Pahalagahan ang Iyong Papel sa Kongregasyon
Pahalagahan ang Iyong Papel sa Kongregasyon
“Inilagay ng Diyos ang mga sangkap sa katawan, bawat isa sa kanila, ayon sa kaniyang kinalugdan.”—1 COR. 12:18.
1, 2. (a) Ano ang nagpapakita na ang bawat isa ay may papel sa kongregasyon na maaari niyang pahalagahan? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
NOON pa mang panahon ng sinaunang Israel, ginagamit na ni Jehova ang kongregasyon para pangalagaan at patnubayan ang kaniyang bayan. Halimbawa, nang matalo ng Israel ang lunsod ng Ai, “binasa [ni Josue] nang malakas ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat ng nakasulat sa aklat ng kautusan . . . sa harap ng buong kongregasyon ng Israel.”—Jos. 8:34, 35.
2 Noong unang siglo C.E., sinabi ni apostol Pablo sa elder na si Timoteo na ang Kristiyanong kongregasyon ang “sambahayan ng Diyos” at ang “haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Tim. 3:15) Sa ngayon, ang “sambahayan” ng Diyos ay ang pandaigdig na kapatiran ng tunay na mga Kristiyano. Sa kabanata 12 ng kaniyang unang kinasihang liham sa mga taga-Corinto, inihambing ni Pablo ang kongregasyon sa katawan ng tao. Sinabi niya na bagaman may iba’t ibang gamit ang bawat bahagi, lahat ay mahalaga. Isinulat ni Pablo: “Inilagay ng Diyos ang mga sangkap sa katawan, bawat isa sa kanila, ayon sa kaniyang kinalugdan.” Sinabi pa nga niya na “ang mga bahagi ng katawan na iniisip nating nakabababa sa karangalan, ang mga ito ang pinalilibutan natin ng lalong saganang karangalan.” (1 Cor. 12:18, 23) Kaya sa sambahayan ng Diyos, hindi natin sinasabing ang papel ng isang tapat na Kristiyano ay mas maliit o mas malaki kaysa sa iba. Magkakaiba lang ito. Kung gayon, paano natin malalaman at mapahahalagahan ang papel natin sa kaayusan ng Diyos? Bakit iba-iba ang ating papel? At paano natin ‘maihahayag sa lahat ng tao ang ating pagsulong’?—1 Tim. 4:15.
Pahalagahan ang Ating Papel—Paano?
3. Paano natin malalaman ang ating papel sa kongregasyon at maipakikitang mahalaga ito sa atin?
3 Para malaman ang ating papel sa kongregasyon at maipakitang mahalaga ito sa atin, dapat tayong makipagtulungan sa “tapat at maingat na alipin” at sa kinatawan nitong Lupong Tagapamahala. (Basahin ang Mateo 24:45-47.) Pag-isipan natin kung talaga ngang sumusunod tayo sa mga tagubilin ng uring alipin. Halimbawa, noon pa man ay nakakatanggap na tayo ng malinaw na tagubilin tungkol sa pananamit at pag-aayos, libangan, at maling paggamit ng Internet. Sinusunod ba natin ang payong ito para maingatan ang ating espirituwalidad? Kumusta naman ang payo na magkaroon ng regular na pampamilyang pagsamba? Nakapag-iskedyul na ba tayo ng isang gabi para dito? Kung wala tayong asawa, nakapaglalaan ba tayo ng panahon para sa personal na pag-aaral ng Bibliya? Pagpapalain tayo ni Jehova bilang indibiduwal at bilang pamilya kung susundin natin ang tagubilin ng uring alipin.
4. Ano ang dapat nating isaalang-alang kapag nagpapasiya?
4 Baka ikatuwiran ng ilan na pagdating sa libangan, pananamit, at pag-aayos, bahala nang magpasiya ang bawat isa. Pero para sa isang nakaalay na Kristiyano na nagpapahalaga sa kaniyang papel sa kongregasyon, hindi lang sariling kagustuhan ang dapat na maging basehan sa pagpapasiya. Dapat na maging mas mahalaga sa kaniya ang pangmalas ni Jehova na makikita sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang mensahe nito ay dapat na maging ‘lampara sa ating paa at liwanag sa ating landas.’ (Awit 119:105) Isang katalinuhan din na isaalang-alang kung paanong ang mga pagpapasiya natin ay makakaapekto sa ating ministeryo at sa ibang tao, sa loob at labas ng kongregasyon.—Basahin ang 2 Corinto 6:3, 4.
5. Bakit dapat nating iwasan ang mapagsariling espiritu?
5 “Ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway” ay napakalaganap na gaya ng hanging nilalanghap natin. (Efe. 2:2) Posibleng maimpluwensiyahan tayo ng espiritung ito at isiping hindi na natin kailangan ang patnubay ng organisasyon ni Jehova. Tiyak na ayaw nating makatulad ni Diotrepes na ‘hindi tumatanggap ng anuman mula kay apostol Juan nang may paggalang.’ (3 Juan 9, 10) Dapat nating iwasang magkaroon ng mapagsariling espiritu. Sa salita o sa gawa, huwag na huwag sana tayong magpapakita ng kawalang-galang sa uring alipin na ginagamit ni Jehova sa ngayon. (Bil. 16:1-3) Sa halip, dapat nating pahalagahan ang pribilehiyong makipagtulungan sa kanila. Dapat din nating sikapin na maging masunurin at mapagpasakop sa mga nangunguna sa ating kongregasyon.—Basahin ang Hebreo 13:7, 17.
6. Bakit dapat nating suriin ang ating kalagayan?
6 Maipakikita rin nating mahalaga sa atin ang ating papel sa kongregasyon kung susuriin nating mabuti ang ating kalagayan at gagawin ang buong makakaya para ‘maluwalhati ang ating ministeryo’ at maparangalan si Jehova. (Roma 11:13) Ang ilan ay nakakapag-regular pioneer. Ang iba naman ay naglilingkod bilang misyonero, naglalakbay na tagapangasiwa, o Bethelite. Marami ang nagboboluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall. Ginagawa ng karamihan sa mga lingkod ni Jehova ang kanilang buong makakaya para mapanatili ang espirituwalidad ng kanilang pamilya at lubos na makibahagi sa ministeryo linggu-linggo. (Basahin ang Colosas 3:23, 24.) Kung kusang-loob at buong-kaluluwa tayong naglilingkod sa Diyos, hinding-hindi tayo mawawalan ng papel sa kaniyang kaayusan.
Bakit Iba-iba ang Ating Papel?
7. Ipaliwanag kung bakit nakadepende sa ating kalagayan ang magagawa natin sa kongregasyon.
7 Mahalagang suriin natin ang ating kalagayan dahil, sa paanuman, nakadepende rito ang magagawa natin sa kongregasyon. Halimbawa, iba ang papel ng brother sa papel ng sister. Nakadepende rin sa edad, kalusugan, at iba pang bagay ang magagawa natin sa paglilingkod kay Jehova. Sinasabi sa Kawikaan 20:29: “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan, at ang karilagan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.” Mas maraming nagagawa ang mga nakababata dahil malalakas pa sila, pero marami ring natututuhan ang kongregasyon mula sa karunungan at karanasan ng mga nakatatanda. Tandaan din na anumang nagagawa natin sa organisasyon ni Jehova ay dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.—Gawa 14:26; Roma 12:6-8.
8. Paano nakaaapekto ang ating hangarin sa magagawa natin sa paglilingkod sa Diyos?
8 Ang isa pang dahilan kung bakit iba-iba ang papel natin sa kongregasyon ay makikita sa ilustrasyon tungkol sa dalawang magkapatid. Pareho silang nagtapos ng haiskul. Pareho sila ng kalagayan. Pareho rin silang pinasigla ng kanilang mga magulang na mag-regular pioneer pagkagradweyt. Pero pagkagradweyt nila, ang isa ay nagpayunir, samantalang ang isa naman ay nagtrabaho nang buong panahon. Bakit nagkagayon? Magkaiba kasi sila ng hangarin. Ginawa lang nila ang gusto nilang gawin. Ganito rin ang marami sa atin, hindi ba? Kaya kailangan nating pag-isipang mabuti kung ano ang tunguhin natin sa paglilingkod sa Diyos. Puwede ba nating dagdagan ang ating paglilingkod kahit mangailangan pa ito ng ilang pagbabago?—2 Cor. 9:7.
9, 10. Ano ang dapat nating gawin kung kontento na tayo sa kaunting nagagawa natin sa paglilingkod kay Jehova?
9 Paano kung kontento na tayo sa kaunting nagagawa natin sa paglilingkod kay Jehova? Sa kaniyang liham sa mga taga-Filipos, sinabi ni Pablo: “Ang Diyos ang isa na alang-alang sa kaniyang ikinalulugod ay kumikilos sa loob ninyo upang kapuwa ninyo loobin at ikilos.” Oo, maaaring kumilos si Jehova sa loob natin at baguhin ang ating mga hangarin.—Fil. 2:13; 4:13.
10 Kaya bakit hindi natin hilingin kay Jehova na tulungan tayong magkaroon ng hangaring gawin ang kaniyang kalooban? Ganiyan mismo ang ginawa ni Haring David ng sinaunang Israel. Nanalangin siya: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Palakarin mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagkat ikaw ang aking Diyos ng kaligtasan. Sa iyo ako umaasa buong araw.” (Awit 25:4, 5) Gaya ni David, puwede rin nating ipanalangin kay Jehova na tulungan tayong magkaroon ng hangaring gawin ang nakalulugod sa kaniya. Kapag iniisip natin na pinahahalagahan ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak ang ating paglilingkod, nag-uumapaw sa pasasalamat ang ating puso. (Mat. 26:6-10; Luc. 21:1-4) Pakikilusin tayo nito na makiusap kay Jehova na udyukan tayong higit pang maglingkod sa kaniya. Magandang tularan ang saloobin ni propeta Isaias. Nang magtanong si Jehova: “Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?” sumagot ang propeta: “Narito ako! Isugo mo ako.”—Isa. 6:8.
Paano Tayo Susulong?
11. (a) Bakit kailangang-kailangan ang mga brother na mangunguna? (b) Paano maaabot ng mga brother ang mga pribilehiyo sa paglilingkod?
11 Yamang 289,678 ang nabautismuhan sa buong daigdig noong 2008 taon ng paglilingkod, maliwanag na kailangang-kailangan ang mga brother na mangunguna. Paano dapat tumugon ang isang brother sa pangangailangang ito? Sa madaling salita, dapat niyang pagsikapang abutin ang mga maka-Kasulatang kuwalipikasyon para sa mga ministeryal na lingkod at elder. (1 Tim. 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9) Paano niya iyon magagawa? Sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa ministeryo, masikap na pagganap sa kaniyang mga atas sa kongregasyon, mahusay na pagkokomento sa Kristiyanong pagpupulong, at pagpapakita ng personal na interes sa mga kapananampalataya. Sa gayon, ipinakikita niyang mahalaga sa kaniya ang kaniyang papel sa kongregasyon.
12. Paano maipakikita ng mga kabataan ang kanilang sigasig sa katotohanan?
12 Ano ang puwedeng gawin ng mga kabataang lalaki, lalo na ng mga tin-edyer, para sumulong sa kongregasyon? Maaari silang magsikap na kumuha ng kaalaman sa Kasulatan para magkaroon ng higit na “karunungan at espirituwal na pagkaunawa.” (Col. 1:9) Makakatulong din kung pag-aaralan nilang mabuti ang Salita ng Diyos at regular na makikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon. Maaari din nilang sikaping makapasok sa “malaking pinto na umaakay sa gawain” sa iba’t ibang pitak ng buong-panahong paglilingkod kay Jehova. (1 Cor. 16:9) Ito ay kasiya-siya at nagdudulot ng maraming pagpapala.—Basahin ang Eclesiastes 12:1.
13, 14. Paano maipakikita ng mga sister na mahalaga sa kanila ang kanilang papel sa kongregasyon?
13 Maipakikita rin ng mga sister na mahalaga sa kanila ang pribilehiyong maging bahagi ng katuparan ng Awit 68:11: “Si Jehova ang nagbibigay ng pananalita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.” Ang paggawa ng alagad ay isang mahalagang paraan para maipakita ng mga sister na nagpapasalamat sila sa kanilang papel sa kongregasyon. (Mat. 28:19, 20) Kaya kung lubos silang makikibahagi sa ministeryo at kusang-loob na magsasakripisyo para dito, maipakikita ng mga sister na mahalaga sa kanila ang kanilang papel sa kongregasyon.
14 Sa kaniyang liham kay Tito, sinabi ni Pablo: “Ang matatandang babae ay maging mapagpitagan sa paggawi, . . . mga guro ng kabutihan; upang mapanauli nila sa katinuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang asawa, na ibigin ang kanilang mga anak, na maging matino ang pag-iisip, malinis, mga manggagawa sa tahanan, mabuti, nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.” (Tito 2:3-5) Napakaganda ngang impluwensiya sa kongregasyon ang mga may-gulang na sister! Sa paggalang sa mga brother na nangunguna, at sa pagiging maingat sa pananamit, pag-aayos, at pagpili ng libangan, nagiging huwaran sila at ipinakikita nilang mahalaga sa kanila ang kanilang papel sa kongregasyon.
15. Ano ang puwedeng gawin ng isang dalaga para makayanan ang lungkot?
15 Kung minsan, mahirap para sa isang dalaga na malaman kung ano ang kaniyang papel sa kongregasyon. Isang sister na may ganitong karanasan ang nagsabi: “Nakakalungkot din kung minsan kapag walang asawa.” Nang tanungin siya kung paano niya ito nakakayanan, sumagot siya: “Sa tulong ng panalangin at pag-aaral, nakita kong may magagawa pa rin ako sa kongregasyon. Pinag-aralan ko kung ano ang pangmalas sa akin ni Jehova. Pagkatapos, sinisikap kong makatulong sa mga kakongregasyon ko. Kaya hindi ko na masyadong naiisip ang sarili ko.” Sa Awit 32:8, sinabi ni Jehova kay David: “Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” Oo, interesado si Jehova sa lahat ng kaniyang lingkod, pati na sa mga dalaga, at tutulungan niya silang makita ang kanilang papel sa kongregasyon.
Ingatan ang Iyong Papel!
16, 17. (a) Bakit ang pagtanggap sa paanyaya ni Jehova na maging bahagi ng kaniyang organisasyon ang pinakamagandang desisyong magagawa natin? (b) Paano natin maiingatan ang ating papel sa organisasyon ni Jehova?
16 Maibiging inilalapit ni Jehova sa kaniya ang bawat lingkod niya. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Sa bilyun-bilyong tao sa daigdig, personal tayong inanyayahan ni Jehova na maging bahagi ng kaniyang kongregasyon sa ngayon. Ang pagtanggap sa paanyayang ito ang pinakamagandang desisyong nagawa natin. Dahil dito, nagkaroon ng direksiyon ang ating buhay. Napakasaya ngang magkaroon ng papel sa kongregasyon!
17 “Jehova, iniibig ko ang tahanan sa iyong bahay,” ang sabi ng salmista. Inawit din niya: “Ang paa ko ay tatayo nga sa patag na dako; sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan ay pagpapalain ko si Jehova.” (Awit 26:8, 12) Bawat isa sa atin ay binigyan ng tunay na Diyos ng kani-kaniyang papel sa kaniyang organisasyon. Kung palagi tayong abala sa paglilingkod sa Diyos at patuloy na susunod sa tagubilin niya, maiingatan natin ang ating mahalagang papel sa kaayusan ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit masasabing ang lahat ng Kristiyano ay may papel sa kongregasyon?
• Paano natin maipakikita na mahalaga sa atin ang ating papel sa organisasyon ng Diyos?
• Bakit iba-iba ang ating papel sa kongregasyon?
• Paano maipakikita ng mga kabataang Kristiyano at adulto na mahalaga sa kanila ang kanilang papel sa kaayusan ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 16]
Paano maaabot ng mga brother ang mga pribilehiyo sa kongregasyon?
[Larawan sa pahina 17]
Paano maipakikita ng mga sister na mahalaga sa kanila ang kanilang papel sa kongregasyon?