Natuklasan ang Nakatagong Kayamanan
Natuklasan ang Nakatagong Kayamanan
NAKATUKLAS ka na ba ng nakatagong kayamanan sa isang lugar na hindi mo inaasahan? Ganiyan ang nangyari kay Ivo Laud noong Marso 27, 2005. Siya ay isang Saksi ni Jehova sa Estonia. Tinutulungan niya noon si Alma Vardja, isang may-edad nang Saksi, na buwagin ang isang lumang bodega. Nang buwagin nila ang isang bahagi ng pader, napansin nilang may tablang nakatakip sa isang haligi. Nang alisin nila ang tabla, nakita nila ang isang malaking uka na mga 10 sentimetro ang lapad, 1.2 metro ang haba, at 10 sentimetro ang lalim. Ang uka ay natatakpan ng isang nakalapat na piraso ng kahoy. (1) Isa itong taguan ng kayamanan! Anong kayamanan ito? Sino ang nagtago nito?
Nakita rito ang ilang pakete na nababalutan ng makapal na papel. (2) Sa mga pakete, may mga literatura ng
mga Saksi ni Jehova, karamihan ay mga araling artikulo ng Bantayan. Ang ilan sa mga ito ay mga isyu noong 1947. (3) Nakasulat ang mga ito sa wikang Estoniano. Kasama sa mga pakete ang mga palatandaan kung sino ang nagtago nito. Ang mga ito ay mga rekord ng imbestigasyon sa asawa ni Alma, si Villem Vardja. Kasama rin sa mga natuklasan ang impormasyon hinggil sa panahong ginugol niya sa bilangguan. Bakit siya ibinilanggo?Si Villem Vardja ay may mga pananagutan sa Kongregasyon ng Tartu at nang maglaon sa Kongregasyon ng Otepää sa Estonia, isang dating Soviet Socialist Republic. Malamang na natutuhan niya ang katotohanan sa Bibliya bago ang Digmaang Pandaigdig II. Pagkalipas ng ilang taon, noong Disyembre 24, 1948, sa ilalim ng rehimeng Komunista, inaresto si Brother Vardja dahil sa kaniyang gawain bilang Saksi. Pinagtatanong siya at minaltrato ng secret police. Pinilit nila siyang ibigay ang mga pangalan ng kaniyang mga kapananampalataya. Hindi siya binigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kaniyang sarili sa korte. Hinatulan siya ng sampung-taóng pagkabilanggo sa mga kampong piitan ng mga Ruso.
Nanatiling tapat si Villem Vardja kay Jehova hanggang sa mamatay siya noong Marso 6, 1990. Walang kaalam-alam ang kaniyang asawa tungkol sa nakatagong mga literatura. Malamang na gusto niyang protektahan siya kung sakaling may imbestigasyon. Bakit niya itinago ang mga literatura? Dahil madalas na biglang hinahalughog ng Soviet State Security Committee, o KGB, ang mga bahay ng mga Saksi ni Jehova upang maghanap ng mga relihiyosong babasahin. Marahil ay nagtago ng literatura si Brother Vardja upang matiyak na may makukuhang espirituwal na pagkain ang kaniyang mga kapananampalataya kung sakaling kunin ng KGB ang lahat ng iba pang literatura. Bago natuklasan ang taguang ito, may natuklasan nang iba pang taguan ng literatura noong tag-init ng 1990. Ang isa ay natuklasan sa Tartu, sa timog ng Estonia. Si Villem Vardja rin ang nagtago ng literatura dito.
Bakit natin matatawag na kayamanan ang mga dokumentong ito? Kasi napakahalaga sa mga Saksi ang espirituwal na pagkain, at makikita ito sa laki ng kanilang isinakripisyo para maisulat at maitago ang mga ito. (Mat. 24:45) Pinahahalagahan mo ba ang espirituwal na pagkaing tinatanggap mo ngayon sa inyong lugar? Kasama rito Ang Bantayan, na inilalathala sa Estoniano at sa mahigit 170 iba pang wika.