Maging Masigasig sa Tunay na Pagsamba
Maging Masigasig sa Tunay na Pagsamba
“Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.”—MAT. 9:37.
1. Paano mo ilalarawan ang pagkaapurahan?
MAYROON kang dokumento na kailangang mabasa agad ng isang tao. Ano ang gagawin mo? Mamarkahan mo iyon ng “URGENT!” Papunta ka sa isang importanteng appointment, pero huli ka na. Ano ang gagawin mo? Sasabihin mo sa drayber, “Bilisan mo naman, NAG-AAPURA ako!” Oo, kapag may gawain kang kailangang matapos at gahol ka na sa oras, tensiyonado ka at di-mapalagay. Tumataas ang adrenaline mo at binibilisan ang pagtatrabaho. Ganiyan ang nangyayari kapag apurahan ang sitwasyon.
2. Ano ang pinakaapurahang gawain ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon?
2 Para sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon, wala nang mas apurahan pa kaysa sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at paggawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Sa pagsipi sa sinabi ni Jesus, iniulat ni Marcos na ang gawaing ito ay kailangang matapos “muna” bago dumating ang wakas. (Mar. 13:10) Ganoon naman talaga ang dapat mangyari. Sinabi ni Jesus: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.” Hindi makapaghihintay ang aanihin; kailangan itong tipunin bago matapos ang panahon ng pag-aani.—Mat. 9:37.
3. Paano tumutugon ang marami sa apurahang atas na mangaral?
3 Dahil ganiyan kahalaga sa atin ang pangangaral, dapat itong pag-ukulan ng higit na panahon, lakas, at atensiyon hangga’t maaari. Nakatutuwa naman, ganiyan ang ginagawa ng marami. Pinasimple ng ilan ang kanilang buhay para makapaglingkod nang buong panahon bilang payunir, misyonero, o Bethelite. Sila’y abalang-abala. Baka marami silang isinakripisyo at napapaharap sila sa maraming hamon. Gayunman, sagana silang pinagpapala ni Jehova. Nagagalak tayo para sa kanila. (Basahin ang Lucas 18:28-30.) Ang iba naman na hindi makapaglingkod nang buong panahon ay gumugugol ng maraming oras sa pangangaral hangga’t kaya nila, kasama na rito ang pagtulong sa kanilang mga anak na maligtas.—Deut. 6:6, 7.
4. Bakit posibleng hindi na makadama ng pagkaapurahan ang ilan?
4 Gaya ng natalakay na, ang pagkaapurahan ay kadalasan nang nauugnay sa isang hangganang panahon o wakas. Nabubuhay na tayo sa panahon ng kawakasan, at pinatutunayan iyan ng maraming ebidensiya mula sa Bibliya at kasaysayan. (Mat. 24:3, 33; 2 Tim. 3:1-5) Gayunman, walang sinumang tao ang nakaaalam ng eksaktong panahon kung kailan darating ang wakas. Nang ibigay ni Jesus ang mga detalye ng “tanda” na maghuhudyat ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” espesipiko niyang sinabi: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mat. 24:36) Dahil dito, baka ang ilan ay hindi na makadama ng pagkaapurahan sa paglipas ng mga taon, lalo na kung matagal na silang naghihintay. (Kaw. 13:12) Nangyayari ba iyan sa iyo kung minsan? Ano ang makatutulong sa atin na madama ang pagkaapurahan o mapanatili ang damdaming ito may kaugnayan sa atas na ipinagagawa sa atin ni Jehova at ni Jesu-Kristo?
Tingnan ang Ating Halimbawa, si Jesus
5. Sa anu-anong paraan nagpakita si Jesus ng pagkaapurahan sa ministeryo?
5 Sa lahat ng nagpakita ng pagkaapurahan sa paglilingkod sa Diyos, tiyak na wala nang Mat. 9:35) Walang sinumang nakagawa ng gayon karaming gawain sa gayon kaikling panahon. Talagang ginawa ni Jesus ang kaniyang buong makakaya.—Juan 18:37.
hihigit pa kay Jesu-Kristo. Naging apurahan siya sa gawain dahil napakarami niyang kailangang gawin sa loob lang ng tatlo at kalahating taon. Pero sa maikling panahong iyon, mas maraming nagawa si Jesus para sa tunay na pagsamba kaysa kaninuman. Ipinaalam niya sa mga tao ang pangalan at layunin ng kaniyang Ama, ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian, inilantad ang pagpapaimbabaw at maling turo ng mga lider ng relihiyon, at itinaguyod ang soberanya ni Jehova hanggang kamatayan. Nilibot niya ang buong lupain para turuan, tulungan, at pagalingin ang mga tao. (6. Saan itinuon ni Jesus ang kaniyang pansin?
6 Ano ang nag-udyok kay Jesus na maging masigasig sa ministeryo? Mula sa hula ni Daniel, malamang na alam ni Jesus kung nasaan na siya sa talaorasan ni Jehova. (Dan. 9:27) Gaya ng ipinakikita roon, ang kaniyang ministeryo sa lupa ay magwawakas “sa kalahati ng sanlinggo,” o pagkaraan ng tatlo at kalahating taon. Di-nagtagal pagkatapos niyang pumasok sa Jerusalem bilang hari noong tagsibol ng 33 C.E., sinabi ni Jesus: “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng tao.” (Juan 12:23) Bagaman alam ni Jesus na malapit na siyang mamatay, hindi iyon ang pinagtuunan niya ng pansin o ang pangunahing dahilan ng kaniyang masigasig na paggawa. Sa halip, sa bawat pagkakataon, itinuon niya ang kaniyang pansin sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama at sa pagpapakita ng pag-ibig sa kaniyang kapuwa. Ang pag-ibig na iyon ang nag-udyok sa kaniya na magtipon at magsanay ng mga alagad, anupat isinugo niya sila para mangaral. Ginawa niya ito para maipagpatuloy nila ang gawaing sinimulan niya at makapagsagawa ng mga gawang mas dakila kaysa sa nagawa niya.—Basahin ang Juan 14:12.
7, 8. Ano ang naging reaksiyon ng mga alagad nang linisin ni Jesus ang templo? Bakit ginawa iyon ni Jesus?
7 Kitang-kita sa isang pangyayari sa buhay ni Jesus ang kaniyang sigasig. Nangyari ito sa pasimula ng kaniyang ministeryo, noong Paskuwa ng 30 C.E. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay dumating sa Jerusalem at nakita nila sa templo “yaong mga nagtitinda ng mga baka at mga tupa at mga kalapati at ang mga mangangalakal ng salapi sa kanilang mga upuan.” Ano ang reaksiyon ni Jesus, at ano naman ang naalaala ng mga alagad?—Basahin ang Juan 2:13-17.
8 Dahil sa ginawa at sinabi ni Jesus, naalaala ng mga alagad ang makahulang pananalita ng isang awit ni David: “Inuubos ako ng sigasig para sa iyong bahay.” (Awit 69:9) Bakit? Dahil talagang mapanganib ang ginawa ni Jesus. Aba, ang mga awtoridad ng templo—mga saserdote, eskriba, at iba pa—ang nasa likod ng lantarang pangangalakal doon. Kaya nang ilantad at patigilin ni Jesus ang pagsasamantalang iyon, sila mismo ang kinalaban niya. Gaya ng obserbasyon ng mga alagad, kitang-kita noon ang ‘sigasig para sa bahay ng Diyos,’ o sigasig para sa tunay na pagsamba. Pero ano nga ba ang sigasig? Iba pa ba ito sa pagkaapurahan?
Ang Pagkakaiba ng Pagkaapurahan at ng Sigasig
9. Paano mailalarawan ang sigasig?
9 Ayon sa isang diksyunaryo, ang “sigasig” ay ang “marubdob na pagnanais na isakatuparan ang isang bagay,” at singkahulugan ito ng mga salitang gaya ng sidhi, alab, init, at pananabik. Tiyak na mailalarawan ng mga salitang ito ang ministeryo ni Jesus. Kaya naman ganito ang mababasa sa salin ng Biblia ng Sambayanang Pilipino: “Parang apoy na tumupok sa akin ang sigla para sa iyong tahanan.” Kapansin-pansin na sa ilang wika sa Silangan, ang termino para sa “sigasig” ay literal na nangangahulugang “mainit na puso,” na para bang nag-aapoy ang puso. Kaya nga hindi nakapagtatakang maalaala ng mga alagad ang sinabi ni David nang makita nila ang ginawa ni Jesus sa templo. Pero bakit nga ba nag-apoy, wika nga, ang puso ni Jesus at ano ang nag-udyok sa kaniya na gawin iyon?
10. Ano ang ibig sabihin ng “sigasig” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya?
10 Ang salitang “sigasig” sa awit ni David ay mula sa salitang Hebreo na madalas isaling “mapanibughuin” o “paninibugho” sa ibang bahagi ng Bibliya. Sa Bagong Sanlibutang Salin, isinasalin ito kung minsan bilang “humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Basahin ang Exodo 20:5; 34:14; Josue 24:19.) Ayon sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ang terminong ito ay madalas gamitin may kaugnayan sa relasyon ng mag-asawa; kung paanong ang mag-asawa ay may bukod-tanging karapatan sa isa’t isa, may karapatan din ang Diyos na humiling ng debosyon sa kaniyang mga pag-aari at ipaglaban iyon. Kaya ang sigasig, ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ay hindi lang basta pananabik na gawin ang isang bagay, gaya ng nadarama ng marami sa kanilang paboritong isport. Ang sigasig ni David ay paninibugho sa positibong diwa—ang di-pagpapahintulot na magkaroon ng kaagaw o kadustaan si Jehova, isang masidhing pagnanais na protektahan ang Kaniyang mabuting pangalan o ituwid ang pinsalang idinulot sa Kaniya.
11. Ano ang nagpakilos kay Jesus na maging masigasig?
11 Hindi nagkamali ang mga alagad ni Jesus nang iugnay nila ang pananalita ni David sa ginawa ni Jesus sa templo. Nagsumikap si Jesus hindi lang dahil limitado ang panahon niya sa lupa kundi dahil siya’y masigasig—o mapanibughuin—para sa pangalan ng kaniyang Ama at sa dalisay na pagsamba. Nang makita niya ang pandurusta at paglapastangan sa pangalan ng Diyos, tama lang na nakadama siya ng sigasig, o paninibugho, at kumilos siya para ituwid ang sitwasyon. Nang makita ni Jesus ang mga dukha na inaapi at sinasamantala ng mga lider ng relihiyon, pinakilos siya ng kaniyang sigasig na paginhawahin ang mga tao at tuligsain ang mapang-aping mga lider na iyon.—Mat. 9:36; 23:2, 4, 27, 28, 33.
Maging Masigasig sa Tunay na Pagsamba
12, 13. Ano ang ginagawa ng mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan may kaugnayan sa (a) pangalan ng Diyos? (b) Kaharian ng Diyos?
12 Ang kalagayan ng mga relihiyon sa ngayon ay katulad noong panahon ni Jesus, o baka mas malubha pa nga. Halimbawa, alalahanin na ang unang itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga alagad ay may kaugnayan sa pangalan ng Diyos: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mat. 6:9) Itinuturo ba ng mga lider ng relihiyon, lalo na ng klero ng Sangkakristiyanuhan, ang pangalan ng Diyos at na dapat pabanalin, o parangalan, ang pangalang iyon? Hindi. Sinisiraang-puri pa nga nila ang Diyos dahil sa maling mga turo gaya ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa ng tao, at nag-aapoy na impiyerno, anupat inilalarawan ang Diyos bilang mahiwaga, di-maarok, malupit, at sadista pa nga. Nagdudulot din sila ng kadustaan sa Diyos dahil sa kanilang mga iskandalo at pagpapaimbabaw. (Basahin ang Roma 2:21-24.) Bukod diyan, pilit nilang itinatago ang personal na pangalan ng Diyos at inaalis pa nga iyon sa kanilang mga salin ng Bibliya. Dahil dito, hinahadlangan nila ang mga tao na mápalapít sa Diyos at magkaroon ng personal na kaugnayan sa kaniya.—Sant. 4:7, 8.
13 Tinuruan din ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin ukol sa Kaharian ng Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat. 6:10) Bagaman inuulit-ulit iyan ng mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, hinihimok naman nila ang mga tao na sumuporta sa pulitika at iba pang mga institusyon ng tao. Bukod diyan, hinahamak nila ang mga nangangaral at nagpapatotoo tungkol sa Kahariang iyon. Kaya naman sa gitna ng maraming nag-aangking Kristiyano, ang Kaharian ng Diyos ay hindi na pinag-uusapan ni pinaniniwalaan man.
14. Paano binabantuan ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang Salita ng Diyos?
14 Nang manalangin sa Diyos, tuwirang sinabi ni Jesus: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) At bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus na aatasan niya ang “tapat at maingat na alipin” para maglaan ng espirituwal na pagkain sa kaniyang mga tagasunod. (Mat. 24:45) Inaangkin ng klero ng Sangkakristiyanuhan na sa kanila ipinagkatiwala ang Salita ng Diyos, pero tapat ba nilang ginagampanan ang gawaing ipinagkatiwala ng Panginoon? Hindi. Ipinahihiwatig pa nga nila na ang Bibliya ay alamat o kathang-isip lang. Sa halip na pakainin ng espirituwal na pagkain ang kanilang kawan para maaliw at maliwanagan ito, kinikiliti ng klero ang tainga ng kanilang mga miyembro sa pamamagitan ng pilosopiya ng tao. Bukod diyan, binabantuan din nila ang moral na pamantayan ng Diyos para iayon sa diumano’y bagong moralidad.—2 Tim. 4:3, 4.
15. Ano ang nadarama mo tungkol sa mga ginagawa ng klero sa ngalan ng Diyos?
15 Dahil sa lahat ng ito—na diumano’y ginagawa sa ngalan ng Diyos ng Bibliya—maraming taimtim na tao ang nasisiraan ng loob o lubusan nang nawalan ng pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya. Nabibiktima sila ni Satanas at ng kaniyang masamang sistema ng mga bagay. Kapag nakikita mo at naririnig ang gayong mga pangyayari sa araw-araw, ano ang nadarama mo? Bilang lingkod ni Jehova, kapag nakikita mo ang pandurusta at paglapastangan sa pangalan ng Diyos, hindi ba’t gustung-gusto mong ituwid ang mga bagay-bagay? Kapag nakikita mong dinadaya at sinasamantala ang taimtim na mga tao, hindi ba’t nauudyukan kang aliwin ang mga naaapi? Nang makita ni Jesus ang mga tao noong panahon niya na “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol,” hindi lang siya nahabag sa kanila. “Nagsimula siyang magturo sa kanila ng Mat. 9:36; Mar. 6:34) Marami tayong dahilan para maging masigasig sa tunay na pagsamba, gaya ni Jesus.
maraming bagay.” (16, 17. (a) Ano ang dapat mag-udyok sa atin na gawin ang ating buong makakaya sa ministeryo? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
16 Kapag ganiyan ang pangmalas natin sa ministeryo, ang pananalita ni apostol Pablo sa 1 Timoteo 2:3, 4 ay nagkakaroon ng mas malalim na kahulugan. (Basahin.) Masigasig tayo sa ministeryo hindi lang dahil alam nating nasa mga huling araw na tayo kundi dahil alam din nating kalooban ito ng Diyos. Gusto niyang malaman ng mga tao ang katotohanan para sila rin ay makasamba at makapaglingkod sa kaniya at pagpalain. Nauudyukan tayong gawin ang ating buong makakaya, hindi lang dahil maikli na ang panahon, kundi dahil gusto nating parangalan ang pangalan ng Diyos at tulungan ang mga tao na malaman ang kaniyang kalooban. Masigasig tayo sa tunay na pagsamba.—1 Tim. 4:16.
17 Bilang bayan ni Jehova, alam natin ang katotohanan tungkol sa layunin ng Diyos para sa mga tao at sa lupa. Matutulungan natin ang mga tao na maging maligaya at magkaroon ng tiyak na pag-asa sa hinaharap. Maituturo natin sa kanila kung paano sila maliligtas kapag pinuksa na ang sistemang ito ni Satanas. (2 Tes. 1:7-9) Sa halip na mainip o masiraan ng loob dahil parang naaantala ang araw ni Jehova, dapat tayong magalak na may panahon pa tayong magpakita ng sigasig sa tunay na pagsamba. (Mik. 7:7; Hab. 2:3) Paano tayo magkakaroon ng gayong sigasig? Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang nag-udyok kay Jesus na maging masigasig sa ministeryo?
• Ano ang ibig sabihin ng “sigasig” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya?
• Anong mga pangyayari sa ngayon ang nag-uudyok sa atin na maging masigasig sa tunay na pagsamba?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 8]
Itinuon ni Jesus ang pansin sa paggawa ng kalooban ng Ama at sa pagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa
[Larawan sa pahina 10]
Marami tayong dahilan para maging masigasig sa tunay na pagsamba