Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglilingkod sa Diyos Nang May “Iisang Puso at Kaluluwa”

Paglilingkod sa Diyos Nang May “Iisang Puso at Kaluluwa”

Paglilingkod sa Diyos Nang May “Iisang Puso at Kaluluwa”

NAGTIPUN-TIPON sa harap ng mga alagad ni Jesu-Kristo ang mga Judio at proselita. Kapistahan ng Pentecostes noon sa Jerusalem, at ang mga taong ito ay nanggaling pa sa Roma sa kanluran at sa Parthia sa silangan. Iba’t ibang wika ang maririnig sa pulutong na ito. Pero ang mga alagad ni Jesus na nakikipag-usap sa mga taong ito ay taga-Galilea. Ang ilang nagulumihanang Judio at proselita ay nagtanong: “Paano ngang naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang kaniyang sariling wika na kinapanganakan natin?”​—Gawa 2:8.

Tumayo si apostol Pedro at ipinaliwanag ang saligan ng himalang nasaksihan nila. Kaagad na tumugon ang mga tao. Libu-libo ang nabautismuhan! (Gawa 2:41) Bagaman mabilis lumago ang kongregasyon, nanatili itong nagkakaisa. “Ang karamihan niyaong mga naniwala ay may iisang puso at kaluluwa,” ang sabi ng manunulat ng Bibliya na si Lucas.​—Gawa 4:32.

Libu-libo sa nagpabautismo nang araw na iyon ng Pentecostes 33 C.E. ang nagnanais na manatili nang mas matagal sa Jerusalem upang matuto pa nang higit tungkol sa kanilang bagong pananampalataya. Pero hindi nila napaghandaan ang kanilang pananatili sa Jerusalem. Kaya pansamantala, nagkaroon ng pangongolekta ng salapi para tulungan ang mga bagong Kristiyanong ito. Ang ilang mananampalataya ay kusang-loob na nagbenta ng mga ari-arian at dinala ang pera sa mga apostol upang maipamahagi sa mga nangangailangan. (Gawa 2:42-47) Napakainam nga ng kanilang maibigin at bukas-palad na saloobin!

Ang mga tunay na Kristiyano ay laging nagpapakita ng gayong pag-ibig at pagkabukas-palad. Sa ngayon, ang kongregasyong Kristiyano ay patuloy na naglilingkod kay Jehova nang may “iisang puso at kaluluwa.” Ang indibiduwal na mga Kristiyano ay bukas-palad na nagbibigay ng kanilang panahon, lakas, at salapi para maipangaral ang mabuting balita at maitaguyod ang kapakanan ng Kaharian ng Diyos.​—Tingnan ang kahong  “Kung Paano Nagbibigay ng Donasyon ang Iba.”

[Kahon sa pahina 6, 7]

 KUNG PAANO NAGBIBIGAY NG DONASYON ANG IBA

MGA KONTRIBUSYON SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagbubukod ng halagang ihuhulog nila sa mga kahon ng kontribusyon na may markang “Pambuong-Daigdig na Gawain.”

Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga pondong ito sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa kani-kanilang bansa. Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ding tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga tseke na ipadadala sa nabanggit na adres ay dapat ipangalan sa “Watch Tower Society.” Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ding iabuloy. Dapat ilakip sa mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

CONDITIONAL-DONATION TRUST ARRANGEMENT

Ang salapi ay maaaring ilagak sa Watch Tower Society para magamit sa pambuong-daigdig na gawain. Pero kung hilingin ng nag-abuloy ang salapi, ito ay maibabalik sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa Treasurer’s Office sa nabanggit na adres sa itaas.

MGA PLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod sa tuwirang mga kaloob na salapi, may iba pang mga paraan ng pagbibigay para sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Seguro: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang life insurance policy o ng isang retirement/pension plan.

Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na mga deposito sa pagreretiro ay maaaring ipangalan o ibigay sa Watch Tower Society kapag namatay ang nagbigay ng donasyon, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Stock at Bond: Ang mga stock at bond ay maaaring ibigay na donasyon sa Watch Tower Society bilang tuwirang kaloob.

Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob. Maaari din namang patuloy na makapaninirahan doon ang nagkaloob habang siya’y nabubuhay. Makipag-ugnayan muna sa tanggapang pansangay sa inyong bansa bago ilipat ang titulo ng anumang lupa’t bahay.

Gift Annuity: Ang gift annuity ay isang kaayusan kung saan ang isa ay maaaring maglipat ng salapi o mga panagot sa isang itinalagang korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Kapalit nito, ang nagkaloob, o isa na itinalaga ng nagkaloob, ay tatanggap ng espesipikong annuity payment bawat taon habang siya’y nabubuhay. Ang nagkaloob ay tatanggap ng kabawasan sa bayaring buwis para sa taon kung kailan naayos ang gift annuity.

Testamento at Trust: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang legal na testamento, o kaya’y puwedeng gawing benepisyaryo sa isang trust agreement ang Watch Tower Society. Maaaring mabawasan ang ilang bayarin sa buwis kapag ang trust ay napapakinabangan ng isang organisasyong relihiyoso.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga plano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkakaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais suportahan ang pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isa sa mga plano sa pagkakawanggawa, isang brosyur na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila. Ang brosyur ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagkakaloob sa ngayon o sa pamamagitan ng pagpapamana kapag namatay ang nagbigay ng donasyon. Matapos mabasa ang brosyur at makonsulta ang kani-kanilang tagapayo sa batas o buwis, marami ang nakatulong sa pagsuporta sa relihiyosong mga gawain at pagkakawanggawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Sa paggawa nito, napalaki nila ang kanilang mga benepisyo sa buwis. Maaaring makuha ang brosyur na ito sa pamamagitan ng paghiling ng kopya sa Charitable Planning Office.

Para sa higit pang impormasyon, maaari kang makipag-ugnayan sa Charitable Planning Office, sa pamamagitan ng pagsulat o ng pagtawag sa telepono, sa adres na nakatala sa ibaba, o maaari kang makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa.

Charitable Planning Office

Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc.

186 Roosevelt Avenue

San Francisco del Monte

1105 Quezon City

Telepono: (02) 411-6090