Mayroon kang mabuting kaugnayan kay Jehova, at alam niyang isa kang tapat na lingkod niya. (Heb. 6:10) May maiaalok ba ang sanlibutan na makapapantay sa espirituwal na mga pagpapalang tinatamasa natin ngayon at tatamasahin sa hinaharap?​—Basahin ang Marcos 10:28-30.

14 May binanggit pa si Pablo na makatutulong sa atin na makapanatiling tapat. Sinabi niyang “nililimot [niya] ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan.” (Fil. 3:13) Binanggit dito ni Pablo ang dalawang mahalagang bagay na kailangan nating gawin. Una, kailangan nating limutin ang mga bagay na tinalikuran na natin. Huwag nating sayangin ang ating lakas at panahon sa labis na pag-iisip sa mga ito. Ikalawa, gaya ng isang mananakbo na malapit na sa finish line, kailangan tayong magpokus at abutin ang mga bagay na nasa unahan.

15. Paano tayo makikinabang sa pagbubulay-bulay sa mga halimbawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos?

15 Kapag binubulay-bulay natin ang mga halimbawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos​—noong unang panahon at sa kasalukuyan​—lalo tayong napasisigla na magpatuloy sa paglilingkod sa Diyos sa halip na tumingin sa mga bagay na nasa likuran. Halimbawa, kung patuloy na inalaala nina Abraham at Sara ang Ur, “nagkaroon sana sila ng pagkakataong bumalik.” (Heb. 11:13-15) Pero hindi sila bumalik doon. Di-hamak na mas maraming isinakripisyo si Moises nang umalis siya sa Ehipto kaysa sa sinumang Israelita na umalis sa bansang iyon nang maglaon. Pero walang sinasabi ang Bibliya na pinanghinayangan niya ang mga iyon. Sa halip, sinasabi nito na “itinuring niya ang kadustaan ni Kristo bilang kayamanan na nakahihigit kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto; sapagkat tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran.”​—Heb. 11:26.

HINDI MAGAGANDANG KARANASAN

16. Paano tayo maaaring maapektuhan ng naging mga karanasan natin?

16 Hindi lahat ng karanasan natin ay maganda. Baka nababagabag tayo dahil sa nagawa nating mga kasalanan o pagkakamali noon. (Awit 51:3) Marahil naghihinanakit pa rin tayo sa matinding payo na ibinigay sa atin. (Heb. 12:11) O baka hindi natin malimutan ang naranasan nating kawalang-katarungan​—totoo man ito o nasa isip lang. (Awit 55:2) Ano ang makatutulong sa atin para hindi mapokus ang isip natin sa mga bagay na ito? Talakayin natin ang tatlong halimbawa.

17. (a) Bakit inilarawan ni Pablo ang kaniyang sarili bilang “isang tao na mas mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal”? (b) Ano ang nakatulong kay Pablo para hindi siya madaig ng negatibong mga kaisipan?

17 Nakaraang mga pagkakamali. Inilarawan ni apostol Pablo ang kaniyang sarili bilang “isang tao na mas mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal.” (Efe. 3:8) Bakit? “Sapagkat pinag-usig ko ang kongregasyon ng Diyos,” ang sabi niya. (1 Cor. 15:9) Siguradong nakokonsiyensiya si Pablo kapag nakikita niya ang mga kapatid na pinag-usig niya noon. Pero hindi niya hinayaang makahadlang sa paglilingkod niya sa Diyos ang negatibong mga kaisipang ito. Sa halip, lagi niyang iniisip ang awa at di-sana-nararapat na kabaitang ipinakita sa kaniya ng Diyos. (1 Tim. 1:12-16) Sa laki ng kaniyang pasasalamat, napakilos siyang magpatuloy sa kaniyang ministeryo. Nang sabihin ni Pablo na gusto niyang kalimutan ang mga bagay na nasa likuran, kasali rito ang mga pagkakamaling nagawa niya noon. Yamang hindi na natin mababago ang nakaraan, sasayangin lang natin ang ating lakas kung lagi nating iisipin ang mga pagkakamaling nagawa natin noon. Mas mabuting isipin natin ang awang ipinakita sa atin ni Jehova at gamitin ang ating lakas sa paglilingkod sa kaniya ngayon.

18. (a) Ano ang puwedeng mangyari kung babalik-balikan natin nang may paghihinanakit ang payong ibinigay sa atin? (b) Paano natin maikakapit ang sinabi ni Solomon tungkol sa pagtanggap ng payo?

18 Matinding payo. Paano kung binabalik-balikan natin nang may paghihinanakit ang payong ibinigay sa atin? Baka malungkot tayo, magalit, at “manghina.” (Heb. 12:5) ‘Minaliit’ man natin ang payo dahil tinanggihan natin ito, o ‘nanghina’ tayo dahil tinanggap natin ang payo pero sumuko tayo nang maglaon, pareho lang ang resulta​—hindi tayo nakinabang sa payo. Mas mabuting sundin ang sinabi ni Solomon: “Humawak ka sa disiplina; huwag mong bibitiwan. Ingatan mo ito, sapagkat ito mismo ang iyong buhay.” (Kaw. 4:13) Gaya ng isang drayber na sumusunod sa mga karatula sa daan, tanggapin natin ang payo, sundin ito, at magpatuloy sa paglilingkod sa Diyos.​—Kaw. 4:26, 27; basahin ang Hebreo 12:12, 13.

19. Paano natin matutularan ang pananampalataya nina Habakuk at Jeremias?

19 Kawalang-katarungan​—totoo man o nasa isip lang. Kung minsan, baka madama natin ang nadama ni Habakuk, na dumaing at humingi kay Jehova ng katarungan. Hindi niya maunawaan kung bakit pinahihintulutan ni Jehova ang kawalang-katarungan. (Hab. 1:2, 3) Napakahalagang tularan natin ang pananampalataya ng propetang iyon, na nagsabi: “Sa ganang akin, magbubunyi ako kay Jehova; magagalak ako sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Hab. 3:18) Ang isa pang halimbawa ng pananampalataya ay si Jeremias, na nagpakita ng “mapaghintay na saloobin.” Matutularan natin siya kung mananampalataya tayong itutuwid ni Jehova, na Diyos ng katarungan, ang lahat ng mga bagay sa tamang panahon.​—Panag. 3:19-24.

20. Paano natin mapatutunayang ‘inaalaala natin ang asawa ni Lot’?

20 Nabubuhay tayo sa kapana-panabik na panahon. Kamangha-manghang mga bagay ang nagaganap ngayon at magaganap pa sa hinaharap. Umalinsabay sana tayo sa pagsulong ng organisasyon ni Jehova. Sundin natin ang payo ng Kasulatan na tumingin sa unahan at hindi sa mga bagay na nasa likuran. Sa gayon, mapatutunayan nating ‘inaalaala natin ang asawa ni Lot’!

[Talababa]

^ par. 12 Sa orihinal na wika, ang salitang isinalin dito na “basura” ay nangangahulugan ding bagay na “inihagis sa mga aso,” “dumi ng hayop o tao.” Sinabi ng isang iskolar sa Bibliya na ginamit ni Pablo ang salitang ito para tumukoy sa “tahasang pag-ayaw sa isang bagay na walang halaga at kasuklam-suklam at hindi na nanaisin pang makita ng isang tao.”

[Mga Tanong sa Aralin]