Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglilingkod sa Panahon ng Kamangha-manghang Pagsulong

Paglilingkod sa Panahon ng Kamangha-manghang Pagsulong

Paglilingkod sa Panahon ng Kamangha-manghang Pagsulong

Ayon sa salaysay ni Harley Harris

Noon ay Setyembre 2, 1950, sa Kennett, Missouri, E.U.A. Nasa isang pansirkitong asamblea kami at napapalibutan ng mga mang-uumog. Ipinadala ng meyor ang National Guard para protektahan kami. Nakahilera sa kalsada ang mga sundalong may hawak na riple at bayoneta. Naririnig namin ang pang-iinsulto ng mga tao habang pasakay kami sa aming mga sasakyan para magtungo sa Cape Girardeau, Missouri, upang doon ituloy ang asamblea. Doon ako nabautismuhan sa edad na 14. Pero ikukuwento ko muna sa inyo kung paano ako naging lingkod ni Jehova sa panahong iyon ng kaguluhan.

NOONG unang mga taon ng dekada ng 1930, napakinggan ng lolo’t lola ko at ng kanilang walong anak ang rekording ng mga pahayag ni Brother Rutherford at nakumbinsi silang iyon na ang katotohanan. Ang aking mga magulang, sina Bay at Mildred Harris, ay nabautismuhan noong 1935 sa kombensiyon sa Washington, D.C. Tuwang-tuwa silang maging bahagi ng “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong,” na ipinakilala sa mismong kombensiyong iyon.​—Apoc. 7:9, 14; King James Version.

Ipinanganak ako nang sumunod na taon. Pagkalipas ng isa pang taon, lumipat ang mga magulang ko sa isang liblib na teritoryo sa Mississippi. Noong nakatira kami roon, wala man lang kaming naglalakbay na tagapangasiwa. Nagkakaroon lang kami ng pakikipag-ugnayan sa mga kapatid kapag nakikipagsulatan kami sa Bethel at dumadalo sa mga asamblea.

Nagbata ng Pag-uusig

Noong Digmaang Pandaigdig II, dumanas ng maraming pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang neutralidad. Naninirahan kami noon sa Mountain Home, Arkansas. Isang araw, nagpapatotoo kami ni Itay sa lansangan nang biglang hablutin ng isang lalaki ang mga magasing hawak niya at sinunog ang mga ito sa harap namin. Tinawag niya kaming duwag dahil hindi kami sumasali sa digmaan. Palibhasa’y limang taon pa lang ako noon, umiyak ako. Mahinahon at walang-imik na tiningnan lang ni Itay ang lalaki hanggang sa ito’y umalis.

Mayroon din namang mabubuting tao na sang-ayon sa aming gawain. Minsan, nang palibutan ng mga mang-uumog ang sasakyan namin, dumating ang isang kilaláng abogado. “Ano’ng gulo ito?” ang tanong niya. Sumagot ang isang lalaki, “Ito kasing mga Saksi ni Jehova, ayaw makipaglaban para sa bayan!” Tumuntong ang abogado sa estribo ng sasakyan namin at sumigaw: “Nakipaglaban ako noong Digmaang Pandaigdig I, at makikipaglaban ulit ako ngayon! Huwag ninyong galawin ang mga taong ito. Hindi naman nila kayo inaano!” Tahimik na nag-alisan ang mga mang-uumog. Salamat na lang at mayroon ding mabubuting tao gaya ng abogadong iyon!​—Gawa 27:3.

Napatibay ng mga Kombensiyon

Malaking pampatibay sa amin ang kombensiyon sa St. Louis, Missouri, noong 1941. Mahigit 115,000 ang dumalo noon, at 3,903 ang nabautismuhan! Tandang-tanda ko pa ang pahayag ni Brother Rutherford na “Mga Anak ng Hari.” Kami mismong mga bata ang kinausap niya, at lahat kami ay binigyan ng kopya ng magandang asul na aklat na Children. Napatibay ako ng kombensiyong iyon na harapin ang problemang bumangon noong sumunod na taon nang magsimula na akong mag-aral. Kaming magpipinsan ay pinatalsik sa paaralan dahil ayaw naming sumaludo sa bandila. Bagaman malayo ang nilalakad namin, pumapasok pa rin kami araw-araw para tingnan kung nagbago na ng isip ang mga nangangasiwa sa paaralan, pero sayang lang ang pagod namin. Sa paanuman, naipakita namin na tapat kami sa Kaharian ng Diyos.

Di-nagtagal, ipinasiya ng Korte Suprema ng Estados Unidos na hindi sapilitan ang pagsaludo sa bandila. Sa wakas, nakapasok na rin kami sa paaralan. Napakabait ng aming guro at tinulungan kaming makahabol sa mga aralin. May respeto rin sa amin ang mga kaeskuwela namin.

Natatandaan ko rin ang kombensiyon sa Cleveland, Ohio, noong 1942. Ibinigay ni Brother Nathan H. Knorr ang pahayag na “Kapayapaan​—Mananatili ba Ito?” Ipinakita ng pagsusuring ito sa Apocalipsis kabanata 17 na magkakaroon ng isang yugto ng kapayapaan pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Kaya inaasahan noon ang higit na pagsulong. Bilang paghahanda, itinatag ang Paaralang Gilead noong 1943. Wala akong kamalay-malay na makakaapekto ito sa aking kinabukasan. Nagkaroon nga ng kapayapaan at nabawasan ang pag-uusig. Pero nang sumiklab ang Korean War noong 1950, tumindi na naman ang pagsalansang sa aming gawain, gaya ng inilarawan sa pasimula.

Higit na Pakikibahagi sa Pagsulong

Noong 1954, nagtapos ako ng haiskul at nagpayunir pagkaraan ng isang buwan. Pagkatapos kong maglingkod sa Kennett, Missouri, kung saan pinalibutan kami ng mga mang-uumog noong 1950, inanyayahan ako sa Bethel noong Marso 1955. Kasama sa teritoryo ng kongregasyon ko noon ang Times Square, na nasa sentro ng New York City. Napakalaking pagbabago nito mula sa buhay-probinsiya! Nakukuha ko ang interes ng abalang mga taga-New York kapag inihaharap ko ang nakaiintrigang artikulo sa isang magasin at sinasabi, “Naitanong mo na rin ba ito?” Marami ang tumanggap ng mga magasin.

Ang isang gustung-gusto ko sa Bethel ay ang pang-umagang pagsamba na pinangangasiwaan ni Brother Knorr. Napakahusay niyang magpaliwanag ng mga teksto sa Bibliya at kung paano namin ito maikakapit! Para siyang ama kung makipag-usap sa mga binatang gaya ko at madalas niya kaming payuhan kung paano makikitungo sa mga di-kasekso. Noong 1960, nagpasiya akong mag-asawa na.

Nagbigay ako ng abiso sa Bethel 30 araw bago ako umalis pero walang sagot. Sa pagtatapos ng 30 araw, kahit nahihiya, lakas-loob akong nagtanong kung natanggap nila ang aking abiso. Si Brother Robert Wallen ang nakasagot sa telepono at pinuntahan niya ako sa pinagtatrabahuhan ko. Tinanong niya kung ano ang masasabi ko sa pagiging special pioneer o kaya’y tagapangasiwa ng sirkito. “Pero Bob,” ang sagot ko, “24 anyos lang ako, at wala akong karanasan diyan.”

Gawaing Pansirkito

Kinagabihan, isang malaking sobre ang nadatnan ko sa kuwarto. Nasa loob ang isang aplikasyon para sa paglilingkod bilang special pioneer at isa pa para naman sa gawaing pansirkito. Wow! Halos himatayin ako sa tuwa! Kaya naman nagkapribilehiyo akong paglingkuran ang mga kapatid bilang tagapangasiwa ng sirkito sa timog-kanlurang Missouri at silangang Kansas. Pero bago ako lumabas sa Bethel, dumalo muna ako sa isang miting para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa. Sa konklusyon ni Brother Knorr, sinabi niya: “Hindi komo mga tagapangasiwa kayo ng sirkito at distrito ay mas marami na kayong alam kaysa sa mga kapatid. Ang iba sa kanila ay mas makaranasan kaysa sa inyo. Wala lang sila sa kalagayan para sa ganitong pribilehiyo. Marami kayong matututuhan sa kanila.”

Tama nga siya! Ang ilang halimbawa nito ay si Brother Fred Molohan at ang kaniyang asawa, at ang kuya niyang si Charley na taga-Parsons, Kansas. Natutuhan nila ang katotohanan noong unang mga taon ng 1900. Ang gaganda ng mga karanasan nila na nangyari hindi pa man ako ipinanganganak! Ang isa pa ay ang napakatagal nang payunir na si John Wristen, isang mabait at may-edad nang brother na taga-Joplin, Missouri. Napakalaki ng paggalang ng mga kapatid na ito sa teokratikong kaayusan. Nadama ko ang pagpapahalaga nila sa akin bilang tagapangasiwa ng sirkito kahit napakabata ko pa.

Noong 1962, pinakasalan ko si Cloris Knoche, isang masiglang payunir. Nanatili kami sa gawaing pansirkito. Mas nakikilala namin ang mga kapatid kapag tumutuloy kami sa bahay nila. Napasigla namin ang mga kabataan na pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Dalawang tin-edyer sa sirkito​—sina Jay Kosinski at JoAnn Kresyman​—ang agad tumugon. Dahil naglilingkod kaming kasama nila at nagkukuwento tungkol sa kagalakang dulot ng pagsasakripisyo sa sarili, napasigla silang magtakda ng mga tunguhin. Naging special pioneer si JoAnn at Bethelite naman si Jay. Nang maglaon, nagpakasal sila, at sa ngayon ay mga 30 taon na sila sa gawaing pansirkito.

Pagmimisyonero

Noong 1966, tinanong kami ni Brother Knorr kung interesado kaming maglingkod sa ibang bansa. “Masaya na kami sa aming pribilehiyo,” ang sagot namin, “pero kung may pangangailangan sa ibang lugar, puwede kami.” Pagkaraan ng isang linggo, inimbitahan kami sa Paaralang Gilead. Nakakasabik magbalik sa Bethel para sa pag-aaral at makapiling ang maraming kapatid na minamahal ko at nirerespeto! Naging kaibigan din namin ang aming mga kaeskuwela, na tapat na naglilingkod hanggang sa ngayon.

Kami ni Cloris ay ipinadala sa Ecuador sa Timog Amerika, kasama sina Dennis at Edwina Crist, Ana Rodríguez, at Delia Sánchez. Ang mag-asawang Crist ay inatasan sa kabiserang lunsod, sa Quito. Sina Ana at Delia naman, kasama namin, ay inatasan sa Cuenca, ang ikatlong pinakamalaking lunsod sa Ecuador. Dalawang probinsiya ang sakop ng teritoryo. Nagsimula sa aming salas ang unang kongregasyon ng Cuenca, kaming apat kasama ang dalawa pa. Matatapos kaya namin ang buong teritoryo?

Napakaraming simbahan sa Cuenca, at sa diumano’y mga banal na araw, abut-abot ang prusisyon sa lunsod. Pero maraming tanong ang mga tagaroon. Halimbawa, nang una kong makilala si Mario Polo, isang kampeong siklista, nagulat ako sa tanong niya, “Sino ba ang patutot na binabanggit sa Apocalipsis?”

Isang gabi, dumating si Mario sa amin na balisang-balisa. Binigyan daw siya ng isang pastor ng babasahin na nag-aakusa sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi ko na dapat kaming bigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang aming sarili. Kaya kinabukasan, ako at ang pastor ay inanyayahan ni Mario sa bahay nila. Iminungkahi kong pag-usapan namin ang tungkol sa Trinidad. Nang basahin ng pastor ang Juan 1:1, si Mario mismo ang nagpaliwanag ng pagkakaiba ng “ang Diyos” at “isang diyos” sa wikang Griego. Ganoon din ang ginawa namin sa iba pang talata sa Bibliya. Kaya umuwi ang pastor nang hindi niya napatunayan ang Trinidad. Nakumbinsi si Mario at ang asawa niya na kami nga ang nagtuturo ng katotohanan, at sila’y naging mahuhusay na tagapagtanggol ng Bibliya. Nakagagalak makitang 33 na ang kongregasyon sa Cuenca, at mayroon nang kabuuang 63 kongregasyon sa aming napakalawak na teritoryo. Isa nga itong kamangha-manghang pagsulong!

Nasaksihan ang Pagsulong Mula sa Sangay

Noong 1970, kami ni Al Schullo ay inatasang maglingkod sa sangay sa Guayaquil. Si Joe Sekerak ang nagtatrabaho nang part-time bilang tagaimpake ng literatura para sa 46 na kongregasyon sa buong bansa. Habang nagtatrabaho ako sa Bethel, si Cloris naman ay nangangaral sa larangan. Natulungan niya ang 55 katao na magpabautismo, at kadalasan nang tatlo hanggang limang estudyante niya ang nababautismuhan bawat asamblea.

Halimbawa, naging estudyante ni Cloris si Lucresia, na salansang ang asawa. Pero nagpatuloy pa rin siya hanggang sa mabautismuhan at maging regular pioneer. Tinuruan niya ang kaniyang mga anak tungkol kay Jehova. Ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay mga elder na ngayon, at special pioneer ang isa sa kanila; payunir din ang kaniyang anak na babae. Ang kaniyang apo ay nakapag-asawa ng isang mahusay na brother, at mga special pioneer din sila. Marami ang natulungan ng pamilyang ito na matuto ng katotohanan.

Pagsapit ng 1980, mayroon nang mga 5,000 mamamahayag sa Ecuador. Masikip na ang aming maliit na opisina. Isang brother ang nag-alok ng mga 32-ektaryang lote sa labas ng Guayaquil. Noong 1984, nagtayo kami roon ng isang bagong tanggapang pansangay at isang Assembly Hall na inialay noong 1987.

Marami ang Tumulong

Sa nakalipas na mga taon, nakakatuwang makita na maraming mamamahayag at payunir mula sa ibang bansa ang dumayo sa Ecuador upang tumulong sa pangangaral. Hindi ko malilimutan si Andy Kidd, isang retiradong guro na taga-Canada. Lumipat siya sa Ecuador noong 1985 sa edad na 70 at tapat na naglingkod hanggang sa mamatay siya noong 2008 sa edad na 93. Nang una ko siyang makita sa kaniyang teritoryo, siya lang ang tagapangasiwa sa isang maliit na kongregasyon. Kahit hirap na hirap mag-Kastila, siya ang nagbibigay ng pahayag pangmadla at nangangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan. Siya rin ang nangangasiwa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at gumaganap sa halos lahat ng bahagi sa Pulong sa Paglilingkod! Sa ngayon, mayroon nang dalawang masiglang kongregasyon doon, na may halos 200 mamamahayag at maraming elder.

Si Ernesto Diaz, taga-Estados Unidos, ay lumipat din sa Ecuador kasama ang kaniyang pamilya. Pagkalipas ng walong buwan, sinabi niya: “Nakakapagsalita na ng Kastila ang tatlo naming anak at mahuhusay nang magturo. Naabot ko ang isang tunguhin na parang imposibleng gawin ng mga ama​—ang maglingkod bilang regular pioneer kasama ang aking pamilya. Lahat-lahat, mayroon kaming 25 pag-aaral sa Bibliya. Lalong naging malapít sa isa’t isa ang aming pamilya, at mas nápalapít din ako kay Jehova.” Mahal na mahal namin ang mga kapatid na ito!

Dinoble ang laki ng pasilidad ng sangay noong 1994. At noong 2005, naabot namin ang mahigit 50,000 mamamahayag anupat kinailangan na namang palawakin ang sangay. Kasama rito ang mas malaking Assembly Hall, bagong gusaling tirahan, at mga opisina para sa pagsasalin. Ang mga bagong pasilidad na ito ay inialay noong Oktubre 31, 2009.

Nang patalsikin ako sa paaralan noong 1942, mga 60,000 ang Saksi sa Estados Unidos. Ngayon ay mahigit nang isang milyon. Nang dumating kami sa Ecuador noong 1966, mga 1,400 pa lang ang mamamahayag. Ngayon, mahigit nang 68,000. At tiyak na mas marami pang madaragdag mula sa 120,000 estudyante sa Bibliya at mahigit 232,000 dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 2009. Talagang pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan sa paraang hindi natin sukat akalain. Kapana-panabik ngang mabuhay sa panahong ito ng kamangha-manghang pagsulong! *

[Talababa]

^ par. 34 Habang inihahanda ang artikulong ito para ilathala, si Harley Harris ay namatay na tapat kay Jehova.

[Mga larawan sa pahina 5]

Isang asamblea (1981) at ang Assembly Hall ng Guayaquil (2009) sa iisang lokasyon