Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham kay Tito, kay Filemon, at sa mga Hebreo
ILANG panahon matapos palayain si apostol Pablo sa kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma noong 61 C.E., pumunta siya sa isla ng Creta. Nang makita ni Pablo na kailangang patibayin ng mga kongregasyon sa Creta ang kanilang kaugnayan kay Jehova, hiniling niya kay Tito na manatili roon. Nang maglaon, sumulat si Pablo kay Tito para bigyan siya ng tagubilin at tiyaking ang kaniyang gawain ay isang atas mula sa apostol. Malamang na isinulat ni Pablo ang liham na ito mula sa Macedonia.
Mas maaga pa rito, bago palayain si Pablo sa pagkabilanggo noong 61 C.E., sumulat siya kay Filemon, isang kapatid na Kristiyano na nakatira sa Colosas. Isa itong pagsusumamo sa isang kaibigan.
Noong mga 61 C.E., sumulat din si Pablo sa mga Hebreong mananampalataya sa Judea para ipakita ang kahigitan ng Kristiyanismo sa sistemang Judio. Ang tatlong liham na ito ay naglalaman ng napakahalagang payo para sa atin.—Heb. 4:12.
MANATILING MALUSOG SA ESPIRITUWAL
Pagkatapos maglaan ng gabay para sa “[pag-aatas] ng matatandang lalaki sa bawat lunsod,” pinayuhan ni Pablo si Tito na ‘patuloy na sawayin nang may kahigpitan ang mga taong di-masupil, upang maging malusog sila sa pananampalataya.’ Pinayuhan din niya ang lahat ng kongregasyon sa Creta na “itakwil ang pagka-di-makadiyos . . . at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip.”—Tito 1:5, 10-13; 2:12.
Nagbigay si Pablo ng karagdagang payo para tulungan ang mga kapatid sa Creta na manatiling malusog sa espirituwal. Tinagubilinan niya si Tito na ‘iwasan ang mga mangmang na pagtatanong at mga pag-aaway tungkol sa Kautusan.’—Tito 3:9.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:15—Paano maaaring ang “lahat ng bagay” ay maging “malinis sa mga taong malinis,” ngunit di-malinis “sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya”? Para masagot ito, kailangan nating maunawaan kung ano ang nais tukuyin ni Pablo sa “lahat ng bagay.” Hindi niya tinutukoy ang mga bagay na tuwirang hinatulan ng Salita ng Diyos, kundi sa halip ay ang mga bagay na may kaugnayan sa pagpapasiya ng isang mananampalataya ayon sa kaniyang budhi. Kapag ang isang tao ay nag-iisip kaayon ng mga pamantayan ng Diyos, ang gayong mga bagay ay malinis. Kabaligtaran ito ng isa na may pilipit na pag-iisip at narungisang budhi. *
3:5—Paanong ang mga pinahirang Kristiyano ay ‘iniligtas sa pamamagitan ng paghuhugas’ at ‘ginawang bago ng banal na espiritu’? Sila ay ‘iniligtas sa pamamagitan ng paghuhugas’ sa diwa na hinugasan, o nilinis, sila ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Jesus sa bisa ng haing pantubos. Sila ay ‘ginawang bago ng banal na espiritu’ dahil naging “isang bagong nilalang” sila bilang espiritung mga anak ng Diyos.—2 Cor. 5:17.
Mga Aral Para sa Atin:
1:10-13; 2:15. Dapat na lakas-loob na ituwid ng mga tagapangasiwang Kristiyano ang mga mali sa loob ng kongregasyon.
2:3-5. Tulad noong unang siglo, ang may-gulang na mga babaing Kristiyano ay kailangang “maging mapagpitagan sa paggawi, hindi naninirang-puri, ni napaaalipin man sa maraming alak, mga guro ng kabutihan.” Sa ganitong paraan, nagiging mas epektibo sila kapag personal nilang pinapayuhan ang “mga kabataang babae” sa loob ng kongregasyon.
3:8, 14. Ang pagtutuon ng ating “mga kaisipan sa pagpapanatili ng maiinam na gawa” ay “mabuti at kapaki-pakinabang” sapagkat tinutulungan tayo nito na maging mabunga sa paglilingkod sa Diyos at manatiling hiwalay sa balakyot na sanlibutang ito.
MAGPAYO “SALIG SA PAG-IBIG”
Pinuri si Filemon dahil sa kaniyang pagiging isang uliran sa “pag-ibig at pananampalataya.” Siya ay pinagmumulan ng kaginhawahan para sa mga kapuwa Kristiyano kaya naman nagkaroon ng “malaking kagalakan at kaaliwan” si Pablo.—Flm. 4, 5, 7.
Sa liham na ito, nagpakita si Pablo ng halimbawa para sa lahat ng tagapangasiwa. Nang asikasuhin niya ang maselan na usapin hinggil kay Onesimo, sa halip na utusan niya si Filemon, pinayuhan niya ito “salig sa pag-ibig.” Sinabi niya kay Filemon: “Yamang nagtitiwala sa iyong pagsunod, ako ay sumusulat sa iyo, sa pagkaalam na gagawin mo ang higit pa kaysa sa mga bagay na sinasabi ko.”—Flm. 8, 9, 21.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
10, 11, 18—Paano naging “kapaki-pakinabang” si Onesimo na dating “walang silbi”? Si Onesimo ay isang alipin sa sambahayan ni Filemon sa Colosas. Ayaw niyang magpasakop sa kaniyang amo at tumakas siya patungong Roma. Malamang na nagnakaw rin si Onesimo sa kaniyang amo para matutustusan ang paglalakbay niyang ito na umaabot ng 1,400 kilometro. Tunay ngang naging walang silbi siya kay Filemon. Gayunman habang nasa Roma, tinulungan ni Pablo si Onesimo na maging Kristiyano. Ngayong isa nang Kristiyano, ang dating ‘walang-silbing’ aliping ito ay naging “kapaki-pakinabang.”
15, 16—Bakit hindi hiniling ni Pablo kay Filemon na palayain si Onesimo sa pagkakaalipin? Nais ni Pablo na lubusang ganapin ang kaniyang atas na ‘ipangaral ang kaharian ng Diyos at ituro ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo.’ Kaya pinili niyang huwag manghimasok sa mga usaping panlipunan, gaya ng usapin tungkol sa pagkaalipin.—Gawa 28:31.
Mga Aral Para sa Atin:
2. Ipinagamit ni Filemon ang kaniyang tahanan para sa mga Kristiyanong pagpupulong. Isang pribilehiyo para sa atin na ipagamit ang ating tahanan para sa pagtitipon sa paglilingkod sa larangan.—Roma 16:5; Col. 4:15.
4-7. Dapat tayong magkusa na papurihan ang ating mga kapananampalataya na uliran sa pananampalataya at pag-ibig.
15, 16. Hindi natin dapat hayaan na labis tayong mabalisa sa masasamang pangyayari sa ating buhay. Maaaring maganda ang maging resulta nito, gaya ng nangyari kay Onesimo.
21. Inaasahan ni Pablo na patatawarin ni Filemon si Onesimo. Sa katulad na paraan, inaasahan din na magiging mapagpatawad tayo sa isang kapatid na maaaring nakasakit sa atin.—Mat. 6:14.
‘SUMULONG TUNGO SA PAGKAMAYGULANG’
Para patunayan na ang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus ay mas nakahihigit sa mga gawa ng Kautusan, idiniin ni Pablo ang kagalingan ng Tagapagtatag ng Kristiyanismo, ang kaniyang pagkasaserdote, ang kaniyang hain, at ang bagong tipan. (Heb. 3:1-3; 7:1-3, 22; 8:6; 9:11-14, 25, 26) Tiyak na nakatulong ang kaalamang ito sa mga Kristiyanong Hebreo para batahin ang pag-uusig na kanilang nararanasan sa kamay ng mga Judio. Hinimok ni Pablo ang mga kapananampalatayang Hebreo na ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang.’—Heb. 6:1.
Gaano kahalaga sa isang Kristiyano ang pananampalataya? “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan nang lubos [ang Diyos],” ang sulat ni Pablo. Hinimok niya ang mga Hebreo: “Takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin,” anupat ginagawa ito nang may pananampalataya.—Heb. 11:6; 12:1.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:14, 15—Ang kakayahan ba ni Satanas na “magpangyari ng kamatayan” ay nagpapahiwatig na kaya niyang patayin ang sinumang nais niya? Hindi gayon. Subalit nang magsimula ang balakyot na landasin ni Satanas sa Eden, ang kaniyang kasinungalingan ay nagdulot na ng kamatayan sapagkat nagkasala si Adan at naipasa nito ang kasalanan at kamatayan sa sangkatauhan. (Roma 5:12) Karagdagan pa, pinag-usig at pinatay ng mga alipores ni Satanas sa lupa ang mga lingkod ng Diyos, gaya ng ginawa nila kay Jesus. Pero hindi ito nangangahulugan na may kapangyarihan si Satanas na patayin ang sinumang nais niya. Kung totoo ito, tiyak na pinatay na niya noon pa man ang lahat ng mananamba ni Jehova. Ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan bilang isang grupo at hindi niya hahayaang malipol sila ni Satanas. Kahit pahintulutan man ng Diyos na mamatay ang ilan sa atin dahil sa mga pagsalakay ni Satanas, makapagtitiwala tayo na aalisin ng Diyos ang anumang pinsalang sumapit sa atin.
4:9-11—Paano tayo ‘makapapasok sa kapahingahan ng Diyos’? Pagkatapos ng anim na araw na paglalang, nagpahinga ang Diyos sa kaniyang mga gawang paglalang. Tiwala siya na matutupad ang kaniyang layunin may kinalaman sa lupa at sangkatauhan. (Gen. 1:28; 2:2, 3) ‘Pumapasok tayo sa kapahingahang iyon’ sa pamamagitan ng paghinto sa mga gawa ng pagbibigay-katuwiran sa sarili at pagtanggap sa paglalaan ng Diyos para sa ating kaligtasan. Kapag nananampalataya tayo kay Jehova at sinusunod ang kaniyang Anak sa halip na magtaguyod ng mapag-imbot na mga pakinabang, matatamasa natin ang kaginhawahan at mga pagpapala araw-araw.—Mat. 11:28-30.
9:16—Sino ang “taong nagpangyari ng [bagong] tipan”? Si Jehova ang Maylikha ng bagong tipan, samantalang si Jesus ang “taong nagpangyari ng tipan.” Si Jesus ang Tagapamagitan ng tipang iyon, at sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, inilaan niya ang kinakailangang hain para magkabisa ito.—Luc. 22:20; Heb. 9:15.
11:10, 13-16—Anong “lunsod” ang hinihintay ni Abraham? Hindi ito isang literal na lunsod kundi isa itong makasagisag na lunsod. Hinihintay ni Abraham ang “makalangit na Jerusalem,” na binubuo ni Kristo Jesus at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala. Ang mga kasamang tagapamahalang ito sa kanilang makalangit na kaluwalhatian ay tinatawag din bilang “ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem.” (Heb. 12:22; Apoc. 14:1; 21:2) Inaasam-asam ni Abraham ang buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.
12:2—Ano ang “kagalakang inilagay sa harap [ni Jesus]” kung saan “nagbata siya ng pahirapang tulos”? Ito ay ang kagalakang makita kung ano ang maisasagawa ng kaniyang ministeryo—kasama na ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos, pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos, at ang pagtubos sa sangkatauhan mula sa kamatayan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang buhay. Inaasam din ni Jesus ang gantimpalang mamamahala siya bilang Hari at maglilingkod bilang Mataas na Saserdote para sa kapakinabangan ng sangkatauhan.
13:20—Bakit tinutukoy ang bagong tipan bilang ‘walang-hanggan’? May tatlong dahilan: (1) Hindi ito kailanman papalitan, (2) ang mga naisagawa nito ay mananatili, at (3) patuloy na makikinabang ang “ibang mga tupa” sa kaayusan ng bagong tipan pagkatapos ng Armagedon.—Juan 10:16.
Mga Aral Para sa Atin:
5:14. Dapat tayong maging masikap na mga estudyante ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at ikapit ang ating natututuhan dito. Ito lamang ang paraan para ‘masanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’—1 Cor. 2:10.
6:17-19. Kapag matibay na nakasalig sa pangako ng Diyos ang ating pag-asa, hindi lilihis ang ating paglakad sa daan ng katotohanan.
12:3, 4. Sa halip na “manghimagod at manghina [ang ating] mga kaluluwa” dahil sa maliliit na pagsubok o pagsalansang na maaaring mapaharap sa atin, dapat tayong sumulong tungo sa pagkamaygulang at pasulungin ang kakayahan nating magbata sa mga pagsubok. Dapat tayong maging determinado na makipaglaban “hanggang sa dugo,” samakatuwid nga, hanggang sa kamatayan.—Heb. 10:36-39.
12:13-15. Hindi natin dapat hayaan ang “ugat na nakalalason,” o ang sinumang namimintas sa mga kaayusan sa loob ng kongregasyon, na humadlang sa atin na “gumawa ng tuwid na mga landas para sa [ating] mga paa.”
12:26-28. Ang “mga bagay na ginawa” ay hindi tumutukoy sa mga ginawa ng Diyos, kundi sa mga ginawa ng iba. Kasama na rito ang buong kasalukuyang sistema ng mga bagay, gayundin ang balakyot na “langit.” Ang mga bagay na ito ay lilipulin. Kapag nangyari iyan, ang “mga bagay na hindi niyayanig,” o ang Kaharian at ang mga sumusuporta rito, ang mananatili. Napakahalaga ngang maging masigasig tayo sa paghahayag hinggil sa Kaharian at mamuhay alinsunod dito!
13:7, 17. Kapag patuloy nating itinutuon ang ating pansin sa payong ito na maging masunurin at mapagpasakop sa mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon, mauudyukan tayo nito na makipagtulungan sa mga nangunguna.
[Talababa]