Ano ang Sasabihin ng Inyong Anak?
Ano ang Sasabihin ng Inyong Anak?
MGA MAGULANG: Sa isyu ng Enero 15, 2010, pahina 16-20, binanggit namin ang tungkol sa mga sesyon sa pagsasanay kasama ang inyong mga anak. Ang artikulong ito ay may mga mungkahi kung paano ihahanda ang inyong anak sa pagharap sa mga hamon sa paaralan. Puwede ninyo itong gawin sa panahon ng inyong Pampamilyang Pagsamba.
NAPAPAHARAP sa maraming hamon ang mga batang Saksi ni Jehova. Madalas silang tanungin ng kanilang mga kaeskuwela kung bakit hindi sila sumasali sa ilang gawain gaya ng pagsaludo sa bandila, pagdiriwang ng birthday, at paggawa ng mga project tungkol sa kapistahan. Kapag tinanong ang inyong anak tungkol sa mga bagay na ito, ano kaya ang isasagot niya?
Ang ilang batang Kristiyano ay basta lang nagsasabi: “Hindi kasi puwede. Bawal sa relihiyon namin.” Dapat naman silang bigyan ng komendasyon dahil sa kanilang paninindigan. Sa gayong sagot, posibleng mahinto na ang pagtatanong. Pero pinapayuhan tayo ng Bibliya na maging “laging handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa [atin] ng katuwiran” tungkol sa ating mga paniniwala. (1 Ped. 3:15) Para magawa ito, hindi sapat ang basta sabihin lang, “Hindi kasi puwede.” Kung hindi man sang-ayon ang iba, baka gusto namang malaman ng ilan kung bakit ganoon ang ating paniniwala.
Maraming kabataang Saksi ang nakapagkuwento na sa kanilang mga kaeskuwela ng mga ulat sa Bibliya gamit ang mga publikasyong gaya ng Matuto Mula sa Dakilang Guro. Nakatutulong ang mga ulat na iyon para ipaliwanag kung bakit may mga bagay na puwede o hindi puwedeng gawin ng mga batang Saksi. Nagugustuhan ng ilang estudyante ang mga kuwento sa Bibliya, at marami ang nakikipag-aral ng Bibliya dahil dito. May mga estudyanteng nahihirapang makinig sa isang buong kuwento. Kung hindi ipaliliwanag nang husto, baka hindi nila maintindihan ang ilang ulat sa Bibliya. Nang ang 11-anyos na si Minhee ay anyayahan ng isang kaibigan sa birthday party nito, sinabi niya: “Walang sinasabi sa Bibliya na dapat tayong mag-celebrate ng birthday. May isang karakter nga doon na pinatay sa isang pagdiriwang ng birthday, si Juan na Tagapagbautismo.” Pero ayon kay Minhee, parang hindi naintindihan ng kaibigan niya ang kaniyang sagot.
Kung minsan, nakatutulong ang pagpapakita ng isang larawan o ulat mula sa ating mga aklat. Pero paano kung ipagbawal ito ng mga awtoridad ng paaralan? Mabisa pa rin kayang makapagpapatotoo ang ating mga anak kahit walang mga publikasyon? Paano ninyo matutulungang gumawa ng pagtatanggol ang inyong mga anak?
Magkaroon ng mga Sesyon sa Pagsasanay
Nakatutulong ang mga sesyon sa pagsasanay, anupat ang mga magulang kunwari ang mga kaeskuwela. Habang sinisikap ng mga bata na ipagtanggol ang kanilang paniniwala, pupurihin sila ng kanilang mga magulang at ipakikita kung paano pa 1 Cor. 14:9.
nila mapasusulong ang kanilang pagpapaliwanag at kung bakit ito kapaki-pakinabang. Halimbawa, imungkahi sa kanila na gumamit ng mga salitang maiintindihan ng kanilang mga kaedad. Sinabi ng siyam-na-taóng-gulang na si Joshua na hindi naiintindihan ng mga kaeskuwela niya ang mga salitang gaya ng “budhi” at “katapatan.” Kaya gumamit siya ng mas madadaling salita sa pagpapaliwanag.—Ang ilang estudyanteng nagtatanong ay maaaring mawalan ng interes kapag mahaba ang sagot ng kabataang Saksi. Pero kung gagawin itong parang pag-uusap lang, mapananatili ang kanilang interes. Sinabi ng sampung-taóng-gulang na si Haneul, “Ang gusto ng mga kaeskuwela ko ay pag-uusap, hindi puro paliwanag.” Para magkaroon ng pag-uusap, magtanong, at saka makinig na mabuti sa kanilang opinyon.
Makikita sa mga pag-uusap na nasa ibaba kung paano maaaring mangatuwiran ang mga batang Saksi sa kanilang mga kaeskuwela. Hindi kailangang sauluhin ang mga ito—magkakaiba ang mga bata at iba-iba rin ang sitwasyon. Kaya kukunin lang ng batang Saksi ang ideya
at sasabihin iyon sa sariling pananalita, anupat ibinabagay sa sitwasyon at mga kaeskuwela. Kung nag-aaral na ang inyong mga anak, praktisin ninyo ang mga pag-uusap na ito.Ang pagsasanay sa mga anak ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Gusto ng mga magulang na Kristiyano na maikintal sa kanilang mga anak ang mga simulain ng Bibliya at mahikayat ang mga ito na ikapit iyon sa kanilang buhay.—Deut. 6:7; 2 Tim. 3:14.
Sa susunod ninyong Pampamilyang Pagsamba, subukang praktisin ang mga pag-uusap na nasa ibaba. Tingnan kung gaano ito kabisa. Tandaan na hindi kailangang sauluhin ang mga sagot o mga salita. Sa katunayan, puwede ninyong praktisin nang ilang beses ang isang sitwasyon, anupat iniiba-iba ang inyong sagot at tinitingnan kung ano naman ang sasabihin ng inyong mga anak. Habang nagpapaliwanag sila, tulungan silang maging makatuwiran at mataktika. Di-magtatagal at matututuhan ng inyong mga anak kung paano ipagtatanggol ang kanilang paniniwala sa harap ng mga kaklase, kapitbahay, at guro.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 4, 5]
PAGDIRIWANG NG BIRTHDAY
Mary: Hi, John. Punta ka sa birthday party ko, ha!
John: Salamat, naalala mo ’ko. Pero bakit kailangan mo pang mag-party?
Mary: Para i-celebrate ang birthday ko. Bakit, hindi ka ba nagbe-birthday?
John: Hindi.
Mary: Bakit? Aba, tuwang-tuwa ang pamilya namin nang ipanganak ako.
John: Ganun din ang pamilya namin nang ipanganak ako. Pero hindi ito dahilan para mag-celebrate ako ng birthday taun-taon. Sa pagdiriwang ng birthday, iniisip ng marami na sila ang pinakaimportanteng tao. Pero hindi ba’t mas importante ang Diyos? At hindi ba’t dapat siyang pasalamatan dahil binigyan niya tayo ng buhay?
Mary: Ibig mong sabihin, hindi ako dapat mag-birthday?
John: Nasa iyo na ’yon. Pero tingnan mo, marami ang gustung-gustong tumanggap ng regalo kapag birthday nila, samantalang ang sabi sa Bibliya, mas masaya ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap. Sa halip na nasa atin ang atensiyon kapag birthday natin, hindi ba’t mas maganda kung pasasalamatan natin ang Diyos, iisipin ang iba, at magiging mabait sa kanila?
Mary: Hindi ko naisip ’yon ah. Ibig mong sabihin hindi ka nireregaluhan ng Daddy at Mommy mo?
John: Nireregaluhan, pero hindi na nila kailangang hintayin pa ang birthday ko. Nireregaluhan nila ako kahit walang okasyon. Teka nga pala, gusto mo bang malaman kung paano nagsimula ang mga birthday party?
Mary: Paano nga ba?
John: Sige, bukas ikukuwento ko sa iyo ang tungkol sa isang birthday na nangyari noong unang panahon.
PAGSALUDO SA BANDILA
Gail: Claire, bakit hindi ka sumasaludo sa bandila?
Claire: Okey lang ba, Gail, na malaman ko muna kung bakit ka sumasaludo sa bandila?
Gail: Mahal ko kasi ang bansa natin.
Claire: Mahal mo rin ang mommy mo, ’di ba? Pero sumasaludo ka ba sa kaniya?
Gail: Siyempre hindi. Sumasaludo ako sa bandila kasi iginagalang ko ’yon. Ikaw, hindi mo ba iginagalang ang bandila?
Claire: Iginagalang ko rin. Pero sumasaludo ba tayo sa lahat ng tao at bagay na iginagalang natin?
Gail: Oo nga, ’no. Iginagalang ko ang titser natin, pero hindi naman ako sumasaludo sa kaniya. Ewan ko nga ba kung bakit ako sumasaludo sa bandila.
Claire: Alam mo Gail, para sa maraming tao, ang bandila ay sagisag ng kanilang bansa. Kapag sumaludo sila rito, ibig sabihin, handa silang mamatay para sa kanilang bansa. Pero hindi ko gagawin ’yon. Ang Diyos ang nagbigay sa akin ng buhay kaya sa kaniya ko lang ito ibibigay. Kaya kahit iginagalang ko ang bandila, hindi ko ’yon sinasaluduhan.
Gail: Ganun pala.
Claire: Pero mabuti na rin at nagtanong ka. Kung gusto mong malaman kung bakit may mga bagay na hindi ko puwedeng gawin, itanong mo lang sa akin. Siyanga pala, may kuwento sa Bibliya tungkol sa isang hari ng Babilonya. Inutusan niya ang mga tao na yumukod sa isang imahen. Hindi yumukod ang ilan—kahit patayin pa sila.
Gail: Talaga? Ano’ng nangyari sa kanila?
Claire: Sige, ikukuwento ko sa ’yo mamaya.
PULITIKA SA PAARALAN
Mike: Tim, sino sa tingin mo ang dapat na maging presidente ng klase natin?
Tim: Wala akong pipiliin sa kanila.
Mike: Bakit naman?
Tim: May napili na akong lider, ’yung pinakamagaling. Bilang Kristiyano, nangako akong susundin si Jesus. Kaya ayoko nang pumili ng ibang lider. Teka, alam mo ba kung bakit siya ang pinakamahusay na Lider?
Mike: Hindi, at hindi ako interesado.
Tim: Okey, pero kapag gusto mo nang malaman, sasabihin ko sa ’yo.
[Larawan]
“Hi, John. Punta ka sa birthday party ko, ha!”
[Larawan sa pahina 3]
“Bakit hindi ka sumasaludo sa bandila?”