Ano ang Handa Mong Isakripisyo Para Makamit ang Buhay?
Ano ang Handa Mong Isakripisyo Para Makamit ang Buhay?
“Ano ang ibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?”—MAT. 16:26.
1. Bakit gayon na lamang ang naging reaksiyon ni Jesus sa sinabi ni Pedro?
HINDI makapaniwala si apostol Pedro sa kaniyang narinig. Sinabi nang “may pagkatahasan” ni Jesu-Kristo, ang kaniyang minamahal na Lider, na malapit na Siyang magdusa at mamatay! Kaya naman, tiyak na may mabuting intensiyon si Pedro nang sabihin niya kay Jesus: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” Tumalikod si Jesus kay Pedro at tumingin sa ibang mga alagad. Malamang na mayroon din silang gayong maling opinyon. Pagkatapos ay sinabi niya kay Pedro: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”—Mar. 8:32, 33; Mat. 16:21-23.
2. Ano ang sinabi ni Jesus na inaasahan sa isang tunay na alagad?
2 Maaaring nakatulong kay Pedro ang sumunod na sinabi ni Jesus para maunawaan kung bakit gayon ang naging reaksiyon ni Jesus sa sinabi niya. ‘Tinawag ni Jesus ang pulutong kasama ng kaniyang mga alagad’ at sinabi: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at sundan ako nang patuluyan. Sapagkat ang sinumang nagnanais magligtas ng kaniyang kaluluwa ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas nito.” (Mar. 8:34, 35) Dito ay ginamit ni Jesus ang salitang “kaluluwa” na nangangahulugang “buhay.” Maliwanag na batid niya na isasakripisyo niya ang kaniyang buhay pero inaasahan din niya na yaong mga sumusunod sa kaniya ay magiging handa rin na isakripisyo ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos. Kung gagawin nila ang gayon, sagana silang pagpapalain.—Basahin ang Mateo 16:27.
3. (a) Anong mga tanong ang ibinangon ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig? (b) Ano ang maaaring naalaala ng mga tagapakinig ni Jesus sa kaniyang pangalawang tanong?
3 Sa pagkakataon ding iyon, nagbigay si Jesus ng dalawang nakapupukaw-kaisipang tanong: “Ano ang pakinabang ng isang tao na matamo ang buong sanlibutan at maiwala ang kaniyang kaluluwa?” at, “Ano nga ang ibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?” (Mar. 8:36, 37) Simple lamang ang sagot sa unang tanong. Tiyak na hindi makikinabang ang isang tao, kahit matamo pa niya ang buong sanlibutan, kung maiwawala naman niya ang kaniyang buhay, ang kaniyang kaluluwa. Masisiyahan lamang siya sa kaniyang mga pag-aari habang buháy siya. Ang pangalawang tanong ni Jesus: “Ano nga ang ibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?” ay maaaring nagpaalaala sa kaniyang mga tagapakinig hinggil sa paratang ni Satanas noong panahon ni Job: “Ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Para sa ilang hindi sumasamba kay Jehova, baka totoo nga ang mga salita ni Satanas. Gagawin nila ang lahat anupat handa nilang talikuran ang kanilang prinsipyo para lamang mabuhay. Pero ibang-iba ang pangmalas ng mga Kristiyano.
4. Bakit malalim ang kahulugan ng mga tanong ni Jesus para sa mga Kristiyano?
4 Alam nating hindi pumarito si Jesus sa lupa para bigyan tayo ng mabuting kalusugan, kayamanan, at mahabang buhay sa sanlibutang ito. Pumarito siya para buksan ang pagkakataon na mabuhay tayo magpakailanman sa bagong sanlibutan, at ang pag-asang iyan ang talagang mahalaga sa atin. (Juan 3:16) Para sa isang Kristiyano, ang kahulugan ng unang tanong ni Jesus ay, “Ano ang pakinabang ng isang tao na matamo ang buong sanlibutan kung mawawala naman ang kaniyang pag-asang buhay na walang hanggan?” Ang sagot ay, Wala siyang matatamong kahit na anong pakinabang. (1 Juan 2:15-17) Para masagot natin ang pangalawang tanong ni Jesus, maaari nating tanungin ang ating sarili, ‘Ano ang handa kong isakripisyo sa ngayon para matiyak na makakamit ko ang pag-asang buhay sa bagong sanlibutan?’ Isinisiwalat ng sagot natin sa tanong na iyan, gaya ng makikita sa ating paraan ng pamumuhay, kung gaano katibay ang ating pananalig sa pag-asang buhay na walang hanggan.—Ihambing ang Juan 12:25.
5. Paano natin matatanggap ang kaloob na buhay na walang hanggan?
5 Sabihin pa, hindi ipinahihiwatig ni Jesus na nararapat tayong tumanggap ng buhay na walang hanggan bilang kabayaran sa ating pagsisikap. Ang buhay—maging ang ating maikling buhay sa sistemang ito ng mga bagay—ay isang kaloob. Hindi natin ito mabibili ni may magagawa man tayo para maging karapat-dapat tumanggap nito. Ang tanging paraan para matanggap natin ang kaloob na buhay na walang hanggan ay ‘manampalataya kay Kristo Jesus’ at kay Jehova, ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Gal. 2:16; Heb. 11:6) Gayunman, dapat nating patunayan na may pananampalataya tayo sa pamamagitan ng mga gawa, yamang ang “pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Sant. 2:26) Sa gayon, kung higit nating bubulay-bulayin ang tanong ni Jesus, maisasaalang-alang nating mabuti kung ano ang handa nating isakripisyo sa sistemang ito ng mga bagay at kung ano ang handa nating gawin sa paglilingkod kay Jehova para ipakitang talagang buháy ang ating pananampalataya.
“Ang Kristo ay Hindi Nagpalugod sa Kaniyang Sarili”
6. Ano ang pangunahin kay Jesus?
6 Sa halip na magtuon ng pansin si Jesus sa alok ng sanlibutan noong panahon niya, ginawa niyang pangunahin sa kaniyang buhay ang mahahalagang bagay at tinanggihan ang tuksong magkaroon ng materyal na mga bagay para maging maalwan ang kaniyang buhay. Huwaran siya sa pagsasakripisyo at pagsunod sa Diyos. Sa halip na paluguran ang kaniyang sarili, sinabi niya: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa [Diyos].” (Juan 8:29) Gaano kalaki ang isinakripisyo ni Jesus para mapaluguran ang Diyos?
7, 8. (a) Anong sakripisyo ang ginawa ni Jesus, at paano siya ginantimpalaan? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
7 Sa isang pagkakataon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Bago iyan, nang babalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na malapit na niyang “ibigay ang kaniyang kaluluwa,” hinimok siya ni Pedro na maging mabait sa kaniyang sarili. Pero nanatiling matatag si Jesus. Kusang-loob niyang ibinigay para sa sangkatauhan ang kaniyang kaluluwa, ang kaniyang sakdal na buhay-tao. Bilang resulta ng kaniyang di-makasariling landasin, naging tiyak ang kinabukasan ni Jesus. Binuhay siyang muli at “itinaas sa kanan ng Diyos.” (Gawa 2:32, 33) Kaya naman, isa siyang napakahusay na halimbawa para sa atin.
8 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Roma na “huwag magpalugod” sa kanilang sarili at ipinaalaala niya sa kanila na “maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.” (Roma 15:1-3) Kung gayon, ano ang handa nating isakripisyo para matularan ang Kristo?
Gusto ni Jehova na Ibigay Natin ang Ating Pinakamabuti
9. Ano ang nasasangkot kapag inialay ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili sa Diyos?
9 Sa sinaunang Israel, itinakda ng Kautusang Mosaiko na ang mga aliping Hebreo ay dapat palayain sa ikapitong taon ng kanilang paglilingkod o sa taon ng Jubileo. Pero kung iniibig ng isang alipin ang nagmamay-ari sa kaniya, maaari niyang ipasiya na manatiling alipin nito sa kaniyang buong buhay. (Basahin ang Deuteronomio 15:12, 16, 17.) Gumagawa rin tayo ng gayunding pagpapasiya kapag inialay natin ang ating sarili sa Diyos. Kusang-loob tayong sumang-ayon na gawin ang kaniyang kalooban at hindi ang ating sariling kagustuhan. Sa paggawa nito, ipinapakita natin ang ating malalim na pag-ibig kay Jehova at ang ating kagustuhang maglingkod sa kaniya magpakailanman.
10. Sa anong paraan tayo pag-aari ng Diyos, at paano ito dapat makaapekto sa ating pag-iisip at pagkilos?
10 Kung ikaw ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita, at dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, dapat kang papurihan. Umaasa kami na magpapasiya ka ring ialay ang iyong sarili kay Jehova at itanong din ang itinanong ng Etiope kay Felipe: “Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?” (Gawa 8:35, 36) Sa gayon, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging tulad ng sa mga Kristiyano na sa kanila’y isinulat ni Pablo: “Hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, sapagkat binili kayo sa isang halaga.” (1 Cor. 6:19, 20) Kapag inialay natin ang ating sarili kay Jehova, sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa, siya na ang May-ari sa atin. Kung gayon, napakahalaga ngang supilin ang ating makasariling pagnanasa at ‘huwag nang maging mga alipin ng mga tao’! (1 Cor. 7:23) Isa ngang napakalaking pribilehiyo na maging tapat na lingkod ni Jehova anupat handang gawin ang anumang nakalulugod sa kaniya!
11. Hinihimok ang mga Kristiyano na magbigay ng anong uri ng hain, at ano talaga ang ibig nitong sabihin gaya ng ipinakikita ng mga hain sa ilalim ng Kautusang Mosaiko?
11 Pinayuhan ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Maaaring ipinaalaala ng mga salitang ito sa mga Judiong Kristiyano ang mga hain na bahagi ng kanilang pagsamba bago sila naging mga tagasunod ni Jesus. Alam nila na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang hayop na dapat ihandog sa altar ni Jehova ay ang pinakamabuti. Hindi katanggap-tanggap ang may kapansanan. (Mal. 1:8, 13) Totoo rin iyan kapag inihaharap natin ang ating mga katawan na ‘isang buháy na hain.’ Ibinibigay natin kay Jehova ang pinakamabuti, hindi lamang yaong tira-tira matapos nating mabigyang-kasiyahan ang ating sarili. Kapag inialay natin ang ating sarili kay Jehova, walang pasubali nating ibinibigay sa kaniya ang ating “kaluluwa,” ang ating buhay—kasama na ang ating lakas, mga pag-aari, at kakayahan. (Col. 3:23) Paano natin ito magagawa?
Gamitin ang Iyong Panahon Nang May Katalinuhan
12, 13. Ano ang isang paraan para maibigay natin kay Jehova ang ating pinakamabuti?
12 Ang isang paraan para maibigay natin kay Jehova ang ating pinakamabuti ay sa pamamagitan ng paggamit ng ating panahon nang may katalinuhan. (Basahin ang Efeso 5:15, 16.) Para magawa ito, kailangan natin ang pagpipigil sa sarili. Dahil sa ating minanang di-kasakdalan at impluwensiya ng sanlibutan, nauudyukan tayo na gamitin ang ating panahon para lamang sa ating sariling kasiyahan o personal na kapakinabangan. Totoo, “sa lahat ng bagay ay may takdang panahon,” kasama na ang kasiya-siyang paglilibang at sekular na pagtatrabaho para matupad natin ang ating pananagutang Kristiyano. (Ecles. 3:1) Gayunman, kailangang manatiling timbang ang isang nakaalay na Kristiyano at gamitin ang kaniyang panahon nang may katalinuhan.
13 Nang dumalaw si Pablo sa Atenas, napansin niya na “lahat ng mga taga-Atenas at mga banyaga na nakikipamayan doon ay walang ibang pinaggugugulan ng kanilang libreng panahon maliban sa pagsasabi ng anumang bagay o sa pakikinig sa anumang bagay na bago.” (Gawa 17:21) Sa ngayon, marami rin ang nagsasayang ng kanilang panahon. Kasama sa mga pang-abala sa ngayon ang panonood ng telebisyon, paglalaro ng mga video game, at paggagalugad sa Internet. Parami nang parami ang mga bagay na umaagaw ng ating panahon. Kung hahayaan nating magambala tayo ng mga bagay na ito, baka mapabayaan natin ang ating espirituwal na mga pangangailangan. Baka nga maisip pa nating sobrang abala na natin para asikasuhin “ang mga bagay na higit na mahalaga”—mga bagay na may kaugnayan sa paglilingkod kay Jehova.—Fil. 1:9, 10.
14. Anong mga tanong ang dapat nating seryosong pag-isipan?
14 Kaya bilang nakaalay na lingkod ni Jehova, tanungin ang iyong sarili, ‘Kasama ba sa aking pang-araw-araw na iskedyul ang pagbabasa ng Bibliya, pagbubulay-bulay, at pananalangin?’ (Awit 77:12; 119:97; 1 Tes. 5:17) ‘Naglalaan ba ako ng panahon para maghanda sa mga Kristiyanong pagpupulong? Napapatibay ko ba ang iba sa pamamagitan ng aking pagkokomento sa mga pulong?’ (Awit 122:1; Heb. 2:12) Sinasabi ng Salita ng Diyos na gumugol si Pablo at si Bernabe ng “mahabang panahon sa pagsasalita nang may katapangan sa pamamagitan ng awtoridad ni Jehova.” (Gawa 14:3) Maaari ka bang gumawa ng mga pagbabago para gumugol ng mas maraming panahon, “mahabang panahon” pa nga, sa gawaing pangangaral, marahil ay makapaglingkod bilang payunir?—Basahin ang Hebreo 13:15.
15. Paano ginagamit ng matatanda ang kanilang panahon nang may katalinuhan?
15 Nang dumalaw si apostol Pablo at si Bernabe sa kongregasyong Kristiyano sa Antioquia, “gumugol sila ng hindi kakaunting panahon kasama ng mga alagad” para patibayin ang mga ito. (Gawa 14:28) Gayundin naman, ginagamit ng maibiging matatanda sa ngayon ang kanilang panahon para palakasin ang iba. Bukod pa sa kanilang paglilingkod sa larangan, nagsisikap ang matatanda na pastulan ang kawan, hanapin ang nawawalang tupa, tulungan ang may-sakit, at asikasuhin ang maraming iba pang pananagutan sa loob ng kongregasyon. Kung ikaw ay isang bautisadong brother, nagsisikap ka bang maging kuwalipikado para sa karagdagang mga pananagutang ito?
16. Anu-ano ang ilang paraan upang ‘makagawa tayo ng mabuti sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya’?
16 Marami ang nakadarama ng kagalakan sa pagtulong sa mga biktima ng likas na mga kalamidad o mga sakunang dulot ng tao. Halimbawa, isang sister, na mahigit 60 anyos at naglilingkod sa Bethel, ang ilang ulit na naglalakbay nang malayo para tumulong sa mga biktima ng sakuna. Bakit niya ginagamit ang kaniyang bakasyon sa ganitong paraan? Sinabi niya: “Bagaman wala akong pantanging kasanayan, isang pribilehiyo para sa akin na makatulong sa anumang kailangang gawin. Talagang napasisigla akong makita ang matibay na pananampalataya ng aking mga kapatid sa kabila ng pagkawala ng kanilang materyal na mga pag-aari.” Karagdagan pa, libu-libo sa buong daigdig ang tumutulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall. Kapag nakikibahagi tayo sa ganitong mga gawain, walang pag-iimbot tayong ‘gumagawa ng mabuti sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.’—Gal. 6:10.
“Ako ay Sumasainyo sa Lahat ng mga Araw”
17. Ano ang isasakripisyo mo para makamit ang buhay na walang hanggan?
17 Malapit nang mawala ang lipunan ng mga taong hiwalay sa Diyos. Hindi natin alam kung kailan ito eksaktong mangyayari. Pero alam natin na “ang panahong natitira ay maikli na” at “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (Basahin ang 1 Corinto 7:29-31.) Dahil dito, lalong naging mahalaga ang tanong ni Jesus: “Ano nga ang ibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?” Tiyak na gagawin natin ang anumang sakripisyo na hihilingin sa atin ni Jehova para makamit ang “tunay na buhay.” (1 Tim. 6:19) Tunay nga, mahalagang sundin ang payo ni Jesus na ‘sundan siya nang patuluyan’ at “hanapin muna ang kaharian.”—Mat. 6:31-33; 24:13.
18. Sa ano tayo makapagtitiwala, at bakit?
18 Totoo, ang pagsunod kay Jesus ay hindi laging madali, at katulad ng babala ni Jesus, may ilan pa ngang nagbuwis ng kanilang buhay sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunpaman, tulad ni Jesus, iniiwasan natin ang tukso na ‘maging mabait sa ating sarili.’ Nananampalataya tayo sa katiyakang ibinigay niya sa kaniyang mga pinahirang tagasunod noong unang siglo: “Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:20) Kung gayon, gamitin natin nang lubusan ang ating panahon at kakayahan sa sagradong paglilingkod. Habang ginagawa natin ito, ipinakikita natin ang ating pagtitiwala na iingatan tayo ni Jehova sa malaking kapighatian o bubuhayin niya tayong muli sa bagong sanlibutan. (Heb. 6:10) Sa ganitong paraan, maipapakita natin kung gaano natin pinahahalagahan ang kaloob na buhay.
Anu-ano ang Iyong Sagot?
• Paano nagpakita si Jesus ng namumukod-tanging halimbawa sa pagiging handang maglingkod sa Diyos at sa tao?
• Bakit dapat itatwa ng isa ang kaniyang sarili, at paano niya ito magagawa?
• Sa sinaunang Israel, anong uri lamang ng mga hain ang katanggap-tanggap kay Jehova, at paano ito kumakapit sa atin sa ngayon?
• Sa anu-anong paraan natin magagamit nang may katalinuhan ang ating panahon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 26]
Palaging ginagawa ni Jesus ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos
[Larawan sa pahina 28]
Ibinigay ng mga mapagpahalagang Israelita ang kanilang pinakamabuti para suportahan ang tunay na pagsamba
[Mga larawan sa pahina 29]
Napalulugdan natin ang Diyos kapag ginagamit natin ang ating panahon nang may katalinuhan