Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Mapagbantay

Maging Mapagbantay

Maging Mapagbantay

“Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. . . . Maging mapagpuyat [o mapagbantay] may kinalaman sa mga panalangin.”​—1 PED. 4:7.

1. Ano ang tema ng turo ni Jesus?

ANG tema ng turo ni Jesu-Kristo noong narito siya sa lupa ay ang Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kahariang iyan, ipagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang pansansinukob na soberanya at pababanalin ang kaniyang pangalan. Kaya itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ipanalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat. 4:17; 6:9, 10) Di-magtatagal, wawakasan ng Kahariang iyan ang sanlibutan ni Satanas at titiyakin nitong magaganap ang kalooban ng Diyos sa buong lupa. Gaya ng inihula ni Daniel, “dudurugin [ng Kaharian ng Diyos] at wawakasan ang lahat ng [kasalukuyang] mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”​—Dan. 2:44.

2. (a) Paano malalaman ng mga tagasunod ni Jesus na naghahari na siya? (b) Ano pa ang ipinahihiwatig ng tanda?

2 Dahil napakahalaga sa mga tagasunod ni Jesus ang pagdating ng Kaharian ng Diyos, tinanong nila siya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mat. 24:3) Nagbigay si Kristo ng tanda yamang hindi makikita ng mga tao ang kaniyang pagkanaririto bilang Hari. Ang tandang iyon ay binubuo ng mga pangyayaring inihula sa Kasulatan. Sa gayon, malalaman ng mga tagasunod ni Jesus sa panahong iyon na namamahala na siya sa langit. Ipinahihiwatig din nito na nagsimula na ang sinasabi ng Bibliya na “mga huling araw” ng masamang sistemang ito na kumokontrol ngayon sa lupa.​—2 Tim. 3:1-5, 13; Mat. 24:7-14.

Maging Mapagbantay sa mga Huling Araw

3. Bakit kailangang maging mapagbantay ang mga Kristiyano?

3 Sumulat si apostol Pedro: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. Kaya nga, maging matino sa pag-iisip, at maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.” (1 Ped. 4:7) Ang mga tagasunod ni Jesus ay dapat maging mapagpuyat, o mapagbantay, sa mga nangyayari sa daigdig na nagpapahiwatig na naghahari na siya. At kailangan nilang maging higit na mapagbantay habang papalapit na ang wakas ng masamang sistemang ito. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Patuloy kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay [upang hatulan ang sanlibutan ni Satanas].”​—Mar. 13:35, 36.

4. Paghambingin ang saloobin ng mga tagasanlibutan at ng mga lingkod ni Jehova. (Tingnan din ang kahon.)

4 Karamihan sa mga tao ay nasa kontrol ni Satanas. Hindi sila nagbibigay-pansin sa kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig. Hindi nila nauunawaang naghahari na si Kristo. Sa kabaligtaran, nagbigay-pansin ang mga tunay na Kristiyano sa kung ano ang nangyari sa nakalipas na siglo at naunawaan ang tunay na kahulugan nito. Mula noong 1925, batid ng mga Saksi ni Jehova na ang Digmaang Pandaigdig I at ang sumunod na mga pangyayari ay tiyak na patotoo na naghari na si Kristo sa langit noong 1914. Kaya nagsimula na ang mga huling araw ng sistemang ito ni Satanas. Napansin ng maraming tao ang malaking pagkakaiba ng mga kalagayan sa lupa bago at pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Pero hindi nila alam ang kahulugan nito.​—Tingnan ang kahong  “Nagsimula Na ang Magulong Panahon.”

5. Bakit napakahalaga na maging mapagbantay?

5 Ang kakila-kilabot na mga pangyayari sa daigdig sa nakalipas na halos isang siglo ay patunay na nasa mga huling araw na tayo. Maikli na lamang ang panahon bago utusan ni Jehova si Kristo na pangunahan ang hukbo ng mga anghel laban sa sanlibutan ni Satanas. (Apoc. 19:11-21) Kaya napakahalaga na sundin ng mga tunay na Kristiyano ang tagubiling maging mapagbantay habang hinihintay ang wakas ng sistemang ito. (Mat. 24:42) Dapat din tayong mangaral sa buong lupa sa pangunguna ni Kristo.

Isang Pandaigdig na Gawain

6, 7. Ilahad ang pagsulong ng gawaing pangangaral sa mga huling araw.

6 Bahagi ng inihulang tanda ang pandaigdig na gawain ng mga lingkod ni Jehova. Patotoo rin ito na tayo’y nasa mga huling araw na. Binanggit ni Jesus ang gawaing ito nang isa-isahin niya ang magaganap sa panahon ng kawakasan. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mat. 24:14.

7 Isipin kung paano natutupad ang hulang iyan ni Jesus. Iilan lamang ang nangangaral ng mabuting balita sa buong lupa noong 1914. Pero ngayon, mahigit 7,000,000 na ang mga Saksi ni Jehova. Mayroon nang mahigit 100,000 kongregasyon. Bukod diyan, may 10,000,000 dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 2008 kasama ng mga Saksi ni Jehova. Malaki ang kahigitan nito sa nakaraang taon.

8. Bakit matagumpay ang ating pangangaral sa kabila ng pagsalansang?

8 Talagang nagiging lubusan na ang pagpapatotoo sa lahat ng bansa hinggil sa Kaharian ng Diyos! Ito ay sa kabila na si Satanas ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Cor. 4:4) Kontrolado niya ang pulitika, relihiyon, komersiyo, pati na ang media ng sanlibutang ito. Kung gayon, bakit matagumpay ang gawaing pagpapatotoo? Tiyak na dahil ito sa tulong ni Jehova. Kaya patuloy na sumusulong ang gawaing pangangaral sa kabila ng pagsisikap ni Satanas na pahintuin ito.

9. Bakit natin masasabing himala ang paglagong nararanasan ng bayan ng Diyos?

9 Oo, patuloy na nagtatagumpay ang gawaing pangangaral. Patuloy ring dumarami ang mga lingkod ni Jehova at lumalago ang kanilang kaalaman hinggil sa Diyos at sa kaniyang layunin. Maituturing ito na isang himala dahil kung wala ang patnubay at proteksiyon ng Diyos, hindi magiging posible ang gawaing pangangaral. (Basahin ang Mateo 19:26.) Sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos sa mga taong mapagbantay at handang maglingkod, tiyak na lubusang maisasakatuparan ang gawaing pangangaral na ito. “At kung magkagayon ay darating ang wakas.” Mabilis na dumarating ang panahong iyan.

“Malaking Kapighatian”

10. Paano inilarawan ni Jesus ang dumarating na malaking kapighatian?

10 Magwawakas ang sistemang ito sa “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:14) Hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano ito katagal, pero sinabi ni Jesus: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mat. 24:21) Nakaranas na ng maraming kapighatian ang sanlibutang ito, gaya noong Digmaang Pandaigdig II kung saan mga 50 hanggang 60 milyon ang namatay. Pero mas matindi pa ang mararanasan ng tao sa dumarating na malaking kapighatian. Magwawakas ito sa digmaan ng Armagedon kung kailan pupuksain ni Jehova ang bawat bahagi ng sistema ni Satanas sa lupa.​—Apoc. 16:14, 16.

11, 12. Anong pangyayari ang magiging hudyat ng malaking kapighatian?

11 Walang binabanggit ang Bibliya na espesipikong petsa kung kailan magsisimula ang unang yugto ng malaking kapighatian. Pero sinasabi nito sa atin kung anong pambihirang pangyayari ang magiging hudyat nito. Iyan ay ang pagwasak sa lahat ng huwad na relihiyon ng mga pulitikal na kapangyarihan. Ayon sa hula ng Apocalipsis kabanata 17 at 18, itinulad ang huwad na relihiyon sa isang patutot na nakikiapid sa pulitikal na mga sistema sa lupa. Sinasabi ng Apocalipsis 17:16 na darating ang panahon, “mapopoot [ang mga pulitikal na elementong ito] sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang kaniyang mga kalamnan at lubusan siyang susunugin sa apoy.”

12 Sa panahong iyon, ‘ilalagay ng Diyos sa mga puso ng mga pulitikal na tagapamahala’ na wasakin ang lahat ng huwad na relihiyon upang “isakatuparan ang kaniyang kaisipan.” (Apoc. 17:17) Oo, ito ang hatol ng Diyos sa mapagpaimbabaw na relihiyon na matagal nang nagtuturo ng mga doktrinang salungat sa kalooban ng Diyos at umuusig sa kaniyang mga lingkod. Hindi inaasahan ng sanlibutan na sasapitin ito ng huwad na relihiyon. Pero inaasahan ito ng mga tapat na lingkod ni Jehova. At sa mga huling araw na ito, ipinangangaral nila sa mga tao ang tungkol dito.

13. Ano ang nagpapahiwatig na mabilis na magaganap ang pagkawasak ng huwad na relihiyon?

13 Talagang mabibigla ang mga tao kapag winasak na ang huwad na relihiyon. Inihula ng Bibliya na maging ang ilan sa “mga hari sa lupa” ay magsasabi: “Sa aba, sa aba, . . . sapagkat sa isang oras ay dumating ang paghatol sa iyo!” (Apoc. 18:9, 10, 16, 19) Ipinapakita ng pananalitang “isang oras” na mabilis itong magaganap.

14. Kapag sinalakay na ng mga kaaway ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, ano ang gagawin ng Diyos?

14 Alam natin na pagkatapos wasakin ang huwad na relihiyon, sasalakayin naman ang mga lingkod ni Jehova, na nagpapahayag ng mga mensahe ng kaniyang hatol. (Ezek. 38:14-16) Kapag nagsimula ang pagsalakay na iyan, si Jehova na ang haharapin nila yamang nangako siyang iingatan niya ang kaniyang bayan. Sinabi niya: “Dahil sa aking pag-aalab, dahil sa apoy ng aking poot ay magsasalita ako. . . . At kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.” (Basahin ang Ezekiel 38:18-23.) Sinabi rin niya: “Siya na humihipo sa inyo [ang kaniyang tapat na mga lingkod] ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zac. 2:8) Kaya kapag sinalakay ng kaniyang mga kaaway ang kaniyang mga lingkod sa buong daigdig, kikilos na si Jehova. Ito ang huling yugto ng malaking kapighatian​—ang Armagedon. Sa pangunguna ni Kristo, ilalapat ng hukbo ng mga anghel ang hatol ni Jehova sa sanlibutan ni Satanas.

Ano ang Dapat Nating Gawin?

15. Ano ang dapat nating gawin yamang alam nating malapit nang magwakas ang sistemang ito?

15 Ano ang dapat nating gawin yamang alam natin na napakalapit nang magwakas ang masamang sistemang ito? Sumulat si apostol Pedro: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!” (2 Ped. 3:11, 12) Idiniriin ng mga salitang ito na dapat makita sa ating buhay ang pag-ibig at debosyon kay Jehova. Dapat nating tiyakin na ginagawa natin ang hinihiling sa atin ng Diyos. Kasama rito ang pangangaral ng mabuting balita sa abot ng ating makakaya bago dumating ang wakas. Isinulat din ni Pedro: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. . . . Maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.” (1 Ped. 4:7) Nagiging malapít tayo kay Jehova kapag palagi tayong nananalangin sa kaniya upang hingin ang kaniyang patnubay sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at ng kaniyang kongregasyon. Sa paggawa nito, naipapakita natin na mahal natin siya.

16. Bakit dapat nating tiyakin na sinusunod natin ang payo ng Diyos?

16 Sa mapanganib na panahong ito, dapat nating tiyakin na sinusunod natin ang payo ng Salita ng Diyos: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efe. 5:15, 16) Napakalaganap na ng kasamaan ngayon. Maraming ginagawa si Satanas para hadlangan ang mga tao sa paggawa ng kalooban ni Jehova o ilihis ang kanilang pansin upang hindi sila maglingkod sa Diyos. Alam natin ito, at ayaw nating hayaan ang anumang bagay na makaapekto sa ating katapatan sa Diyos. Batid din natin kung ano ang malapit nang maganap. Dahil dito, nagtitiwala tayo na tutuparin ni Jehova ang kaniyang layunin.​—Basahin ang 1 Juan 2:15-17.

17. Ilarawan ang magiging reaksiyon ng mga makaliligtas sa Armagedon kapag naganap ang pagkabuhay-muli.

17 Sinasabi ng Bibliya ang napakagandang pangakong ito: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Oo, magkakaroon ng pagkabuhay-muli dahil si Jehova mismo ang nangako nito! Sinasabi sa Isaias 26:19: “Ang iyong mga patay ay mabubuhay. . . . Gumising kayo at humiyaw nang may kagalakan, kayong mga tumatahan sa alabok! . . . Maging yaong mga inutil sa kamatayan ay palalaglagin ng lupa upang maipanganak.” Yamang tinupad na ng Diyos ang iba pang mga hula, makapagtitiwala tayo na tutuparin din niya ang pangakong ito sa bagong sanlibutan. Napakasaya ngang makita ang mga binuhay-muli na kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay! Oo, magwawakas na ang sanlibutan ni Satanas, at malapit nang dumating ang bagong sanlibutan ng Diyos. Napakahalaga ngang maging mapagbantay!

Naaalaala Mo Ba?

• Ano ang tema ng turo ni Jesus?

• Gaano kalaganap ang gawaing pangangaral sa ngayon?

• Bakit napakahalaga na maging mapagbantay?

• Bakit nakapagpapatibay sa iyo ang pangako sa Gawa 24:15?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 16, 17]

 NAGSIMULA NA ANG MAGULONG PANAHON

The Age of Turbulence: Adventures in a New World (Ang Magulong Panahon: Pakikipagsapalaran sa Bagong Daigdig) ang pamagat ng aklat ni Alan Greenspan na inilabas noong 2007. Halos 20 taon siyang tsirman ng United States Federal Reserve Board. Ito ang nangangasiwa sa sistema ng mga bangko sa Amerika. Idiniin ni Greenspan ang kitang-kitang pagkakaiba sa situwasyon ng daigdig bago at pagkatapos ng 1914:

“Ayon sa mga ulat bago noong 1914, tila hindi mapipigilan ang pagsulong ng sibilisasyon ng daigdig at waring patungo na sa kasakdalan ang tao. Nagwakas na noong ikasiyam na siglo ang walang-awang pagbebenta ng mga alipin. Waring naglaho na ang makahayop na karahasan. . . . Sumulong din noon ang teknolohiya anupat nagkaroon ng tren, telepono, de-kuryenteng ilaw, sinehan, kotse, mga appliance, at marami pang iba. Dahil sa pagsulong sa medisina at nutrisyon, at dahil mas madali nang makakuha ng malinis na tubig, humaba ang buhay ng tao . . . Inakala ng lahat na tuloy na tuloy na ang mga pagsulong na ito.”

Pero . . . “Bagaman mas maraming namatay noong Digmaang Pandaigdig II, mas mapangwasak naman sa sibilisasyon ang Digmaang Pandaigdig I: winasak nito ang isang pangarap. Hindi ko pa rin mabura sa isip ko ang magandang kalagayan ng daigdig bago ang Digmaang Pandaigdig I, nang waring hindi mapigilan ang pagsulong ng tao. Kung ihahambing noong nakalipas na siglo, ibang-iba ang ating pananaw ngayon pero mas makatotohanan ito. Ang terorismo kaya, pag-init ng globo, o paglakas ng impluwensiya ng masa ay magkakaroon ng malaking epekto sa lipunan ng tao gaya ng naging epekto noon ng Digmaang Pandaigdig I? Walang nakakaalam.”

Natatandaan ni Greenspan na noong estudyante pa siya, sinabi ni Benjamin M. Anderson (1886-1949), isang propesor sa ekonomiks: “Talagang malaki ang panghihinayang ng mga taong may isip na bago pa ang Digmaang Pandaigdig I. Tiwasay ang buhay noon at hindi na ito muling naranasan pa.”​—Economics and the Public Welfare.

Ganiyan din ang naging konklusyon sa aklat ni G. J. Meyer na A World Undone na inilathala noong 2006. Ganito ang mababasa natin: “Madalas sabihing ‘nababago ang lahat’ dahil sa makasaysayang mga pangyayari. Totoo ito sa Malaking Digmaan [1914-1918]. Nabago ng digmaang ito ang lahat: hindi lamang mga hangganan, mga pamahalaan, at kapalaran ng mga bansa, kundi pati na rin ang pananaw ng tao sa daigdig at sa kanilang sarili. Lumikha ito ng isang makabagong daigdig na ibang-iba sa tiwasay na daigdig noon.”

[Larawan sa pahina 18]

Sa Armagedon, gagamitin ni Jehova ang kaniyang hukbo ng mga anghel