Makapaglilingkod Ka Bang Muli Gaya ng Dati?
Makapaglilingkod Ka Bang Muli Gaya ng Dati?
MAY pribilehiyo ka ba noon sa kongregasyon? Marahil ay dati kang ministeryal na lingkod o elder. Baka naglilingkod ka noon nang buong panahon. Siguradong masaya ka sa pagganap mo sa iyong pribilehiyo, pero pagkalipas ng ilang panahon, kinailangan mong bitiwan ito.
Marahil ay kinailangan mong bitiwan ang iyong pribilehiyo upang alagaan ang mga kapamilya mo. Puwede rin namang dahil sa sakit o pagtanda. Ang gayong mga pagpapasiya ay hindi nangangahulugang bigo ka. (1 Tim. 5:8) Noong unang siglo, naging misyonero si Felipe, pero nang maglaon ay namalagi siya sa Cesarea, para alagaan ang kaniyang pamilya. (Gawa 21:8, 9) Nang matanda na si David, ang hari ng Israel noon, ipinasa niya ang trono sa kaniyang anak na si Solomon. (1 Hari 1:1, 32-35) Pero kapuwa sina Felipe at David ay minahal at pinahalagahan ni Jehova at maging ng mga taong nabubuhay ngayon.
Subalit baka naman inalis sa iyo ang iyong pribilehiyo. Dahil ba ito sa maling paggawi? O dahil nagkaproblema ang iyong pamilya? (1 Tim. 3:2, 4, 10, 12) Baka hindi ka sang-ayon sa pag-aalis sa iyo ng iyong pribilehiyo, at may hinanakit ka pa rin hanggang sa ngayon.
Maaari Kang Umabot Muli ng Pribilehiyo
Puwede ka bang umabot muli ng pribilehiyo? Karaniwan nang oo ang sagot. Pero kailangan mong magsikap na gawin ito. (1 Tim. 3:1) Bakit mo naman gugustuhin na gawin ito? Katulad din ng dahilan kung bakit mo inialay ang iyong sarili sa Diyos—pag-ibig kay Jehova at sa mga naglilingkod sa kaniya. Kung handa mong ipakita ang pag-ibig na iyan sa pamamagitan ng muling pag-abot sa pribilehiyo, gagamitin ka ni Jehova, pati na ang karanasan mo noong may pribilehiyo ka pa at nang mawala ito sa iyo.
Alalahanin ang sinabi ni Jehova sa Israel nang maiwala nila ang kaniyang pagsang-ayon. Sinabi niya: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago. At kayo ay mga anak ni Jacob; hindi pa kayo dumarating sa inyong katapusan.” (Mal. 3:6) Mahal ni Jehova ang mga Israelita at nais sana niyang gamitin pa sila. Gaya ng mga Israelita, nais din ni Jehova na gamitin ka sa hinaharap. Ano ang maaari mong gawin sa ngayon? Ang pagkakaroon ng pribilehiyo ay nakadepende nang malaki sa espirituwalidad ng isa at hindi sa likas na kakayahan. Kaya habang wala ka pang pribilehiyo sa kongregasyon, patibayin mo muna ang iyong espirituwalidad.
Para ‘mapalakas’ ang iyong pananampalataya, kailangan mong ‘saliksikin si Jehova at ang kaniyang lakas.’ (1 Cor. 16:13; Awit 105:4) Ang isang paraan para magawa mo ito ay sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin. Kapag ipinakikipag-usap mo kay Jehova ang iyong kalagayan, ibuhos mo ang iyong tunay na niloloob at humingi ka ng tulong ng kaniyang espiritu. Sa paggawa nito, magiging mas malapít ka kay Jehova, at magiging matibay ang iyong pananampalataya. (Awit 62:8; Fil. 4:6, 13) Ang isa pang paraan ay ang puspusang pag-aaral ng Salita ng Diyos. Habang wala ka pang masyadong pananagutan, mas marami kang panahon para sa iyong personal at pampamilyang pag-aaral. Baka maaari mong ibalik ang iyong dating rutin sa pag-aaral.
Sabihin pa, kumakatawan ka pa rin kay Jehova bilang kaniyang Saksi. (Isa. 43:10-12) Ang pinakamalaking pribilehiyo na maaaring tanggapin ng sinuman ay ang maging “kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Kapag pinag-ibayo mo ang iyong paglilingkod sa larangan, mapapatibay mo ang iyong espirituwalidad at ang kaugnayan mo sa iyong mga kapananampalataya.
Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Iyong Damdamin
Maaari kang makadama ng hiya o panghihinayang kapag nawalan ka ng pribilehiyo. Baka ipagmatuwid mo pa nga ang iyong sarili. Gayunman, paano kung pagkatapos mapakinggan ng mga elder ang iyong panig, nakita pa rin nilang kailangang alisin sa iyo ang isang pribilehiyo? Baka magdamdam ka sa kanila. Dahil dito, baka hindi mo na naising umabot muli ng pribilehiyo o baka hindi ka matuto mula sa iyong karanasan. Kung isasaalang-alang natin ang nangyari kina Job, Manases, at Jose, tutulong ito sa atin na mapagtagumpayan ang mga negatibong damdamin.
Kinatawan ni Job ang iba sa harap ni Jehova. Bilang isang patriyarka, naging matanda at hukom siya sa kanilang lipunan. (Job 1:5; 29:7-17, 21-25) Pero nang maglaon, nawala kay Job ang kaniyang kayamanan, mga anak, at pati ang kaniyang kalusugan. Dahil diyan, nasira ang magandang pagtingin sa kaniya ng iba. “Pinagtatawanan nila ako,” ang sabi ni Job, “niyaong mga nakababata sa mga araw kaysa sa akin.”—Job 30:1.
Inisip ni Job na talagang wala siyang kasalanan at nais niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili sa Diyos. (Job 13:15) Pero handang maghintay si Job kay Jehova, at maganda naman ang naging resulta. Natanto niya na kailangan siyang ituwid, partikular na sa naging reaksiyon niya sa mga pagsubok na dinanas niya. (Job 40:6-8; 42:3, 6) Nang maglaon, dahil sa kapakumbabaan ni Job, sagana siyang pinagpala ng Diyos.—Job 42:10-13.
Kung nawalan ka ng pribilehiyo dahil nagkasala ka, baka iniisip mong hindi ka na mapapatawad ni Jehova at ng iyong mga Kristiyanong kapatid at hindi na nila malilimutan ang nagawa mo. Kung gayon, isaalang-alang ang nangyari kay Haring Manases ng Juda. “Ginawa niya nang lansakan ang masama sa paningin ni Jehova, upang galitin siya.” (2 Hari 21:6) Pero namatay si Manases na isang tapat na hari. Paano ito nangyari?
Tinanggap ni Manases ang disiplina sa kaniya nang dakong huli. Noong una, ipinagwalang-bahala niya ang mga babala sa kaniya. Hinayaan ni Jehova na mabihag siya ng mga Asiryano, ikadena, at ipatapon sa Babilonya. Sa lugar na ito, “pinalambot [ni Manases] ang mukha ni Jehova na kaniyang Diyos at patuloy na nagpakumbaba nang lubha dahil sa Diyos ng kaniyang mga ninuno. At patuloy siyang nanalangin sa Kaniya.” Dahil tunay ang pagsisisi ni Manases at itinuwid niya ang kaniyang pagkakamali, pinatawad siya.—2 Cro. 33:12, 13.
Karaniwan nang hindi sabay-sabay na ibinabalik ang lahat ng nawalang pribilehiyo. Subalit sa paglipas ng panahon, maaari kang bigyan ng ilang pananagutan. Kapag tinanggap mo ito at ginawa ang iyong buong makakaya, kadalasan nang pagkakalooban ka ng iba pang atas. Hindi ito laging madali. Maaaring may bumangong mga problema. Gayunpaman, kung
handa kang maglingkod at magtiyaga, pagpapalain ang iyong pagsisikap.Isaalang-alang ang anak ni Jacob na si Jose. Sa edad na 17, ipinagbili si Jose ng kaniyang mga kapatid bilang alipin. (Gen. 37:2, 26-28) Tiyak na hindi niya inaasahan na gagawin ito sa kaniya ng kaniyang mga kapatid. Pero hinarap niya ito, at dahil sa pagpapala ni Jehova siya ay “namahala sa bahay ng kaniyang panginoon.” (Gen. 39:2) Nang maglaon, ibinilanggo si Jose. Pero nanatili siyang tapat at hindi siya pinabayaan ni Jehova. Nang dakong huli, ipinagkatiwala kay Jose ang pangangasiwa sa bilangguan.—Gen. 39:21-23.
Hindi alam ni Jose na may layunin ang lahat ng nangyayari sa kaniya. Patuloy niyang ginawa kung ano ang magagawa niya. Sa gayon, ginamit siya ni Jehova para maingatan ang talaangkanan na pagmumulan ng ipinangakong Binhi. (Gen. 3:15; 45:5-8) Bagaman hindi natin inaasahan na magkakaroon tayo ng pribilehiyo na gaya ng kay Jose, ipinakikita ng ulat na ginagabayan ni Jehova ang pagbibigay ng mga pribilehiyo sa Kaniyang mga lingkod. Kaya laging maging handa na magpagamit kay Jehova gaya ni Jose.
Matuto Mula sa mga Karanasan Mo
Dumanas sina Job, Manases, at Jose ng mapapait na karanasan. Tinanggap nila ang kalagayang pinahintulutan ni Jehova na sapitin nila, at may natutuhang mahalagang aral ang bawat isa sa kanila. Ano naman ang matututuhan mo?
Isipin kung anong aral ang maaaring itinuturo ni Jehova sa iyo. Sa kaniyang pamimighati, mas inisip ni Job ang kaniyang sarili at nalimutan ang mas mahahalagang isyu. Pero nang maibigin siyang ituwid ni Jehova, natauhan siya, at inamin: “Nagsalita ako, ngunit hindi ko nauunawaan.” (Job 42:3) Kung nasaktan ka dahil nawalan ka ng pribilehiyo, ‘huwag mag-isip nang higit tungkol sa iyong sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.’ (Roma 12:3) Maaaring itinutuwid ka ni Jehova sa paraang hindi mo pa lubusang nauunawaan.
Tanggapin ang disiplina. Noong una, maaaring inakala ni Manases na labis-labis ang parusa sa kaniya. Pero tinanggap niya ito, nagsisi siya, at nagbago. Anuman ang nadarama mo sa disiplinang tinanggap mo, ‘magpakababa ka sa paningin ni Jehova, at itataas ka niya.’—1 Ped. 5:6; Sant. 4:10.
Maging matiisin at magpagamit kay Jehova. Maaari sanang maghinanakit at maghiganti si Jose dahil sa kaniyang naranasan. Pero sa halip, naging maunawain siya at maawain. (Gen. 50:15-21) Kung ikaw ay nasisiraan ng loob, maging matiisin. Hayaan mong si Jehova ang magsanay sa iyo at magpagamit ka sa Kaniya.
May pribilehiyo ka ba noon sa kongregasyon? Bigyan mo si Jehova ng pagkakataon na pagkalooban kang muli ng mga pribilehiyo sa hinaharap. Patibayin ang iyong espirituwalidad. Maging matiisin at mapagpakumbaba. Tanggapin ang anumang atas na ibigay sa iyo. Makatitiyak ka na “si Jehova ay hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang.”—Awit 84:11.
[Blurb sa pahina 30]
Palakasin ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin
[Larawan sa pahina 31]
Pag-ibayuhin ang iyong paglilingkod sa larangan upang mapatibay ang iyong espirituwalidad
[Larawan sa pahina 32]
Bigyan mo si Jehova ng pagkakataon na pagkalooban kang muli ng mga pribilehiyo