Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hayaang Ingatan ng “Kautusan ng Maibiging-Kabaitan” ang Iyong Dila

Hayaang Ingatan ng “Kautusan ng Maibiging-Kabaitan” ang Iyong Dila

Hayaang Ingatan ng “Kautusan ng Maibiging-Kabaitan” ang Iyong Dila

“Ang kaniyang bibig ay ibinubuka niya sa karunungan, at ang kautusan ng maibiging-kabaitan ay nasa kaniyang dila.”​—KAW. 31:26.

1, 2. (a) Anong katangian ang dapat linangin ng mga mananamba ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

TUMANGGAP si Haring Lemuel ng mahalagang mensahe mula sa kaniyang ina tungkol sa magandang katangian ng isang asawang babae. “Ang kaniyang bibig ay ibinubuka niya sa karunungan,” ang sabi sa kaniya, “at ang kautusan ng maibiging-kabaitan ay nasa kaniyang dila.” (Kaw. 31:1, 10, 26) Ang maibiging-kabaitan ay isang kanais-nais na bagay sa dila ng isang matalinong babae at ng lahat ng gustong magpasaya sa puso ni Jehova. (Basahin ang Kawikaan 19:22.) Dapat itong makita sa pananalita ng lahat ng tunay na mananamba.

2 Ano ang maibiging-kabaitan? Kanino ito dapat ipakita? Ano ang tutulong sa atin para masabing nasa dila natin “ang kautusan ng maibiging-kabaitan”? Ano ang epekto nito sa ating pakikipag-usap sa mga kapamilya at mga kapuwa Kristiyano?

Kabaitan Udyok ng Matapat na Pag-ibig

3, 4. (a) Ano ang maibiging-kabaitan? (b) Ano ang kaibahan ng maibiging-kabaitan sa karaniwang kabaitan, o makataong kabaitan?

3 Gaya ng ipinahihiwatig ng mismong termino, ang maibiging-kabaitan ay pinagsamang pag-ibig at kabaitan. Ang kabaitan ay ang pagpapakita ng personal na interes sa iba sa pamamagitan ng pagtulong at makonsiderasyong pagsasalita. Yamang sangkot din ang pag-ibig, kailangan din ang pagpapakita ng malasakit dahil sa pag-ibig. Pero ang orihinal na salita para sa maibiging-kabaitan ay hindi lang basta kabaitan udyok ng pag-ibig. Ito ay ang pagpapakita ng kusa at tapat na kabaitan sa isang tao hanggang sa matupad ang layunin ng kabaitang ipinapakita sa kaniya.

4 May isa pang pagkakaiba ang maibiging-kabaitan at ang basta kabaitan lang. Ang karaniwang kabaitan, o makataong kabaitan, ay puwedeng ipakita kahit sa mga di-kilala. Si apostol Pablo at ang 275 iba pang sakay ng sumadsad na barko ay pinagpakitaan ng ganitong uri ng kabaitan ng mga nakatira sa pulo ng Malta​—mga taong noon lang nila nakita. (Gawa 27:37–28:2) Samantala, ang maibiging-kabaitan ay may kinalaman sa tapat na ugnayan ng mga indibiduwal na magkakakilala na. * Ito ang ipinakita ng mga Kenita sa “lahat ng mga anak ni Israel noong panahong umaahon sila mula sa Ehipto.”​—1 Sam. 15:6.

Mahalaga ang Pagbubulay-bulay at Panalangin

5. Ano ang tutulong sa atin na marendahan ang ating dila?

5 Hindi madaling ipakita sa ating pagsasalita ang maibiging-kabaitan. Tungkol sa dila, sumulat ang alagad na si Santiago: “Walang isa man sa sangkatauhan ang makapagpaamo nito. Isang di-masupil at nakapipinsalang bagay, ito ay punô ng nakamamatay na lason.” (Sant. 3:8) Ano ang tutulong sa atin na marendahan ang bahaging ito ng katawan na napakahirap kontrolin? May matututuhan tayo sa sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon noon: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat. 12:34) Para maipakita sa ating pagsasalita ang maibiging-kabaitan, dapat itong linangin sa ating puso​—sa ating pagkatao. Tingnan natin kung paano makakatulong ang pagbubulay-bulay at panalangin para magawa ito.

6. Bakit dapat nating bulay-bulayin nang may pagpapahalaga ang maibiging-kabaitang ipinakita ni Jehova?

6 Si Jehova ay “sagana sa maibiging-kabaitan,” ang sabi ng Bibliya. (Ex. 34:6) “O Jehova, ang lupa ay pinunô ng iyong maibiging-kabaitan,” ang awit ng salmista. (Awit 119:64) Maraming ulat sa Kasulatan kung paano nagpakita si Jehova ng maibiging-kabaitan sa kaniyang mga mananamba. Kung may-pagpapahalaga nating bubulay-bulayin ang mga ito, mauudyukan tayong linangin ang katangiang ito ng Diyos.​—Basahin ang Awit 77:12.

7, 8. (a) Anong maibiging-kabaitan ang ipinakita ni Jehova kay Lot at sa pamilya nito? (b) Ano ang nadama ni David nang pagpakitaan siya ng Diyos ng maibiging-kabaitan?

7 Halimbawa, tingnan natin kung paano iniligtas ni Jehova ang pamangkin ni Abraham na si Lot at ang pamilya nito nang puksain Niya ang Sodoma, ang lunsod kung saan sila naninirahan. Habang papalapit ang pagpuksa, sinabihan ng mga anghel si Lot na umalis agad sa lunsod at isama ang kaniyang pamilya. “Nang siya ay nagluluwat pa,” ang sabi ng Bibliya, “sa habag nga ni Jehova sa kaniya, sinunggaban ng [mga anghel] ang kaniyang kamay at ang kamay ng kaniyang asawa at ang mga kamay ng kaniyang dalawang anak at inilabas nila siya at inilagay siya sa labas ng lunsod.” Kapag binubulay-bulay natin ito, hindi ba’t naaantig tayo at nakikita nating ito nga’y kapahayagan ng maibiging-kabaitan ng Diyos?​—Gen. 19:16, 19.

8 Tingnan din ang nangyari kay Haring David, na umawit: “[Si Jehova ay] nagpapatawad ng lahat ng iyong kamalian, [siya ay] nagpapagaling ng lahat ng iyong karamdaman.” Tiyak na laking pasasalamat ni David nang patawarin siya sa pagkakasala nila ni Bat-sheba! Pumuri siya kay Jehova: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, ang kaniyang maibiging-kabaitan ay nakahihigit para sa mga may takot sa kaniya.” (Awit 103:3, 11) Kapag binulay-bulay ang mga ito at ang iba pang ulat sa Bibliya, mag-uumapaw ang ating puso sa pasasalamat sa maibiging-kabaitan ni Jehova, at mauudyukan tayong purihin siya at pasalamatan. Habang nalilipos ng pasasalamat ang ating puso, lalo nating nanaising tularan ang tunay na Diyos.​—Efe. 5:1.

9. Ano ang matibay na dahilan para magpakita ng maibiging-kabaitan ang mga mananamba ni Jehova?

9 Ipinapakita ng mga halimbawa sa Kasulatan na si Jehova ay nagpapamalas ng maibiging-kabaitan​—ng matapat na pag-ibig​—sa mga taong tumanggap na ng pagsang-ayon niya. Paano naman ang mga taong walang malapít na kaugnayan sa Diyos? Mabait din ba si Jehova sa kanila? Oo. “[Ang Diyos] ay mabait sa mga walang utang-na-loob at balakyot,” ang sabi sa Lucas 6:35. “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mat. 5:45) Bago pa man natin matutuhan ang katotohanan at maikapit ito, pinagpapakitaan na tayo ng Diyos ng kabaitan, o ng karaniwang kabaitan. Pero bilang mga mananamba niya, tumatanggap tayo ng kaniyang matapat na pag-ibig​—ang kaniyang di-nagmamaliw na maibiging-kabaitan. (Basahin ang Isaias 54:10.) Talagang ipinagpapasalamat natin ito! Isa nga itong napakatibay na dahilan para magpakita ng maibiging-kabaitan sa pagsasalita at sa iba pang bahagi ng ating buhay!

10. Bakit napakahalaga ng panalangin para maging bahagi ng ating personalidad ang maibiging-kabaitan?

10 Napakahalaga rin ng panalangin para malinang ang maibiging-kabaitan. Bakit? Dahil ang pag-ibig at kabaitan, na bumubuo sa maibiging-kabaitan, ay mga bunga ng banal na espiritu ni Jehova. (Gal. 5:22) Maikikintal natin sa ating puso ang maibiging-kabaitan kung magpapaakay tayo sa espiritung iyan. Ang pinakatuwirang paraan para tumanggap ng banal na espiritu ni Jehova ay ang hilingin ito sa panalangin. (Luc. 11:13) Angkop lang na paulit-ulit nating hilingin ang espiritu ng Diyos at tanggapin ang patnubay nito. Oo, mahalaga ang pagbubulay-bulay at panalangin para mapasaating dila ang kautusan ng maibiging-kabaitan.

Sa Pag-uusap ng Mag-asawa

11. (a) Paano natin nalaman na inaasahan ni Jehova na magpapakita ng maibiging-kabaitan ang mga lalaki sa kanilang asawa? (b) Paano maiingatan ng maibiging-kabaitan ang dila ng asawang lalaki?

11 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efe. 5:25) Ipinaalala rin ni Pablo sa kanila ang sinabi ni Jehova kina Adan at Eva: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.” (Efe. 5:31) Maliwanag na inaasahan ni Jehova na pipisan ang mga asawang lalaki sa kanilang asawa, mananatiling tapat, at laging magpapakita ng maibiging-kabaitan sa kanila. Kapag nagagabayan ng matapat na pag-ibig ang dila ng asawang lalaki, hindi niya sasabihin sa iba ang kapintasan ng kaniyang asawa kundi pupurihin niya ito. (Kaw. 31:28) Kung mayroon siyang maibiging-kabaitan, hindi niya hihiyain ang kaniyang asawa sakali mang magkaroon ng di-pagkakaunawaan.

12. Paano makikita sa asawang babae na nagagabayan ng kautusan ng maibiging-kabaitan ang kaniyang dila?

12 Dapat ding magabayan ng kautusan ng maibiging-kabaitan ang dila ng asawang babae. Hindi dapat maimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan ang kaniyang pananalita. Dahil sa “matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki,” mga positibong bagay ang sinasabi niya tungkol sa kaniyang kabiyak, anupat lalo itong iginagalang ng iba. (Efe. 5:33) Hindi niya kinokontra ang kaniyang asawa sa harap ng mga anak nila para hindi mawala ang respeto ng mga ito sa kanilang ama. Sinasabi niya ang nasa loob niya kapag sila na lang dalawa. “Ang babaing tunay na marunong ay nagpapatibay ng kaniyang bahay,” ang sabi ng Bibliya. (Kaw. 14:1) Kaya naman nagiging maligaya ang kanilang tahanan.

13. Saan lalo na dapat makita ang kautusan ng maibiging-kabaitan? Paano ito magagawa ng mag-asawa?

13 Kahit sa loob ng bahay, ang mag-asawa ay dapat magsalita nang may paggalang sa isa’t isa. Sumulat si Pablo: “Alisin nga ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.” Sinabi pa niya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. . . . Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col. 3:8, 12-14) Kapag ang mga anak ay laging nakakarinig ng maibigin at mabait na pananalita sa loob ng bahay, magiging masaya sila at malamang na tularan nila iyon.

14. Paano magagamit ng mga ulo ng pamilya ang kanilang dila sa pag-alalay sa pamilya?

14 Sumulat ang salmista tungkol kay Jehova: “Ang iyong maibiging-kabaitan, O Jehova, ay patuloy na umalalay sa akin.” (Awit 94:18) Inaalalayan ni Jehova ang kaniyang bayan, pangunahin na, sa pamamagitan ng pagbibigay ng payo at patnubay. (Awit 119:105) Paano matutulungan ng halimbawa ng Diyos ang mga ulo ng pamilya para magamit ang kanilang dila sa pag-alalay sa pamilya? Magagawa nila ito kung magbibigay sila ng kinakailangang patnubay at pampatibay. Tamang-tama ang kaayusan ng Pampamilyang Pagsamba para madagdagan ang ating kaalaman sa Bibliya!​—Kaw. 24:4.

Matapat na Pag-ibig sa mga Kapananampalataya

15. Paano magagamit ng mga elder at ng iba pang may-gulang na Kristiyano ang kanilang dila para maingatan ang mga nasa kongregasyon?

15 “Ingatan nawa akong lagi ng iyong maibiging-kabaitan at ng iyong katotohanan,” ang dalangin ni Haring David. (Awit 40:11) Paano matutularan si Jehova ng mga elder at ng iba pang may-gulang na Kristiyano pagdating sa bagay na ito? Ang paggamit ng dila para itawag-pansin ang impormasyon sa Bibliya ay pagpapakita ng maibiging-kabaitan.​—Kaw. 17:17.

16, 17. Ano ang ilang paraan para maipakitang ginagabayan ng kautusan ng maibiging-kabaitan ang ating dila?

16 Ano ang dapat nating gawin kapag napansin nating may ginagawa ang isang kapatid na magsasapanganib sa kaniyang espirituwalidad? Hindi ba’t gagamitin natin ang ating dila para ituwid siya? (Awit 141:5) Kapag nagkasala nang malubha ang isang kapatid, hihimukin natin siyang ‘tawagin ang matatandang lalaki ng kongregasyon,’ para ‘maipanalangin siya at mapahiran ng langis sa pangalan ni Jehova.’ (Sant. 5:14) Kung hindi niya ito gagawin, tayo ang magsasabi nito sa mga elder bilang pagpapakita ng pag-ibig at kabaitan. Baka ang ilan sa atin ay nasisiraan ng loob, nalulungkot, nakadaramang wala silang halaga, o nawawalan na ng pag-asa. Makakapagpakita tayo ng maibiging-kabaitan kung ‘magsasalita tayo nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.’​—1 Tes. 5:14.

17 Ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag sinisiraan ng mga kaaway ng Diyos ang ating mga kapananampalataya? Sa halip na pagdudahan ang ating mga kapatid, huwag na lang itong patulan; kung matino namang kausap ang nag-aakusa, puwede natin siyang tanungin kung mapapatunayan ba niya ang kaniyang sinasabi. Kung inaalam ng mga kaaway ng bayan ng Diyos ang kinaroroonan ng ating mga kapatid, uudyukan tayo ng matapat na pag-ibig na huwag magbigay ng impormasyon.​—Kaw. 18:24.

Ang Isa na May “Maibiging-Kabaitan ay Makasusumpong ng Buhay”

18, 19. Bakit hindi dapat mawala sa ating dila ang kautusan ng maibiging-kabaitan kapag nakikitungo sa mga kapananampalataya?

18 Ang matapat na pag-ibig ay dapat makita sa bawat pakikitungo natin sa ating mga kapananampalataya. Mahirap man ang kalagayan, hindi dapat mawala sa ating dila ang kautusan ng maibiging-kabaitan. Hindi nalugod si Jehova nang maging “parang hamog na maagang naglalaho” ang maibiging-kabaitan ng mga anak ni Israel. (Os. 6:4, 6) Sa kabilang banda naman, nalulugod si Jehova kapag lagi tayong nagpapakita ng maibiging-kabaitan. Paano niya pinagpapala ang mga nagpapakita nito?

19 Sinasabi sa Kawikaan 21:21: “Siyang nagtataguyod ng katuwiran at maibiging-kabaitan ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at kaluwalhatian.” Ang isa sa mga pagpapalang tatanggapin ng gayong tao ay ang buhay​—buhay na walang hanggan. Tutulungan siya ni Jehova na ‘makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Tim. 6:12, 19) Kaya nga “magpakita [tayo] sa isa’t isa ng maibiging-kabaitan.”​—Zac. 7:9.

[Talababa]

^ par. 4 Para sa higit pang detalye tungkol sa pagkakaiba ng maibiging-kabaitan at ng pagkamatapat, pag-ibig, at kabaitan, tingnan Ang Bantayan, Mayo 15, 2002, pahina 12-13, 18-19.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Ano ang ibig sabihin ng maibiging- kabaitan?

• Ano ang tutulong sa atin para mapasaating dila ang kautusan ng maibiging-kabaitan?

• Paano makikita sa pananalita ng mag-asawa ang matapat na pag-ibig?

• Ano ang nagpapakitang nasa ating dila ang kautusan ng maibiging-kabaitan kapag nakikitungo sa ating mga kapananampalataya?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Pinuri ni David ang maibiging-kabaitan ni Jehova

[Larawan sa pahina 24]

Regular ba ang inyong Pampamilyang Pagsamba?