“Mga Pansamantalang Naninirahan” sa Balakyot na Sanlibutan
“Mga Pansamantalang Naninirahan” sa Balakyot na Sanlibutan
“Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay [hayagang nagsabi] na sila ay mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.”—HEB. 11:13.
1. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa paninindigan ng kaniyang mga tagasunod may kinalaman sa sanlibutan?
“SILA ay nasa sanlibutan,” ang sabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad. Pero sinabi niya: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:11, 14) Nilinaw ni Jesus ang paninindigan ng kaniyang tunay na mga tagasunod may kinalaman sa “sistemang ito ng mga bagay,” na ang diyos ay si Satanas. (2 Cor. 4:4) Nabubuhay sila sa balakyot na sanlibutang ito pero hindi sila bahagi nito. Sila’y gaya ng “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan” sa sistemang ito.—1 Ped. 2:11.
Namuhay Sila Bilang “mga Pansamantalang Naninirahan”
2, 3. Bakit natin masasabi na sina Enoc, Noe, at Abraham at Sara ay namuhay bilang “mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan”?
2 Noon pa man, ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay ibang-iba sa mga tao sa di-makadiyos na sanlibutan. Halimbawa, bago ang Baha, Gen. 5:22-24; 6:9) Lakas-loob nilang ipinangaral ang kahatulan ni Jehova sa balakyot na sanlibutan ni Satanas. (Basahin ang 2 Pedro 2:5; Judas 14, 15.) Dahil lumakad silang kasama ng Diyos sa isang di-makadiyos na sanlibutan, ‘lubos na napalugdan ni Enoc ang Diyos’ at si Noe ay naging “walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon.”—Heb. 11:5; Gen. 6:9.
sina Enoc at Noe ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (3 May matututuhan din tayo kina Abraham at Sara. Sinunod nila ang Diyos nang sabihin Niya sa kanila na iwan ang maalwang buhay sa lunsod ng Ur ng mga Caldeo at magpagala-gala sa banyagang lupain. (Gen. 11:27, 28; 12:1) Isinulat ni apostol Pablo: “Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin siya, ay sumunod nang lumabas patungo sa isang dako na itinalagang tanggapin niya bilang mana; at umalis siya, bagaman hindi nalalaman kung saan siya paroroon. Sa pananampalataya ay nanirahan siya bilang dayuhan sa lupain ng pangako na gaya ng sa isang banyagang lupain, at tumira sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, ang mga kasama niyang tagapagmana ng pangako ring iyon.” (Heb. 11:8, 9) Sinabi ni Pablo tungkol sa tapat na mga lingkod na ito ni Jehova: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay, bagaman hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na inasahan ang mga iyon at hayagang sinabi na sila ay mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.”—Heb. 11:13.
Isang Babala sa mga Israelita
4. Ano ang ibinabala sa mga Israelita bago sila tumira sa kanilang lupain?
4 Nang maglaon, dumami ang mga inapo ni Abraham, ang mga Israelita, at ginawa sila ng Diyos na isang bansa at binigyan sila ng kautusan at lupain. (Gen. 48:4; Deut. 6:1) Hindi dapat kalimutan ng bansang Israel na si Jehova ang talagang May-ari ng lupain. (Lev. 25:23) Sila’y gaya ng mga nakikitira na obligadong sumunod sa kagustuhan ng May-ari. Dapat din nilang tandaan na “hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao”; hindi nila dapat makalimutan si Jehova dahil lang sa kasaganaan. (Deut. 8:1-3) Bago ibigay sa mga Israelita ang kanilang lupain, binabalaan sila: “Mangyayari nga na kapag dadalhin ka ni Jehova na iyong Diyos sa lupain na isinumpa niya sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay sa iyo, malalaki at magagandang lunsod na hindi mo itinayo, at mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay na hindi mo pinunô, at mga hinukay na imbakang-tubig na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga punong olibo na hindi mo itinanim, at ikaw ay makakain at mabusog, mag-ingat ka upang hindi mo makalimutan si Jehova.”—Deut. 6:10-12.
5. Bakit itinakwil ni Jehova ang Israel? Anong bagong bansa ang pinili niya?
5 Makatuwiran ang babalang ito. Nang makapasok sila sa Lupang Pangako, manirahan sa komportableng mga bahay, at magkaroon ng saganang pagkain at alak, nakalimutan nila si Jehova. Noong panahon ni Nehemias, ginunita ng isang pangkat ng mga Levita ang kahiya-hiyang pangyayaring ito. (Basahin ang Nehemias 9:25-27.) Sinabi nila na ang taong-bayan ay ‘nagsimulang kumain at mabusog at tumaba.’ Naghimagsik sila sa Diyos, at ipinapatay pa nga ang mga propetang isinugo para magbabala sa kanila. Kaya pinabayaan sila ni Jehova sa mga kaaway nila. (Os. 13:6-9) Nang maglaon, sa ilalim ng pamamahala ng Roma, ipinapatay pa nga ng walang-pananampalatayang mga Judio ang ipinangakong Mesiyas! Itinakwil sila ni Jehova at pumili siya ng isang bagong bansa, ang espirituwal na Israel.—Mat. 21:43; Gawa 7:51, 52; Gal. 6:16.
‘Hindi Bahagi ng Sanlibutan’
6, 7. (a) Ipaliwanag ang sinabi ni Jesus tungkol sa paninindigan ng kaniyang mga tagasunod may kinalaman sa sanlibutan. (b) Bakit hindi dapat maging bahagi ng sistema ni Satanas ang mga tunay na Kristiyano?
6 Gaya ng nabanggit sa unang parapo, nilinaw ni Jesu-Kristo, ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, na ang kaniyang mga tagasunod ay dapat maging hiwalay sa sanlibutan, ang balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. Juan 15:19.
Bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, kagigiliwan ng sanlibutan ang sa kaniya. Ngunit sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.”—7 Sa paglipas ng panahon, lumaganap ang Kristiyanismo. Tatanggapin na ba ng unang mga Kristiyano ang sanlibutan, anupat makikiayon sa mga gawain nito at magiging bahagi nito? Hindi. Saanman sila nakatira, kailangan nilang ipakita na naiiba sila sa sistema ni Satanas. Mga 30 taon pagkamatay ni Kristo, sumulat si apostol Pedro sa mga Kristiyanong nakatira sa mga lugar na sakop ng Roma: “Mga minamahal, pinapayuhan ko kayo bilang mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan na patuloy na umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman, na siya mismong nakikipagbaka laban sa kaluluwa. Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa.”—1 Ped. 1:1; 2:11, 12.
8. Ano ang sinabi ng isang istoryador na nagpapakitang hindi bahagi ng sanlibutan ang unang mga Kristiyano?
8 Pinatunayan ng komento ng istoryador na si Kenneth Scott Latourette na ang unang mga Kristiyano ay namuhay bilang “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan” sa nasasakupan ng Roma. Isinulat niya: “Alam ng lahat na sa unang tatlong siglo ng kasaysayan ng Kristiyanismo, napaharap ito sa walang-lubay at kadalasa’y matinding pag-uusig . . . Iba-iba ang mga paratang. Dahil tumanggi silang makibahagi sa paganong mga seremonya, tinaguriang mga ateista ang mga Kristiyano. Dahil hindi sila gaanong nakikisangkot sa buhay sa pamayanan—sa paganong mga kapistahan, mga pampublikong libangan na para sa mga Kristiyano ay punung-puno ng paganong mga paniniwala, gawain, at imoralidad—inalipusta sila bilang mga napopoot sa lahi ng tao.”
Hindi Ginagamit Nang Lubusan ang Sanlibutan
9. Bilang mga tunay na Kristiyano, paano natin pinatutunayan na hindi tayo “napopoot sa lahi ng tao”?
9 Gaya ng unang mga Kristiyano, hindi tayo bahagi ng “kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.” (Gal. 1:4) Dahil dito, marami ang hindi nakauunawa sa atin at kinapopootan pa nga tayo ng iba. Pero hindi tayo “napopoot sa lahi ng tao.” Udyok ng pag-ibig sa kapuwa, nagbabahay-bahay tayo at sinisikap nating ipakipag-usap sa lahat ang ‘mabuting balita ng kaharian ng Diyos.’ (Mat. 22:39; 24:14) Ginagawa natin ito dahil kumbinsido tayong malapit nang wakasan ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ng pamamahala ni Kristo ang di-sakdal na pamamahala ng tao, anupat papalitan ito ng isang matuwid na bagong sistema ng mga bagay.—Dan. 2:44; 2 Ped. 3:13.
10, 11. (a) Paano natin ginagamit ang sanlibutan? (b) Paano iniiwasan ng mga Kristiyano na gamitin nang lubusan ang sanlibutan?
10 Dahil sa napipintong wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, alam ng mga lingkod ni Jehova na hindi ito ang panahon para magkaroon ng komportableng buhay. Sinusunod natin ang sinabi ni apostol Pablo: “Sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahong natitira ay maikli na. Mula ngayon yaong . . . mga bumibili ay maging gaya niyaong mga hindi nagmamay-ari, at yaong mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Cor. 7:29-31) Pero paano ginagamit ng mga Kristiyano sa ngayon ang sanlibutan? Ginagamit nila ang makabagong teknolohiya at komunikasyon para palaganapin ang kaalaman sa Bibliya sa buong daigdig sa daan-daang wika. Naghahanapbuhay sila para kumita nang sapat at bumibili ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Pero hindi nila ginagamit nang lubusan ang sanlibutan. Ibig sabihin, hindi nila ginagawang pangunahin sa buhay nila ang salapi, mga pag-aari, at hanapbuhay.—Basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10.
11 Hindi rin ginagamit nang lubusan ng mga Kristiyano ang sanlibutan pagdating sa mataas na edukasyon. Iniisip ng maraming tao sa sanlibutan na ang isang tao ay kailangang mag-aral sa unibersidad, magkaroon ng magandang trabaho, at kumita nang malaki. Pero tayong mga Kristiyano ay namumuhay bilang mga pansamantalang naninirahan sa sanlibutan at iba ang mga tunguhin natin. Hindi tayo ‘nagsasaisip ng matatayog na bagay.’ (Roma 12:16; Jer. 45:5) Sinusunod natin ang babala ni Jesus: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Luc. 12:15) Kaya naman, pinasisigla ang mga kabataang Kristiyano na kumuha lang ng sapat na edukasyong tutugon sa kanilang pangunahing pangangailangan para makapaglingkod sila kay Jehova nang ‘buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip.’ (Luc. 10:27) Kung gagawin nila ito, sila’y magiging “mayaman sa Diyos.”—Luc. 12:21; basahin ang Mateo 6:19-21.
Iwasang Mapabigatan ng mga Kabalisahan sa Buhay
12, 13. Paano tayo naiiba sa mga tagasanlibutan dahil sa pagsunod natin sa sinabi ni Jesus sa Mateo 6:31-33?
12 Kung ihahambing sa mga tagasanlibutan, iba ang pangmalas ng mga lingkod ni Jehova sa materyal na mga bagay. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:31-33) Napatunayan ng maraming kapananampalataya natin na inilalaan ng makalangit na Ama ang mga bagay na kailangan nila.
13 Makabubuting makontento tayo sa ating tinataglay. (1 Tim. 6:6) Kabaligtaran iyan ng pangmalas ng mga tao sa sanlibutan ngayon. Halimbawa, gusto ng maraming bagong-kasal na nasa kanila na agad ang lahat—bahay o apartment, mga muwebles, magandang kotse, at pinakabagong kasangkapan. Pero ang mga Kristiyanong pansamantalang naninirahan sa sanlibutan ay hindi naghahangad ng higit sa kaya nila at kailangan nila. Nakatutuwa, iniwan ng marami ang maalwang buhay para gumugol ng higit na panahon at lakas sa paglilingkod kay Jehova. Ang ilan ay naglilingkod bilang payunir, Bethelite, naglalakbay na tagapangasiwa, o misyonero. Talagang pinahahalagahan natin ang buong-pusong paglilingkod kay Jehova ng ating mga kapuwa mananamba!
14. Ano ang matututuhan natin sa talinghaga ni Jesus tungkol sa manghahasik?
14 Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa manghahasik, sinabi niya na “ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan” ay maaaring sumakal sa salita ng Diyos na nasa ating puso anupat tayo ay magiging di-mabunga. (Mat. 13:22) Maiiwasan ito kung mamumuhay tayo nang kontento bilang mga pansamantalang naninirahan sa sistemang ito ng mga bagay. Mapananatili nating “simple,” o nakapokus, ang ating mata sa Kaharian ng Diyos anupat inuuna ito sa ating buhay.—Mat. 6:22.
“Ang Sanlibutan ay Lumilipas”
15. Ano ang sinabi ni apostol Juan tungkol sa sanlibutan at paano ito dapat makaapekto sa ating pananaw at paggawi?
15 Namumuhay tayo bilang “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan” sa sanlibutang ito pangunahin na dahil naniniwala tayong biláng na ang mga araw nito. (1 Ped. 2:11; 2 Ped. 3:7) Ang ganitong pananaw ay nakaaapekto sa ating mga desisyon, naisin, at mga tunguhin. Pinayuhan ni apostol Juan ang kaniyang mga kapananampalataya na huwag ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan dahil “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:15-17.
16. Paano natin maipakikita na tayo’y ibinukod bilang isang natatanging bayan?
16 Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na kung susunod sila sa kaniya, magiging “pantanging pag-aari [niya sila] mula sa lahat ng iba pang bayan.” (Ex. 19:5) Noong tapat pa ang Israel kay Jehova, ang pagsamba at paraan ng pamumuhay nito ay naiiba sa mga bansa. Sa ngayon, ibinukod din ni Jehova ang isang bayan na ibang-iba sa sanlibutan ni Satanas. Pinapayuhan tayo: “Itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, habang hinihintay natin ang maligayang pag-asa at maluwalhating pagkakahayag ng dakilang Diyos at ng Tagapagligtas natin, si Kristo Jesus, na nagbigay ng kaniyang sarili para sa atin upang mailigtas niya tayo mula sa bawat uri ng katampalasanan at linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.” (Tito 2:11-14) Ang “bayan” na ito ay binubuo ng mga pinahirang Kristiyano at ng milyun-milyong “ibang mga tupa” ni Jesus na tumutulong sa kanila.—Juan 10:16.
17. Bakit hinding-hindi pagsisisihan ng mga pinahiran at ng kanilang mga kasama na namuhay sila bilang mga pansamantalang naninirahan sa balakyot na sanlibutang ito?
17 Ang “maligayang pag-asa” ng mga pinahiran ay ang magharing kasama ni Kristo sa langit. (Apoc. 5:10) Ang ibang mga tupa naman ay umaasang mabuhay nang walang hanggan sa lupa. Kapag natupad ito, hindi na sila magiging pansamantalang naninirahan sa balakyot na sanlibutang ito. Magkakaroon sila ng magagandang tahanan at saganang pagkain at inumin. (Awit 37:10, 11; Isa. 25:6; 65:21, 22) Pero di-gaya ng mga Israelita, hindi nila malilimutan na ang lahat ng ito ay mula kay Jehova, “ang Diyos ng buong lupa.” (Isa. 54:5) Hinding-hindi pagsisisihan ng mga pinahiran at ng ibang mga tupa na namuhay sila bilang mga pansamantalang naninirahan sa balakyot na sanlibutang ito.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano namuhay bilang mga pansamantalang naninirahan sa sanlibutan ang tapat na mga lingkod ng Diyos noon?
• Paano namuhay sa sanlibutan ang unang mga Kristiyano?
• Paano iniiwasan ng mga tunay na Kristiyano na gamitin nang lubusan ang sanlibutan?
• Bakit hinding-hindi natin pagsisisihan na namuhay tayo bilang mga pansamantalang naninirahan sa balakyot na sanlibutang ito?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Umiwas sa marahas at imoral na libangan ang unang mga Kristiyano