Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anong Uri ng Pagkatao ang Nais Mo?

Anong Uri ng Pagkatao ang Nais Mo?

Anong Uri ng Pagkatao ang Nais Mo?

TINANONG ng isang hepe ng pulisya sa isang bayan sa Pilipinas ang isang payunir, “Ano’ng ginawa n’yo sa taong iyon at natulungan n’yo siyang magbago?” Itinuro niya ang makapal na salansan ng mga papel sa mesa at sinabi: “Alam mo bang mga rekord ito ng lahat ng kasong isinampa laban sa kaniya noon? Natulungan n’yo kaming maalis ang isa sa mga sakit ng ulo sa bayang ito.” Ang lalaking pinag-uusapan nila ay dating lasenggo at basag-ulero na laging nagpapasimuno ng gulo. Ano ang nagpakilos sa lalaking iyon para gumawa ng napakalaking pagbabago sa buhay niya? Ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Isinapuso ng marami ang payo ni apostol Pablo na ‘alisin ang lumang personalidad na naaayon sa kanilang dating landasin ng paggawi at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos.’ (Efe. 4:22-24) Malaki man o maliit ang pagbabagong kailangan nating gawin, ang pagbibihis ng bagong personalidad ay katunayan ng pagiging Kristiyano.

Subalit ang mga ginawa nating pagbabago at ang pagsulong natin tungo sa pagpapabautismo ay pasimula pa lamang. Nang iharap natin ang ating sarili sa bautismo sa tubig, katulad na katulad tayo ng isang piraso ng kahoy na sinisimulan pa lamang ukitin. Para bang nakikini-kinita mo na ang kalalabasan nito, pero napakarami pang dapat gawin. Inuukit ito hanggang sa pinakamaliliit na detalye para makita ang kagandahan nito. Nang bautismuhan tayo, taglay natin ang mga pangunahing katangian na hinihiling para maging lingkod ng Diyos. Gayunman, kailangan pa rin nating linangin ang bagong personalidad. Kailangan tayong gumawa ng mga pagbabago para patuloy na sumulong.

Kahit si Pablo ay nakadama rin na kailangan niyang sumulong. Inamin niya: “Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.” (Roma 7:21) Alam ni Pablo kung sino siya talaga at kung anong pagkatao ang gusto niyang linangin. Kumusta naman tayo? Kailangan din nating tanungin ang ating sarili: ‘Ano ba ang nasa puso ko? Sino ba talaga ako? Anong uri ng pagkatao ang nais kong linangin?’

Ano ang Nasa Puso Ko?

Kapag inaayos natin ang isang lumang bahay, hindi sapat na basta pinturahan lamang ang labas nito kung nabubulok naman ang mga biga. Kung hindi natin kukumpunihin ang mga sira sa istraktura, mas maraming problema ang lilitaw sa kalaunan. Sa katulad na paraan, hindi sapat na ipakita sa mga tao na matuwid tayo. Kailangan nating suriin ang ating pagkatao at alamin ang mga kahinaan na kailangang baguhin. Kung hindi natin ito gagawin, maaaring lumitaw muli ang di-kanais-nais na mga ugali. Kung gayon, dapat na suriin natin ang ating sarili. (2 Cor. 13:5) Kailangan nating matukoy ang ating di-kanais-nais na mga ugali at ituwid ito. Para magawa iyon, si Jehova ay naglaan ng tulong sa atin.

Isinulat ni Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Ang mensahe ng nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay maaaring magkaroon ng napakalakas na impluwensiya sa ating buhay. Tumatagos ito hanggang sa kaloob-looban natin​—sa diwa, sa ating utak sa buto. Isinisiwalat nito ang ating mga kaisipan at motibo, inilalantad nito kung ano talaga ang nasa puso natin kung ihahambing sa ipinakikita natin sa iba o sa pagkakilala natin sa ating sarili. Talaga ngang natutulungan tayo ng Salita ng Diyos na malaman ang mga kahinaan natin!

Kapag inaayos natin ang isang lumang bahay, hindi sapat na basta palitan lamang ang nasirang materyales. Ang pag-alam sa sanhi ng pagkasira ay makatutulong sa atin na gumawa ng paraan para hindi na lumitaw pa ang gayong sira sa susunod. Sa katulad na paraan, ang pagtukoy sa ating di-magagandang ugali at pag-alam kung ano ang sanhi nito ay makatutulong sa atin na makontrol ang ating mga kahinaan. Maraming salik ang nakaaapekto sa paghubog sa ating personalidad. Kasali rito ang katayuan natin sa lipunan, kalagayan sa kabuhayan, kapaligiran, kultura, mga magulang, mga kasamahan, at relihiyon. Kahit ang mga programa sa telebisyon at mga pelikulang pinanonood natin, gayundin ang iba pang uri ng libangan ay nakaaapekto sa ating personalidad. Kapag alam natin kung anong mga impluwensiya ang nakakapagpasama sa ating personalidad, mas maiiwasan natin ito.

Pagkatapos nating suriin ang ating sarili, baka sabihin natin, ‘Ganito na talaga ako.’ Mali ang ganitong pangangatuwiran. Tungkol sa mga kabilang sa kongregasyon sa Corinto na dating mga mapakiapid, homoseksuwal, lasenggo, at may iba pang masamang paggawi, sinabi ni Pablo: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayong malinis . . . sa espiritu ng ating Diyos.” (1 Cor. 6:9-11) Sa tulong ng espiritu ni Jehova, magagawa rin nating magbago.

Isaalang-alang ang nangyari kay Marcos, * na nakatira sa Pilipinas. Nagkomento si Marcos tungkol sa kaniyang kinalakhan: “Laging nag-aaway ang mga magulang ko. Iyan ang dahilan kung bakit nagrebelde ako sa edad na 19.” Naging bantog si Marcos sa pagsusugal, pagnanakaw, at pangho-holdap. May plano pa nga siya at ang mga kasamahan niya na mang-hijack ng isang eroplano, pero hindi ito natuloy. Nang mag-asawa na siya, nagpatuloy pa rin siya sa kaniyang masasamang gawain. Halos naubos ang kaniyang kabuhayan dahil sa pagsusugal. Hindi nagtagal, nakisali si Marcos sa pag-aaral ng Bibliya ng kaniyang asawa na nakikipag-aral noon sa mga Saksi ni Jehova. Sa simula, nadama niyang hindi siya karapat-dapat maging Saksi. Gayunman, ang pagkakapit niya ng kaniyang natutuhan at pagdalo sa mga pagpupulong ay nakatulong kay Marcos na iwan ang dati niyang pamumuhay. Isa na siyang bautisadong Kristiyano ngayon at regular na nagtuturo sa iba na gumawa rin ng pagbabago sa kanilang buhay.

Anong Pagkatao ang Nais Mo?

Anong mga pagbabago ang kailangan nating gawin para mapasulong ang ating Kristiyanong mga katangian? Pinapayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Alisin nga ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa. Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito.” Nagpatuloy pa ang apostol: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”​—Col. 3:8-10.

Kaya ang pangunahin nating tunguhin ay hubarin ang lumang personalidad at isuot ang bagong personalidad. Anong mga katangian ang dapat nating linangin para magawa ito? Sinabi ni Pablo: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan ng pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col. 3:12-14) Ang lubusang pagsisikap na linangin ang gayong mga katangian ay tutulong sa atin na maging “higit na kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.” (1 Sam. 2:26) Noong nasa lupa si Jesus, namukod-tangi siya sa pagpapakita ng makadiyos na mga katangian. Kung pag-aaralan natin at tutularan ang halimbawa ni Kristo, lalong makikita sa ating personalidad ang kaniyang mga katangian at sa gayo’y nagiging ‘mga tagatulad tayo sa Diyos.’​—Efe. 5:1, 2.

Ang isa pang paraan para malaman ang mga pagbabagong kailangan nating gawin ay sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga tauhan ng Bibliya, partikular na ang kanilang magagandang katangian at ang kanilang mga kapintasan. Halimbawa, isipin mo si Jose, anak ng patriyarkang si Jacob. Kahit na dumanas siya ng kawalang-katarungan, nanatiling positibo at mabuti ang kalooban ni Jose. (Gen. 45:1-15) Kabaligtaran naman si Absalom na anak ni Haring David. Nagkunwari siyang may matinding pagmamalasakit sa mga tao at hinangaan siya dahil sa kaniyang kaguwapuhan. Pero ang totoo, isa siyang traidor at mamamaslang. (2 Sam. 13:28, 29; 14:25; 15:1-12) Hindi maituturing na talagang kaakit-akit ang isa dahil sa pakunwaring kabutihan at panlabas na kagandahan.

Puwede Nating Pasulungin ang Ating Pagkatao

Para mapasulong natin ang ating personalidad at maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, kailangang bigyang-pansin natin ang ating pagkatao. (1 Ped. 3:3, 4) Upang magawa ito, kailangang matukoy natin ang ating di-magagandang ugali at ang sanhi nito, at pagkatapos ay linangin natin ang makadiyos na mga katangian. Makatitiyak ba tayo na magtatagumpay ang ating pagsisikap na magbago?

Oo, sa tulong ni Jehova, puwede tayong magbago. Tulad ng salmista, puwede nating ipanalangin: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag.” (Awit 51:10) Makahihiling tayo ng espiritu ng Diyos upang sumidhi ang ating pagnanais na maiayon nang lubusan ang ating buhay sa kaniyang kalooban. Tunay nga, maaari tayong maging kaibig-ibig sa paningin ni Jehova!

[Talababa]

^ Hindi niya tunay na pangalan.

[Larawan sa pahina 4]

Sapat na bang pinturahan ang labas ng bahay na ito na nasira ng bagyo?

[Larawan sa pahina 5]

Ang personalidad mo ba ngayon ay tulad ng kay Kristo?