“Sino ang Nakaaalam ng Pag-iisip ni Jehova?”
“Sino ang Nakaaalam ng Pag-iisip ni Jehova?”
“‘Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, upang maturuan niya siya?’ Ngunit taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.”—1 COR. 2:16.
1, 2. (a) Sa ano nahihirapan ang marami? (b) Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa kaisipan natin at ni Jehova?
NAHIHIRAPAN ka bang maintindihan ang kaisipan ng iba? Marahil ay bagong kasal ka, at parang hindi mo lubusang maintindihan ang pag-iisip ng iyong asawa. Totoo namang magkaiba ang lalaki at babae sa pag-iisip, kahit nga sa pagsasalita. Sa ilang kultura, magkaiba pa nga ang mga terminong ginagamit ng lalaki at ng babae bagaman iisa ang kanilang wika! Bukod diyan, dahil sa pagkakaiba ng kultura at wika, nagkakaiba-iba rin ang paraan ng pag-iisip at paggawi ng mga tao. Pero habang nakikilala mo ang isa, nagiging madali na sa iyo na maintindihan ang kaniyang paraan ng pag-iisip.
2 Hindi nga nakapagtataka kung bakit ibang-iba ang kaisipan natin sa pag-iisip ni Jehova. Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Ang mga kaisipan ninyo ay hindi ko mga kaisipan, ni ang aking mga lakad man ay inyong mga lakad.” Para ilarawan ito, sinabi ni Jehova: “Sapagkat kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.”—Isa. 55:8, 9.
3. Paano tayo magkakaroon ng “matalik na kaugnayan kay Jehova”?
3 Pero nangangahulugan ba ito na hindi na natin sisikaping maunawaan ang pag-iisip ni Jehova? Aba, hindi. Bagaman hindi natin lubusang mauunawaan ang lahat ng kaniyang kaisipan, hinihimok pa rin tayo ng Bibliya na magkaroon ng “matalik na kaugnayan kay Jehova.” (Basahin ang Awit 25:14; Kawikaan 3:32.) Magagawa natin ito kung pahahalagahan natin at pag-aaralan ang kaniyang mga gawa na nakaulat sa Bibliya. (Awit 28:5) Makatutulong din kung tataglayin natin “ang pag-iisip ni Kristo,” na siyang “larawan ng di-nakikitang Diyos.” (1 Cor. 2:16; Col. 1:15) Kung pag-aaralan natin at bubulay-bulayin ang mga ulat sa Bibliya, mauunawaan natin ang mga katangian ni Jehova at ang kaniyang pag-iisip.
Iwasan ang Isang Maling Tendensiya
4, 5. (a) Anong maling tendensiya ang dapat nating iwasan? Ipaliwanag. (b) Ano ang maling kaisipan ng mga Israelita?
4 Habang binubulay-bulay ang mga gawa ni Jehova, dapat nating iwasan ang tendensiyang hatulan ang Diyos ayon sa pamantayan ng tao. Ang ganitong tendensiya ay ipinahihiwatig ng sinabi ni Jehova sa Awit 50:21: “Inakala mong ako ay tiyak na magiging gaya mo.” Kaayon ito ng sinabi ng isang iskolar sa Bibliya mahigit 175 taon na ang nakalilipas: “May tendensiya ang mga tao na hatulan ang Diyos ayon sa kanilang pamantayan at isiping dapat siyang sumunod sa mga batas na sinusunod nila.”
5 Hindi natin dapat iayon sa sarili nating mga pamantayan at kagustuhan ang ating pangmalas kay Jehova. Bakit? Sa pag-aaral natin ng Bibliya, baka sa tingin natin ay parang hindi tama ang ilang pagkilos ni Jehova batay sa ating limitado at di-sakdal na pananaw. Ganiyan ang naging kaisipan ng mga Israelita, anupat nagkaroon sila ng maling konklusyon Ezek. 18:25.
tungkol sa pakikitungo ni Jehova sa kanila. Pansinin ang sinabi ni Jehova: “Kayo ay tiyak na magsasabi: ‘Ang daan ni Jehova ay hindi nakaayos nang wasto.’ Dinggin mo, pakisuyo, O sambahayan ng Israel. Hindi ba nakaayos nang wasto ang aking sariling daan? Hindi ba ang mga daan ninyo ang hindi nakaayos nang wasto?”—6. Anong aral ang natutuhan ni Job? Paano tayo makikinabang sa kaniyang karanasan?
6 Para maiwasan nating hatulan si Jehova ayon sa ating pamantayan, dapat nating kilalanin na limitado ang ating pananaw at kung minsan ay maling-mali pa nga. Natutuhan ni Job ang aral na ito. Sa kaniyang pamimighati, mas inisip niya ang kaniyang sarili. Nalimutan niya ang mas mahahalagang isyu. Pero tinulungan siya ni Jehova na magkaroon ng mas malawak na pananaw. Nagharap Siya kay Job ng mahigit 70 tanong, na ni isa man ay hindi nito nasagot. Sa gayon ay naidiin ni Jehova na limitado ang unawa ni Job. Nagpakumbaba naman si Job at binago ang kaniyang pananaw.—Basahin ang Job 42:1-6.
Taglayin ang “Pag-iisip ni Kristo”
7. Bakit ang pagsusuri sa mga ginawa ni Jesus ay tutulong sa atin na maunawaan ang pag-iisip ni Jehova?
7 Lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa lahat ng kaniyang sinabi at ginawa. (Juan 14:9) Kaya naman ang pagsusuri sa mga ginawa ni Jesus ay tutulong sa atin na maunawaan ang pag-iisip ni Jehova. (Roma 15:5; Fil. 2:5) Kung gayon, suriin natin ang dalawang ulat ng Ebanghelyo.
8, 9. Gaya ng nakaulat sa Juan 6:1-5, anong sitwasyon ang nag-udyok kay Jesus na magtanong kay Felipe? Bakit siya nagtanong?
8 Malapit na noon ang Paskuwa ng 32 C.E. Kababalik lang ng mga apostol ni Jesus mula sa pangangaral sa buong Galilea. Dahil pagod sila, dinala sila ni Jesus sa isang liblib na lugar sa hilagang-silangang baybayin ng Dagat ng Galilea. Pero libu-libo ang sumunod sa kanila. Matapos pagalingin ni Jesus ang marami at turuan sila ng maraming bagay, nagkaroon ng problema. Paano mapakakain ang lahat ng taong iyon sa gayong liblib na lugar? Kaya tinanong ni Jesus si Felipe, na tagaroon: “Saan tayo bibili ng mga tinapay upang makain ng mga ito?”—Juan 6:1-5.
9 Bakit nagtanong ng ganito si Jesus kay Felipe? Hindi ba alam ni Jesus ang kaniyang gagawin? Alam niya. Pero ano ba talaga ang nasa isip niya? Si apostol Juan, na naroon din, ay nagpaliwanag: “Sinasabi niya [ni Jesus] ito upang subukin siya, sapagkat alam naman niya kung ano ang kaniyang gagawin.” (Juan 6:6) Sinusubok ni Jesus ang espirituwal na pagsulong ng kaniyang mga alagad. Sa kaniyang pagtatanong, nakuha niya ang kanilang atensiyon at pagkakataon na sana iyon para ipakita ang kanilang pananampalataya sa kaniyang kakayahan. Pero hindi nila ito nagawa, na nagpapakitang limitado ang kanilang pananaw. (Basahin ang Juan 6:7-9.) Kaya naman gumawa si Jesus ng isang bagay na hindi nila sukat-akalaing posible. Makahimala niyang pinakain ang libu-libong gutóm na naroroon.—Juan 6:10-13.
10-12. (a) Ano ang posibleng dahilan kung bakit hindi agad ipinagkaloob ni Jesus ang kahilingan ng babae? Ipaliwanag. (b) Ano ang tatalakayin natin ngayon?
10 Matutulungan tayo ng ulat na ito na maunawaan ang kaisipan ni Jesus sa isa pang sitwasyon. Matapos pakanin ang napakaraming taong iyon, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay naglakbay pahilaga, sa labas ng hangganan ng Israel, sa rehiyon ng Tiro at Sidon. Isang babaing Griego roon ang nagsumamo kay Jesus na pagalingin ang kaniyang anak. Pero hindi siya pinansin ni Jesus. Sa kapipilit niya, sinabi ni Jesus: “Hayaan munang mabusog ang mga anak, sapagkat hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa maliliit na aso.”—Mar. 7:24-27.
11 Bakit hindi agad tinulungan ni Jesus ang babaing ito? Sinusubok ba ni Jesus ang babae, gaya ng ginawa niya kay Felipe, para makita ang reaksiyon nito at mabigyan ng pagkakataong magpakita ng pananampalataya? Ang Marcos 7:28-30.
tono ng boses ni Jesus, bagaman hindi binanggit sa ulat, ay hindi nakapagpahina ng loob ng babae. Ginamit niya ang terminong “maliliit na aso” para hindi naman mainsulto ang babae. Kaya posibleng si Jesus ay kumilos na parang isang mapagmahal na magulang na handang ibigay ang hinihingi ng anak pero hindi ito ipinahahalata para makita kung seryoso nga ang kaniyang anak. Nang magpakita ng pananampalataya ang babae, ipinagkaloob ni Jesus ang kaniyang kahilingan.—Basahin ang12 Ang dalawang ulat na ito ay nagbibigay sa atin ng malalim na unawa sa “pag-iisip ni Kristo.” Tingnan naman natin kung paano makatutulong ang mga ito para higit nating maunawaan ang pag-iisip ni Jehova.
Kung Paano Nakitungo si Jehova kay Moises
13. Paano tumutulong sa atin ang pagkaunawa sa pag-iisip ni Jesus?
13 Ang pagkaunawa sa pag-iisip ni Jesus ay tumutulong sa atin na maintindihan ang mga teksto sa Bibliya na maaaring mahirap maunawaan. Halimbawa, pansinin ang sinabi ni Jehova kay Moises nang gumawa ang mga Israelita ng ginintuang guya para sambahin: “Tiningnan ko ang bayang ito at narito, ito ay isang bayang matigas ang leeg. Kaya ngayon ay pabayaan mo ako, upang lumagablab ang aking galit laban sa kanila at malipol ko sila, at gagawin kitang isang dakilang bansa.”—Ex. 32:9, 10.
14. Ano ang reaksiyon ni Moises sa sinabi ni Jehova?
14 Nagpatuloy ang ulat: “Pinalambot ni Moises ang mukha ni Jehova na kaniyang Diyos at sinabi: ‘O Jehova, bakit lalagablab ang iyong galit laban sa iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng isang malakas na kamay? Bakit sasabihin ng mga Ehipsiyo, “Dahil sa masamang layon ay inilabas niya sila upang patayin sila sa gitna ng mga bundok at lipulin sila mula sa ibabaw ng lupa”? Iurong mo ang iyong nag-aapoy na galit at magbago ka ng isip tungkol sa kasamaan laban sa iyong bayan. Alalahanin mo si Abraham, si Isaac at si Israel na iyong mga lingkod, na sa kanila ay ipinanumpa mo ang iyong sarili, anupat sinabi mo sa kanila, “Pararamihin ko ang inyong binhi tulad ng mga bituin sa langit, at ang buong lupaing ito na aking itinalaga ay ibibigay ko sa inyong binhi, upang ariin nga nila ito hanggang sa panahong walang takda.”’ At si Jehova ay nagbago ng isip tungkol sa kasamaan na sinalita niyang gagawin sa kaniyang bayan.”—Ex. 32:11-14. *
15, 16. (a) Anong pagkakataon ang ibinigay ni Jehova kay Moises? (b) Sa anong diwa “nagbago ng isip” si Jehova?
15 Kailangan ba talagang ituwid ni Moises * Inatasan ni Jehova si Moises na maging tagapamagitan Niya at ng Israel, at iginalang Niya ang papel na ito ni Moises. Masisiraan kaya ng loob si Moises? Hihimukin kaya niya si Jehova na kalimutan ang Israel at gumawa na lang ng isang malaking bansa mula sa kaniyang mga inapo?
ang pag-iisip ni Jehova? Hinding-hindi! Bagaman sinabi ni Jehova ang iniisip niyang gawin, puwede pa naman itong mabago. Sa diwa, sinusubok lang ni Jehova si Moises, gaya ng pagsubok ni Jesus kay Felipe at sa babaing Griego. Binigyan si Moises ng pagkakataong sabihin ang niloloob niya.16 Makikita sa reaksiyon ni Moises na siya’y nananampalataya at nagtitiwala sa katarungan ni Jehova. Makikita rin na mas mahalaga sa kaniya ang pangalan ni Jehova kaysa sa sarili niyang kapakanan. Ayaw niya itong masiraang-puri. Sa gayon ay ipinakita ni Moises na nauunawaan niya ang “pag-iisip ni Jehova” sa bagay na iyon. (1 Cor. 2:16) Ano ang resulta? Dahil hindi pa naman nakapagpapasiya si Jehova sa iniisip niyang gawin, sinasabi ng kinasihang ulat na siya’y “nagbago ng isip.” Sa Hebreo, ang pananalitang ito ay puwedeng basta mangahulugan lang na hindi na itinuloy ni Jehova ang kapahamakang iniisip niyang pasapitin sa buong bansa.
Kung Paano Nakitungo si Jehova kay Abraham
17. Paano ipinakita ni Jehova na napakatiyaga niya sa pakikipag-usap kay Abraham?
17 Tingnan naman natin ang naging karanasan ni Abraham may kaugnayan sa Sodoma. Binigyan din siya ni Jehova ng pagkakataong magpakita ng pananampalataya at pagtitiwala sa Kaniya. Buong-tiyagang pinakinggan ni Jehova ang walong tanong ni Abraham. Taimtim na sinabi ni Abraham: “Malayong mangyari sa iyo na ikaw ay gagawi sa ganitong paraan upang patayin ang taong matuwid na kasama ng balakyot anupat kailangang mangyari sa taong matuwid ang gaya ng sa balakyot! Malayong mangyari sa iyo. Hindi ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?”—Gen. 18:22-33.
18. Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Jehova kay Abraham?
18 Sa ulat na ito, ano ang matututuhan natin tungkol sa pag-iisip ni Jehova? Kinailangan ba niyang makipagkatuwiranan kay Abraham para makagawa ng tamang pasiya? Hindi naman. Siyempre pa, puwede rin sanang sinabi agad ni Jehova ang mga dahilan kung bakit gayon ang pasiya niya. Pero sa mga tanong ni Abraham, nabigyan siya ni Jehova ng panahon na matanggap ang pasiya at maunawaan ang Kaniyang pag-iisip. Nakatulong din ito para makita ni Abraham na talagang mahabagin at makatarungan si Jehova. Oo, pinakitunguhan ni Jehova si Abraham gaya ng isang kaibigan.—Isa. 41:8; Sant. 2:23.
Mga Aral Para sa Atin
19. Paano natin matutularan si Job?
19 Ano ang natutuhan natin tungkol sa “pag-iisip ni Jehova”? Dapat nating gawing gabay ang Salita ng Diyos para maunawaan ang kaniyang pag-iisip. Hindi natin dapat hatulan si Jehova ayon sa ating limitadong pananaw at sariling pamantayan. Sinabi ni Job: “[Ang Job 9:32) Tulad ni Job, kapag naunawaan natin ang pag-iisip ni Jehova, tiyak na sasabihin natin: “Narito! Ito ang mga gilid ng kaniyang mga daan, at bulong lamang ng isang bagay ang narinig tungkol sa kaniya! Ngunit tungkol sa kaniyang malakas na kulog ay sino ang makapagpapakita ng unawa?”—Job 26:14.
Diyos] ay hindi taong tulad ko anupat masasagot ko siya, anupat makaparoroon kaming magkasama sa kahatulan.” (20. Ano ang dapat gawin kapag may nabasa tayong teksto na mahirap maunawaan?
20 Ano ang dapat gawin kapag may nabasa tayong teksto sa Bibliya na mahirap maunawaan, lalo na kung tungkol sa pag-iisip ni Jehova? Kung nagsaliksik na tayo at hindi pa rin natin iyon maunawaan, ituring natin itong pagsubok sa ating pagtitiwala kay Jehova. Tandaan, may mga pananalita sa Bibliya na nagbibigay sa atin ng pagkakataong maipakita na nagtitiwala tayo sa mga katangian ni Jehova. Mapagpakumbaba nating kilalanin na hindi lahat ng ginagawa ni Jehova ay nauunawaan natin. (Ecles. 11:5) Kaya naman sang-ayon tayo sa sinabi ni Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan! Sapagkat ‘sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang tagapayo?’ O, ‘Sino ang unang nagbigay sa kaniya, anupat dapat itong gantihan sa kaniya?’ Sapagkat mula sa kaniya at sa pamamagitan niya at para sa kaniya ang lahat ng bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.”—Roma 11:33-36.
[Mga talababa]
^ par. 14 Isang katulad na ulat ang mababasa sa Bilang 14:11-20.
^ par. 15 Ayon sa ilang iskolar, ang Hebreong pananalitang “pabayaan mo ako” sa Exodo 32:10 ay maaaring mangahulugan ng isang paanyaya—isang pahiwatig na si Moises ay pinahihintulutang mamagitan, o ‘tumayo sa puwang,’ sa gitna ni Jehova at ng bansa. (Awit 106:23; Ezek. 22:30) Kaya naman malayang nasabi ni Moises kay Jehova ang kaniyang opinyon.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang tutulong sa atin para maiwasan ang tendensiyang hatulan si Jehova ayon sa ating pamantayan?
• Paano makatutulong sa atin ang pagkaunawa sa mga ginawa ni Jesus para magkaroon ng “matalik na kaugnayan kay Jehova”?
• Anong mga aral ang natutuhan mo sa pakikipag-usap ni Jehova kina Moises at Abraham?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 5]
Ano ang matututuhan natin tungkol sa pag-iisip ni Jehova batay sa naging pakikitungo niya kina Moises at Abraham?