Paano Ka Makapagbabata sa Ministeryo?
Paano Ka Makapagbabata sa Ministeryo?
NAKADAMA ka na ba ng sobrang pagod at panghihina ng loob anupat parang gusto mo nang huminto sa pangangaral? Maaaring masubok ang ating pagbabata sa ministeryo dahil sa matinding pagsalansang, kabalisahan sa buhay, mahinang kalusugan, panggigipit ng kasamahan, o hindi magandang pagtugon ng mga tao sa ating teritoryo. Gayunman, isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus. Nabata niya ang pinakamatitinding pagsubok “dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya.” (Heb. 12:2) Alam niya na kapag pinatunayan niyang mali ang mga paratang laban sa Diyos, mapasasaya niya ang puso ni Jehova.—Kaw. 27:11.
Sa pamamagitan ng pagbabata sa ministeryo, mapasasaya mo rin ang puso ni Jehova. Pero paano kung waring nauubos ang iyong lakas dahil sa mga problema anupat hindi ka na makapangaral? Ganito ang inamin ni Krystyna na may-edad na at mahina ang kalusugan: “Madalas akong mapagod at panghinaan ng loob. Kung minsa’y nawawala ang aking sigasig sa ministeryo dahil sa aking mga problema na kaakibat ng pagtanda gaya ng mahinang kalusugan at kabalisahan sa pang-araw-araw na buhay.” Paano tayo makapagbabata sa ministeryo sa kabila ng gayong mga problema?
Tularan ang mga Propeta
Para makapagtiyaga sa gawaing pangangaral, maaaring tularan ng mga tapat na mamamahayag ng Kaharian ang kaisipan at saloobin ng mga sinaunang propeta. Ang isang halimbawa nito ay si Jeremias. Nang tawagin siya para maglingkod bilang propeta, nag-atubili siya noong una. Gayunman, nakapagbata si Jeremias sa kaniyang mahirap na atas sa loob ng mahigit 40 taon dahil natutuhan niyang magtiwala nang lubusan sa Diyos.—Jer. 1:6; 20:7-11.
Napasisigla si Henryk ng halimbawa ni Jeremias. Sinabi niya: “Sa loob ng mahigit 70 taóng paglilingkod ko sa ministeryo, pinanghihinaan ako ng loob kung minsan dahil sa pagtugon ng mga tao, gaya ng pagsalansang o kawalang-interes. Sa gayong mga panahon, inaalaala ko ang halimbawa ni Jeremias. Ang kaniyang pag-ibig kay Jehova at ang kaniyang matibay na espirituwalidad ang nagpalakas sa kaniya na magpatuloy sa paghahayag ng mga hula ng Diyos.” (Jer. 1:17) Si Rafał din ay napasigla ng halimbawa ni Jeremias. Sinabi niya: “Sa halip na magtuon ng pansin sa kaniyang sarili at sa kaniyang nararamdaman, umasa si Jeremias sa Diyos. Walang-takot siyang nagpatuloy sa kabila ng pagsalansang ng maraming tao. Sinisikap ko na laging tandaan iyan.”
Ang halimbawa ng isa pang propeta, si Isaias, ay tumulong sa marami na makapagbata sa ministeryo. Sinabi ng Diyos na hindi makikinig sa kaniya ang kaniyang mga kababayan. “Gawin mong manhid ang puso ng bayang ito, at gawin mong bingi ang kanila mismong mga tainga,” ang sabi ni Jehova. Isa ba itong kabiguan para kay Isaias? Hindi gayon ang tingin ng Diyos! Nang atasan siya na maging propeta, sinabi niya: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8-10) Tinupad ni Isaias ang kaniyang atas. Ganiyan din ba ang iyong pagtugon sa utos na mangaral?
Gaya ni Isaias, makapagtitiyaga rin tayo sa ministeryo sa kabila ng kawalang-interes ng mga tagapakinig kung hindi natin pagtutuunan ng pansin ang negatibong pagtugon ng mga tao sa ating mensahe. Sa ganitong paraan hinarap ni Rafał ang pagkasira ng loob: “Sinisikap kong huwag pansinin ang masasakit na salitang sinasabi ng mga tao. Karapatan ng mga tao sa aming teritoryo na tumugon sa paraang gusto nila.” Sinabi naman ni Anna: “Hindi ko hinahayaan ang aking sarili na mag-isip ng anumang bagay na negatibo o nakapanghihina ng loob. Nagagawa ko iyan sa tulong ng panalangin at pagsasaalang-alang ng teksto sa araw-araw bago ako maglingkod sa larangan. Madaling nawawala ang aking negatibong kaisipan.”
Naglingkod bilang propeta si Ezekiel sa matigas-ang-ulong mga Judiong tapon sa Babilonya. Ezek. 2:6) Malamang na managot si Ezekiel kung hindi niya sasabihin sa mga tao ang mga salita ng Diyos at mamatay ang isang masamang tao na hindi nakarinig ng babala. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Ang kaniyang dugo ay sisingilin ko sa iyong sariling kamay.”—Ezek. 3:17, 18.
(Sinisikap ni Henryk na magkaroon ng saloobin na katulad ng kay Ezekiel: “Gusto kong maging malinis sa dugo ng lahat ng tao. Buhay ang nasasangkot.” (Gawa 20:26, 27) Ganiyan din ang damdamin ni Zbigniew: “Kinailangang magpatuloy si Ezekiel anuman ang isipin ng iba. Tumulong ito sa akin na pahalagahan ang gawaing pangangaral gaya ng pagpapahalaga rito ng Maylalang.”
Hindi Ka Nag-iisa
Hindi ka nag-iisa kapag nangangaral ka. Gaya ni apostol Pablo, masasabi natin: “Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Ganito ang sinabi ni Krystyna na umaming nanghihina ang loob paminsan-minsan: “Iyan ang dahilan kung bakit lagi akong nagsusumamo kay Jehova na bigyan niya ako ng lakas. Hindi niya ako kailanman binigo.” Oo, talagang kailangan natin ang espiritu ng Diyos para tulungan tayo sa ministeryo!—Zac. 4:6.
Kapag tayo ay nangangaral, tinutulungan din tayo ng banal na espiritu na maipakita ang mga aspekto ng “mga bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22, 23) Iyan naman ang tumutulong sa atin na makapagtiyaga sa gawaing pangangaral anuman ang mangyari. Ganito ang napansin ni Henryk: “Ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay tumutulong sa akin na mapasulong ang aking personalidad. Natutuhan kong maging matiyaga, makonsiderasyon, at hindi agad sumuko.” Ang pagbabata sa ministeryo sa kabila ng iba’t ibang problema ay makatutulong sa iyo na higit na malinang ang mga bunga ng espiritu.
Ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga anghel para patnubayan ang natatanging gawaing ito. (Apoc. 14:6) Sinasabi ng Bibliya na may “laksa-laksang mga laksa at libu-libong mga libo” ng gayong mga espiritung nilalang. (Apoc. 5:11) Sa ilalim ng pangunguna ni Jesus, pinapatnubayan ng mga anghel ang mga lingkod ng Diyos sa lupa. Isinasaisip mo ba iyan sa tuwing naglilingkod ka?
“Napalalakas ako na isiping kasama natin ang mga anghel sa ministeryo,” ang sabi ni Anna. “Pinahahalagahan ko ang tulong na inilalaan nila sa pangangasiwa ni Jehova at ni Jesus.” Napakalaking pribilehiyo na gumawang kasama ng tapat na mga anghel!
Paano naman makatutulong sa ating pagbabata ang paggawang kasama ng ibang mamamahayag ng Kaharian? Tayo ay pinagpala na makasama sa malaking bilang ng mga tapat na Saksi. Tiyak na naranasan mo na ang pagiging totoo ng kawikaan sa Bibliya: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal ay napatatalas. Gayundin pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.”—Kaw. 27:17.
Ang paggawang kasama ng iba sa ministeryo ay nagbibigay sa atin ng kamangha-manghang pagkakataon na mapansin ang mabibisang paraan ng iba na maaaring bago para sa atin. “Ang paggawang kasama ng iba’t ibang mamamahayag ay nagbibigay sa akin ng pagkakataon para ipakita ang aking pag-ibig sa aking mga kapananampalataya at sa mga taong aming natatagpuan sa teritoryo,” ang sabi ni Elżbieta. Sikaping makibahagi sa ministeryo kasama ng iba’t ibang mamamahayag. Sa paggawa nito, tiyak na magiging kawili-wili ang iyong ministeryo.
Pangalagaan Mo ang Iyong Sarili
Para mapanatili ang ating sigla sa ministeryo, dapat tayong magplanong mabuti, magkaroon ng mahusay na rutin sa personal na pag-aaral, at sapat na pamamahinga. Sa ibang salita, kailangan nating pangalagaan ang ating espirituwal at pisikal na kalusugan.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” (Kaw. 21:5) Ganito ang sinabi ni Zygmunt na 88 anyos na ngayon: “Ang pagkakaroon ng magandang iskedyul sa paglilingkod ay tumutulong sa akin na maging mabunga. Iniiskedyul kong mabuti ang aking mga gawain para may sapat akong panahon sa pagpapatotoo.”
Pinalalakas at inihahanda tayo sa ministeryo ng ating malalim na kaalaman sa Kasulatan. Kung paanong kailangan nating kumain ng pisikal na pagkain para maging malakas, kailangan din nating regular na kumain ng espirituwal na pagkain para patuloy na makabahagi sa gawaing pangangaral. Ang araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos at “pagkain sa tamang panahon” ay magpapalakas sa atin sa ministeryo.—Mat. 24:45-47.
Gumawa ng malaking pagbabago si Elżbieta sa
istilo ng kaniyang pamumuhay para sumulong siya sa kaniyang ministeryo. Sinabi niya: “Malaking panahon ang ibinawas ko sa panonood ng telebisyon para mas maraming oras ang magamit ko sa paghahanda sa ministeryo. Kapag nagbabasa ako ng Bibliya sa gabi, iniisip ko ang mga taong nakausap ko sa teritoryo. Nag-iisip ako ng mga teksto o artikulo sa ating mga publikasyon na maaaring makatulong sa kanila.”Ang sapat na pamamahinga ay tutulong sa iyo na magkaroon ng lakas na kailangan mo para lubusang makibahagi sa ministeryo. Sa kabilang panig naman, ang sobrang paglilibang ay makaaapekto sa kalidad ng iyong gawain. Ganito ang sinabi ni Andrzej na isang masigasig na mamamahayag: “Ang kakulangan sa pahinga ay nagdudulot ng sobrang pagkapagod na maaaring maging sanhi ng pagkasira ng loob. Ginagawa ko ang lahat para maiwasan ito.”—Ecles. 4:6.
Sa kabila ng ating pagsisikap, kaunti lamang ang tumatanggap ng mabuting balita. Gayunman, hindi malilimutan ni Jehova ang ating mga gawa. (Heb. 6:10) Kahit na maraming ayaw makipag-usap sa atin, maaari nilang pag-usapan ang tungkol sa ating pagdalaw pagkaalis natin sa kanilang pintuan. Maaaring mangyari ang gaya ng mababasa natin may kinalaman kay Ezekiel: “Tiyak na malalaman [ng mga tao] na nagkaroon nga ng isang propeta sa gitna nila.” (Ezek. 2:5) Totoo na hindi madali ang ating ministeryo, pero para ito sa ating kapakinabangan at ng mga taong nakikinig sa atin.
“Ang pakikibahagi sa ministeryo ay makatutulong sa atin na magbihis ng bagong personalidad at ipakita ang pag-ibig sa ating Diyos at kapuwa,” ang sabi ni Zygmunt. “Isang pribilehiyo na makibahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Hindi na ito muling mangyayari pa nang ganito kalawak o sa ganitong kalagayan,” ang sabi pa ni Andrzej. Ikaw rin ay tatanggap ng saganang pagpapala kung magtitiyaga ka sa ministeryo ngayon.—2 Cor. 4:1, 2.
[Mga larawan sa pahina 31]
Mahalaga na masapatan natin ang ating espirituwal at pisikal na mga pangangailangan para makapagbata tayo sa ministeryo