Marcos—‘Kapaki-pakinabang sa Paglilingkod’
Marcos—‘Kapaki-pakinabang sa Paglilingkod’
NAGKAROON na ng mga problema ang kongregasyon sa Antioquia, pero ibang klase ang naging pagtatalo ng dalawang apostol na sina Pablo at Bernabe. Pinaplano ng mga lalaking ito ang paglalakbay nila bilang misyonero, pero nang pag-usapan na kung sino ang kanilang isasama, nagkaroon ng “matinding pagsiklab ng galit.” (Gawa 15:39) Naghiwalay ang dalawa at nagpunta sa magkaibang teritoryo. Sino ba ang pinagtatalunan nila? Si Marcos—isa pang misyonero.
Sino nga ba si Marcos? Bakit kaya siya pinagtatalunan ng dalawang apostol na ito? Bakit masyado nilang iginigiit ang kani-kanilang opinyon? Nagbago rin ba ang mga opinyon nila? At ano ang matututuhan mo sa karanasan ni Marcos?
Lumaki sa Jerusalem
Si Marcos, na galing marahil sa isang mayamang pamilyang Judio, ay lumaki sa Jerusalem. Ang pangalan niya ay unang nabanggit sa kasaysayan ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. Noong mga Gawa 12:1-12. *
44 C.E., matapos ang makahimalang pagpapalaya ng anghel ni Jehova kay apostol Pedro mula sa bilangguan ni Herodes Agripa I, dumeretso si Pedro “sa bahay ni Maria na ina ni Juan na may huling pangalang Marcos, kung saan marami ang nagtitipon at nananalangin.”—Kung gayon, lumilitaw na sa bahay ng ina ni Marcos nagpupulong noon ang kongregasyon sa Jerusalem. Yamang “marami” ang nagtitipon doon, malamang na malaki ang bahay na ito. Si Maria ay may alilang babae na nagngangalang Roda na siyang lumapit “sa pinto ng pintuang-daan” nang kumatok dito si Pedro. Ipinakikita ng mga detalyeng ito na nakaaangat sa buhay si Maria. At dahil ang bahay ay sinasabing kaniyang tahanan sa halip na sa kaniyang asawa, posibleng biyuda na siya at si Marcos naman ay bata pa.—Gawa 12:13.
Malamang na kabilang si Marcos sa mga nagtitipon noon para manalangin. Tiyak na kilalang-kilala niya ang mga alagad ni Jesus at ang iba pang nakasaksi sa ministeryo ni Jesus. Sa katunayan, posibleng si Marcos ang kabataang nakasuot ng kasuutang lino na sumunod kay Jesus nang arestuhin ito pero tumakas nang tangkain ng pulutong na dakpin siya.—Mar. 14:51, 52.
Mga Pribilehiyo sa Kongregasyon
Tiyak na nakatulong kay Marcos ang pakikisama sa mga may-gulang na Kristiyano. Sumulong siya sa espirituwal at natuwa sa kaniya ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon. Noong mga 46 C.E., nang dalhin nina Pablo at Bernabe sa Jerusalem—na dumaranas ng taggutom—ang “tulong bilang paglilingkod” mula sa Antioquia, napansin nila si Marcos. Kaya nang bumalik sila sa Antioquia, isinama nila ito.—Gawa 11:27-30; 12:25.
Baka isipin ng ilan na walang ibang koneksiyon ang tatlong misyonero maliban sa pagiging magkakapatid sa espirituwal, at na isinama lang nina Pablo at Bernabe si Marcos dahil sa mga kakayahan nito. Pero ipinakikita sa isa sa mga liham ni Pablo na magpinsan pala sina Bernabe at Marcos. (Col. 4:10) Makakatulong ang detalyeng ito para maunawaan ang kasunod na mga ulat tungkol kay Marcos.
Makalipas ang isang taon o higit pa, tinagubilinan ng banal na espiritu sina Pablo at Bernabe na maglakbay bilang misyonero. Mula Antioquia, naglayag sila patungong Ciprus. Kasama nila si Juan Marcos “bilang tagapaglingkod.” (Gawa 13:2-5) Si Marcos marahil ang bahala sa mga bagay na kailangan sa paglalakbay para maasikaso ng dalawang apostol ang espirituwal na mga bagay.
Habang tinatawid nina Pablo, Bernabe, at Marcos ang Ciprus, nangaral sila; pagkatapos ay nagtungo na sila sa Asia Minor. Pagdating doon, may ginawa si Juan Marcos na hindi nagustuhan ni Pablo. Sinasabi ng ulat na pagdating sa Perga, “si Juan ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem.” (Gawa 13:13) Hindi binanggit kung bakit niya ito ginawa.
Makalipas ang ilang taon, nasa Antioquia na uli sina Pablo, Bernabe, at Marcos. Pinaplano ng Gawa 15:36-41) Maliwanag na magkaiba ang pananaw nina Pablo at Bernabe sa ginawa ni Marcos noon.
dalawang apostol ang kanilang ikalawang paglalakbay para kumustahin ang kalagayan ng mga kapatid. Gusto sanang isama ni Bernabe ang pinsan niya, pero ayaw ni Pablo dahil iniwan sila ni Marcos noon. Dito nagsimula ang pagtatalong binanggit kanina. Isinama ni Bernabe si Marcos sa Ciprus, samantalang si Pablo naman ay nagpunta sa Sirya. (Nagkasundo
Siguradong lungkot na lungkot si Marcos sa nangyaring iyon. Pero nanatili pa rin siyang tapat na lingkod. Mga 11 o 12 taon matapos silang magkaproblema ni Pablo, muling nabanggit si Marcos sa kasaysayan ng sinaunang mga Kristiyano. At alam mo ba kung sino ang kasama niya? Si Pablo!
Noong 60-61 C.E., samantalang nakabilanggo si Pablo sa Roma, nagpadala siya ng mga liham na bahagi ngayon ng Banal na Kasulatan. Sa liham niya sa mga taga-Colosas, isinulat niya: “Si Aristarco na aking kapuwa bihag ay nagpapadala sa inyo ng kaniyang mga pagbati, at gayundin si Marcos na pinsan ni Bernabe, (na may kinalaman sa kaniya ay tumanggap kayo ng mga utos na tanggapin siya kung sakaling paririyan siya sa inyo) . . . Ang mga ito lamang ang aking mga kamanggagawa para sa kaharian ng Diyos, at ang mga ito ang siyang naging tulong na nagpapalakas sa akin.”—Col. 4:10, 11.
Kaylaking pagbabago! Basang-basâ noon ang papel ni Marcos kay Pablo, pero ngayon, isa na ulit siyang pinahahalagahang kamanggagawa. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Colosas na posibleng dumalaw sa kanila si Marcos. Kung natuloy iyon, naging kinatawan ni Pablo si Marcos.
Sa nagdaang mga taon bago sila nagkasundo, puro pintas na lang kaya si Pablo kay Marcos? Nakatulong kaya kay Marcos ang disiplina? Anuman ang sagot sa mga tanong na ito, ang pagkakasundo nila ay patunay lang na pareho silang may-gulang. Ibinaon na nila sa limot ang nangyari at muling nagtulungan sa gawain. Napakaganda ngang halimbawa ito para sa dalawang Kristiyanong hindi nagkasundo!
Mga Paglalakbay
Kapag binasa mo ang tungkol sa mga paglalakbay ni Marcos, mapapansin mong marami rin siyang napuntahan. Siya’y taga-Jerusalem, lumipat sa Antioquia, at mula roon ay naglayag patungong Ciprus at Perga. Pagkatapos, sa Roma naman siya pumunta. Mula roon, plano ni Pablo na isugo siya sa Colosas. At marami pa siyang ibang napuntahan!
Isinulat ni apostol Pedro ang kaniyang unang liham noong mga 62 hanggang 64 C.E. Isinulat niya: “Siya na nasa Babilonya . . . ay nagpapadala ng kaniyang mga pagbati sa inyo, at gayundin si Marcos na aking anak.” (1 Ped. 5:13) Kaya naglakbay si Marcos sa Babilonya para maglingkod kasama ng apostol, na maraming taon bago nito ay dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong sa bahay ng kaniyang ina.
Sa ikalawang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma noong mga 65 C.E., sinulatan niya si Timoteo sa Efeso para papuntahin sa Roma. Sa sulat na ito, idinagdag niya: “Kunin mo si Marcos at isama mo siya.” (2 Tim. 4:11) Kaya nasa Efeso noon si Marcos. At siguradong sumama siya kay Timoteo papuntang Roma gaya ng bilin ni Pablo. Mahirap maglakbay noon, pero ginawa ito ni Marcos nang bukal sa loob.
Isa Pang Malaking Pribilehiyo
Isa pang malaking pribilehiyo ang natanggap ni Marcos nang gamitin siya ni Jehova para isulat ang isa sa mga Ebanghelyo. Bagaman hindi nabanggit sa ikalawang Ebanghelyo kung sino ang awtor nito, sinasabing si Marcos ang sumulat nito at kay Pedro nanggaling ang mga detalye. Sa katunayan, nasaksihan mismo ni Pedro ang halos lahat ng detalyeng iyon.
Sinasabi ng mga nagsuri sa Ebanghelyo ni Marcos na isinulat niya ito para sa mga mambabasang Gentil; ipinaliwanag niya ang tungkol sa kaugalian ng mga Judio. (Mar. 7:3; 14:12; 15:42) Isinalin niya ang mga terminong Aramaiko na posibleng hindi naiintindihan ng mga di-Judio. (Mar. 3:17; 5:41; 7:11, 34; 15:22, 34) Gumamit siya ng maraming terminong Latin at ipinaliwanag pa nga ang mga karaniwang salitang Griego sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang Latin. Binanggit niya ang katumbas na halaga ng pera ng mga Judio sa pera ng mga Romano. (Mar. 12:42, tlb. sa Reference Bible) Lahat ng detalyeng ito ay waring tumutugma sa matagal nang paniniwala na sa Roma isinulat ni Marcos ang kaniyang Ebanghelyo.
“Kapaki-pakinabang Siya sa Akin sa Paglilingkod”
Hindi lang pagsulat ng Ebanghelyo ang pinagkaabalahan ni Marcos sa Roma. Tandaan ang bilin ni Pablo kay Timoteo: “Kunin mo si Marcos at isama mo siya.” Ang dahilan ni Pablo? “Sapagkat kapaki-pakinabang siya sa akin sa paglilingkod.”—2 Tim. 4:11.
Marami tayong matututuhan tungkol kay Marcos sa tekstong ito, kung saan huling binanggit ang kaniyang pangalan sa Kasulatan ayon sa kronolohiya ng pagsulat. May kinalaman sa mga gawain niya sa kongregasyon, wala tayong mababasa na si Marcos ay naging apostol, lider, o propeta. Siya ay isang lingkod, samakatuwid nga, isang tagapagsilbi. At sa pagkakataong iyon, nang malapit nang patayin si Pablo, tiyak na malaki ang naitulong ni Marcos sa kaniya.
Kung pagsasama-samahin ang maliliit na detalyeng ito tungkol kay Marcos, makikita nating siya’y isang lalaking masigasig sa pagtataguyod ng mabuting balita sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, isang lalaking nasisiyahang maglingkod sa iba. Oo, napakaganda ng mga pribilehiyong tinamasa ni Marcos dahil hindi siya sumuko!
Gaya ni Marcos, tayong mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay determinado ring mangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Gaya ng ginawa niya, ang ilan sa atin ay lumipat din sa ibang lugar, o sa ibang bansa pa nga, para itaguyod doon ang mabuting balita. Kung mahirap man para sa karamihan sa atin na lumipat, matutularan pa rin natin si Marcos sa ibang paraan. Kung paanong sinuong niya ang hirap para makapaglingkod sa kaniyang mga kapatid, handa rin tayong sumuong sa hirap para matulungan ang ating mga kapananampalataya sa patuloy na paglilingkod sa Diyos. Sa paggawa nito, tiyak na patuloy tayong pagpapalain ni Jehova.—Kaw. 3:27; 10:22; Gal. 6:2.
[Talababa]
^ par. 5 Pangkaraniwan na noong panahon ni Marcos na magkaroon ng pangalawang pangalan sa wikang Hebreo o sa wikang banyaga. Ang pangalang Judio ni Marcos ay Yohanan—Juan sa Tagalog. Ang huling pangalan naman niya sa wikang Latin ay Marcus, o Marcos.—Gawa 12:25.
[Mapa/Larawan sa pahina 8, 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ilan sa mga Lunsod na Dinalaw ni Marcos
Roma
Efeso
Colosas
Perga
Antioquia (ng Sirya)
Ciprus
DAGAT MEDITERANEO
Jerusalem
Babilonya